2010–2019
Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan
Oktubre 2016


15:45

Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan

Ang pagsisisi ay hindi lang posible kundi nakagagalak din dahil sa ating Tagapagligtas.

Mahal kong mga kapatid, noong 12 taong gulang ako, tumira ang aming pamilya sa Göteborg, isang lungsod sa may baybayin ng katimugang Sweden. Para sa kaalaman ninyo, ito rin ang bayang sinilangan ng aming minamahal na kasamahan na si Elder Per G. Malm,1 na pumanaw nitong tag-init. Palagi namin siyang naaalala. Nagpapasalamat kami sa kanyang pagiging marangal at sa kanyang dakilang paglilingkod at sa halimbawa ng kanyang napakabait na pamilya. At dalangin naming mapasakanila ang saganang pagpapala ng Diyos.

Limampung taon na ang nakararaan, nagsimba kami sa isang malaking bahay na ginawang chapel. Isang araw ng Linggo, masigla akong binati ng kaibigan kong si Steffan,2 na nag-iisang deacon sa branch bukod sa akin. Pumunta kami sa kalapit na overflow area ng chapel, at inilabas niya mula sa kanyang bulsa ang isang malaking paputok at ilang posporo. Bilang isang binatilyo na kunwari’y matapang, kinuha ko ang paputok at sinindihan ang mahaba at kulay-abong mitsa. Gusto ko sanang patayin ang sindi sa mitsa bago ito pumutok. Pero nang sinubukan ko ay napaso ang aking mga daliri kaya nabitiwan ko ang paputok. Takot na takot kami ni Steffan habang pinapanood naming maubos ang mitsa.

Sumabog ang paputok, at napuno ng amoy asupreng usok ang overflow area at ang chapel. Mabilis naming nilinis ang mga nagkalat na natira ng paputok at binuksan ang mga bintana para mapalabas ang amoy, pasimpleng umaasa na walang makakapansin. Buti na lang at walang nasaktan at walang pinsalang nangyari.

Pagdating ng mga miyembro sa miting, napansin nila ang nakakasulasok na amoy. Hindi ito maikakaila. Nakaabala ang amoy sa sagradong pagpupulong. Dahil iilan lang ang mga Aaronic Priesthood holder—nagpasa ako ng sakramento—na inaalis sa isip ko ang nangyari bago iyon—pero dama ko na hindi ako karapat-dapat na makibahagi nito. Nang inalok na sa akin ang trey ng sakramento, hindi ako kumuha ng tinapay at ng tubig. Napakasama ng pakiramdam ko. Nahiya ako, at alam kong hindi nalugod ang Diyos sa ginawa ko.

Pagkatapos ng simba, pinapunta ako sa kanyang opisina ni Frank Lindbergh, ang branch president na isang marangal at matandang lalaking puti na ang buhok. Pagkaupo ko, magiliw niya akong tiningnan at sinabing napansin niyang hindi ako nakibahagi sa sakramento. Tinanong niya ako kung bakit. Sa palagay ko ay alam niya kung bakit. Sigurado akong alam ng lahat ang nagawa ko. Pagkatapos kong sabihin sa kanya, tinanong niya kung ano ang pakiramdaman ko. Habang lumuluha, humihikbi kong sinabi sa kanya na nagsisisi ako at alam kong nabigo ko ang Diyos.

Binuksan ni President Lindberg ang isang lumang kopya ng Doktrina at mga Tipan at ipinabasa sa akin ang ilang nakasalungguhit na mga talata. Binasa ko nang malakas ang sumusunod:

“Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.

“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.”3

Hindi ko malilimutan ang mapagmahal na ngiti ni President Lindberg nang iangat ko ang aking ulo pagkatapos kong magbasa. Sinabi niya sa akin na nadama niya na maaari na akong muling makibahagi ng sakramento. Paglabas ko sa kanyang opisina, nakadama ako ng di-mailarawang kagalakan.

Ang kagalakang ito ay isa sa mga likas na bunga ng pagsisisi. Ang salitang magsisi ay nangangahulugan na “maunawaan pagkatapos” at nagpapahiwatig ng “pagbabago.”4 Sa Swedish, ito ay omvänd, na ang ibig sabihin ay “tumalikod.”5 Ang Kristiyanong manunulat na si C. S. Lewis ay nagsulat tungkol sa pangangailangan at paraan ng pagbabago. Sinabi niya na ang pagsisisi ay kinapapalooban ng “pagbabalik sa tamang landas. Ang mga kamalian ay maitatama,” sabi niya, “ngunit sa pamamagitan lamang ng pagbabalik hanggang sa makita ang pagkakamali at itama ito mula roon, at hindi lang basta magpatuloy.6 Ang pagbabago ng ating ugali at pagbalik sa “tamang landas” ay bahagi ng pagsisisi, ngunit hindi ang kabuuan nito. Ang totoong pagsisisi ay kinapapalooban din ng pagbaling ng ating mga puso at kalooban sa Diyos at pagwaksi sa kasalanan.7 Tulad ng ipinaliwanag sa Ezekiel, ang magsisi ay ang “iwan ang … kasalanan, … gawin ang tapat at matuwid; … isauli ang sanla, … [at] lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan.”8

Ngunit kahit ito ay hindi isang kumpletong paglalarawan. Hindi nito tinutukoy nang wasto ang kapangyarihan na dahilan para maging posible ang pagsisisi, ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas. Ang tunay na pagsisisi ay kailangan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pananampalataya na kaya Niya tayong baguhin, pananampalataya na kaya Niya tayong patawarin, at pananampalataya na tutulungan Niya tayo na makaiwas sa iba pang pagkakamali. Ginagawang mabisa sa ating buhay ng ganitong uri ng pananampalataya ang Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag tayo ay “nakakaunawa pagkatapos” at “tumatalikod” nang may tulong ng Tagapagligtas, makadarama tayo ng pag-asa sa Kanyang mga pangako at kagalakan sa kanyang pagpapatawad. Kung wala ang Manunubos, ang likas na pagkakaroon ng pag-asa at kagalakan ay nawawala at ang pagsisisi ay nagiging kahabag-habag na pagbabago na lamang ng ugali. Ngunit sa pagsampalataya sa Kanya, nagbabalik-loob tayo sa Kanyang kakayahan at kahandaang magpatawad ng kasalanan.

Binigyang-diin ni Pangulong Boyd K. Packer ang puno ng pag-asang pangako ng pagsisisi noong Abril 2015 sa kanyang huling pangkalahatang kumperensya. Inilarawan niya ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa maituturing kong bunga ng karunungang natamo sa kalahating siglo ng paglilingkod niya bilang apostol. Sinabi ni Pangulong Packer: “Ang Pagbabayad-sala ay walang iniiwang dungis, walang iniiwang bakas. Ang inayos [nito] ay naayos na. … Nagpapagaling lamang ito, at kung ano ang pinagaling nito ay nananatiling magaling.”9

Nagpatuloy siya:

“Ang Pagbabayad-sala, na maaaring tubusin ang bawat isa sa atin, ay hindi nag-iiwan ng pilat. Ang ibig sabihin niyan ay anuman ang ating nagawa o saanman tayo naroon dati o paano man nangyari ang isang bagay, kung tunay tayong magsisisi, nangako [ang Tagapagligtas] na magbabayad-sala Siya. At nang gawin Niya ang pagbabayad-sala, naisaayos ang lahat. …

“… [Ang] Pagbabayad-sala [ay] makahuhugas sa bawat mantsa gaano man kahirap o katagal o ilang beses mang ulit-ulitin.”10

Walang hanggan ang lawak at lalim ng saklaw ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, para sa iyo at para sa akin. Ngunit hindi ito kailanman ipipilit sa atin. Tulad ng ipinaliwanag ni propetang Lehi, matapos tayong “[turuan] nang sapat” para “makilala ang mabuti sa masama,”11 tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan.”12 Sa madaling salita, pinipili natin ang pagsisisi.

Makakapili tayo—at kung minsan ay ginagawa natin—ang iba’t ibang pagpili. Ang mga pagpiling iyon ay maaaring hindi likas na mali, ngunit pinipigilan tayo ng mga ito na lubos na makadama ng lungkot at hinahadlangan tayo na gawin ang tunay na pagsisisi. Halimbawa, maaari nating piliin na sisihin ang iba. Bilang isang 12-taong-gulang sa Göteborg, maaari ko sanang sisihin si Steffan. Siya naman talaga ang nagdala ng malaking paputok at mga posporo sa simbahan. Ngunit ang paninisi sa iba, kahit na makatwiran, ay binibigyang-katwiran ang ating pag-uugali. Sa paggawa nito, ipinapasa natin sa iba ang responsibilidad para sa ating mga ikinilos. Kapag ipinapasa natin ang responsibilidad, pinahihina natin ang ating pangangailangan at kakayahang kumilos. Tayo ay nagiging mga kaawa-awang biktima, sa halip na maging mga taong may karapatang pumili at kayang kumilos para sa sarili.13

Isa pang pagpili na humahadlang sa pagsisisi ay ang pangangatwiran na hindi naman malaki ang ating mga kasalanan. Sa nangyaring pagsabog ng paputok sa Göteborg, walang nasaktan, hindi nagkaroon ng permanenteng pinsala, at natuloy naman ang miting. Madaling sabihin na wala namang dahilan para magsisi. Ngunit, ang pangangatwiran na hindi naman malaki ang nagawang kasalanan, kahit wala kaagad na nakitang ibinunga nito, ay nag-aalis ng dahilan at hangaring magbago. Ang ganitong pag-iisip ay humahadlang sa atin na makita na ang ating mga pagkakamali at kasalanan ay mayroong walang-hanggang kahihinatnan.

Ang isa pang paraan ay ang isipin na hindi naman mahalaga kahit magkasala tayo dahil mahal naman tayo ng Diyos kahit ano pa man ang ating gawin. Nakakatuksong paniwalaan ang itinuro sa mga tao sa Zarahemla ng mapanlinlang na si Nehor: “Na ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw, at na hindi nila kailangang matakot ni manginig … at, sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”14 Ngunit ang nakakatukso na ideyang ito ay mali. Talagang mahal tayo ng Diyos. Gayunman, mahalaga sa Kanya ang mga ginagawa natin. Nagbigay siya ng malilinaw na direksiyon kung paano tayo dapat kumilos. Ang mga ito ay tinatawag na mga kautusan. Ang Kanyang pagsang-ayon at ang ating buhay na walang hanggan ay nakadepende sa ating pagkilos, kabilang na ang ating kahandaang mapagpakumbabang hangarin na tunay na magsisi.15

Dagdag pa rito, hindi tayo tunay na nakapagsisisi kapag pinipili nating ihiwalay ang Diyos mula sa Kanyang mga kautusan. Sa kabila ng lahat, kung ang sakramento ay hindi sagrado, hindi na mahalaga kung nakaabala man ang amoy ng paputok sa sacrament meeting na iyon sa Göteborg. Huwag nating pangatwiranan ang mga pagkakasala natin sa pag-iisip na hindi galing sa Diyos ang mga kautusan. Ang tunay na pagsisisi ay nangangailangan ng pagkilala sa kabanalan ng Tagapagligtas at sa katotohanan ng Kanyang gawain sa mga huling araw.

Kaysa mangatwiran, piliin nating magsisi. Sa pamamagitan ng pagsisisi, matatauhan tayo, gaya ng alibughang anak sa talinghaga,16 at mapag-iisipang mabuti ang walang hanggang kahalagahan ng ating mga kilos. Kapag nauunawaan natin na ang ating mga kasalanan ay nakaaapekto sa ating walang hanggang kaligayahan, hindi lang tayo tunay na nagsisisi, kundi nagsisikap din tayong maging mas mabuti. Kapag nahaharap sa tukso, mas malamang na tanungin natin ang ating sarili, sa mga salita ni William Shakespeare:

Ano ang magiging pakinabang ko kung natamo ko ang hinahanap ko?

Isang panaginip, isang paglanghap, isang naglalahong kagalakan.

Sino ang bibili ng isang sandali ng aliw para sa isang linggong dalamhati,

O ipagpapalit ang kawalang hanggan para sa isang laruan?17

Kung nawala ang tuon natin sa kawalang hanggan dahil sa isang laruan, maaari tayong magsisi. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mayroon tayong isa pang pagkakataon. Ito ay tulad ng metapora ng pagsasauli ng binili nating isang di-kapaki-pakinabang na laruan para maibalik sa atin ang pag-asa ng walang hanggan. Gaya ng ipinaliwanag ng Tagapagligtas, “Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.”18

Nakapagpapatawad si Jesucristo dahil binayaran Niya ang halaga ng ating mga kasalanan.19

Pinipili ng ating Manunubos na magpatawad dahil sa Kanyang hindi mapapantayang habag, awa, at pagmamahal.

Nais ng ating Tagapagligtas na magpatawad dahil ito ay isa sa Kanyang mga banal na katangian.

At, bilang Mabuting Pastol, ikinagagalak Niya kapag pinili nating magsisi.20

Kahit na nakadarama tayo ng kalumbayang mula sa Diyos dahil sa ating mga nagawa,21 kapag pinili nating magsisi, agad nating inaanyayahan ang Tagapagligtas sa ating buhay. Tulad ng itinuro ni Amulek, “Oo, nais ko na kayo ay lumapit at huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso; sapagkat masdan, ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan; at kaya nga, kung kayo ay magsisisi at hindi patitigasin ang inyong mga puso, kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.”22 Makadarama tayo ng kalumbayang mula sa Diyos para sa ating mga nagawa at ganoon din, ng kagalakan dahil sa tulong ng Tagapagligtas.

Ang katunayang makapagsisisi tayo ay ang mabuting balita ng ebanghelyo!23 Ang “ pagkakasala ay [maaalis].”24 Mapupuspos tayo ng kagalakan, makakatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, at magkakaroon ng “katahimikan ng budhi.”25 Mapapalaya tayo mula sa kawalan ng pag-asa at pagkaalipin sa kasalanan. Mapupuspos tayo ng kagila-gilalas na liwanag ng Diyos at “hindi na muling [magdurusa].”26 Ang pagsisisi ay hindi lang posible kundi nakagagalak din dahil sa ating Tagapagligtas. Naaalala ko pa ang naramdaman ko sa opisina ng branch president pagkatapos ng naganap na pagsabog ng paputok. Alam kong napatawad ako. Nawala ang bigat ng kasalanan sa aking budhi, napawi ang aking kalungkutan at naging magaan ang aking pakiramdam.

Mga kapatid, sa pagtatapos ng kumperensyang ito, inaanyayahan ko kayo na damhin ang mas malaking kagalakan sa inyong buhay: kagalakan sa kaalaman na totoo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo; kagalakan sa kakayahan, kahandaan, at kagustuhang magpatawad ng Tagapagligtas; at kagalakan sa pagpili na magsisi. Sundin natin ang tagubilin ng Tagapagligtas na “[umigib] ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.”27 Nawa’y piliin nating magsisi, talikuran ang ating mga kasalanan, ibaling ang ating mga puso at kalooban sa pagsunod sa ating Tagapagligtas. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. Saksi ako at muli’t muling pinagpapala ng Kanyang walang-kapantay na awa, habag, at pagmamahal. Dalangin ko na ang nakatutubos na pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ay mapasainyo ngayon—at muli’t muli habambuhay,28 tulad nang nangyari sa akin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Si Elder Per Gösta Malm (1948–2016) ay naglingkod bilang General Authority Seventy mula 2010 hanggang sa kanyang kamatayan. Bagama’t isinilang sa Jönköping, Sweden, ipinasiya nila ng kanyang asawang si Agneta na manirahan sa Göteborg, Sweden. Sa kanyang di-malilimutang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010, ikinuwento rin ni Elder Malm ang mga alaala niya sa Göteborg (tingnan sa “Kapahingahan ng Inyong mga Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2010, 101–2).

  2. Kahit na hindi Steffan ang totoong pangalan ng aking kaibigan, pumayag siya na gamitin ko ang kuwento.

  3. Doktrina at mga Tipan 58:42–43.

  4. Ang salitang Griyego na metanoeo ay literal na nangangahulugang “‘makakita pagkatapos’ (ang meta, ay ‘pagkatapos,’ na nagpapahiwatig ng ‘pagbabago,’ ang noeo, ay ‘makakita,’ at nous, ay ‘ang isip, kung saan nangyayari ang pagninilay sa tama at mali’)” (tingnan sa James Strong, The New Strong’s Expanded Exhaustive Concordance of the Bible [2010], Greek dictionary section, 162).

  5. Ang aking pagsasalin ng omvänd. Om ay maaaring isalin bilang “paikot.” Ang Vänd ay maaring isalin bilang “tumalikod.”

  6. C. S. Lewis, The Great Divorce (1946), 6. Sa paunang salita ng aklat, isinulat ni Lewis na sinisikap ng ilan na pag-isahin ang langit at lupa kaysa piliin ang isa sa dalawa. Sinabi niya na ang ilan sa atin ay nag-iisip na ang “pag-unlad o pag-angkop o pagpapadalisay ay gagawing mabuti ang masama kahit papaano. … Sa tingin ko, ang paniniwalang ito ay isang pagkakamaling magdudulot ng kapahamakan. … Hindi tayo naninirahan sa isang mundo na ang lahat ng mga daanan ay mga radius ng isang bilog at kung saan ang lahat ng ito, kung susundan nang matagal, ay magkakalapit at sa huli ay magtatagpo sa gitna. …

    “Sa tingin ko hindi lahat ng pumipili ng maling daanan ay nasasawi; ngunit ang pagsagip sa kanila ay ang pagbabalik sa kanila sa tamang daanan. … Maaaring ituwid ang masama, ngunit hindi ito maaaring ‘mauwi’ sa mabuti. Hindi ito napaghihilom ng panahon. Kailangang ituwid ang kasamaan nang paunti-unti … o hindi na ito maitatama” (5–6).

  7. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsisisi.”

  8. Ezekiel 33:14–15.

  9. Ang patotoo ni Pangulong Boyd K. Packer sa miting para sa pamumuno na kaugnay sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2015 ay hindi nailathala nang buo. Ang mga sinabing ito ay mula sa aking mga personal na tala noong panahong iyon.

  10. Boyd K. Packer, “Ang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Mayo 2015, 28.

  11. 2 Nephi 2:5.

  12. 2 Nephi 2:27.

  13. Tingnan sa 2 Nephi 2:26.

  14. Alma 1:4. Si Nehor at ang kanyang mga tagasunod ay hindi naniwala sa pagsisisi (tingnan sa Alma 15:15).

  15. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Banal na Pag-ibig,” Liahona, Peb. 2003, 12–17.

  16. Tingnan sa Lucas 15:17; tingnan din sa mga talata 11–24.

  17. William Shakespeare, The Rape of Lucrece, lines 211–14.

  18. Doktrina at mga Tipan 18:11.

  19. Tingnan sa Isaias 53:5.

  20. Tingnan sa Lucas 15:4–7; Doktrina at mga Tipan 18:10–13.

  21. Ang totoong pagsisisi ay nagpapakita ng “kalumbayang mula sa Dios” (II Mga Taga Corinto 7:10). Itinuro ni Elder M. Russell Ballard: “Para sa mga naligaw, ang Tagapagligtas ay naglaan ng daan pabalik. Ngunit hindi ito madali at walang pasakit. Ang pagsisisi ay hindi madali; mangangailangan ito ng panahon—panahon ng paghihirap!” (“Keeping Covenants,” Ensign, Mayo 1993, 7). Itinuro rin ni Elder Richard G. Scott, “Minsan, ang hakbang sa pagsisisi ay mahirap at masakit sa simula” (“Finding Forgiveness,” Ensign, Mayo 1995, 77). Kahit na ang kalumbayang mula sa Diyos at sakit ay bahagi ng proseso ng pagsisisi, kagalakan kalaunan ang nagiging bunga kapag nadama na ang kapatawaran ng kasalanan.

  22. Alma 34:31; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  23. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo, mga.”

  24. Enos 1:6.

  25. Mosias 4:3.

  26. Mosias 27:29.

  27. Isaias 12:3.

  28. Tingnan sa Mosias 26:29–30. Bagama’t nangako ang Diyos na lubos na magpapatawad, ang sadyang paggawa ng kasalanan at pagkatapos ay umasang kaaawaan ng Tagapagligtas upang maging madali ang pagsisisi ay kasuklam-suklam sa Diyos (tingnan sa Mga Hebreo 6:4–6; 10:26–27). Sinabi ni Elder Richard G. Scott: “Ang masayang balita para sa lahat na naghahangad na iwaksi ang mga bunga ng mga maling pagpili ay na iba ang tingin ng Panginoon sa mga kahinaan kumpara sa paghihimagsik. Bagama’t nagbabala ang Panginoon na parurusahan ang mga naghimagsik na hindi nagsisi, kapag nagsalita ang Panginoon tungkol sa mga kahinaan, lagi itong may kahalong awa” (“Sariling Lakas sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2013, 83).