Magtiwala Kayo sa Panginoon
Gawin ang makakaya ninyo sa pagbabahagi ng dakilang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Kababalik lang namin ni Sister Ballard mula sa isang tungkulin sa limang bansa sa Europa. Nagkaroon kami ng pribilehiyong makausap doon ang marami sa ating mga missionary, na marahil ilan doon ay mga anak ninyo. Simula nang ipahayag ni Pangulong Thomas S. Monson ang pagbaba ng edad para makapagmisyon ang ating mga kabataang lalaki at babae, nagkaroon ako ng pribilehiyong makapulong ang mahigit 3,000 sa kanila. Mababakas ang Liwanag ni Cristo sa kanilang mukha, at sabik silang isulong ang gawain—maghanap at magturo, magbinyag, magpaaktibo, at patatagin at itayo ang kaharian ng Diyos. Gayunman, kapag nakausap ninyo sila, malalaman ninyo kaagad na hindi nila kayang gawing mag-isa ang gawaing ito. Ngayon nais kong magsalita sa lahat ng miyembro ng Simbahan, dahil kailangang-kailangang ibahagi ng bawat isa sa atin ang ebanghelyo.
Maraming beses nang nababanggit, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na “matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 386).
Noong 1974 ganito ang sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Marahil ang pinakamalaking dahilan para sa gawaing misyonero ay mabigyan ang mundo ng pagkakataong marinig at matanggap ang ebanghelyo. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga utos at pangako at panawagan at gantimpala sa pagtuturo ng ebanghelyo. Sadyang ginamit ko ang salitang utos dahil tila mariing tagubilin ito na hindi natin matatakasan, nang mag-isa at nang sama-sama” (“When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 4).
Noong Hulyo ng taon ding iyon, umalis kami ni Sister Ballard kasama ang aming mga anak para pamunuan ang Canada Toronto Mission. Parang naririnig ko pa ang mga salita ni Pangulong Kimball, lalo na nang sabihin niyang: “Mga kapatid, naiisip ko lang kung ginagawa nga ba natin ang lahat ng ating magagawa. Nasisiyahan na ba tayo sa ginagawa nating paraan sa pagtuturo sa buong mundo? Mga 144 na taon na tayong naghahanap ng matuturuan sa ebanghelyo. Handa na ba tayong dagdagan ang ating pagsisikap? Lawakan ang ating pananaw?” (Ensign, Okt. 1974, 5).
Hiniling din niyang bilisan natin ang ating gawain, magtulungan na patatagin ang Simbahan at kaharian ng Diyos.
Nitong nakaraang Hunyo inulit ni Pangulong Thomas S. Monson ang mensahe ring iyon sa mga miyembro ng Simbahan. Sinabi ng Pangulo: “Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama … [at] magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. Naghanda Siya ng maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo, at tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain” (“Pananampalataya sa Gawain ng Kaligtasan” [mensaheng ibinigay sa isang espesyal na brodkast, Hunyo 23, 2013]; lds.org/broadcasts).
Makabubuti, mga kapatid, na pag-isipan ang mga turo ng mga propeta mula noong panahon ni Joseph Smith hanggang ngayon. Nanghikayat at nanawagan sila sa pamunuan at mga miyembro ng Simbahan na maging masigasig sa paghahatid ng mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit sa buong mundo.
Ang mensahe ko ngayong hapon ay na ang Panginoon ay pinabibilis ang Kanyang gawain. Sa ating panahon magagawa lamang ito kapag lahat ng miyembro ng Simbahan ay tumutulong nang may pagmamahal upang maibahagi ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Kailangang makipagtulungan tayo sa 80,000 nating mga missionary na naglilingkod ngayon. Ang impormasyon tungkol sa dakilang gawaing ito, lalo na sa mga tungkulin ng mga lider ng stake at ward council, ay malinaw na nakasaad sa LDS.org website na pinamagatang “Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan.”
Alam namin mula sa aming pagsasaliksik na nais ng karamihan sa mga aktibong miyembro ng Simbahan na maging bahagi ng buhay ng taong minamahal nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo, maging ng mga taong hindi pa nila nakikilala. At alam din namin na maraming miyembro ang nag-aalangang gumawa ng gawaing misyonero at magbahagi ng ebanghelyo dahil sa dalawang pangunahing dahilan.
-
Ang una ay takot. Maraming miyembro ang hindi nagdarasal para sa mga pagkakataong maibahagi ang ebanghelyo, sa takot na baka tumanggap sila ng mga banal na pahiwatig na gumawa ng isang bagay na inaakala nilang hindi nila kayang gawin.
-
Ang pangalawang dahilan ay maling pagkaunawa sa kahulugan ng gawaing misyonero.
Alam namin na kapag ang isang tao ay tumayo at nagbigay ng mensahe sa sacrament meeting at sinabing, “Ngayon ay tatalakayin ko ang gawaing misyonero,” o marahil kapag tumayo si Elder Ballard sa pangkalahatang kumperensya at sinabi rin ito, maaaring isipin ng ilan sa inyo na nakikinig, “Iyan na naman; narinig na namin iyan.”
Ngayon, alam namin na walang gustong makaramdam na may kasalanan siya. Siguro inaakala ninyo na hihilingan kayong gumawa ng di-makatotohanang mga bagay sa pakikipag-ugnayan ninyo sa mga kaibigan o kapitbahay. Sa tulong ng Panginoon, hayaan ninyong pawiin ko ang anumang takot ninyo o ng sinuman sa ating mga full-time missionary sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.
Magpasiyang gawin ang ipinagagawa sa atin ni Jesucristo. Sinabi ng Tagapagligtas:
“Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan:
“Sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.
“O anong tao sa inyo, ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay;
“O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas?
“Kung kayo nga … ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa Langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?” (Mateo 7:7–11).
Mga kapatid, mapapalitan ng pananampalataya at tiwala ang takot kapag lumuhod at nanalangin ang mga miyembro at full-time missionary at hiniling sa Panginoon na bigyan sila ng mga pagkakataong makapagbahagi ng ebanghelyo. Pagkatapos, dapat tayong manampalataya at maghintay ng mga pagkakataong maipakilala ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga anak ng ating Ama sa Langit, at tiyak na darating ang mga pagkakataong iyon. Ang mga pagkakataong ito ay hindi mangangailangan kailanman ng pilit o ipinlanong sagot. Likas na dadaloy ang mga ito dahil sa pagmamahal natin sa ating mga kapatid. Maging positibo lamang, at madarama ng mga kausap ninyo ang inyong pagmamahal. Hinding-hindi nila malilimutan ang pakiramdam na iyon, kahit hindi pa panahon para tanggapin nila ang ebanghelyo. Maaari ding magbago iyan sa hinaharap kapag nagbago ang kanilang sitwasyon.
Imposibleng mabigo tayo kapag ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin sa paglilingkod sa Panginoon. Yamang ang kalalabasan ay resulta ng paggamit ng kalayaan, responsibilidad nating ibahagi ang ebanghelyo.
Magtiwala sa Panginoon. Siya ang Mabuting Pastol. Kilala Niya ang Kanyang mga tupa, at kilala ng Kanyang mga tupa ang Kanyang tinig; at ngayon ang tinig ng Mabuting Pastol ay tinig ninyo at tinig ko. At kung hindi tayo kikilos, malalagpasan ang maraming makikinig sana sa mensahe ng Panunumbalik. Sa madaling salita, kailangan tayong sumampalataya at kumilos. Simple lang ang mga alituntunin—manalangin, nang personal at kasama ang inyong pamilya, para sa mga pagkakataong magbahagi ng ebanghelyo. Sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan na maraming taong napagkaitan ng katotohanan “sapagkat hindi [lamang] nila alam kung saan ito matatagpuan” (D at T 123:12).
Hindi kailangang mahusay kayong makisama o magaling magsalita, at nakakakumbinsing magturo. Kung may namamayaning pagmamahal at pag-asa sa inyong kalooban, nangako ang Panginoon na kung “[itataas ninyo] ang inyong mga tinig sa mga taong ito; [at sasabihin] ang mga bagay na ilalagay [Niya] sa inyong mga puso, … hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao;
“[At] ibibigay sa inyo … sa sandali[ng iyon], kung ano ang inyong sasabihin” (D at T 100:5–6).
Ipinapaalala ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa ating lahat na “walang mangyayari sa gawaing misyonero kung hindi [tayo] makahahanap ng tuturuan. Kausapin ang lahat ng taong maaari ninyong kausapin sa bawat araw. Natural lang na parang takot ka[yo]ng makipag-usap sa mga tao. Gayunman, makapagdarasal kayo na magkaroon ng pananampalataya at lakas ng loob na makapagsalita para ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo” ([2004], 179). Kayong mga full-time missionary, kung nais ninyo na mas maraming maturuan, kailangan kayong kumausap ng mas maraming tao araw-araw. Noon pa man ay ito na ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga missionary.
Kilala tayo ng Panginoon. Alam Niya ang ating mga pagsubok. Nauunawaan ko na maaaring nabibigatan ang ilan sa inyo, ngunit dalangin ko na hindi madama ng sinuman sa inyo na magiging pasanin ang magbahagi ng ebanghelyo sa natural at kasiya-siyang mga paraan. Sa halip, ito ay isang pribilehiyo! Walang higit na kagalakan sa buhay kaysa sa masigasig na paglilingkod sa Panginoon.
Ang mahalaga ay mabigyang-inspirasyon kayo ng Diyos, hilingin sa Kanya na patnubayan kayo at pagkatapos ay gawin na ninyo ang ipinapahiwatig sa inyo ng Espiritu. Kapag inisip ng mga miyembro na kanilang responsibilidad lamang ang gawain ng kaligtasan, nakakatakot iyon. Kapag inisip nilang paanyaya ito na sundin ang Panginoon sa pagdadala ng mga kaluluwa sa Kanya para maturuan ng mga full-time elder at sister, ito ay nagbibigay-inspirasyon, nagpapalakas, at nagpapasigla.
Hindi namin hinihiling na gawin ninyo ang lahat. Hinihiling lang naming manalangin ang lahat ng miyembro, batid na kung lahat ng miyembro, bata at matanda, ay mag-aanyaya ng kahit “isa” mula ngayon hanggang Pasko, milyun-milyon ang makadarama sa pagmamahal ng Panginoong Jesucristo. At kaygandang regalo nito sa Tagapagligtas.
Anim na linggo na ang nakararaan nakatanggap ako ng liham mula sa napakamatagumpay na member missionary family, ang pamilya Munns ng Florida. Isinulat nila:
“Mahal naming Elder Ballard, 30 minuto pagkatapos ng pandaigdigang brodkast sa pagpapabilis sa gawain ng kaligtasan, nagdaos kami ng family missionary council. Natuwa kaming malaman na gustong sumali ng aming mga apong tinedyer. Masaya naming ibinabalita na simula noong council meeting namin, napalawak namin ang aming family teaching pool nang 200 porsiyento.
“Nagdala ng mga kaibigan ang aming mga apo sa simbahan, nagalak kaming makasama sa mga sacrament meeting ang ilan sa aming mga kaibigang di-gaanong aktibo, at ilan sa mga bago naming contact ang nangakong magpapaturo sa mga missionary. Ang isa sa aming mga sister na di-gaanong aktibo ay hindi lamang nagbalik sa simbahan kundi nagsama pa ng mga bagong investigator.
“Walang tumanggi sa paanyayang magpaturo sa mga missionary. Napakasayang panahon na maging miyembro ng Simbahang ito” (personal na liham, Ago. 15, 2013).
Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu. Magsumamo sa Panginoon sa taimtim na panalangin. Gawin ang makakaya ninyo sa pagbabahagi ng dakilang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Uulitin ko ang sinabi ng isa pang matagumpay na member missionary na si Clayton Christensen: “Tuwing hahawakan mo sa kamay ang isang tao at ipakikilala mo siya kay Jesucristo, madarama mo ang tindi ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas sa iyo at sa taong hawak mo” (The Power of Everyday Missionaries: The What and How of Sharing the Gospel [2013], 1).
Pagpalain kayo ng Diyos, mga kapatid, na madama ninyo ang malaking kagalakan mula sa mga himalang nararanasan ninyo dahil sa inyong pananampalataya. Tulad ng itinuro sa atin sa Moroni kabanata 7:
“Winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin. …
“… Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga himala ay nagagawa; at sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga anghel ay nagpapakita at naglilingkod sa mga anak ng tao; kaya nga, kung ang mga bagay na ito ay tumigil, sa aba sa mga anak ng tao, sapagkat ito ay dahil sa kanilang kawalang-paniniwala, at lahat ay walang saysay” (Moroni 7:33, 37).
Mula sa sarili kong karanasan mapapatotohanan ko sa inyo na diringgin ng Panginoon ang inyong mga dalangin at magkakaroon kayo ng maraming pagkakataon ngayon at sa darating na mga taon na ipakilala ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pinakamamahal na mga anak ng Ama sa Langit. Pangulong Monson, nakinig po kami. Hahangarin naming lahat na maibahagi sa isang tao ang ebanghelyo. Dalangin ko na maranasan nating lahat ang malaking kagalakang nagmumula sa pagbabahagi ng ebanghelyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.