2010–2019
Ibig Mo Bagang Gumaling?
Oktubre 2013


9:38

Ibig Mo Bagang Gumaling?

Kapag tayo ay nagsisi at nagbalik-loob sa Panginoon, tayo ay gagaling, at ang ating kasalanan ay napapawi.

Sa isang panahon ng masayang piging sa Jerusalem, iniwan ng Tagapagligtas ang maraming tao at hinanap ang mga higit na nangangailangan. Natagpuan niya sila sa Betesda, ang tangke na may limang portiko sa tabi ng pintuan ng mga tupa na bantog noon na dinadayo ng mga may karamdaman.

Sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ni Juan na malapit sa tangke ay “nangaghandusay ang marami[ng] maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo, na naghihintay sa paggalaw ng tubig.

“Sapagka’t lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tangke at kinakalawkaw ang tubig: at ang unang manaog sa tangke, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anomang sakit na dinaramdam” (Juan 5:3–4).

Ang pagbisita ng Tagapagligtas ay inilarawan sa isang magandang painting ni Carl Bloch na pinamagatang Pinagagaling ni Cristo ang Maysakit sa Betesda. Ipinakita ni Bloch si Jesus na dahan-dahang hinahawi ang pansamantalang tabing, at nalantad ang “lalaking maysakit” (Juan 5:7) na nakahiga malapit sa tangke, at naghihintay. Dito ang salitang maysakit ay tumutukoy sa isang taong walang-lakas at binibigyang-diin ang awa at biyaya ng Tagapagligtas, na tahimik na naglingkod sa mga taong hindi kayang tulungan ang kanilang sarili.

Sa painting, ang lalaking maysakit ay nasa sahig sa gawing likuran, pagod at pinanghihinaan ng loob dahil 38 taon na siyang maysakit.

Nang hawiin ng Tagapagligtas ang tela gamit ang isang kamay, isinenyas Niya ang isa pang kamay at nakakaantig na nagtanong: “Ibig mo bagang gumaling?”

Sumagot ang lalaki, “Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa’t samantalang ako’y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako” (Juan 5:6–7).

Sa tila napakahirap na hamon sa lalaki, si Jesus ay nagbigay ng malalim at di-inaasahang sagot:

“Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.

“At pagdaka’y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan, at lumakad” (Juan 5:8–9).

Sa isa pang madamdaming tagpo, sinabi sa atin ni Lucas na ang Tagapagligtas, habang papunta sa Jerusalem, ay may nakitang 10 ketongin. Dahil sa karamdaman nila, sila’y “nagsitigil sa malayo” (Lucas 17:12). Sila’y mga taong pinabayaan—marurumi at inaayawan.

“Jesus, Guro, maawa ka sa amin,” ang samo nila (Lucas 17:13)—sa madaling salita, sinasabing, “Wala Ka bang magagawang anuman para sa amin?”

Batid ng Dakilang Manggagamot, na puno ng habag, na kailangang mauna ang pananampalataya bago ang himala kaya’t Kanyang sinabi sa kanila, “Magsihayo kayo at kayo’y pakita sa mga saserdote” (Lucas 17:14).

Nang humayo sila nang may pananampalataya, dumating ang himala. Nakikinita ba ninyo ang nag-uumapaw na galak sa bawat hakbang nila nang masaksihan nila mismo ang pagkalinis, paggaling, at panunumbalik sa dati ng kanilang katawan?

“Isa sa kanila, nang makita niyang siya’y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig;

“At siya’y nagpatirapa sa … paanan [ng Panginoon], na nagpapasalamat sa kaniya. …

“At sinabi [ni Jesus] sa kaniya, Magtindig ka, at yumaon ka sa iyong lakad: pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (Lucas 17:15–16, 19).

Sa aking dating trabaho bilang doktor at siruhano, nakatuon ako sa pagpapagaling at paggamot ng katawan. Pinagagaling ni Jesucristo ang katawan, isipan, at espiritu, at ang Kanyang pagpapagaling ay nagsisimula sa pananampalataya.

Naaalala ba ninyo nang punung-puno kayo ng galak at pananampalataya? Naaalala ba ninyo nang magkaroon kayo ng patotoo o nang pagtibayin ng Diyos na kayo ay Kanyang anak at na mahal na mahal Niya kayo—at nadama ninyong napagaling kayo? Kung tila nawala na ang panahong iyon, maaari itong madamang muli.

Pinapayuhan tayo ng Tagapagligtas kung paano tayo magiging buo—magiging kumpleto, o mapapagaling:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

Ang “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Luke 18:22) ay nag-aanyaya sa ating talikuran ang dating buhay at mga makamundong hangarin at maging bagong nilalang na “ang mga dating bagay ay nagsilipas na [at lahat ng bagay ay] pawang naging bago” (II Corinto 5:17), taglay ang isang bago, matapat na puso. At tayo ay muling napagaling.

“Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:63).

Sa paglapit natin sa Kanya, matatanto natin na ang mortalidad ay mahirap at na ang pagkakaroon ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11) ay hindi kamalian sa plano ng kaligtasan. Sa halip, ang pagsalungat ay mahalagang bahagi ng mortalidad at pinalalakas nito ang ating puso at isipan at dinadalisay ang ating mga pagpili. Ang malalaking pagbabago sa buhay ay tumutulong sa atin na magkaroon ng walang-hanggang ugnayan sa Diyos—at iniuukit ang Kanyang larawan sa ating mukha kapag isinuko natin ang ating puso sa Kanya (tingnan sa Alma 5:19).

“Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19) ang hiniling ng ating Tagapagligtas nang pasimulan Niya ang tinatawag nating sakramento. Ang ordenansang ito ng tinapay at tubig ay nagpapanibago ng mga sagradong tipan na ginawa natin sa Diyos at inaanyayahan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating buhay. Napagagaling tayo sa pagtalikod sa mga ugali at uri ng pamumuhay na nagpapatigas sa ating puso at leeg. Kapag ibinaba natin ang “[ating] mga sandata ng paghihimagsik” (Alma 23:7), tayo ay nagiging “mga kinatawan ng [ating] sarili” (D at T 58:28), hindi na nabubulag ng katusuhan ni Satanas o nabibingi ng magulong ingay ng sekular na daigdig.

Kapag tayo ay nagsisi at nagbalik-loob sa Panginoon, tayo ay napagagaling, at ang ating kasalanan ay napapawi. Maaaring isipin natin, gaya ni Enos, “Paano ito nangyari?” Ang sagot ng Panginoon: “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo. … Samakatwid humayo ka, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo” (Enos 1:7, 8).

Si Corrie ten Boom, isang tapat na babaing Dutch na Kristiyano, ay dumanas ng gayong paggaling kahit na nakulong siya sa mga concentration camp noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dumanas siya ng matinding hirap, ngunit hindi tulad ng mahal niyang kapatid na si Betsie, na namatay sa isa sa mga kampong iyon, si Corrie ay nakaligtas.

Pagkatapos ng digmaan lagi na siyang nagsasalita sa publiko tungkol sa kanyang mga karanasan at tungkol sa paggaling at pagpapatawad. Minsan, ang dating guwardiya ng Nazi na naging bahagi ng pagkakulong ni Corrie sa Ravensbrück, Germany, ay lumapit sa kanya na nagagalak sa kanyang mensahe ng pagpapatawad at pagmamahal ni Cristo.

“‘Maraming salamat sa mensahe mo, Fraulein,’ sabi niya. ‘Para isipin na, gaya ng sabi mo, pinawi Niya ang aking mga kasalanan!’

“Iniabot niya ang kanyang kamay para kamayan ako,” paggunita ni Corrie. “At ako, na madalas mangaral … na kailangang magpatawad, ay hindi nag-abot ng aking kamay.

“Kahit na ang galit at paghihimagsik ay nag-aalpas sa aking kalooban, nakita kong kasalanan ang mga ito. … Panginoong Jesus, dasal ko, patawarin po Ninyo ako at tulungan akong patawarin siya.

“Sinubukan kong ngumiti, [at] nahirapan akong itaas ang aking kamay. Hindi ko magawa. Wala akong madama, kahit kaunting habag o pag-ibig sa kapwa. Kaya’t muli akong tahimik na nanalangin. Jesus, hindi ko po siya mapatawad. Ibigay po Ninyo sa akin ang Inyong pagpapatawad.

“Nang hawakan ko ang kanyang kamay may kakaibang nangyari. Mula balikat hanggang sa bisig ko at sa palad ay tila may kuryenteng dumaloy mula sa akin papunta sa kanya, at sa puso ko ay nag-umapaw ang pagmamahal sa estrangherong ito.

“Kaya’t natuklasan ko na hindi sa ating pagpapatawad ni sa ating kabutihan nakasalalay ang paggaling, kundi nasa Kanya. Kapag sinasabi Niyang mahalin natin ang ating mga kaaway, ibinibigay Niya, kaakibat ng utos na ito, ang pagmamahal mismo.”1

Si Corrie ten Boom ay napagaling.

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “May isang buhay na nagbibigay-lakas sa mga nababagabag o puno ng lungkot at pighati—maging ang Panginoong Jesucristo.”2

Kung sa pakiramdam ninyo ay marumi kayo, hindi minamahal, malungkot, di-karapat-dapat, o hindi napagaling, alalahanin na “lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”3 Manampalataya at maging matiyaga sa takdang oras at sa mga layunin ng Tagapagligtas para sa iyo. “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36).

Mapanatag na hangad pa rin ng Tagapagligtas na pagalingin ang ating mga puso at kaluluwa. Siya ay naghihintay sa pinto at kumakatok. Sumagot tayo sa pamamagitan ng muling pananalangin, pagsisisi, pagpapatawad, at paglimot. Mahalin natin ang Diyos at paglingkuran ang ating kapwa at tumayo sa mga banal na lugar na may malinis na buhay. Ang lalaking maysakit sa tangke ng Betesda, ang ketongin sa daan papuntang Jerusalem, at si Corrie ten Boom ay nagsigaling. “Ibig mo bagang gumaling?” Magtindig, at lumakad kayo. Ang Kanyang “biyaya ay sapat” (II Mga Taga Corinto 12:9), at hindi kayo mag-iisa.

Nalaman ko na ang Diyos ay buhay. Alam ko na tayong lahat ay Kanyang mga anak at mahal Niya tayo sa kung sino tayo at kung ano ang maaari nating marating. Alam ko na isinugo Niya ang Kanyang Anak sa daigdig upang magbayad-sala para sa buong sangkatauhan at ang tumatanggap sa Kanyang ebanghelyo at sumusunod sa Kanya ay mapagagaling at magiging ganap—“sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban” (D at T 88:68), sa pamamagitan ng Kanyang magiliw na awa. Ito ang patotoo ko sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Corrie ten Boom, The Hiding Place (1971), 215.

  2. Thomas S. Monson, “Meeting Life’s Challenges,” Ensign, Nob. 1993, 71.

  3. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 57.