“Hindi Kita Iiwan ni Pababayaan”
Alam ng ating Ama sa Langit … na natututo tayo at lumalago at tumatatag kapag hinaharap natin at nalalagpasan ang mga pagsubok na kailangan nating pagdaanan.
Sa journal ko ngayong gabi, isusulat ko, “Isa ito sa lubos na nagbibigay-inspirasyong mga sesyon sa lahat ng pangkalahatang kumperensyang nadaluhan ko. Lahat ay napakaganda at napakaespirituwal.”
Mga kapatid, anim na buwan na ang nakararaan nang magpulong tayo sa ating pangkalahatang kumperensya, nakaratay noon sa ospital ang mabait kong asawang si Frances, matapos ang matinding pagkahulog ilang araw bago iyon. Noong Mayo, pagkaraan ng ilang linggo ng magiting na pagpupunyaging gumaling sa kanyang mga pinsala, pumanaw siya. Matindi ang pangungulila ko sa kanya. Ikinasal kaming dalawa sa Salt Lake Temple noong Oktubre 7, 1948. Bukas sana ang ika-65 anibersaryo ng aming kasal. Siya ang pag-ibig ko, pinagkakatiwalaan ko, at pinakamatalik kong kaibigan. Hindi sapat na sabihing nangungulila ako sa kanya para maipahayag ang tunay kong damdamin.
Ang kumperensyang ito ang ika-50 taon mula nang tawagin ako ni Pangulong David O. McKay sa Korum ng Labindalawang Apostol. Sa buong panahong ito wala akong ibang natanggap kundi ang ganap at lubos na suporta ng aking mabait na kabiyak. Napakarami niyang ginawang sakripisyo para magampanan ko ang aking tungkulin. Wala akong narinig na reklamo sa kanya kahit madalas ay kinailangan kong gumugol nang ilang araw at kung minsan ay ilang linggo na malayo sa kanya at sa aming mga anak. Isa siyang tunay na anghel.
Nais kong magpasalamat, maging ang aking pamilya, sa pambihirang pagbuhos ng pagmamahal na dumating sa amin simula nang pumanaw si Frances. Daan-daang card at mga liham ang dumating mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nagpapahayag ng paghanga sa kanya at pakikiramay sa aming pamilya. Nakatanggap kami ng maraming magagandang bulaklak. Nagpapasalamat kami sa napakaraming kontribusyong inialay sa kanyang pangalan sa Gen–eral Missionary Fund ng Simbahan. Sa ngalan namin na naiwan niya, ipinapaabot ko ang malaking pasasalamat sa taos-pusong pagpapakita ninyo ng kabaitan.
Napakalaking kaaliwan sa akin sa malungkot na sandaling ito ng paghihiwalay ang aking patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang aking kaalaman na buhay pa rin ang mahal kong si Frances. Alam ko na pansamantala lamang ang aming paghihiwalay. Ibinuklod kami sa bahay ng Diyos ng isang taong may awtoridad na magbuklod sa lupa at sa langit. Alam ko na magkakasama kaming muli balang-araw at hindi na kami muling magkakahiwalay. Ito ang kaalamang nagpapalakas sa akin.
Mga kapatid, maaari nating ipalagay na walang taong nabuhay na hindi dumanas ng pagdurusa at kalungkutan, ni walang panahon sa kasaysayan ng tao kailanman na hindi siya dumanas ng lubos na kaligaligan at kalungkutan.
Kapag naging masaklap ang ating buhay, nariyan ang tuksong magtanong ng “Bakit ako?” Kung minsan tila walang katapusan ang ating mga problema, walang liwanag na papawi sa kadiliman ng gabi. Pakiramdam natin ay naliligiran tayo ng hinanakit at kalungkutan sa nabigong mga pangarap, at ng kawalang-pag-asa. Kasama tayong umuusal ng panawagang nasa Biblia, “Wala bagang balsamo sa Galaad?”1 Nadarama nating pinabayaan na tayo, nagdurusa, nag-iisa. Nakagawian na nating tingnan ang kasawiang-palad natin sa napakanegatibong paraan. Nawawalan tayo ng tiyaga sa paghahanap ng solusyon sa ating mga problema, at nalilimutan natin na madalas ay kailangan ang banal na katangian ng pagtitiyaga.
Ang mga paghihirap na dinaranas natin ang tunay na sumusubok sa kakayahan nating magtiis. Kailangan pa rin nating sagutin ang napakahalagang tanong: Susuko na ba ako, o tatapusin ko ito? Sumusuko nga ang ilan kapag hindi nila madaig ang mga hamon sa kanilang buhay. Para makatapos, kailangan nating magtiis hanggang magwakas ang buhay mismo.
Habang pinag-iisipan natin ang mga kaganapang maaaring mangyari sa ating lahat, masasabi nating katulad ni Job noon, “Ang tao ay ipinanganak sa kabagabagan.”2 Si Job ay isang taong “sakdal at matuwid” na “natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan.”3 Madasalin at mayaman, si Job ay naharap sa isang pagsubok na kayang wasakin ang sinuman. Nawalan ng lahat ng kanyang ari-arian, nilibak ng kanyang mga kaibigan, nahirapan sa kanyang pagdurusa, nawasak ang puso sa pagkawala ng kanyang pamilya, hinimok siyang “itakuwil … ang Dios, at mamatay.”4 Nilabanan niya ang tuksong ito at ipinahayag mula sa kaibuturan ng kanyang marangal na kaluluwa:
“Narito, ang aking saksi ay nasa langit, at siyang nananagot sa akin ay nasa kaitaasan.”5
“Talastas ko na manunubos sa akin ay buhay.”6
Si Job ay nanatiling sumasampalataya. Gagawin din kaya natin iyon kapag naharap tayo sa mga hamon sa ating buhay?
Tuwing nabibigatan tayo sa mga pagsubok ng buhay, alalahanin natin na naranasan din ito ng iba, nagtiis sila, at nadaig nila ito.
Ang kasaysayan ng Simbahan sa dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon ay puno ng mga karanasan ng mga taong naghirap ngunit nanatiling matatag at nagagalak nang isentro nila sa ebanghelyo ni Jesucristo ang kanilang buhay. Ang dahilan? Isinentro nila ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ang tutulong na malampasan natin ang anumang hadlang sa ating daanan. Daranas pa rin tayo ng mahihirap na hamon, ngunit kakayanin nating harapin ang mga ito, nang buong tapang, at magtatagumpay tayo.
Mula sa banig ng karamdaman, mula sa unan na basa sa luha, iaangat tayo sa langit ng banal na katiyakan at natatanging pangako: “Hindi kita iiwan ni pababayaan.”7 Walang kapantay ang gayong kapanatagan.
Nang maglakbay ako sa maraming malalayong lugar sa buong mundo para gampanan ang mga responsibilidad ng aking tungkulin, marami akong nalaman—kabilang na ang katotohanan na lahat ay dumaranas ng kalungkutan at pagdurusa. Hindi ko masusukat ang lahat ng sama ng loob at pighating nasaksihan ko nang kausapin ko ang mga taong nagdadalamhati, may karamdaman, nagdidiborsyo, nahihirapan sa suwail na anak, o pinagdurusahan ang mga bunga ng kasalanan. Marami pa akong mababanggit, dahil napakaraming problemang maaaring dumating sa atin. Mahirap bumanggit ng isang halimbawa, subalit tuwing iisipin ko ang mga hamon, naiisip ko si Brother Brems, isa sa mga Sunday School teacher ko noong bata pa ako. Siya ay matapat na miyembro ng Simbahan, isang lalaking ginintuan ang puso. Sila ng asawa niyang si Sadie, ay may walong anak, na halos lahat ay kaedad ng mga bata sa aming pamilya.
Nang makasal kami ni Frances at lumipat kami ng ward, nakita namin sina Brother at Sister Brems at ang mga miyembro ng kanilang pamilya sa mga kasalan at libing, gayundin sa mga ward reunion.
Noong 1968, pumanaw ang asawa ni Brother Brems na si Sadie. Pumanaw na rin ang dalawa sa walo niyang anak sa paglipas ng mga taon.
Isang araw halos 13 taon na ang nakararaan, tinawagan ako ng panganay na apong babae ni Brother Brems. Ipinaliwanag niya na ika-105 kaarawan na ng kanyang lolo. Sabi niya, “Nakatira siya sa maliit na bahay-kalinga at dinadalaw ng buong pamilya kada Linggo, kung saan siya ang nagtuturo ng aralin [sa ebanghelyo].” Sabi pa niya, “Nitong nakaraang Linggo ibinalita sa amin ni Lolo, ‘Mga mahal, mamamatay na ako ngayong linggo. Puwede bang tawagan n’yo si Tommy Monson. Alam niya kung ano ang gagawin.’”
Binisita ko si Brother Brems nang sumunod na gabi. Matagal-tagal ko na rin siyang hindi nakikita. ‘Di ko siya makausap, dahil bingi na siya. Hindi ko siya masulatan para mabasa niya dahil bulag na siya. Sinabihan ako na nakakausap siya ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng paghawak sa daliri ng kanyang kanang kamay at [pagguhit] sa kaliwang palad niya ng pangalan ng taong bumibisita. Anumang mensahe ay kinailangang ipaalam sa kanya sa ganitong paraan. Sinunod ko ang paraan at hinawakan ang kanyang daliri at binaybay ko ang “T-O-M-M-Y M-O-N-S-O-N,” na siyang tawag niya sa akin. Natuwa si Brother Brems at hinawakan ang aking mga kamay at ipinatong sa kanyang ulo. Alam kong gusto niya ng basbas ng priesthood. Sinamahan ako ng tsuper na nagdala sa akin sa bahay-kalinga at ipinatong namin ang aming mga kamay sa ulo ni Brother Brems at ibinigay ang basbas. Pagkatapos ay dumaloy ang luha sa kanyang mga matang walang paningin. Hinawakan niya nang mahigpit ang aming mga kamay sa pasasalamat. Bagama’t hindi niya narinig ang pagbabasbas namin sa kanya, malakas ang Espiritu, at naniniwala ako na masaya siyang malaman na naibigay namin ang basbas na kailangan niya. Hindi na makakita ang mabait na lalaking ito. Hindi na siya makarinig. Nakaratay siya gabi’t araw sa isang maliit na silid sa bahay-kalinga. Sa kabila niyon naantig ang puso ko sa ngiti sa kanyang mukha at sa sinabi niya. “Salamat sa iyo,” sabi niya. “Napakabait sa akin ng aking Ama sa Langit.”
Sa loob ng linggong iyon, gaya ng ibinadya ni Brother Brems, siya ay namatay. Hindi niya inisip ang kulang sa kanya; sa halip, lubos niyang pinasalamatan palagi ang maraming pagpapala sa kanya.
Alam din ng ating Ama sa Langit, na nagbibigay sa napakaraming tinatamasa natin, na natututo tayo at lumalago at tumatatag kapag hinaharap natin at nalalagpasan ang mga pagsubok na kailangan nating pagdaanan. Alam natin na may mga pagkakataon na daranas tayo ng sama ng loob, dalamhati, at susubukan tayo kung hanggang saan ang ating pananampalataya. Gayunman, ang gayong mga paghihirap ang nagtutulot para tayo’y magpakabuti, ayusin ang ating buhay sa paraang itinuro sa atin ng ating Ama sa Langit, at maging kaiba kaysa rati—mas mabuti kaysa rati, mas maunawain kaysa rati, mas mahabagin kaysa rati, mas malakas ang patotoo kaysa rati.
Ito dapat ang ating layunin—hindi lamang ang magtiyaga at magtiis, kundi maging mas dalisay rin sa espirituwal habang nabubuhay tayo sa masaya at malungkot na panahon. Kung hindi sa mga hamon na dadaigin at mga problemang lulutasin, mananatili sana tayong ganito, kakatiting o walang pagsulong tungo sa ating minimithing buhay na walang hanggan. Nagpahayag ng gayon ding ideya ang makata sa mga salitang ito:
Hindi madaling lumaki ang mabuting puno,
Kapag mas malakas ang hangin, mas tumatatag ito.
Kapag mas mataas ang langit, tumataas itong lalo.
Kapag mas maraming unos, mas lumalakas ito.
Sa init at lamig, sa ulan at snow,
Sa puno man o sa tao, kabutiha’y lumalago.8
Panginoon lamang ang nakaaalam sa tindi ng ating mga pagsubok, pasakit, at pagdurusa. Siya lamang ang naghahandog sa atin ng walang-hanggang kapayapaan sa oras ng paghihirap. Siya lamang ang umaantig sa ating naghihirap na kaluluwa sa Kanyang nakaaaliw na mga salita:
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.
“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.”9
Sa pinakamasasayang sandali man o sa pinakamalungkot, kasama natin Siya. Nangako Siya na hinding-hindi ito magbabago.
Mga kapatid, nawa’y maging tapat tayo sa ating Ama sa Langit na hindi nagbabago sa paglipas ng mga taon o sa mga kagipitan natin sa buhay. Hindi na natin kailangan pang dumanas ng mga paghihirap para alalahanin Siya, at hindi na tayo dapat piliting magpakumbaba bago tayo sumampalataya o magtiwala sa Kanya.
Nawa’y lagi tayong magpunyaging mapalapit sa ating Ama sa Langit. Para magawa ito, kailangan nating manalangin at makinig sa Kanya araw-araw. Talagang kailangan natin Siya bawat oras, masasayang oras man ang mga ito o malulungkot. Nawa’y alalahanin natin palagi ang Kanyang pangako: “Hindi kita iiwan ni pababayaan.”10
Taglay ang buong lakas ng aking kaluluwa, pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay at mahal Niya tayo, na ang Kanyang Bugtong na Anak ay nabuhay at namatay para sa atin, at na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang tumatagos na liwanag na kumikinang sa kadiliman ng ating buhay. Nawa’y magkaganito nga, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.