2010–2019
Ang mga Pagpapala ng Pagsamba
Oktubre 2016


11:28

Ang mga Pagpapala ng Pagsamba

Ang pagsamba ay kailangan at ang sentro sa ating espirituwal na buhay. Ito ay isang bagay na dapat nating hangarin, hanapin, at sikaping maranasan.

Ang Kanyang Pagdalaw

Isa sa lubhang kagila-gilalas at puno ng pagmamahal na karanasan na naitala sa banal na kasulatan ay ang tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika pagkatapos ng Kanyang pagkamatay at Pagkabuhay na Mag-uli. Ang mga tao ay dumanas ng napakalaking pinsala kaya ang “buong lupain ay naiba ang hugis.”1 Ayon sa tala ng mga pangyayaring iyon, pagkatapos ng malaking sakuna, ang lahat ng tao ay tumangis nang walang humpay,2 at sa gitna ng kanilang matinding dalamhati, matindi nilang hinangad ang paggaling, kapayapaan, at kaligtasan.

Nang bumaba ang Tagapagligtas mula sa langit, dalawang beses nagpatirapa ang mga tao sa Kanyang paanan. Ang una ay nangyari matapos Niyang sabihin nang may banal na awtoridad:

“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.

“At masdan, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan.”3

At inanyayahan Niya ang lahat ng naroon na “bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan. …

“At nang lahat sila ay makalapit at makasaksi para sa kanilang sarili, sila ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing:

“Hosana! Purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos!”4

At, sa ikalawang pagkakataon, “sila ay nagsiluhod sa paanan ni Jesus.” Ngunit sa pagkakataong ito ay may layunin, dahil nalaman natin na “sinamba siya” nila.5

Sa Ngayon

Sa simula ng taong ito ay naatasan akong bisitahin ang isang stake sa kanlurang Estados Unidos. Isa itong karaniwang araw ng Linggo, isang karaniwang miting, kasama ang mga karaniwang miyembro ng Simbahan. Nagmasid ako habang papasok ang mga tao sa chapel at tahimik na naupo sa mga bakanteng upuan. Mga madalian at pabulong na usapan ang maririnig sa buong bulwagan. Sinikap ng mga ama at ina—bigo kung minsan—na patahimikin ang malilikot na anak. Normal ito kahit saan.

Ngunit, bago nagsimula ang miting, pumasok sa isip ko ang mga salitang nabigyang-inspirasyon ng Espiritu.

Ang mga miyembrong ito ay hindi lamang dumating para tumupad sa tungkulin o makinig sa mga tagapagsalita.

Nagpunta sila dahil sa mas malalim at mahalagang kadahilanan.

Nagpunta sila para sumamba.

Sa pagpapatuloy ng miting, minasdan ko ang ilang miyembro ng kongregasyon. Kumikilos silang tila nasa langit, na may pagpipitagan at kapayapaan. May isang bagay sa kanila na nagbigay sa akin ng masayang pakiramdam. Ang nararanasan nila noong Linggong iyon ay talagang pambihira.

Sila ay sumasamba.

Para silang nasa langit.

Nakikita ko iyon sa kanilang mga mukha.

At nagalak ako at sumambang kasama nila. At habang ginagawa ko iyon, nangusap ang Espiritu sa aking puso. At sa araw na iyon, may natutuhan ako tungkol sa aking sarili, tungkol sa Diyos, at tungkol sa papel ng tunay na pagsamba sa ating buhay.

Araw-araw na Pagsamba sa Ating Buhay

Walang katulad ang mga Banal sa mga Huling Araw pagdating sa paglilingkod sa mga tungkulin sa Simbahan. Ngunit minsan ay maaaring paulit-ulit lang ang ating ginagawa, na para bang trabaho na lang ito. Kung minsan ang ating pagdalo sa mga miting at paglilingkod sa kaharian ay maaaring kulang ng banal na elemento ng pagsamba. At kung wala iyan, di natin mararanasan ang walang katulad na espirituwal na pakikipagharap sa walang-hanggan—na nararapat mapasaatin bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit.

Malayo sa pagiging isang masayang pangyayari na nagkataon lang, ang pagsamba ay mahalaga at ang sentro ng ating espirituwal na buhay. Ito ay isang bagay na dapat nating hangarin, hanapin, at sikaping maranasan.

Ano ang Pagsamba?

Kapag sinasamba natin ang Diyos, lumalapit tayo sa Kanya nang buong galang, pagmamahal, pagpapakumbaba, at paghanga. Kinikilala at tanggap natin Siya bilang ating hari, ang Lumikha ng sansinukob, ating pinakamamahal at mapagmahal na Ama.

Gumagalang at nagpipitagan tayo sa Kanya.

Nagpapasakop tayo sa Kanya.

Iniaangat natin ang ating mga puso sa makapangyarihang panalangin, pinahahalagahan ang Kanyang salita, nagagalak sa Kanyang biyaya, at nangangakong susundin Siya nang buong katapatan.

Ang pagsamba sa Diyos ay napakahalagang elemento sa buhay ng isang alagad ni Jesucristo na kung hindi natin Siya tatanggapin sa ating puso, walang saysay ang paghahanap natin sa Kanya sa ating mga konseho, simbahan, at templo.

Ang tunay na mga alagad ay “[sa]sambahin siya na gumawa ng langit, at lupa, at ng dagat, at ng mga bukal ng mga tubig—nananawagan sa pangalan ng Panginoon araw at gabi.”6

Marami tayong malalaman tungkol sa tunay na pagsamba sa pagsusuri kung paanong ang iba—ang mga tao na hindi naman kakaiba sa atin—ay nakiharap, kumilos, at sumamba sa harap ng Diyos.

Paghanga, Pasasalamat, at Pag-asa

Sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, ang daigdig ng mga Kristiyano ay halos kumpleto na maliban sa pagtalikod sa ideya na nangungusap pa rin ang Diyos sa tao. Ngunit noong tagsibol ng 1820, iyon ay tuluyan nagbago nang ang abang batang lalaking tagabukid ay pumasok sa kakahuyan at lumuhod para manalangin. Simula sa araw na iyon, ang mga kagila-gilalas na pangitain, paghahayag, at makalangit na pagpapakita ay patuloy na bumuhos sa lupa, pinagkakalooban ang mga naninirahan dito ng mahalagang kaalaman tungkol sa katangian at layunin ng Diyos at Kanyang kaugnayan sa tao.

Inilarawan ni Oliver Cowdery na “hindi maaaring malimutan [ang mga araw na iyon]. … Anong ligaya! anong kababalaghan! anong panggigilalas!”7

Ang mga salita ni Oliver ay nagsasaad sa mga unang elementong kasama ng tunay na pagsamba sa Diyos—isang diwa ng matinding pagkamangha at pasasalamat.

Bawat araw, ngunit lalo na sa araw ng Sabbath, may pambihira tayong pagkakataong maranasan ang pagkamangha at panggigilalas ng langit at ialay ang ating mga papuri sa Diyos para sa Kanyang pinagpalang kabutihan at nag-uumapaw na pagkahabag.

Ito ang magbibigay sa atin ng pag-asa. Ito ang mga unang elemento ng pagsamba.

Liwanag, Kaalaman, at Pananampalataya

Sa pinagpalang araw ng Pentecostes, ang Banal na Espiritu ay pumasok sa puso at isipan ng mga alagad ni Cristo, na pumuspos sa kanila ng liwanag at kaalaman.

Bago sumapit ang araw na iyon may mga sandaling di nila tiyak kung ano ang dapat nilang gawin. Ang Jerusalem ay mapanganib na lugar para sa isang alagad ng Tagapagligtas, at maaaring inisip nila kung ano ang mangyayari sa kanila.

Ngunit nang puspusin ng Banal na Espiritu ang kanilang mga puso, ang pag-aalinlangan at pag-aatubili ay naglaho. Sa napakagandang karanasan ng tunay na pagsamba, ang mga Banal ng Diyos ay tumanggap ng liwanag at kaalaman mula sa langit, at pinalakas na patotoo. At humantong iyon sa pananampalataya.

Mula sa sandaling iyon, ang mga Apostol at mga Banal ay kumilos nang may determinasyon. Buong tapang nilang ipinangaral si Cristo Jesus sa buong mundo.

Kapag nasa atin ang tamang diwa ng pagsamba, inaanyayahan natin ang liwanag at katotohanan na pumasok sa ating mga kaluluwa, na nagpapalakas ng ating pananampalataya. Ang mga ito ay mahahalaga ring sangkap ng tunay na pagsamba.

Pagiging Disipulo at Pag-ibig sa Kapwa-tao

Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin na mula nang maligtas ang Nakababatang Alma mula sa pagdurusang dulot ng kanyang pagsuway, hindi na siya naging tulad ng dati. Buong tapang siyang “naglakbay sa lahat ng dako ng buong lupain … at sa lahat ng tao … , buong sigasig na nagsusumikap na maisaayos ang lahat ng kapinsalaang [kanyang] nagawa sa simbahan.”8

Ang kanyang palagiang pagsamba sa Makapangyarihang Diyos ay naipakita sa masigasig na pagkadisipulo.

Sa tunay na pagsamba tayo ay nagiging matapat at masigasig na mga disipulo ng ating pinakamamahal na Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagbabago tayo at nagiging higit na katulad Niya.

Nagiging mas maunawain at malingap tayo. Mas mapagpatawad. Mas mapagmahal.

Nauunawaan nating imposibleng sabihing mahal natin ang Diyos samantalang napopoot, tinatalikuran, o binabalewala natin ang mga tao sa ating paligid.9

Ang tunay na pagsamba ay humahantong sa di-nagmamaliw na determinasyong lumakad sa landas ng pagkadisipulo. At di maiiwasang humahantong iyan sa pag-ibig sa kapwa-tao. Ang mga ito ay mga sangkap na kailangan din sa pagsamba.

Magsipasok sa Kanyang mga Pintuang-daan na may Pasasalamat

Kapag ginugunita ko ang nagsimula sa isang karaniwang umaga ng Linggo, sa karaniwang meetinghouse, sa karaniwang stake na iyon, kahit ngayon ay naaantig pa rin ako ng pambihirang espirituwal na karanasang iyon na habampanahong magpapala sa aking buhay.

Natutuhan ko na kahit napakahusay nating naisasaayos ang ating oras, tungkulin, at mga assignment—kahit na lagyan natin ng tsek ang lahat ng mga kahon sa ating listahan ng “perpektong” indibiduwal, pamilya, o lider—kung bigo tayong sambahin ang ating mahabaging Tagapagligtas, Hari ng langit, at maluwalhating Diyos, hindi natin matatamasa ang kagalakan at kapayapaan ng ebanghelyo.

Kapag sumasamba tayo sa Diyos, kinikilala at tinatanggap natin Siya nang may pagpipitagan tulad ng ginawa noon ng mga tao sa Amerika. Lumalapit tayo sa Kanya taglay ang di-maarok na damdamin ng paghanga at pagkamangha. Namamangha tayo nang may pasasalamat sa kabutihan ng Diyos. At sa gayon tayo nagkakaroon ng pag-asa.

Pinagninilayan natin ang salita ng Diyos, at pinupuspos nito ang ating kaluluwa ng liwanag at katotohanan. Nauunawaan natin ang mga espirituwal na tanawin na makikita lamang sa pamamagitan ng liwanag ng Espiritu Santo.10 At sa gayon tayo nagkakaroon ng pananampalataya.

Sa ating pagsamba, ang ating mga kaluluwa ay nalilinis na mabuti at nangangako tayong susundan ang mga yapak ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo. At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng pag-ibig sa kapwa-tao.

Kapag sumasamba tayo, ang ating puso ay nagpupuri sa ating mahal na Diyos sa umaga, tanghali, at gabi.

Patuloy natin siyang pinababanal at iginagalang—sa ating mga meetinghouse, tahanan, templo, at sa lahat ng ating gawain.

Kapag sumasamba tayo, binubuksan natin ang ating puso sa nakapagpapagaling na kapangkarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang ating buhay ay nagiging tanda at pagpapahayag ng ating pagsamba.

Mga kapatid, ang mga espirituwal na karanasan ay walang kinalaman sa nangyayari sa paligid natin at lubos na may kaugnayan sa lahat ng nangyayari sa ating mga puso. Saksi ako na ang tunay na pagsamba ay magpapabago sa karaniwang mga miting ng Simbahan upang ito ay maging mga pambihirang espirituwal na piging. Pagyayamanin nito ang ating buhay, palalawakin ang ating pang-unawa, at palalakasin ang ating patotoo. Dahil sa pagtutuon natin ng ating mga puso sa Diyos, tulad ng Mang-aawit noon, tayo ay “[nagsi]sipasok sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: [nagpapasalamat tayo] sa kaniya, at [pinupuri ang] kaniyang pangalan.

“Sapagka’t ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali’t saling lahi.”11

Sa taimtim at taos-pusong pagsamba, tayo’y namumukadkad at nahuhusto sa pag-asa, pananampalataya, at pagkakawanggawa. At sa prosesong iyan, natitipon natin ang makalangit na liwanag sa ating mga puso na nagbibigay sa ating buhay ng banal na kahulugan, patuloy na kapayapaan, at walang hanggang kagalakan.

Ito ang pagpapala ng pagsamba sa ating buhay. Mapagpakumbaba ko itong pinatototohanan sa sagradong pangalan ni Jesucriso, amen.