2010–2019
Sa Aking mga Apo
Oktubre 2013


16:47

Sa Aking mga Apo

May isang pangunahing kautusan na makakatulong sa pagharap natin sa mga hamon at hahantong sa pagkakaroon ng masayang pamilya.

Sa taong ito ikakasal ang aming unang dalawang apo. Ilang taon pa ay malamang na 10 sa kanilang mga pinsan ang darating din sa punto ng kanilang buhay na sila ang susunod na magbubuo ng sarili nilang magandang pamilya.

Ang masayang posibilidad na iyan ay nagpaisip sa akin nang malalim nang humingi sila ng payo sa akin. Itinatanong nila, “Ano ang mga pasiyang magagawa ko na magpapaligaya sa akin?” At sa kabilang banda, “Ano ang mga pasiya na malamang na magpalungkot sa akin?”

Nilikha tayo ng Ama sa Langit na magkakaiba. Walang dalawa sa atin na parehong-pareho ang mga karanasan. Walang mga pamilyang magkakapareho. Kaya hindi nakapagtataka na mahirap magpayo kung paano magpasiya para sa kaligayahan ng pamilya. Subalit iisa ang itinakdang daan ng mapagmahal na Ama sa Langit tungo sa kaligayahan para sa lahat ng Kanyang anak. Anuman ang ating personal na mga katangian o karanasan, iisa lang ang plano ng kaligayahan. Ang planong iyan ay ang sundin ang lahat ng utos ng Diyos.

Para sa ating lahat, pati na sa aking mga apo na nag-iisip nang mag-asawa, may isang pangunahing kautusan na makakatulong sa pagharap natin sa mga hamon at hahantong sa pagkakaroon ng masayang pamilya. Angkop ito sa lahat ng ugnayan anuman ang sitwasyon. Paulit-ulit itong binabanggit sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta sa ating panahon. Narito ang payo ng Panginoon na nasa Biblia para sa lahat ng gustong mamuhay nang magkakasama at maligaya magpakailanman:

“At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya’y tuksuhin:

“Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?

“Sinabi sa kaniya [ni Jesus], Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”1

Mula sa simpleng pahayag na iyon hindi mahirap ibuod ang lahat ng natutuhan ko tungkol sa kung anong mga pagpapasiya ang humahantong sa kaligayahan ng pamilya. Magsisimula ako sa tanong na, “Anong mga pasiya ang umakay sa akin na mahalin ang Panginoon nang buong puso’t kaluluwa at buong pag-iisip ko?” Para sa akin, iyon ay ang makapagpasiyang ilagay ang aking sarili kung saan ako nakadama ng kagalakang dulot ng kapatawaran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoon.

Maraming taon na ang nakalipas, bininyagan ko ang isang binatilyo sa Albuquerque, New Mexico, na naturuan namin ng missionary companion ko. Inilubog ko ang binata sa tubig at iniahon siya. Halos kasintaas ko siguro siya dahil nagsalita siya nang tapat na tapat sa tainga ko. Basa ng tubig ang mukha at tumutulo ang luha sa pisngi na masaya niyang sinabi, “Malinis na ako, malinis na ako.”

Nakita ko rin ang mga luhang iyon ng kaligayahan sa mga mata ng isang taong bumanggit sa mga salita ng isang Apostol ng Diyos. Sinabi niya sa babae, matapos ang masusi at magiliw na interbyu, “Pinatatawad kita sa pangalan ng Panginoon. Ibibigay Niya sa iyo ang katiyakan ng Kanyang kapatawaran sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan.” At ginawa nga Niya iyon.

Nakita ko na kung bakit nasasabi ng Panginoon na kapag pinatawad na ang mga kasalanan, hindi na Niya maaalala ang mga ito. Sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, ang mga taong kilalang-kilala at mahal ko ay nagbago, at ang epekto ng kasalanan ay napawi. Ang puso ko ay puspos ng pagmamahal sa Tagapagligtas at sa mapagmahal na Ama na nagsugo sa Kanya.

Ang malaking pagpapalang iyan ay dumating nang hikayatin ko ang mga taong mahal ko na lumapit sa Tagapagligtas para guminhawa sa pasakit, ginhawang Siya lamang ang makapagbibigay. Kaya nga hinihikayat ko yaong mga mahal ko na tanggapin at gampanan ang bawat tungkuling ibinibigay sa kanila sa Simbahan. Ang pasiyang iyan ay isa sa mahahalagang susi sa kaligayahan ng pamilya.

Ang mga problema sa bawat aspeto ng buhay ay maaaring mag-udyok sa atin na tanggihan o balewalain ang mga tawag na maglingkod sa Tagapagligtas. Magdudulot iyan ng espirituwal na panganib sa ating sarili, sa ating asawa, at sa ating pamilya. Ang ilan sa mga tungkuling iyon ay tila hindi mahalaga, ngunit ang buhay ko, at ang pamilya ko, ay napabuti dahil tinanggap ko ang tungkuling magturo sa deacons quorum. Nadama ko ang pagmamahal ng mga deacon na iyon sa Tagapagligtas at ang pagmamahal Niya sa kanila.

Nakita ko nang mangyari iyan sa buhay ng isang dating stake at mission president nang tawagin siyang maging teachers quorum adviser. May kilala pa akong isang bishop na naging Area Seventy na ginamit ng Panginoon para tulungan ang isang bata sa teachers quorum na nasaktan sa isang aksidente. Ang mga himala mula sa paglilingkod na iyan ay umantig sa buhay ng marami, pati na sa akin, at nagpatindi sa pagmamahal nila sa Tagapagligtas.

Habang naglilingkod sa iba, malamang na humihiling tayo ng patnubay ng Espiritu Santo. Ang tagumpay sa paglilingkod sa Panginoon ay laging naghahatid ng mga himalang lampas pa sa sarili nating kakayahan. Alam ng magulang na may suwail na anak na totoo iyan, gayundin ng visiting teacher na kinausap ng isang babaeng naghahangad ng pag-alo nang sabihan siya ng kanyang asawa na iiwanan na siya nito. Kapwa nagpapasalamat ang mga lingkod na ito na ipinagdasal nila sa Panginoon nang umagang iyon na patnubayan sila ng Espiritu Santo.

Sa patnubay lamang ng Espiritu Santo tayo makakaasa na magsasama ang mag-asawa nang may pantay na karapatan at hindi nagtatalo. Nakita ko na kung gaano kahalaga ang patnubay na iyon sa maligayang pagsasama ng mag-asawa. Ang himala ng pagkakaisa ay nangangailangan ng tulong ng langit, at ng sapat na panahon. Ang mithiin natin ay mabuhay nang magkasama magpakailanman sa piling ng Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas.

Ang aking ama at ina ay magkaibang-magkaiba. Si Inay ay isang mang-aawit at artista. Hilig naman ni Itay ang chemistry. Minsan sa isang symphony concert, nagulat si Inay nang tumayo si Itay at umalis bago magpalakpakan ang mga nanonood. Tinanong siya ni Inay kung saan siya pupunta. Walang anumang sumagot siya ng: “Tapos na, hindi ba?” Ang magiliw na impluwensya lang naman ng Espiritu Santo ang naghikayat sa kanyang sumama roon kay Inay at sa iba pang mga konsiyerto nang paulit-ulit.

Nanirahan si Inay sa New Jersey nang 16 na taon para matustusan ng aking ama ang pamilya sa paggawa ng pagsasaliksik at pagtuturo ng chemistry. Para sa kanya isang sakripisyo ang mawalay sa kanyang biyudang ina at kapatid na dalaga, na nag-alaga sa kanya sa luma nilang bahay sa bukid. Kapwa sila namatay habang nasa New Jersey si Inay. Noon ko lamang nakitang umiyak si Inay.

Makalipas ang ilang taon may nag-alok ng trabaho kay Itay sa Utah. Muli, walang anumang tinanong niya si Inay, “Mildred, ano sa palagay mo ang dapat kong gawin?”

Sabi ni Inay, “Henry, gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti.”

Tinanggihan niya ang trabaho. Kinabukasan sumulat ng isang liham si Inay kay Itay na sana lang ay nasa akin pa. Naaalala kong sinabi ni Inay kay Itay na, “Huwag mong buksan iyan dito. Magpunta ka sa opisina at doon mo buksan iyan.” Nagsimula ang sulat sa galit. Nangako siya kay Inay noon pa na kung may pagkakataon, lilipat sila malapit sa pamilya ni Inay. Nagulat siya sa pagkayamot ni Inay. Hindi niya naalala ang naisin ng puso ni Inay. Agad siyang nagpasabi na tinatanggap niya ang trabaho.

Sabi niya, “Mildred, bakit hindi mo sinabi sa akin”?

Sagot ni Inay, “Dapat ay natatandaan mo iyon.”

Lagi niyang sinasabi na ang paglipat sa Utah ay sarili niyang pasiya, hindi kailanman pagsasakripisyo ng kanyang propesyon. Natanggap nila ang himala ng pagkakaisa. Mas mainam sana kung naipaalala ng Espiritu Santo kay Itay ang matagal na niyang pangako. Ngunit tinulutan niyang palambutin ng Espiritu Santo ang kanyang puso para magkaisa sila ng pasiya ni Inay.

Nakikita ng Ama sa Langit ang mangyayari, kilala Niya ang bawat isa sa atin, at alam Niya ang ating hinaharap. Alam Niya ang mga paghihirap na daranasin natin. Isinugo Niya ang Kanyang Anak upang magdusa para malaman kung paano Niya tayo tutulungan sa ating mga pagsubok.

Alam natin na may mga espiritung anak ang Ama sa Langit sa mundong ito na kung minsan ay pinipiling magkasala at lubhang malungkot. Kaya isinugo Niya ang Kanyang Panganay upang maging ating Manunubos, na siyang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal sa lahat ng nilikha. Kaya kailangan nating asahan na kakailanganin natin ang tulong ng Diyos at ng panahon para maihanda tayong mabuti para sa buhay na walang hanggan, upang makapiling ang ating Ama.

Susubukan tayo sa ating buhay may-pamilya. Isa iyan sa mga layunin ng Diyos sa pagbibigay sa atin ng mortalidad—ang palakasin tayo sa pagdaan sa mga pagsubok. Totoo iyan lalo na sa pamilya, kung saan madarama natin ang malaking kagalakan at kalungkutan at mga hamon na kung minsan ay tila higit pa sa makakaya nating tiisin.

Ganito ang sabi ni Pangulong George Q. Cannon tungkol sa paghahandang ginawa ng Diyos sa inyo at sa akin at sa ating mga anak para sa mga pagsubok na haharapin natin: “Walang isa man sa atin ang hindi minahal ng Diyos. Walang isa man sa atin na hindi Niya pinagmalasakitan at pinangalagaan. Walang isa man sa atin na hindi Niya hinangad na iligtas, at hindi Niya ginawan ng paraan na maligtas. Walang isa man sa atin na hindi Niya pinabantayan sa Kanyang mga anghel. Maaaring wala tayong kabuluhan at hamak sa sarili nating paningin, at sa paningin ng iba, ngunit nananatili ang katotohanan na tayo ay mga anak ng Diyos, at na talagang inutusan Niya ang Kanyang mga anghel—mga nilalang na hindi nakikita na may kapangyarihan at lakas—na bantayan tayo at subaybayan.”2

Totoo ang itinuro ni Pangulong Cannon. Kakailanganin ninyo ang katiyakang ito, na tulad nang kailanganin ko ito at umasa ako rito.

Ipinagdasal ko nang may pananampalataya na subukan at damhin ng isang mahal ko sa buhay ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Ipinagdasal ko nang may pananampalataya na dumating ang mababait na tao para tulungan sila, at dumating nga ang mga ito.

Gumawa ng mga paraan ang Diyos para mailigtas ang bawat isa sa Kanyang mga anak. Para sa marami, kabilang diyan ang makasama ang isang kapatid na lalaki o babae o lolo o lola na mahal sila anuman ang gawin nila.

Ilang taon na ang nakararaan nagkuwento ang isang kaibigan ko tungkol sa kanyang lola. Ang lola niya ay namuhay nang matwid, at tapat sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan sa tuwina. Subalit naging kriminal ang isa sa kanyang mga apo. Sa huli ay nasentensiyahan itong mabilanggo. Naalala ng kaibigan ko na ang kanyang lola, habang tinatahak ang highway para bisitahin ang kanyang apo sa bilangguan, ay may luha sa mga mata habang nagdadalamhating nagdarasal, “Sinikap ko pong mamuhay nang matwid. Bakit, bakit ako nagkaroon ng suwail na apo na tila sinira na ang buhay niya?”

Dumating ang sagot sa kanyang isipan sa mga salitang ito: “Ibinigay ko siya sa iyo dahil alam kong mamahalin mo siya anuman ang ginawa niya.”

Napakagandang aral nito para sa ating lahat. Hindi magiging madali ang tatahaking landas ng mapagmahal na mga magulang at lolo’t lola at lahat ng lingkod ng Diyos sa isang mundong lalo pang sumasama. Hindi natin mapipilit ang mga anak ng Diyos na piliin ang landas tungo sa kaligayahan. Hindi iyan magagawa ng Diyos dahil sa kalayaang ibinigay Niya sa atin.

Mahal ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang lahat ng anak ng Diyos anuman ang piliin nilang gawin o kahinatnan. Tinubos ng Tagapagligtas ang lahat ng kasalanan, gaano man ito kabigat. Kahit kailangang magkaroon ng katarungan, ipinagkakaloob ang awa kung hindi nito aagawin ang katarungan.

Ipinahayag ni Alma ang pag-asang iyan sa anak niyang si Corianton sa mga salitang ito: “Anupa’t alinsunod sa katarungan, ang plano ng pagtubos ay hindi maisasakatuparan, tanging sa mga hinihingi ng pagsisisi ng tao sa kalagayang ito ng paghahanda, oo, dito sa kalagayang ito ng pagsubok; sapagkat maliban sa mga hinihinging ito, ang awa ay hindi magkakaroon ng bisa maliban kung wawasakin nito ang gawa ng katarungan. Ngayon, ang gawa ng katarungan ay hindi maaaring mawasak; kung magkakagayon, ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos.”3

Ang mensahe ko kung gayon sa aking mga apo, at sa ating lahat na nagsisikap na magkaroon ng walang-hanggang pamilya, ay na may kagalakang nakalaan sa matatapat. Bago nilikha ang mundo, minahal at pinagtuunan ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang mga tao na alam Nilang malilihis ng landas. Mamahalin sila ng Diyos magpakailanman.

Mapalad kayong malaman na natutuhan nila ang plano ng kaligtasan mula sa mga turong natanggap nila sa daigdig ng mga espiritu. Sila at kayo ay sapat ang katapatan para tulutang pumarito sa mundo samantalang marami ang hindi tinulutang pumarito.

Sa tulong ng Espiritu Santo, lahat ng katotohanan ay maaalala natin. Hindi natin iyan maipipilit sa iba, ngunit maaari nila itong makita sa ating buhay. Lagi tayong makakahugot ng lakas ng loob sa katiyakan na minsan ay nadama natin ang kagalakang magkasama-sama bilang miyembro ng mahal na pamilya ng ating Ama sa Langit. Sa tulong ng Diyos maaari nating madamang muli ang pag-asa at kagalakang iyan. Dalangin ko na mangyari nawa ito sa ating lahat sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 22:35–40.

  2. George Q. Cannon, “Our Pre-existence and Present Probation,” Contributor, Okt. 1890, 476.

  3. Alma 42:13.