Dadalhin Ko ang Liwanag ng Ebanghelyo sa Aking Tahanan
Madadala natin ang liwanag ng ebanghelyo sa ating tahanan, paaralan, at trabaho kung ang tinitingnan at sinasabi natin ay ang mabubuting katangian ng ibang tao.
Bilang tugon sa paanyaya ni Sister Linda K. Burton sa pangkalahatang kumperensya noong Abril,1 marami sa inyo ang nagkawanggawa nang may lubos na malasakit na nakatuon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga refugee sa inyong lugar. Sinikap ninyong matulungan ang bawat tao at nakibahagi sa mga programa sa komunidad, at dahil ito sa pagmamahal ninyo sa inyong kapwa. Kapag nagbabahagi kayo ng inyong panahon, mga talento, at kabuhayan, ang puso ninyo—at ng mga refugee—ay sumasaya. Ang pagkakaroon ng pag-asa at pananampalataya at higit na pagmamahal ng tumatanggap at nagbibigay ay mga bunga ng tunay na pag-ibig sa kapwa.
Sinabi sa atin ni Propetang Moroni na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay mahalagang katangian ng mga taong mananahan sa piling ng Ama sa Langit sa kahariang selestiyal. Isinulat niya, “At maliban kung mayroon kayong pag-ibig sa kapwa-tao, kayo ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos.”2
Mangyari pa, si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao. Ang Kanyang pangako na maging ating Tagapagligtas sa premortal na buhay, ang Kanyang mga ginawa noong Siya ay narito sa lupa, ang Kanyang banal na kaloob na Pagbabayad-sala, at ang Kanyang patuloy na pagsisikap na ibalik tayo sa ating Ama sa Langit ay pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa. Iisa lang ang pinagtutuunan Niya: ang pagmamahal sa Kanyang Ama na ipinahayag sa pagmamahal Niya sa bawat isa sa atin. Nang tanungin tungkol sa pinakadakilang utos, sumagot si Jesus:
“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”3
Ang isa sa pinakamahalagang paraan para magkaroon at makapagpakita tayo ng pagmamahal sa ating kapwa ay dapat maganda ang ating iniisip at sinasabi. Ilang taon na ang nakalipas sinabi ng mahal kong kaibigan, “Ang pinakamagandang anyo ng pag-ibig sa kapwa ay huwag husgahan ang iba.”4 Totoo pa rin iyan ngayon.
Kamakailan, habang nanonood ng isang pelikula ang tatlong-taong-gulang na si Alyssa kasama ang kanyang mga kapatid, nagtatakang sinabi niya, “Inay, kakaiba po ang manok na iyan!”
Tumingin ang kanyang ina sa screen at nakangiting sumagot, “Anak, peacock iyan.”
Katulad ng tatlong-taong-gulang na batang iyon na kulang ang kaalaman, kung minsan ay hinuhusgahan natin ang iba o pinag-iisipan sila nang mali. Maaaring ang nakikita natin ay ang mga pagkakaiba natin at mga kahinaan ng mga tao sa paligid natin samantalang nakikita ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, na nilikha sa Kanyang walang-hanggang larawan, ang kanilang maringal at maluwalhating potensyal.
Sinabi minsan ni Pangulong James E. Faust, “Habang tumatanda ako, lalo akong nagiging hindi mapanghusga.”5 Ipinaalala niyan sa akin ang itinuro ni Apostol Pablo:
“Nang ako’y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong [mas matanda na ako], ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.
“Sapagka’t ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni’t pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo’y nakikita ko ng bahagya, nguni’t pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.”6
Kapag mas malinaw nating nakikita ang sarili nating mga kahinaan, hindi natin titingnan ang iba “sa isang [malabong] salamin.” Gusto nating gamitin ang liwanag ng ebanghelyo para makita ang iba gaya ng pagkakita sa kanila ng Tagapagligtas—may habag, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa. Darating ang araw na lubos nating mauunawaan ang nadarama ng iba at magpapasalamat na tayo ay kinaawaan—tulad ng pag-iisip at pagsasalita nang maganda sa iba sa buhay na ito.
Ilang taon na ang nakalipas, nagbangka kami ng isang grupo ng young women. Napakaganda ng asul na asul na mga lawang naliligiran ng mga luntian at mapunong kaburulan at mababatong talampas. Nasasalamin sa malinaw na lawa ang maningning na sikat ng araw nang magsimula na kaming sumagwan at payapang namangka sa lawa.
Gayunman, nagdilim kaagad ang kalangitan, at nagsimulang humangin nang malakas. Para makaabante, kinailangan naming ilubog nang malalim ang aming sagwan sa tubig, at hindi kami tumigil sa pagsagwan. Makaraan ang ilang nakapapagod na oras ng pagsagwan, napunta kami sa ibang bahagi ng malaking lawa at natuwa kami na umiihip ang hangin sa direksyong nais naming puntahan.
Agad naming sinamantala ang pagkakataong ito. Naglabas kami ng maliit na trapal at itinali namin ang dalawang dulo nito sa hawakan ng mga sagwan at ang iba pa sa mga paa ng asawa ko, na binanat niya hanggang sa gilid ng bangka. Hinipan ng hangin ang ginawa naming layag, at kaagad kaming nakausad!
Nang makita ng mga dalagita na nasa iba pang mga bangka na madali kaming nakapaglayag, agad silang gumawa ng sarili nilang mga layag. Nagtawanan kami at nakahinga nang maluwag, nagpapasalamat na napahinga kami sa mahirap na pagsasagwan.
Tulad ng nakasisiyang hanging iyon ang tapat na papuri ng isang kaibigan, masayang pagbati ng magulang, pagpayag ng kapatid, o nakahihikayat na ngiti ng katrabaho o kaklase, ay pawang nagdadala ng sariwang “hangin sa ating mga layag” sa pagharap natin sa mga hamon ng buhay! Ganito ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Hindi natin mababago ang direksyon ng hangin, ngunit kaya nating baguhin ang mga layag. Para sa sukdulang kaligayahan, kapayapaan, at kasiyahan, nawa’y piliin natin ang positibong saloobin.”7
Matindi ang epekto ng mga salita, nagpapasaya at nagpapalungkot ito. Marahil ay maaalala nating lahat ang mga negatibong salitang nakapagpahina ng ating loob at ang iba pang mga salitang magiliw na sinambit na nagpasigla sa ating espiritu. Ang pasiyang sabihin lamang ang mabubuting bagay tungkol sa—at sa—iba ay nagpapasigla at nagpapalakas sa mga nasa paligid natin at tumutulong sa iba na sumunod sa paraan ng Tagapagligtas.
Noong nasa Primary pa ako, buong sipag akong nag-cross-stitch ng simpleng sawikain na nagsasabing, “Dadalhin ko ang liwanag ng ebanghelyo sa aking tahanan.” Isang hapon ng karaniwang araw habang nagko-cross-stitch kaming mga batang babae, nagkuwento ang aming guro tungkol sa isang batang babaeng nakatira sa burol sa isang panig ng lambak. Tuwing dapit-hapon napapansin niya sa burol sa kabilang panig ng lambak ang isang bahay na may makikislap at ginintuang bintana. Ang bahay niya ay maliit at medyo luma na, at pinangarap ng bata na tumira sa magandang bahay na iyon na may mga ginintuang bintana.
Isang araw pinayagan ang bata na magbisikleta hanggang sa kabilang panig ng lambak. Masaya siyang nagbisikleta hanggang sa marating niya ang bahay na may mga ginintuang bintana na matagal na niyang hinahangaan. Ngunit nang bumaba siya ng bisikleta, nakita niya na abandonado at sira-sira na ang bahay, mataas na ang mga damo sa bakuran at simple at marumi ang mga bintana. Malungkot na nilingon ng bata ang bahay nila. Laking gulat niya nang makita niya ang isang bahay na may makislap at ginintuang mga bintana sa burol sa kabilang panig ng lambak at kaagad niyang natanto na bahay pala nila iyon!8
Kung minsan, gaya ng batang ito, tinitingnan natin ang iba sa mga pag-aari nila at nadaramang nakahihigit sila sa atin. Nakatuon tayo sa mga uri ng pamumuhay ng mga tao na nakikita natin sa social media websites o labis tayong nagiging abala sa pakikipagkompetensya sa paaralan o trabaho. Gayunman, kapag nag-ukol tayo ng ilang sandali na “[bilangin ang] mga pagpapala [natin],”9 nakakakita tayo nang may tamang pananaw at nakikita ang kabutihan ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak.
Tayo man ay 8 taong gulang o 108 taong gulang, madadala natin ang liwanag ng ebanghelyo sa ating sariling tahanan, high-rise apartment man ito sa Manhattan, kubo sa Malaysia, o yurt sa Mongolia. Maaari nating ipasiyang tingnan ang mabuti sa ibang tao at sa mga sitwasyon sa ating paligid. Makapagpapakita ng pagmamahal ang mga bata at mas matatandang babae sa lahat ng dako kapag nagpasiya silang gumamit ng mga salitang nagpapalakas ng tiwala at pananampalataya sa iba.
Nagkuwento si Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa isang binatilyo na laging tinutukso ng mga kabarkada niya sa paaralan. Ilang taon kalaunan lumipat siya ng bahay, nagsundalo, nag-aral, at naging aktibo sa Simbahan. Ang panahong ito ng kanyang buhay ay puno ng matatagumpay na karanasan.
Pagkaraan ng ilang taon bumalik siya sa kanyang sariling bayan. Gayunman, ayaw tanggapin ng mga tao ang kanyang pag-unlad at pagbabago. Para sa kanila, siya pa rin ang dating “siya,” at tinrato nila siya nang gayon. Sa huli, halos maglaho ang lahat ng natutuhan ng mabait na lalaking ito dahil hindi niya nagamit ang napahusay niyang mga talento na makatutulong sana sa mga taong muling nanlait at hindi tumanggap sa kanya.10 Napakalaking kawalan nito sa kanya at sa komunidad!
Itinuro ni Apostol Pedro, “Una sa lahat ay maging maningas kayo sa inyong pagiibigan; sapagka’t ang pagibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan.”11Ang maningas na pag-ibig sa kapwa, na ibig sabihi’y “buong puso,” ay naipapakita sa paglimot sa mga pagkakamali ng iba sa halip na pagkimkim ng sama-ng-loob o pag-alaala natin sa mga pagkakamaling nagawa noon at pagpapaalaala nito sa iba.
Ang ating obligasyon at pribilehiyo ay tanggapin nang taos-puso ang pagpapakabuti ng lahat habang sinisikap nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Nakatutuwang makita ang liwanag sa mga mata ng isang taong nakauunawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at talagang binabago ang kanyang buhay! Ang mga missionary na nakadama ng kagalakan sa pagkakitang binibinyagan ang isang convert at pagkatapos ay pumapasok aiya sa templo ay mga saksi sa pagpapala ng pagbibigay ng pagkakataon—at panghihikayat—na magbago ang iba. Ang mga miyembrong malugod na tinatanggap ang mga convert na maituturing na naiiba sa karaniwang sumasapi sa Simbahan ay nakadarama ng malaking kasiyahan sa pagtulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Panginoon. Ang kagandahan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang katotohanan ng walang-hanggang pag-unlad—hindi lang tayo tinutulutang magpakabuti kundi hinihikayat din, at inuutusan, na patuloy na magsikap na magpakabuti at sa huli’y maging perpekto.
Ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson: “Sa mga mumunting paraan, lahat kayo ay nagpapakita ng pag-ibig sa kapwa. … Sa halip na husgahan at pintasan ang isa’t isa, nawa’y mapasaatin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo sa ating kapwa mga manlalakbay sa buhay na ito. Nawa’y matanto natin na ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanyang makakaya upang harapin ang mga hamon na dumarating sa kanyang buhay, at nawa’y gawin natin ang lahat upang makatulong.”12
Ang taong may pag-ibig sa kapwa ay mapagpasensya, mabait, at kuntento. Ang taong may pag-ibig sa kapwa ay inuuna ang kapakanan ng iba, mapagpakumbaba, nagpipigil sa sarili, tinitingan ang mabuting katangian ng iba, at nagagalak kapag umuunlad ang isang tao.13
Bilang kababaihan (at kalalakihan) sa Sion, mangangako ba tayo na “[lahat] [ay] [magtu]tulung-tulong … [maghahatid ng] ligaya’t biyaya sa ’ting kapwa [sa ngalan ng Diyos]”?14 Maaari ba nating tingnan at tanggapin nang may pagmamahal at malaking pag-asa ang mabubuting katangian ng iba, hinahayaan at hinihikayat silang umunlad? Maaari ba tayong magalak sa mga tagumpay ng iba habang patuloy nating sinisikap na pagbutihin ang ating sarili?
Oo, madadala natin ang liwanag ng ebanghelyo sa ating tahanan, paaralan, at trabaho kung ang tinitingnan at sinasabi natin ay ang mabubuting katangian ng ibang tao at hindi tinitingnan ang mga kahinaan nila. Napupuspos ng pasasalamat ang puso ko kapag naiisip ko na ginawang posible ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na makapagsisi tayong lahat na nagkakasala sa daigdig na ito na di-perpekto at kung minsa’y puno ng paghihirap!
Pinatototohanan ko na kapag tinularan natin ang Kanyang perpektong halimbawa, maaari nating matanggap ang kaloob na pag-ibig sa kapwa, na magdudulot ng malaking kagalakan sa atin sa buhay na ito at ng ipinangakong pagpapala na buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.