2010–2019
Tumanggap ng Responsibilidad nang May Lakas, Kababaihan ng Sion
Oktubre 2016


12:40

Tumanggap ng Responsibilidad nang May Lakas, Kababaihan ng Sion

Para maging mga nagbalik-loob na tumutupad ng tipan, kailangan nating pag-aralan ang mahahalagang doktrina ng ebanghelyo at magkaroon ng matibay na patotoo sa katotohanan ng mga ito.

Napakasaya ko na narito tayo sa Conference Center na ito kasama ang mga batang babae, mga kabataan, at kababaihan ng Simbahan. Alam din namin na libu-libo pang grupo ng kababaihan, na nakatipon sa buong mundo, ang nanonood sa mga kaganapang ito, at nagpapasalamat ako sa oportunidad at paraan na nagkatipun-tipon tayo nang may pagkakaisa at layunin ngayong gabi.

Noong Oktubre 2006, nagbigay ng mensahe si Pangulong Gordon B. Hinckley na pinamagatang “Bangon, O Kalalakihan ng Diyos,” na isinunod sa himnong kinatha noong 1911.1 Isang panawagan iyon sa kalalakihan ng Simbahan na bumangon at paunlarin ang kanilang sarili. Naisip ko ang mensaheng iyon nang magdasal ako para malaman ang ibabahagi ko sa inyo.

Mga kapatid, nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib.”2 Hindi na tayo dapat magulat sa kalagayan ng ating panahon. Naipropesiya na ito isang milenyo na ang nakaraan bilang babala at payo para maging handa tayo. Sa ika-8 kabanata ng Mormon ay may nakababagabag na tumpak na paglalarawan ng kalagayan ng ating panahon. Sa kabanatang ito, sinabi ni Moroni na nakita niya ang ating panahon, at kasama roon ang mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan, polusyon, patayan, nakawan, at mga taong nagsasabi sa atin na walang tama o mali sa mata ng Diyos. Inilarawan niya ang mga taong palalo, na ang inaalala ay ang isusuot na mamahaling damit, at pinagtatawanan ang relihiyon. Ipinakita sa kanya ang mga taong nahuhumaling sa mga makamundong bagay kaya “ang mga nangangailangan, at ang hubad, at ang may karamdaman at ang naghihirap na dumaraan”3 ay hindi napapansin.

Malalim ang tanong ni Moroni sa atin—tayo na nabubuhay sa mga panahong ito. Sabi niya, “Bakit kayo nahihiyang taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo?”4 Tumpak na inilalarawan ng paratang na ito ang lumalalang sekular na kalagayan ng ating mundo.

Nakatala sa Joseph Smith—Mateo na sa mga huling araw maging ang “mga hinirang … alinsunod sa tipan”5 ay malilinlang. Kabilang sa mga kasama sa tipan ang mga batang babae, mga kabataan, at kababaihan ng Simbahan na nabinyagan at nakipagtipan sa kanilang Ama sa Langit. Kahit tayo ay nanganganib na malinlang ng mga maling turo.

Mga kapatid, hindi ako naniniwala na gaganda pa ang kalagayang iyan ng mundo. Kung isang palatandaan ang kasalukuyang mga kalakaran, kailangan tayong maging handa sa mga pagsubok na darating. Magiging madaling sumuko, ngunit bilang pinagtipanang mga tao ay hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa kailanman. Tulad ng sabi ni Elder Gary E. Stevenson, “Ang malaking kapalit na ibinigay ng Ama sa Langit sa pamumuhay natin sa mapanganib na mga panahon ay na [nabu]buhay rin tayo sa kaganapan ng mga panahon.”6 Gustung-gusto ko ang kapanatagang dulot ng pahayag na iyan.

Sinabi sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson noong isang taon: “Ang pagtuligsa sa Simbahan, sa doktrina nito, at sa paraan ng ating pamumuhay ay lalo pang titindi. Dahil dito, kailangan natin ng kababaihang may matibay na pagkaunawa sa doktrina ni Cristo at na gagamitin ang pagkaunawang iyan sa pagtuturo at pagtulong sa pagpapalaki ng isang henerasyong kayang labanan ang mga kasalanan. Kailangan namin ng kababaihang nakahihiwatig sa lahat ng anyo ng panlilinlang. Kailangan namin ng kababaihang nakakaalam kung paano magtamo ng lakas na handang ibigay ng Diyos sa mga tumutupad ng tipan at nagpapahayag ng kanilang paniniwala nang may tiwala at pag-ibig sa kapwa. Kailangan namin ng kababaihang may tapang at pag-unawa ng ating Inang si Eva.”7

Muling tiniyak sa akin ng mensaheng ito na sa kabila ng kalagayan ng ating panahon, marami tayong dahilan para magalak at magkaroon ng magandang pananaw. Buong puso akong naniniwala na tayong kababaihan ay talagang may likas na lakas at pananampalataya na harapin ang mga hamon ng buhay sa mga huling araw. Isinulat ni Sister Sheri Dew, “Naniniwala ako na sa sandaling matutuhan nating gamitin ang buong impluwensya ng kababaihang nagbalik-loob at tumutupad ng mga tipan, magbabago kaagad ang kaharian ng Diyos.”8

Kailangan ang sama-samang pagsisikap na magbalik-loob at tuparin ang ating mga tipan. Para magawa ito, kailangan tayong maging mga bata at kababaihang nag-aaral ng mahahalagang doktrina ng ebanghelyo at may matibay na patotoo sa katotohanan ng mga ito. May tatlong aspeto na naniniwala akong mahalaga sa malalakas na patotoo at iniisip kong kailangan para tayo makaunawa.

Una, kailangan nating kilalanin ang kahalagahan ng ating Diyos Amang Walang Hanggan at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa ating pananampalataya at kaligtasan. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Kailangan nating pag-aralan at unawain ang Kanyang Pagbabayad-sala at kung paano ito gamitin sa araw-araw; ang pagsisisi ay isa sa pinakadakilang pagpapala sa atin para manatili tayo sa tamang landas. Kailangan nating ituring si Jesucristo na ating pangunahing huwaran at halimbawa ng dapat nating kahihinatnan. Kailangan nating patuloy na ituro sa ating pamilya at mga klase ang dakilang plano ng kaligtasan ng ating Ama, na kinabibilangan ng doktrina ni Cristo.

Pangalawa, kailangan nating maunawaan na kailangang ipanumbalik ang doktrina, organisasyon, at mga susi ng awtoridad sa mga huling araw na ito. Kailangan tayong magkaroon ng patotoo na si Propetang Joseph Smith ay pinili ng langit at hinirang ng Panginoon upang isagawa ang panunumbalik na ito at kilalanin na inorganisa niya ang kababaihan ng Simbahan ayon sa organisasyon ng Simbahan ni Cristo noong unang panahon.9

At pangatlo, kailangan nating pag-aralan at maunawaan ang mga ordenansa at tipan sa templo. Ang templo ay nasa pinakasentro ng ating pinakasagradong mga paniniwala, at iniutos sa atin ng Panginoon na pumunta rito, pagnilayan, pag-aralan, at hanapin ang personal na kahulugan at aplikasyon nito sa atin. Mauunawaan natin na sa mga ordenansa sa templo, ang kapangyarihan ng kabanalan ay nakikita sa ating buhay10 at dahil sa mga ordenansa sa templo, masasandatahan tayo ng kapangyarihan ng Diyos at tataglayin natin ang Kanyang pangalan, mababalutan tayo ng Kanyang kaluwalhatian, at pangangalagaan tayo ng Kanyang mga anghel.11 Iniisip ko kung lubos tayong umaasa sa kapangyarihan ng mga pangakong iyon.

Mga kapatid, maging ang pinakabata na narito ay maaaring tumanggap ng responsibilidad nang may pananampalataya at gumanap ng mahalagang tungkulin sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Ang mga bata ay nagsisimulang magkaroon ng sarili nilang patotoo sa pagbabasa o pakikinig sa mga banal na kasulatan, araw-araw na pagdarasal, at pagtanggap ng sakramento sa makabuluhang paraan. Lahat ng bata at kabataan ay maaaring maghikayat ng family home evening at lubusang makibahagi. Maaari kayong mangunang lumuhod kapag nagtipon ang inyong pamilya para manalangin. Kahit hindi perpekto ang inyong tahanan, ang inyong personal na halimbawa ng tapat na pamumuhay ng ebanghelyo ay makaiimpluwensya sa buhay ng inyong pamilya at mga kaibigan.

Ang mga kabataan ng Simbahan ay kailangang ituring ang kanilang sarili na mahalagang kabahagi sa gawain ng kaligtasan na pinamamahalaan ng priesthood at hindi lamang nagmamasid at sumusuporta. May mga calling kayo at itinalaga ng mga mayhawak ng susi ng priesthood upang gumanap bilang mga lider na may kapangyarihan at awtoridad sa gawaing ito. Kapag ginampanan ninyo ang inyong calling sa mga panguluhan ng klase at espirituwal kayong naghanda, sumangguni sa isa’t isa, tumulong sa paglilingkod sa mga miyembro ng inyong klase, at itinuro ninyo ang ebanghelyo sa isa’t isa, ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin sa gawaing ito at pagpapalain kayo at ang inyong mga kasama.

Lahat ng babae ay kailangang ituring ang kanilang sarili na mahalagang kabahagi sa gawain ng priesthood. Ang kababaihan sa Simbahang ito ay mga pangulo, tagapayo, guro, miyembro ng council, kapatid, at ina, at ang kaharian ng Diyos ay hindi gagana maliban kung tutugon tayo sa responsibilidad at gagampanan ang ating tungkulin nang may pananampalataya. Kung minsan kailangan lang nating lawakan ang ating pag-unawa sa posibleng mangyari.

Si Sister Maldonado kasama si Sister Oscarson

Kamakailan nakilala ko ang isang babae sa Mexico na nauunawaan ang kahulugan ng pagtupad sa kanyang tungkulin nang may pananampalataya. Si Marffissa Maldonado ay tinawag na magturo sa Sunday School class ng mga kabataan tatlong taon na ang nakalipas. May 7 siyang estudyante na dumadalo nang tinawag siya, pero ngayo’y 20 na ang regular na dumadalo. Tinanong ko siya, nang may pagkamangha, kung ano ang ginawa niya para dumami sila nang gayon. Mapagpakumbaba niyang sinabing, “Ah, hindi lang ako. Tumulong ang buong klase.” Nakita nila ang mga pangalan ng mga di-gaanong aktibo sa attendance roll at sama-sama silang lumabas at inanyayahan nila ang mga ito na bumalik sa simbahan. May napabinyagan din sila dahil sa kanilang mga pagsisikap.

Sunday School class sa Mexico

Nag-set up ng social media site si Sister Maldonado para lang sa kanyang klase na tinatawag na “I Am a Child of God,” at nagpo-post siya ng mga ideyang nagbibigay-inspirasyon at mga talata sa banal na kasulatan nang ilang beses sa isang linggo. Regular siyang nagte-text sa kanyang mga estudyante ng mga assignment at mga mensaheng nagpapasigla. Nadama niya na mahalagang makipag-ugnayan sa mga paraang gustung-gusto nila, at epektibo iyon. Sinabi niya sa akin, “Mahal ko ang mga estudyante ko.” Nadama ko ang pagmamahal na iyon nang ikuwento niya sa akin ang kanilang pagsisikap, at naalala ko sa kanyang halimbawa ang magagawa ng isang taong may pananampalataya at masigasig sa gawaing ito sa tulong ng Panginoon.

Ang ating mga kabataan ay nalalantad sa mahihirap na tanong sa araw-araw, at marami sa atin ang may mga mahal sa buhay na nahihirapang makita ang mga sagot. Ang magandang balita ay may mga sagot sa mga tanong na ito. Makinig sa mga mensaheng ibinigay kamakailan ng ating mga pinuno. Tayo ay hinihikayat na pag-aralan at unawain ang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Ipinapaalala sa atin ang mga alituntunin sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak.12 Hinihikayat tayong ituro at gamitin ang resources na ito bilang mga panukat na magpapanatili sa atin sa makipot at makitid na landas.

Mga isang taon na ang nakalipas, kinausap ko ang isang ina na may maliliit pang mga anak na nagpasiyang protektahan ang kanyang mga anak laban sa maraming negatibong impluwensyang nakikita nila sa Internet at sa paaralan. Pumipili siya ng isang paksa bawat linggo, na kadalasa’y nagpapasimula ng talakayan online, at nagpapasimula siya ng makabuluhang mga talakayan sa loob ng linggong iyon kung kailan makapagtatanong ang kanyang mga anak at matitiyak niya na tumatanggap sila ng balanse at mabuting pananaw tungkol sa kadalasa’y mahihirap na isyu. Ginagawa niyang ligtas na lugar ang kanyang tahanan para makapagtanong at maituro nang makabuluhan ang ebanghelyo.

Nag-aalala ako na namumuhay tayo na umiiwas na makasakit ng damdamin kaya kung minsa’y hindi natin naituturo ang mga tamang alituntunin. Hindi natin naituturo sa ating mga kabataan na napakahalagang maghanda para maging ina dahil ayaw nating saktan ang damdamin ng mga walang asawa o ng mga hindi magkakaanak, o isipin nila na hinihigpitan natin sila sa mga pasiya nila sa hinaharap. Sa kabilang banda, maaari ding hindi natin mabigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon dahil ayaw nating isipin nila na mas mahalaga ito kaysa sa pag-aasawa. Iniiwasan nating ipahayag na ang pakahulugan ng ating Ama sa Langit sa kasal ay sa pagitan ng isang lalaki at isang babae dahil ayaw nating saktan ang damdamin ng mga nagkakagusto sa kapareho nila ang kasarian. At maaaring naaasiwa tayong talakayin ang mga problemag ukol sa kasarian o tamang seksuwalidad.

Mga kapatid, talagang kailangan tayong maging sensitibo, ngunit gamitin din natin ang ating sentido-komun at pagkaunawa sa plano ng kaligtasan para maging matapang at prangka pagdating sa pagtuturo sa ating mga anak at kabataan ng mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo na kailangan nilang maunawaan ukol sa mundong kanilang tinitirhan. Kung hindi natin ituturo sa ating mga anak at kabataan ang tunay na doktrina—at ituturo ito nang malinaw—ituturo sa kanila ng mundo ang mga kasinungalingan ni Satanas.

Mahal ko ang ebanghelyo ni Jesucristo, at walang hanggan ang pasasalamat ko sa patnubay, kapangyarihan, at araw-araw na tulong na natatanggap ko bilang anak ng Diyos sa tipan. Pinatototohanan ko na nabiyayaan tayo ng Panginoon, bilang kababaihang nabubuhay sa mapanganib na panahong ito, ng lahat ng kapangyarihan, kaloob, at lakas na kailangan upang ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo. Dalangin ko na makita nating lahat ang ating tunay na potensyal at maging kababaihan tayo na may pananampalataya at tapang na kailangan ng ating Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.