Patuloy na Humawak nang Mahigpit
Nawa ay patuloy tayong humawak nang mahigpit sa gabay na bakal na humahantong sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit.
Naaalala ng aking ama ang mismong araw, maging ang mismong oras, na ang kanyang pamilya—ama, ina, at apat na anak—ay umalis sa Simbahan, marami sa kanila ang hindi na nakabalik mula noon. Siya ay 13 taong gulang noon, isang deacon, at noong mga panahong iyon dumadalo ng Sunday School ang mga pamilya sa umaga at ng sacrament meeting sa hapon. Isang maaliwalas na araw ng tagsibol, matapos dumalo ng Sunday School sa umaga at sama-samang nagtatanghalian, tumingin ang kanyang ina sa kanyang ama at simpleng itinanong, “Mahal, ano sa palagay mo, dadalo pa ba tayo ng sacrament meeting sa hapon, o mamamasyal na lang tayo kasama ang mga bata?”
Hindi pumasok sa isip ng aking ama na mayroon pang puwedeng gawin maliban sa pagdalo ng sacrament meeting, at silang magkakapatid ay naupo at hinintay ang magiging pasiya nila. Marahil nasiyahan ang pamilya sa pamamasyal nang Linggong iyon ng hapon, ngunit ang simpleng pagpapasiyang iyon ang naging simula ng bagong direksyon na humantong sa paglayo ng pamilya sa Simbahan pati na sa kaligtasan, seguridad, at pagpapala at tinahak ang ibang landas.
Bilang aral sa mga tao ngayon na maaaring matuksong pumili ng ibang landas, ibinahagi ni Lehi sa kanyang pamilya ang isang pangitain kung saan “nakakita [siya] ng di mabilang na lipumpon ng mga tao, marami sa kanila ay nagpapatuloy sa paglalakad, upang kanilang matamo ang landas patungo sa kinatatayuan [niya malapit sa] punungkahoy.
“At … nagtungo sila, at nagsimula sa landas na patungo sa punungkahoy.
“At … may lumitaw na abu-abo ng kadiliman; … kung kaya nga’t sila na mga nagsimula sa landas ay nangaligaw, at sila ay nagpagala-gala at nangawala.”1
Pagkatapos ay nakita ni Lehi ang pangalawang pangkat ng mga tao na “nagpapatuloy sa paglalakad, at nagtungo sila at mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal; at sila ay nagpatuloy sa paglalakad sa abu-abo ng kadiliman, mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal, maging hanggang sa makalapit sila at makakain ng bunga ng punungkahoy.” Nakakalungkot na, “matapos na makakain sila ng bunga ng punungkahoy ay nagpalingun-lingon sila na sa wari ay nahihiya” dahil sa mga taong nasa “malaki at maluwang na gusali,” na “nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri roon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga.” Pagkatapos ang mga taong ito ay “nangagsilayo … patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala.”2 Hindi nila kaya, o marahil hindi nila gusto, na magtiis hanggang wakas.
Gayunman, may pangatlong pangkat na hindi lamang nakarating sa punungkahoy ng buhay, kundi hindi rin sila nangagsilayo pagkatapos niyon. Ayon sa mga banal na kasulatan ang mga taong ito ay “nagpatuloy … sa kanilang paglalakad, patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, hanggang sa makarating sila at napatiluhod at makakain ng bunga ng punungkahoy.”3 Ang gabay na bakal para sa mga taong ito ay kumakatawan ng tanging kaligtasan at seguridad na mahahanap nila, at patuloy silang humawak nang mahigpit; tumanggi silang umalis, kahit na ang kapalit ay kasing simple ng pamamasyal sa kinahapunan ng Linggo.
Patungkol sa pangkat na ito ng mga tao, itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang pinakamahalagang parirala sa talatang ito ay ‘patuloy na humahawak nang mahigpit’ sa gabay na bakal. … Marahil ang pangatlong pangkat na ito ng mga tao ay palaging binabasa at pinag-aaralan at sinasaliksik ang mga salita ni Cristo. … Ito ang pangakat ng mga tao na dapat nating kabilangan.”4
Tayong mga miyembro ng Simbahan ng Diyos ngayon ay gumawa ng mga tipan na tutularan si Jesucristo at susundin ang mga utos ng Diyos. Sa binyag nakipagtipan tayo na tatayong saksi ng Tagapagligtas,5 [tu]tulungan ang mahihina at nangangailangan,6 [su]sundin ang mga utos ng Diyos at magsisi[si] kapag kinakailangan, dahil itinuro ni Apostol Pablo, “Lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”7
Bawat linggo may pagkakataon tayong dumalo ng sacrament meeting, kung saan mapapanibago natin ang mga tipang ito sa pagkain ng tinapay at pag-inom ng tubig ng ordenansa ng sakramento. Ang simpleng pakikibahaging ito ay nagtutulot sa atin na matibay na mangakong muli na susundin si Jesucristo at magsisisi kapag hindi natin natutupad ang pangakong iyan. Kapalit niyon ipinangako sa atin ng Diyos na gagabayan at pangangalagaan tayo ng Kanyang Espiritu.
Mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, itinuturo ng ating mga missionary na dumarating ang paghahayag at patotoo kapag tayo ay dumadalo sa mga miting ng Simbahan tuwing Linggo: “Sa pagdalo natin sa mga miting sa Simbahan at sama-samang pagsamba, pinalalakas natin ang bawat isa. Nag-iibayo ang ating sigla sa pakikihalubilo sa ating mga kaibigan at pamilya. Lumalakas ang ating pananampalataya habang nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan at natututo pa tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.”8
Maaaring may magtanong kung bakit may tatlong magkakahiwalay na miting tuwing Linggo at bakit kailangan ito. Alamin natin nang bahagya ang tatlong miting na ito:
-
Ang sacrament meeting ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong makibahagi sa ordenansa ng sakramento. Pinapanibago natin ang ating mga tipan, tumatanggap ng dagdag na gabay ng Espiritu, at higit na natatagubilinan at napapasigla ng Espiritu Santo.
-
Itinutulot sa atin ng Sunday School na “turuan … ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian,”9 upang ang lahat ay “[mapagtibay] at magkasamang magsasaya.”10 Nagkakaroon tayo ng malaking kakayahan at kapayapaan sa sarili kapag nauunawaan natin ang mga doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
-
Ang mga priesthood meeting ay pagkakataon para sa kalakihan at kabataang lalaki na “matuto ng [kanilang] tungkulin”11 at “lalong ganap na matagubilinan,”12 at ang mga Relief Society meeting ay nagbibigay ng pagkakataon sa kababaihan ng Simbahan na “dagdagan ang kanilang pananampalataya …, palakasin ang [kanilang] mga pamilya at tahanan, at tulungan ang mga nangangailangan.”13
Gayundin, ang mga kabataang babae at mga bata ay may sariling miting at klase kung saan itinuturo sa kanila ang ebanghelyo habang naghahanda sila sa pinakamamahalagang responsibilidad na darating sa kanila. Sa bawat kakaiba pero magkakaugnay na mga miting na ito, natututuhan natin ang doktrina, nadarama ang Espiritu, at napaglilingkuran ang isa’t isa. Bagama’t isinasaalang-alang ang layo ng lugar, gastos sa pamasahe, o kalusugan, dapat nating pagsikapang daluhan ang lahat ng mga miting natin tuwing Linggo. Ipinapangako ko na malaking pagpapala at kapayapaan ang darating mula sa tatlong-oras na miting natin tuwing Linggo.
Matibay na nangako ang pamilya namin na laging dadalo sa lahat ng miting namin tuwing Linggo. Nadama namin na pinalalakas nito ang aming pananampalataya at pinalalalim ang pang-unawa namin sa ebanghelyo. Masaya kami sa naging pasiya naming daluhan ang mga miting ng Simbahan, lalo na kapag sa pag-uwi namin ay patuloy pa rin naming iginagalang ang Sabbath. Dinadaluhan pa namin ang lahat ng miting tuwing Linggo kahit nasa bakasyon kami o nasa ibang lugar. Kamakailan lumiham ang isa sa aming mga anak na babae para sabihing nagsimba siya sa lungsod na pinuntahan niya at isinulat pa niya, “Opo, Itay, dinaluhan ko lahat ng tatlong miting noong Linggo.” Alam naming pinagpala siya sa tamang desisyong ito.
Bawat isa sa atin ay maraming pagpapasiyang dapat gawin tungkol sa paraan ng pagsunod natin sa araw ng Sabbath. Palaging magkakaroon ng ilang “magandang” aktibidad na maaari at dapat isakripisyo kapalit ng mas magandang pagpapasiyang dumalo sa miting ng Simbahan. Sa katunayan isa ito sa mga paraan na “lilinlangin [ng kaaway ang ating] mga kaluluwa, at maingat [tayong] aakayin pababa sa impiyerno.”14 Gumagamit siya ng “magandang” mga aktibidad bilang kapalit ng “mas maganda” o pati ng “pinakamagandang” mga aktibidad.15
Ibig sabihin ng patuloy na paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal ay pagdalo sa lahat ng ating miting tuwing Linggo: sacrament meeting, Sunday School, at mga miting ng priesthood o Relief Society. Ang ating mga anak at kabataan ay dumadalo sa kani-kanilang miting sa Primary, Young Men, at Young Women. Hindi tayo dapat namimili ng mga miting na dadaluhan. Humahawak tayo nang mahigpit sa salita ng Diyos sa pagsamba at pagdalo sa lahat ng miting na dapat daluhan tuwing Sabbath.
Ibig sabihin ng patuloy na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal ay sikapin nating sundin ang lahat ng utos ng Diyos, magdasal nang sarilinan at nang kasama ang pamilya araw-araw, at pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.
Ang patuloy na pagkapit nang mahigpit ay bahagi ng doktrina ni Cristo tulad nang itinuro sa Aklat ni Mormon. Nananampalataya tayo kay Jesucristo, nagsisisi sa ating mga kasalanan, at nagbabago ang ating mga puso, at sumusunod sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng nagpapatunay na kaloob na Espiritu Santo bilang gabay at mang-aaliw. At pagkatapos, tulad ng itinuro ni Nephi, tayo ay “magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo” hanggang sa wakas ng ating buhay.16
Mga kapatid, tayo ay mga pinagtipanang tao. Handa tayong gumawa at tumupad ng mga tipan, at ang pagpapalang ipinangako sa atin ay matatanggap natin ang “lahat ng mayroon ang … Ama.”17 Sa patuloy nating paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga tipan, mapalalakas tayo at malalabanan ang mga tukso at panganib sa mundo. Magagawa nating maglakbay sa mundong ito na puno ng mga hamon sa buhay hanggang sa marating natin ang punungkahoy na may bungang “pinakamahalaga at pinakakanais-nais sa lahat ng iba pang bunga.”18
Ang aking ama ay mapalad na nakapag-asawa ng mabuting babae na humikayat sa kanya na bumalik sa simbahang dinaluhan niya noong bata pa siya at tahaking muli ang tamang landas. Pinagpala ng kanilang katapatan ang lahat ng kanilang mga anak, ang sumunod na henerasyon ng mga apo, at ngayon ng mga apo sa tuhod.
Tulad ng ang simpleng pagpapasiya kung magsisimba o hindi sa isang araw ng Sabbath ay nakaapekto nang malaki sa pamilya ng aking lolo’t lola, ang araw-araw nating pagpapasiya ay makakaapekto nang malaki sa buhay natin sa maraming paraan. Ang tila maliit na pagpapasiya kung dadalo o hindi ng sacrament meeting ay makakaapekto nang malaki at nang walang hanggan.
Nawa ay magpasiya tayong maging masigasig at kamtin ang malalaking pagpapala at pangangalagang dulot ng pagtitipon at pagtupad ng mga tipan. Nawa ay patuloy tayong humawak nang mahigpit sa gabay na bakal na humahantong sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit ang aking dalangin sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.