Pagbabahagi ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo
Ang tinatawag nating “gawaing misyonero ng mga miyembro” ay hindi isang programa kundi pagpapakita ng pagmamahal at paglilingkod para tulungan ang mga nasa paligid natin.
I.
Sa nalalapit na pagtatapos ng ministeryo sa lupa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, iniutos Niya sa Kanyang mga disipulo: “Magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19) at “Magsiyaon nga kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” (Marcos 16:15). Lahat ng Kristiyano ay inuutusang ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao. Tinatawag ito ng marami na “dakilang utos.”
Tulad ng sinabi ni Elder Neil L. Andersen sa sesyon kaninang umaga, tiyak na kabilang ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga taong pinakatapat sa pagtupad sa dakilang responsibilidad na ito. Marapat lamang na maging ganito tayo dahil alam natin na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak at ipinanumbalik Niya sa mga huling araw na ito ang karagdagang mahahalagang kaalaman at kapangyarihan upang pagpalain silang lahat. Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin natin ang lahat bilang ating mga kapatid, at sinusunod natin ang turong iyan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng patotoo at mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo “sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao” (D at T 112:1). Ito ay mahalagang bahagi sa kahulugan ng pagiging Banal sa mga Huling Araw. Itinuturing natin ito na isang masayang pribilehiyo. Ano pa ba ang mas sasaya kaysa sa ibahagi ang mga walang hanggang katotohanan sa mga anak ng Diyos?
Marami tayong resources ngayon na makatutulong para maibahagi ang ebanghelyo na wala sa mga naunang henerasyon. May TV, internet, at mga social media channel tayo. Marami tayong mahahalagang mensahe para maipakilala ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Kilala ang Simbahan sa maraming bansa. Dumarami ang bilang ng mga missionary natin. Ngunit ginagamit ba natin ang lahat ng resources na ito nang lubusan? Palagay ko karamihan sa atin ay magsasabi ng hindi. Hangad nating mas maging mahusay sa pagtupad natin sa responsibilidad na ibinigay ng Diyos na ipahayag ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong mundo.
Maraming magagandang ideya sa pagbabahagi ng ebanghelyo na magiging epektibo sa bawat stake o bansa. Gayunman, dahil tayo ay Simbahang para sa buong mundo, magsasalita ako tungkol sa mga ideya na magiging epektibo saanman, pati sa mga pinakabago at pinakamatagal nang unit ng Simbahan, sa mga kultura na tumatanggap na ngayon ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa mga bansang lalo pang napopoot sa relihiyon. Magsasalita ako tungkol sa mga ideya na magagamit ninyo sa mga taong tapat na naniniwala kay Jesucristo gayon din sa mga hindi pa kailanman narinig ang Kanyang pangalan, sa mga taong kuntento na sa kanilang kasalukuyang buhay gayon din sa mga taong lubos na nagsisikap na mas pagbutihin ang kanilang sarili.
Ano ang maaari kong sabihin na tutulong sa pagbabahagi ninyo ng ebanghelyo, anuman ang inyong kalagayan? Kailangan natin ang tulong ng lahat ng miyembro, at lahat sila ay maaaring tumulong, dahil napakaraming dapat gawin habang ibinabahagi natin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.
Alam nating lahat na ang partisipasyon ng mga miyembro sa gawaing misyonero ay mahalaga sa pagpapabalik-loob at pagpapanatiling aktibo. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama … [at], magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. Naghanda Siya ng maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo, at tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain.”1
Ang pagbabahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay habambuhay na tungkulin at pribilehiyo natin bilang Kristiyano. Ipinaalala sa atin ni Elder Quentin L. Cook, “Ang gawaing misyonero ay hindi lang isa sa 88 teklado sa piyano na tinutugtog paminsan-minsan; ito ay isang mahalagang kuwerdas sa nakaaantig na himig na kailangang patuloy na tugtugin habang nabubuhay tayo kung gusto nating manatiling tapat sa Kristiyanismo at sa ebanghelyo ni Jesucristo.”2
II.
May tatlong bagay na magagawa ang lahat ng miyembro para makatulong sa pagbabahagi ng ebanghelyo, saan man sila nakatira at nagtatrabaho. Lahat tayo ay dapat gawin ang lahat ng ito.
Una, manalangin tayong lahat na magkaroon ng hangaring tumulong sa mahalagang bahaging ito ng gawain ng kaligtasan. Lahat ng pagsisikap ay nagsisimula sa pagkakaroon ng hangarin.
Pangalawa, sundin natin ang mga kautusan. Ang matatapat at masunuring miyembro ay pinakanakahihikayat na saksi ng katotohanan at kahalagahan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Higit sa lahat, palaging nasa matatapat na miyembro ang Kanyang Espiritu na gagabay sa kanila kapag hinangad nilang makibahagi sa dakilang gawain ng pagbabahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Pangatlo, manalangin tayo na bigyan ng inspirasyon kung ano ang dapat nating gawin sa kani-kanyang pagbabahagi natin ng ebanghelyo sa iba. Naiiba ito sa pananalangin para sa mga missionary o pananalangin para sa magagawa ng iba. Dapat tayong manalangin para sa mismong magagawa natin. Kapag nanalangin tayo, dapat nating tandaan na ang mga panalangin para sa ganitong uri ng inspirasyon ay masasagot lamang kung sasamahan ng pangakong gagawin ito—na tinatawag sa banal na kasulatan na “tunay na layunin” o “buong layunin ng puso.” Manalangin nang may pangakong gagawin ang inspirasyong matatanggap ninyo, ipinapangako sa Panginoon na kapag nainspirasyunan kayo na kausapin ang iba tungkol sa ebanghelyo, ay gagawin ninyo ito.
Kailangan natin ang patnubay ng Panginoon dahil kahit kailan ay may mga taong handa—at ang ilan ay hindi handa—na tanggapin ang mga karagdagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi tayo ang magpapasiya kung sino ang handa at hindi handa. Alam ng Panginoon ang nasa puso ng lahat ng Kanyang mga anak, at kung mananalangin tayo na bigyan tayo ng inspirasyon, tutulungan Niya tayong makahanap ng mga tao na alam Niya na “handa nang pakinggan ang salita” (Alma 32:6).
Bilang Apostol ng Panginoon, hinihikayat ko ang lahat ng miyembro at pamilya sa Simbahan na manalangin sa Panginoon na tulungan kayo na makahanap ng mga tao na tatanggap ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Narito ang mahalagang payo ni Elder M. Russell Ballard, at sang-ayon ako rito: “Magtiwala sa Panginoon. Siya ang Mabuting Pastol. Kilala Niya ang Kanyang mga tupa. … At kung hindi tayo kikilos, malalagpasan ang maraming makikinig sana sa mensahe ng Panunumbalik. … Simple lang ang mga alituntunin—manalangin, nang personal at kasama ang inyong pamilya, para sa mga pagkakataong magbahagi ng ebanghelyo.”3 Kapag ipinakita natin ang ating pananampalataya, ang pagkakataong ito ay mangyayari nang walang “pilit o … ipinlanong sagot. Likas na dadaloy ang mga ito dahil sa pagmamahal natin sa ating mga kapatid.”4
Alam ko na ito ay totoo. Idaragdag ko ang aking pangako na kapag nanalig tayo sa tulong ng Panginoon, tayo ay magagabayan, mabibigyang-inspirasyon, at makadarama ng kagalakan sa walang hanggan at mahalagang gawaing ito ng pagmamahal. Mauunawaan natin na ang pagtatagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay pag-anyaya sa mga tao nang may pagmamahal at tunay na layunin na tulungan sila, anuman ang kanilang itugon.
III.
Narito ang iba pang mga bagay na magagawa natin para maibahagi nang epektibo ang ebanghelyo:
-
Kailangang tandaan natin na “ang mga tao ay natututo kapag handa na silang matuto, hindi kapag handa na tayong magturo sa kanila.”5 Sa mga bagay na interesado tayo, tulad ng mga karagdagang turo sa doktrina sa ipinanumbalik na Simbahan, karaniwang hindi interesado dito ang ibang tao. May mga taong gusto lang ang mga epekto ng doktrina, hindi mismo ang doktrina. Kapag nakita o naranasan nila ang mga epekto ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay, madarama nila ang Espiritu, at magiging interesado sa doktrina. Maaaring maging interesado rin sila kapag nais nilang lalo pang lumigaya, mas mapalapit sa Diyos, o mas maunawaan ang layunin ng buhay.6 Kaya, kailangan nating maingat at mapanalanging hangaring makahiwatig kung paano tatanungin ang tao kung interesado siyang malaman pa ito. Depende ito sa iba’t ibang bagay, tulad ng kasalukuyang sitwasyon ng isang tao at sa kaugnayan natin sa kanya. Magandang pag-usapan ito sa mga council, korum, at Relief Society.
-
Kapag kakausapin natin ang iba, kailangang alalahanin natin na ang paanyayang alamin pa ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay lalong mainam kaysa sa paanyayang alamin ang tungkol sa ating Simbahan.7 Gusto nating magbalik-loob ang mga tao sa ebanghelyo. Iyan ang mahalagang papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon. Mahihikayat sila na alamin ang tungkol sa ating Simbahan kasunod ng pagbabalik-loob nila kay Jesucristo; dapat mauna ang pagbabalik-loob. Maraming hindi nagtitiwala sa mga simbahan ngunit nagmamahal sa Tagapagligtas. Unahin natin ang dapat unahin.
-
Kapag hinangad nating ipakilala ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga tao, gawin natin ito nang taos-puso at nang may pagmamahal sa kanila. Nangyayari ito kapag sinisikap nating tulungan ang iba sa kanilang mga problema o kapag kasama natin sila sa mga gawaing pang-serbisyo sa komunidad, tulad ng pagtulong sa mga nahihirapan, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, o pagtulong na mas mapabuti ang buhay ng iba.
-
Hindi lamang sa mga kaibigan at kakilala natin dapat ibahagi ang ebanghelyo. Noong Olympics nalaman namin ang tungkol sa isang LDS na taxi driver sa Rio de Janeiro na nagdadala ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa pitong iba’t ibang wika at ibinibigay ito sa sinumang tatanggap nito. Tinatawag niya ang kanyang sarili na “taxi driver na missionary.” Sinabi niya, “Ang mga kalsada sa Rio de Janeiro … ang [aking] mission field.”8
Sinabi ni Clayton M. Christensen, na may magandang karanasan bilang member missionary, na “sa nakalipas na dalawampung taon, nalaman namin na walang kinalaman ang pagiging malapit sa isa’t isa ng mga tao at hindi rin ito garantiya na tatanggapin ng isa sa mga taong iyon ang ebanghelyo.”9
-
Maaaring magplano ang mga ward bishopric ng isang espesyal na sacrament meeting kung saan hihikayatin ang mga miyembro na magdala ng mga taong interesado sa ebanghelyo. Di-gaanong mag-aalangan ang mga miyembro ng ward na magsama ng kanilang mga kakilala sa ganitong miting dahil mas makatitiyak sila na ang mga miting ay ipaplanong mabuti para maging mas interesado pa ang mga taong ito at para mas maipakilala rin nang mabuti ang Simbahan.
-
Maraming iba pang pagkakataon na maibabahagi ang ebanghelyo. Halimbawa, tulad nitong tag-init, nakatanggap ako ng masayang liham mula sa isang bagong miyembro na nalaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo matapos tumawag sa kanya sa telepono ang isang dating kaklase para magtanong tungkol sa sakit niya. Isinulat niya: “Humanga ako sa paraan ng pagpapakilala niya sa akin. Pagkaraan ng ilang buwang pagtuturo ng mga missionary, nabinyagan ako. Mas bumuti ang buhay ko mula noon.”10 Alam nating lahat na mas magiging mabuti ang buhay ng mga tao dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Hinahanap at pinagmamalasakitan ba natin sila?
-
Ang pagiging interesado at kahusayan ng ating mga kabataan sa social media ay nagbibigay sa kanila ng mga natatanging pagkakataon na mahikayat nila ang iba na alamin ang ebanghelyo. Sa paglalarawan sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita, isinulat ni Mormon, “[S]iya ay nagturo at naglingkod sa mga anak … , at kanyang kinalagan ang kanilang mga dila … nang sila ay makapangusap” (3 Nephi 26:14). Ngayon sa palagay ko sasabihin natin na “kalagan ang kanilang [mga daliri sa pagte-text] nang sila ay makapangusap.” Gawin ito, mga kabataan!
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi isang pasanin kundi isang kagalakan. Ang tinatawag nating “gawaing misyonero ng mga miyembro” ay hindi isang programa kundi pagpapakita ng pagmamahal at paglilingkod para tulungan ang mga nasa paligid natin. Ito rin ay isang pagkakataon para magpatotoo sa nadarama natin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ng ating Tagapagligtas. Itinuro ni Elder Ballard, “Ang isang napakahalagang katibayan ng ating pagbabalik-loob at ng nadarama natin tungkol sa ebanghelyo sa ating sariling buhay ay ang pagkukusa nating ibahagi ito sa iba.”11
Pinatototohanan ko si Jesucristo, na Ilaw at Buhay ng Sanlibutan (tingnan sa 3 Nephi 11:11). Ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang tumatanglaw sa landas natin sa mortalidad. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na tayo ay mabubuhay muli at nagpapalakas sa atin sa pagsulong sa imortalidad. At ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na mapatawad sa ating mga kasalanan at, sa pamamagitan ng maluwalhating plano ng kaligtasan ng Diyos, ay maging marapat sa buhay na walang hanggan, “ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (D at T 14:7). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.