2010–2019
Maging Maamo at may Mapagpakumbabang Puso
Oktubre 2013


11:21

Maging Maamo at May Mapagpakumbabang Puso

Ang pagiging maamo ay hindi nangangahulugan ng kahinaan, kundi pag-uugaling may kabutihan at kabaitan.

Itinuro ni Mormon na ang tao ay “hindi … mag[ka]karoon ng pananampalataya at pag-asa, maliban kung siya ay maging maamo, at may mapagpakumbabang puso.”1 Idinagdag pa niya na kung wala ang mga katangiang ito, ang “pananampalataya at pag-asa ay walang saysay, sapagkat walang isa mang katanggap-tangap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso.2

Ang kababaang-loob ay katangian ng mga taong “may takot sa Diyos, mabuti, mapagpakumbaba, madaling turuan, at matiisin sa dusa o hirap.”3 Ang mga nagtataglay nito ay handang sumunod kay Jesucristo, at ang kanilang ugali ay mahinahon, maamo, mapagpaubaya, at masunurin.

Itinuro ni Apostol Pablo na ang kababaang-loob ay bunga ng Espiritu.4 Kung gayon, pinakamadaling makakamit ito kung tayo’y “nangabubuhay sa … Espiritu.”5 At sa pamumuhay sa Espiritu, ang estilo ng ating pamumuhay ay dapat kakitaan ng kabutihan sa harapan ng Panginoon.

Sa pagtataglay natin ng pangalan ni Cristo, inaasahan na sisikapin nating tularan ang Kanyang mga katangian sa ating buhay at babaguhin ang ating pag-uugali upang lalong matulad sa Kanya sa bawat araw. Ang Tagapagligtas, sa paghikayat sa Kanyang mga disipulo, ay nagsabi, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.”6 Kung tayo ay “[lalapit] kay Cristo, … pag[ka]kaitan ang [ating sarili] ng lahat ng kasamaan; … at iibigin ang Diyos,” sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo darating ang araw na maaari tayong maging ganap sa Kanya.7

“Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Dumarating ang mga [katangiang ito] kapag ginamit [natin] nang wasto ang kalayaan [nating] pumili. … Taglay ang hangaring pasayahin ang Diyos, [dapat nating] alamin ang [ating] mga kahinaan at maging handa at sabik na magpakabuti.”8

Ang kaamuan ay mahalaga para lalo tayong maging katulad ni Cristo. Kung wala ito hindi mapapasaatin ang iba pang mahahalagang katangian. Ang kababaan ng loob ay hindi nangangahulugan ng kahinaan, kundi ibig sabihin nito ay pagkilos na may kabutihan at kabaitan, pagpapakita ng lakas, katahimikan, mainam na pagpapahalaga sa sarili, at pagpipigil sa sarili.

Ang kaamuan ang isa sa mga nangingibabaw na katangian sa buhay ng Tagapagligtas. Itinuro Niya mismo sa Kanyang mga alagad, “Magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso.”9

Mapalad tayong maisilang na taglay ang binhi ng kaamuan sa ating mga puso. Dapat nating maunawaan na hindi maaaring lumago at umunlad ang binhing iyon sa isang kisap-mata kundi sa paglipas ng panahon. Iniutos sa atin ni Cristo na “pasanin sa araw-araw ang [ating] krus,”10 na ibig sabihin ito ay dapat palaging pagtuunan ng pansin at hangarin.

Si Pangulong Lorenzo Snow, ang ikalimang propeta ng ating dispensasyon, ay nagturo, “Tungkulin nating sikaping maging perpekto, … na bumuti sa bawat araw, at tingnan ang ginawa natin noong nakaraang linggo at pagbutihin pa sa linggong ito; pagbutihin ang mga gagawin ngayon kaysa kahapon.”11 Kaya’t ang unang hakbang sa pagiging maamo ay ang pagbutihin pa ito araw-araw. Sa bawat araw kailangan nating sikaping mas bumuti kaysa sa nakaraan habang patuloy tayong sumusulong sa prosesong ito.

Idinagdag pa ni Pangulong Snow:

“Nakagagawa tayo ng mumunting kahangalan at nariyan ang ating mga kahinaan; dapat nating sikaping daigin kaagad ang mga ito hangga’t maaari, at dapat nating maitimo ang damdaming ito sa puso ng ating mga anak, upang … matuto silang kumilos nang wasto sa Kanyang harapan sa lahat ng pagkakataon.

“Kung ang isang lalaki ay mabubuhay nang isang araw sa piling ng kanyang asawa nang hindi nakikipag-away o nang hindi nagmamalupit sa sinuman o nang hindi sinasaktan ang damdamin ng Espiritu ng Diyos sa anumang paraan … ; siya ay perpekto sa gayong aspeto. Pagkatapos ay hayaang sikapin niyang gawin ang gayon din sa susunod na araw. Ngunit halimbawang nabigo siya sa pagtatangkang gawin ito kinabukasan, hindi iyon dahilan upang hindi niya matagumpay na magawa ito sa ikatlong araw.”12

Sa pagkilala sa ating katapatan at pagsisikap, ibibigay sa atin ng Panginoon ang bagay na hindi natin kayang makamtan dahil sa ating mga kakulangan at kahinaan bilang tao.

Ang isa pang mahalagang hakbang sa pagiging maamo ay ang matutong kontrolin ang ating galit. Dahil ang likas na tao ay nasa kalooban ng bawat isa sa atin at dahil nabubuhay tayo sa mundong puno ng pamimilit, ang pagkontrol sa ating galit ay maaaring isa sa mga hamon sa ating buhay. Isipin saglit kung paano ang magiging reaksyon mo sa isang taong hindi sumusunod sa nais mo sa oras na gusto mong sumunod sila. Paano naman kapag hindi sang-ayon ang mga tao sa iyong mga ideya, kahit na natitiyak mong ang mga ito ang tamang solusyon sa isang problema? Ano ang tugon mo sa taong nakasakit ng iyong damdamin, bumabatikos sa mga ginagawa mo, o hindi mabait sa iyo dahil mainit ang ulo niya? Sa mga sandaling ito at sa iba pang mahihirap na situwasyon, dapat nating matutuhang kontrolin ang ating galit at magpakita ng pasensya at magiliw na panghihikayat. Pinakamahalaga ito sa ating mga tahanan at sa kaugnayan natin sa ating kabiyak sa walang-hanggan. Sa loob ng 31 taong pagsasama naming mag-asawa, madalas niya akong bigyan ng magiliw na paalala sa pagharap namin sa mahihirap na hamon sa buhay.

Kabilang sa mga tagubilin na matatagpuan sa kanyang Pangalawang Liham kay Timoteo, sinabi ni Apostol Pablo:

“At ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipagtalo, kundi maamo sa lahat, sapat na makapagturo, matiisin,

“Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila’y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan;

“At sila’y makawala.”13

Sa pagkontrol sa ating mga reaksyon, sa pagiging kalmado at mahinahon, at pag-iwas sa pakikipagtalo, magiging marapat tayo sa kaloob na kaamuan. Si Pangulong Henry B. Eyring ay minsang nagsabi, “Kapag nagpakahinahon tayo at nagpakumbaba nang may pananampalataya, sumasang-ayon ang Espiritu Santo, at nagiging tiyak ang mga sagradong pangako at tipan.”14

Ang isa pang hakbang para magkaroon ng kaamuan ay ang magpakumbaba. Inutusan ng Panginoon si Thomas B. Marsh sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na nagsasabing, “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”15

Naniniwala ako na ang mga mapagpakumbaba lamang ang nakakikilala at nakauunawa sa mga sagot ng Panginoon sa kanilang mga panalangin. Ang mga mapagpakumbaba ay madaling turuan, nakikilala nila na dumedepende sila sa Diyos at hinahangad na mapailalim sa Kanyang kagustuhan. Ang mga mapagpakumbaba ay maamo at may kakayahang impluwensyahan ang iba na gawin din ang gayon. Ang pangako ng Diyos sa mga mapagpakumbaba ay aakayin Niya sila sa kamay. Naniniwala ako na maiiwasan natin ang mga pagliko at kalungkutan sa ating buhay kapag lumakad tayong kasabay ng Panginoon.

Isa sa mga pinakamaganda at makabagong halimbawa ng kaamuan na alam ko ay si Brother Moses Mahlangu. Ang kanyang conversion ay nagsimula noong 1964, nang matanggap niya ang kopya ng Aklat ni Mormon. Humanga siya habang binabasa niya ang aklat na ito, ngunit noong mga ‘70s lang niya nakita ang karatula ng Simbahang LDS sa isang gusali sa Johannesburg, South Africa, habang naglalakad siya sa kalye. Naging interesado si Brother Mahlangu at pumasok sa gusali para alamin pa ang tungkol sa Simbahan. Magiliw siyang sinabihan na hindi siya maaaring dumalo o mabinyagan dahil hindi ito pinapayagan ng mga batas ng bansa noong panahong iyon.

Tinanggap ni Brother Mahlangu ang desisyong iyon nang may kaamuan, pagpapakumbaba, at nang walang pagdaramdam, ngunit patuloy ang malakas niyang hangarin na alamin pa ang tungkol sa Simbahan. Tinanong niya ang mga lider ng Simbahan kung maaaring iwan nilang nakabukas ang isa sa mga bintana ng meetinghouse kapag nagmimiting sa araw ng Linggo para makaupo siya sa labas at mapakinggan ang serbisyo. Sa loob ng ilang taon, si Brother Mahlangu at kanyang pamilya at mga kaibigan ay regular na nagsisimba “na nakatanaw mula sa bintana.” Isang araw noong 1980 sinabihan sila na maaari na silang magsimba at mabinyagan. Napakagandang araw niyon para kay Brother Mahlangu.

Kalaunan ang Simbahan ay nagkaroon ng branch sa kanilang kapitbahayan sa Soweto. Naging posible lamang ito dahil sa determinasyon, lakas-ng-loob, at katapatan ng mga taong tulad ni Brother Mahlangu na nanatiling matapat sa maraming taon kahit mahirap ang kalagayan.

Isa sa mga kaibigan ni Brother Mahlangu, na sumapi rin sa Simbahan noon, ang nagkuwento sa akin nito nang bisitahin ko ang Soweto stake. Pagkatapos naming mag-usap, niyakap niya ako. Nang sandaling iyon, mga kapatid, nadama ko na para akong yakap ng mapagpamahal na bisig ng Tagapagligtas. Damang-dama ang kaamuan sa mga mata ng butihing kapatid na ito. Taglay ang pusong puno ng kabutihan at malaking pasasalamat, hiniling niya na sabihin ko kay Pangulong Thomas S. Monson kung gaano ang pasasalamat niya at kung gaano siya pinagpala at ang marami pang iba sa pagkakaroon ng tunay na ebanghelyo sa kanilang buhay. Ang halimbawa ng kababaang-loob ni Brother Mahlangu at ng kanyang kaibigan ay tunay na nakaimpluwensya sa maraming buhay sa kabutihan—lalo na sa akin.

Mga kapatid, naniniwala ako na ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang dakilang halimbawa ng kaamuan. Kahit sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa lupa, di makatarungang pinaratangan at isinumpa, buong pait na dinala ang Kanyang krus paakyat sa Golgota, hinamak at isinumpa ng Kanyang mga kaaway, iniwan ng maraming nakakikilala sa Kanya at nakasaksi sa Kanyang mga himala, Siya ay ipinako sa krus.

Maging pagkatapos ng matinding dusa ng katawan, ang Panginoon ay bumaling sa Kanyang Ama at binigkas mula sa Kanyang maamo at mapagpakumbabang puso: “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”16 Si Cristo ay dumanas ng matinding hirap sa katawan at espiritu, na nagbigay sa atin ng pagkakataong baguhin ang ating espirituwal na pagkatao at maging maamong tulad Niya.

Nagpapatotoo ako na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Nagpapatotoo ako sa inyo na, dahil sa Kanyang pagmamahal, posibleng magbago. Posibleng talikuran ang ating mga kahinaan. Posibleng tanggihan ang masasamang impluwensya sa ating buhay, pigilin ang ating galit, maging maamo, at taglayin ang mga katangian ng ating Tagapagligtas. Ipinakita Niya sa atin ang daan. Ibinigay Niya sa atin ang perpektong halimbawa at inutusan ang bawat isa sa atin na maging katulad Niya. Ang Kanyang paanyaya sa atin ay sumunod sa Kanya, sundin ang Kanyang halimbawa, at maging katulad Niya. Ang mga katotohanang ito ay pinatototohanan ko sa Kanyang sagradong pangalan, maging ni Jesucristo, amen.