2010–2019
Matuto kina Alma at Amulek
Oktubre 2016


18:33

Matuto kina Alma at Amulek

Umaasa ako na ang mga taong lumayo sa landas ng pagkadisipulo ay makakakita gamit ang kanilang puso at matututo kina Alma at Amulek.

Nakababatang Alma

Isa sa mga pinaka-di-malilimutang tauhan sa banal na kasulatan ay si Nakababatang Alma. Bagama’t anak siya ng isang dakilang propeta, panandalian siyang naligaw ng landas at naging “napakasama at isang lalaking sumasamba sa mga diyus-diyusan.” Sa mga kadahilanang hindi natin alam, siya ay naging masigasig sa pagsalungat sa kanyang ama at hinangad na wasakin ang Simbahan. At dahil sa kanyang kahusayan sa pagsasalita at panghihikayat, nagkaroon siya ng malaking tagumpay.1

Ngunit nagbago ang buhay ni Alma nang magpakita sa kanya ang isang anghel at nangusap tulad ng tinig ng kulog. Sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, si Alma ay “giniyagis ng walang hanggang pagdurusa, … maging ng mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa.” At pagkatapos, kahit paano, may naalaala siya na nagdala ng liwanag sa kadiliman ng kanyang isipan—isang walang-hanggang katotohanan, na itinuro ng kanyang ama: na paparito si Jesucristo “na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.” Noon pa man ay hindi na tinanggap ni Alma ang mga turong iyon, ngunit ngayon ay “sumagi sa kanyang isipan ang kaisipang ito,” at mapagpakumbaba at taos-puso siyang nagtiwala sa nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo.2

Nang malampasan ni Alma ang karanasang ito, nagbago siya. Mula sa pangyayaring iyon, inilaan niya ang kanyang buhay sa pagsasaayos ng pinsalang naidulot niya. Siya ay isang magandang halimbawa ng pagsisisi, pagpapatawad, at walang-maliw na katapatan.

Kalaunan ay pinili si Alma upang pumalit sa kanyang ama bilang pinuno ng Simbahan ng Diyos.

Marahil ay alam ng bawat mamamayan ng bansang Nephita ang kuwento ni Alma. Ang mga Twitter, Instagram, at Facebook ng kanyang panahon ay maaaring puno ng mga larawan at mga kuwento tungkol sa kanya. Maaaring regular siyang nasa pabalat ng Zarahemla Weekly at naging paksa ng mga editoryal at mga network special. Sa madaling salita, maaaring siya ang pinakatanyag na tao noong kanyang panahon.

Ngunit nang makita ni Alma na nakakalimutan na ng kanyang mga tao ang Diyos at itinataas ang kanilang sarili sa kapalaluan at nagtatalu-talo, pinili niyang magbitiw sa katungkulan niya sa pamahalaan at inilaan ang kanyang sarili nang “lubos … sa mataas na pagkasaserdote ng banal na orden ng Diyos,”3 nangangaral ng pagsisisi sa mga Nephita.

Sa una, nagkaroon ng malaking tagumpay si Alma—hanggang sa pumunta siya sa lungsod ng Ammonihas. Alam ng mga tao sa lungsod na iyon na hindi na lider ng kanilang bansa si Alma, at hindi nila gaanong iginalang ang kanyang priesthood. Siya ay nilait, kinutya, at itinaboy nila palabas ng kanilang lungsod.

Nanlulumong nilisan ni Alma ang lungsod ng Ammonihas.4

Subalit sinabi sa kanya ng isang anghel na bumalik siya.

Isipin natin ito: inutusan siyang bumalik sa mga taong napopoot sa kanya at may galit sa Simbahan. Ito ay isang mapanganib at marahil nakamamatay na tungkulin. Ngunit hindi nag-atubili si Alma. “Mabilis siyang bumalik.”5

Maraming araw nang nag-aayuno si Alma noong pumasok siya sa lungsod. Doon ay hiniling niya sa isang estranghero kung maaari itong “magbigay sa isang hamak na tagapaglingkod ng Diyos ng kahit anong makakain.”6

Amulek

Ang pangalan ng lalaking ito ay Amulek.

Si Amulek ay isang mayaman at kilalang mamamayan ng Ammonihas. Bagama’t nagmula siya sa angkan ng mga nagsisisampalataya, ang kanyang sariling pananampalataya ay nanghina na. Ipinagtapat niya kalaunan, “ako ay tinawag nang maraming ulit at ako ay tumangging makinig; kaya nga nalalaman ko ang hinggil sa mga bagay na ito, gayon pa man, ako ay hindi [naniwala]; anupa’t ako ay nagpatuloy sa paghihimagsik laban sa Diyos.”7

Ngunit inihahanda ng Diyos si Amulek, at nang makilala niya si Alma, tinanggap niya ang tagapaglingkod ng Panginoon sa kanyang tahanan, kung saan namalagi si Alma nang maraming araw.8 Sa panahong iyon, binuksan ni Amulek ang kanyang puso sa mensahe ni Alma, at malaking pagbabago ang nangyari sa kanya. Simula noon, hindi lamang naniwala si Amulek kundi naging tagapagtanggol din siya ng katotohanan.

Noong humarap muli si Alma upang magturo sa mga tao ng Ammonihas, mayroon na siyang kasamang pangalawang saksi—si Amulek, na kababayan nila.

Ang mga sumunod na pangyayari ay naglalaman ng isa sa mga pinakamasaya at pinakamalungkot din na kuwento sa buong banal na kasulatan. Mababasa ninyo ito sa Alma, mga kabanata 8–16.

Ngayon, nais kong anyayahan kayong pag-isipan ang dalawang tanong:

Una: “Ano ang matututuhan ko kay Alma?”

Pangalawa: “Paano ako natutulad kay Amulek?”

Ano ang Matututuhan Ko kay Alma?

Hayaan ninyong magsimula ako sa pagtatanong sa lahat ng mga pinuno ng Simbahan ni Jesucristo noon, ngayon, o sa hinaharap, “Ano ang matututuhan ninyo kay Alma?”

Si Alma ay napakatalino at napakahusay na tao. Maaaring madaling isipin na hindi niya kailangan ang tulong ninuman. Gayunman, ano ang ginawa ni Alma nang bumalik siya sa Ammonihas?

Natagpuan ni Alma si Amulek at hiningi ang tulong nito.

At nakatanggap ng tulong si Alma.

Sa anupamang dahilan, minsan tayong mga lider ay nag-aatubiling hanapin at magpatulong sa mga Amulek natin. Marahil ay iniisip natin na magagawa natin nang mas mabuti ang gawain nang tayo lamang, o nag-aatubili tayo na abalahin ang iba, o ipinapalagay natin na hindi nais ng iba na makibahagi. Madalas tayong nag-aatubili na anyayahan ang mga tao na gamitin ang mga talentong ibinigay sa kanila ng Diyos at makibahagi sa dakilang gawain ng kaligtasan.

Isipin ang Tagapagligtas—itinayo ba Niyang mag-isa ang Kanyang Simbahan?

Hindi.

Ang mensahe Niya ay hindi “Diyan ka lang. Ako ang bahala dito.” Sa halip, ito ay “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”9 Binigyang-inspirasyon, inanyayahan, tinagubilinan, at pagkatapos ay pinagkatiwalaan Niya ang Kanyang mga tagasunod “na gawin … ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko.”10 Sa ganitong paraan, hindi lamang itinatag at pinalakas ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan kundi pati na rin ang Kanyang mga tagapaglingkod.

Anuman ang kasalukuyang katungkulan ninyo ngayon—kayo man ay deacons quorum president, stake president, o Area President—para maging matagumpay, dapat ninyong hanapin ang inyong mga Amulek.

Maaaring isa siyang taong mapagpakumbaba o hindi kapansin-pansin sa mga kongregasyon ninyo. Maaaring isa siyang tao na tila ayaw makibahagi o hindi kayang maglingkod. Ang inyong mga Amulek ay maaaring bata o matanda, lalaki o babae, walang karanasan, pagod, o hindi aktibo sa Simbahan. Ngunit ang maaaring hindi nakikita sa una ay ang pag-asam na marinig nila sa inyo ang mga salitang “Kailangan ka ng Panginoon! Kailangan kita!”

Sa kaibuturan ng kanilang puso, maraming nagnanais maglingkod sa kanilang Diyos. Nais nilang maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Nais nilang humawak sa kanilang panggapas at magsikap nang buo nilang lakas na ihanda ang mundo para sa pagbabalik ng ating Tagapagligtas. Nais nilang itayo at palakasin ang Kanyang Simbahan. Subalit nag-aatubili silang magsimula. Madalas ay hinihintay nilang kausapin sila.

Inaanyayahan ko kayo na isipin ang mga taong nasa inyong mga branch at ward, sa inyong mga mission at stake, na kailangang kausapin at hikayating kumilos. Hinuhubog na sila ng Panginoon—inihahanda sila, pinalalambot ang kanilang mga puso. Gamitin ang inyong mga puso sa paghahanap sa kanila.

Tulungan sila. Turuan sila. Bigyang-inspirasyon sila. Tanungin sila.

Ibahagi sa kanila ang sinabi ng anghel kay Amulek—na ang pagpapala ng Panginoon ay mapapasakanila at sa kanilang sambahayan.11 Maaaring magulat kayo na matagpuan ang isang magiting na lingkod ng Panginoon na nanatili sanang nakatago.

Paano Ako Natutulad kay Amulek?

Bagama’t ang iba sa atin ay dapat maghanap ng isang Amulek, maaaring para sa iba ang tanong ay “Paano ako natutulad kay Amulek?”

Marahil, sa paglipas ng mga taon, hindi kayo gaanong naging masigasig sa pagiging disipulo ninyo. Marahil ay lumamlam ang liwanag ng inyong patotoo. Marahil ay inilayo ninyo ang inyong sarili sa katawan o Simbahan ni Cristo. Marahil ay nagdamdam kayo o maaaring nagalit pa. Tulad ng ilang miyembro sa sinaunang Simbahan sa Efeso, maaaring iniwan ninyo ang inyong “unang pag-ibig”12—ang dalisay at walang-hanggang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Marahil, tulad ni Amulek, alam ninyo sa inyong puso na “tinawag [kayo] nang maraming ulit,” ngunit kayo ay “tumangging makinig.”

Gayunman, nakikita sa inyo ng Panginoon kung ano ang nakita Niya kay Amulek—ang potensyal ng isang magiting na tagapaglingkod na may mahalagang gawaing gagawin at may patotoong maibabahagi. May paglilingkod na hindi maibibigay ng iba sa gayunding paraan. Ipinagkatiwala ng Panginoon sa inyo ang Kanyang banal na priesthood, na nagtataglay ng banal na kapangyarihan na pagpalain at pasiglahin ang iba. Makinig gamit ang inyong puso at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu.

Ang Karanasan ng Isang Miyembro

Naantig ako sa karanasan ng isang kapatid na nagtanong sa kanyang sarili, “Kapag tumawag ang Panginoon, maririnig ko kaya?” Tatawagin kong David ang mabuting kapatid na ito.

Sumapi si David sa Simbahan mga 30 taon na ang nakararaan. Nagmisyon siya at pagkatapos ay nag-aral ng abogasiya. Habang nag-aaral at nagtatrabaho para suportahan ang kanyang pamilya, may nalaman siyang ilang impormasyon tungkol sa Simbahan na ikinalito niya. Habang mas marami siyang binabasang ganitong mga negatibong materyal, mas nababalisa siya. Kalaunan ay hiniling niya na alisin sa mga talaan ng Simbahan ang kanyang pangalan.

Mula nang sandaling iyon, tulad ni Alma noong mga araw na naghimagsik siya, ginugol ni David ang maraming oras sa pakikipagdebate sa mga miyembro ng Simbahan, pakikipag-usap online na may layuning subukin ang kanilang mga paniniwala.

Napakahusay niya rito.

Isa sa mga miyembrong nakadebate niya ay tatawagin kong Jacob. Laging mabait at magalang si Jacob kay David, subalit matatag din siya sa pagtatanggol sa Simbahan.

Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ng paggalang sa isa’t isa sina David at Jacob at naging magkaibigan. Ang hindi alam ni David ay ipinagdarasal siya ni Jacob at buong katapatan itong ginawa nang mahigit isang dekada. Inilagay pa nga niya ang pangalan ng kanyang kaibigan para ipanalangin sa mga templo ng Panginoon at umasa na lalambot ang puso ni David.

Sa paglipas ng panahon, unti-unti, nagbago si David. Nagsimula niyang maalala nang may kaligayahan ang mga espirituwal na karanasan niya noon, at naalala niya ang kagalakang nadama niya noong miyembro siya ng Simbahan.

Tulad ni Alma, hindi lubusang nalimutan ni David ang mga katotohanan ng ebanghelyo na minsan niyang tinanggap. At tulad ni Amulek, nadama ni David ang pagtulong sa kanya ng Panginoon. Isa na ngayong partner si David sa isang law firm—isang prestihiyosong trabaho. Nagkaroon siya ng reputasyon na siya ay kritiko ng Simbahan, at sobra ang pagmamataas niya para hilinging tanggapin siyang muli sa Simbahan.

Gayunpaman, patuloy niyang naramdaman ang panghihikayat ng Pastol.

Isinapuso niya ang talatang “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”13 Nanalangin siya, “Mahal na Diyos, nais ko pong muling maging Banal sa mga Huling Araw, ngunit may mga tanong ako na kailangan ng sagot.”

Nagsimula siyang makinig sa mga bulong ng Espiritu at sa mga nakaaantig na sagot ng mga kaibigan na kailanman ay hindi niya ginawa noon. Unti-unti, ang kanyang pag-aalinlangan ay nauwi sa pananampalataya, hanggang sa matanto niya sa huli na muli siyang nakadama ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.

Sa puntong iyon, alam niya na madaraig niya ang kanyang kapalaluan at magagawa ang anumang kailangan upang matanggap muli sa Simbahan.

Kalaunan, nabinyagan muli si David at pagkatapos ay inasam ang araw na maipanumbalik sa kanya ang mga pagpapala.

Masaya kong ibinabalita na nitong nakaraang tag-init, naipanumbalik na ang mga pagpapala kay David. Muli na siyang lubos na nakikibahagi sa Simbahan at naglilingkod bilang teacher ng Gospel Doctrine sa kanyang ward. Ginagamit niya ang lahat ng pagkakataon para maikuwento sa iba ang tungkol sa kanyang pagbabago, upang maayos ang pinsalang idinulot niya, at upang magpatotoo tungkol sa ebanghelyo at sa Simbahan ni Jesucristo.

Katapusan

Mahal kong mga kapatid at mga kaibigan, ating hanapin, bigyang-inspirasyon, at asahan ang mga Amulek sa ating mga ward at mga stake. Maraming Amulek sa Simbahan ngayon.

Marahil ay may kakilala kayo. Marahil ay isa kayo sa kanila.

Marahil ay binubulungan kayo ng Panginoon, hinihikayat kayong bumalik sa inyong unang pag-ibig, ibahagi ang inyong mga talento, gamitin nang karapat-dapat ang priesthood, at maglingkod kasama ang kapwa ninyo mga Banal sa paglapit kay Jesucristo at pagtatayo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa.

Alam ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas kung nasaan kayo. Alam niya ang nasa puso ninyo. Nais Niya kayong sagipin. Tutulungan Niya kayo. Buksan lang ninyo ang inyong puso sa Kanya. Umaasa ako na ang mga taong lumayo sa landas ng pagkadisipulo—kahit na ilang antas lamang—ay mapagninilay-nilay ang kabutihan at biyaya ng Diyos, makakakita gamit ang kanilang puso, matututo kina Alma at Amulek, at maririnig ang nakapagpapabagong-buhay na mga salita ng Tagapagligtas: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

Hinihikayat ko kayo na sundin ang Kanyang paanyaya, dahil tiyak na matatanggap ninyo ang gantimpala ng langit. Ang mga pagpapala ng Panginoon ay mapapasainyo at sa inyong sambahayan.14

Ito ang aking patotoo at binabasbasan ko kayo bilang Apostol ng Panginoon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.