2010–2019
Lakas na Magtiis Hanggang Wakas
Oktubre 2013


13:5

Lakas na Magtiis Hanggang Wakas

Ang kakayahan nating magtiis hanggang wakas sa kabutihan ay magiging tuwirang kasukat ng lakas ng ating patotoo at lalim ng ating pananalig.

Tuwing umaga pagkagising natin, nahaharap tayo sa bagong araw na puno ng mga hamon sa buhay. Dumarating ang mga hamong ito sa maraming anyo: mga pisikal na hamon, problema sa pera, problema sa relasyon, emosyonal na mga pagsubok, at maging mga pagpupunyagi sa sariling pananampalataya.

Gayunman, marami sa mga hamong nakakaharap natin sa buhay ang maaaring malutas at malampasan, ang iba ay maaaring mahirap unawain at imposibleng malampasan at mapapasaatin hanggang sa kabilang-buhay. Habang pansamantala nating tinitiis ang mga hamon na kaya nating lutasin at patuloy nating tinitiis ang mga hamon na hindi natin kayang lutasin, mahalagang alalahanin na ang espirituwal na kalakasang napapasaatin ay makakatulong na matagumpay nating mapagtiisan ang lahat ng hamon natin sa buhay.

Mga kapatid, mayroon tayong mapagmahal na Ama sa Langit, na nagplano ng ating buhay sa mundo upang matutuhan ng bawat isa sa atin ang mga aral na kailangan nating matutuhan upang maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa Kanyang piling.

Isang pangyayari sa buhay ni Propetang Joseph Smith ang naglalarawan sa alituntuning ito. Ang Propeta at ilang kasamahan niya ay nabilanggo sa Liberty, Missouri, nang ilang buwan. Habang nagdurusa sa bilangguan, nagsumamo si Propetang Joseph sa Panginoon sa mapagpakumbabang panalangin na paginhawahin ang mga Banal sa kasalukuyan nilang paghihirap. Tumugon ang Panginoon sa pagtuturo kay Propetang Joseph, at sa ating lahat, na ang mga hamong kinakaharap natin, kung matagumpay na napagtiisan, ay para sa ating kabutihan sa huli. Ito ang sagot ng Panginoon sa panalangin ni Joseph:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.”1

Binalangkas ng Ama sa Langit ang ating paglalakbay sa buhay para subukan ang ating pagkatao. Lantad tayo kapwa sa mabubuti at masasamang impluwensya at binigyan tayo ng kalayaang pumili para sa ating sarili kung aling landas ang ating tatahakin. Tulad ng itinuro ng sinaunang propeta sa Aklat ni Mormon na si Samuel, “Kayo ay malaya; kayo ay pinahintulutang kumilos para sa inyong sarili; sapagkat masdan, binigyan kayo ng Diyos ng kaalaman at ginawa niya kayong malaya.”2

Naunawaan din ng Ama sa Langit na dahil mortal tayo ay hindi tayo laging makakagawa ng tama o mabuting pagpapasiya. Dahil hindi tayo perpekto at nagkakamali tayo, kailangan natin ng tulong sa pagbalik sa Kanyang piling. Ang kailangang tulong ay ibinigay sa pamamagitan ng mga turo, halimbawa, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay nagbibigay-daan sa ating kaligtasan at kadakilaan sa hinaharap sa pamamagitan ng alituntunin ng pagsisisi. Kung tunay at taos-puso tayong magsisisi, matutulungan tayo ng Pagbabayad-sala na maging malinis, magbago ng ugali, at matagumpay na pagtiisan ang ating mga hamon.

Ang pagtitiis ay isang mahalagang alituntuning matatagpuan sa doktrina ni Jesucristo. Mahalaga ito dahil ang uri ng kahahantungan natin sa kawalang-hanggan ay kasukat ng kakayahan nating magtiis hanggang wakas sa kabutihan.

Sa 2 Nephi 31 itinuro sa atin ng propetang si Nephi na matapos nating matanggap ang nakapagliligtas na ordenansa ng binyag na tinanggap ni Jesucristo at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, kailangan tayong “[magpatuloy], nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at [magtiis] hanggang wakas, [pagkatapos ay] masdan, ganito ang wika ng Ama: [Tayo] ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”3

Kaya nga, para matanggap ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala ng ating Ama sa Langit, na buhay na walang hanggan, kailangan nating matapos ang lahat ng angkop na ordenansa at magpatuloy sa pagtupad sa mga tipan na kalakip nito. Sa madaling salita, dapat tayong matagumpay na makapagtiis.

Ang kakayahan nating magtiis hanggang wakas sa kabutihan ay magiging tuwirang kasukat ng lakas ng ating patotoo at lalim ng ating pananalig. Kapag malakas ang ating patotoo at tunay tayong nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo, bibigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo ang ating mga pasiya, matutuon ang mga ito kay Cristo, at susuportahan nito ang hangarin nating magtiis hanggang wakas sa kabutihan. Kung mahina ang ating patotoo at paimbabaw ang ating pagbabalik-loob, mas malamang na matukso tayo sa mga maling kaugalian ng mundo at makagawa tayo ng mga maling pasiya.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang isang karanasang naglalarawan ng pagsisikap na kailangan upang pisikal na makatagal at pagkatapos ay ikumpara ito sa pagsisikap na kailangan upang espirituwal na makapagtiis. Pagbalik ko mula sa misyon, nagkaroon ako ng pagkakataong maglaro ng basketball para sa isang respetadong coach at awtor sa isang kolehiyo sa California. Napakahalaga sa coach na ito na nasa mabuting kundisyon ang mga manlalaro bago magsimula ang basketball season. Isa sa mga training na kailangan naming gawin bago kami humawak ng bola sa aming praktis ay ang tumakbo sa kaburulan malapit sa paaralan sa isang partikular at napakabilis na oras. Naaalala ko ang unang-una kong pagtatangkang tumakbo sa kaburulang ito pagkabalik ko mula sa mission field: akala ko mamamatay ako.

Ilang linggo kami puspusang nagsanay para malampasan namin ang oras na itinakda ng coach. Napakaganda ng pakiramdam hindi lamang dahil natakbo namin ang kahabaan kundi dahil din sa mabilis naming pagtakbo pababa hanggang sa finish line.

Para mahusay na makapaglaro ng basketball, kailangan ay mabuti ang kundisyon ng katawan mo. May kabayaran ang pagkakaroon ng mabuting kundisyon ng katawan, at iyon ay dedikasyon, pagsusumigasig, at disiplina sa sarili. Ang katatagang espirituwal ay may kabayaran din. Gayon din ang kabayaran: dedikasyon, pagsusumigasig, at disiplina sa sarili.

Ang patotoo, tulad ng katawan mo, ay kailangang nasa kundisyon kung gusto mong makatagal ito. Kaya paano natin mapapanatiling nasa kundisyon ang ating patotoo? Hindi natin mapapaganda ang kundisyon ng ating katawan para sa basketball kung manonood lang tayo ng basketball sa telebisyon. Gayundin, hindi natin mapapaganda ang kundisyon ng ating patotoo kung manonood lang tayo ng pangkalahatang kumperensya sa telebisyon. Kailangan nating pag-aralan at matutuhan ang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, pagkatapos ay kailangan nating gawin ang lahat para maipamuhay ang mga ito. Iyan ang paraan para tayo maging mga disipulo ni Jesucristo, at magkaroon tayo ng matatag na patotoo.

Kapag naharap tayo sa paghihirap sa buhay at hinagad nating tularan ang mga katangian ni Jesucristo, mahalagang maging espirituwal na handa tayo. Ang ibig sabihin ng espirituwal na kahandaan ay nagkaroon na tayo ng espirituwal na katatagan o lakas—magiging maganda ang kundisyon ng ating espirituwalidad. Magiging maganda ang kundisyon ng ating espirituwalidad kaya lagi nating pipiliin ang tama. Hindi tayo matitinag sa hangarin at kakayahan nating ipamuhay ang ebanghelyo. Tulad ng sinabing minsan ng isang di-kilalang awtor, “Kailangan kayong maging bato na hindi kayang tangayin ng agos ng ilog.”

Dahil nahaharap tayo sa mga hamon araw-araw, mahalagang patatagin natin ang ating espirituwalidad araw-araw. Kapag naging matatag ang ating espirituwalidad, ang mga maling tradisyon ng mundo, pati na ang ating mga personal na pagsubok araw-araw, ay magiging bahagya lamang ang masamang epekto sa kakayahan nating magtiis sa kabutihan.

Ang magagandang halimbawa ng katatagan sa espirituwal ay nagmumula sa mga kasaysayan ng ating sariling pamilya. Sa maraming kuwento ng ating mga ninuno, makakahanap tayo ng mga halimbawang nagpapakita ng magagandang katangian ng katatagan.

Inilalarawan ng isang kuwento mula sa kasaysayan ng sarili kong pamilya ang alituntuning ito. Ang aking lolo-sa-tuhod na si Joseph Watson Maynes ay isinilang noong 1856 sa Hull, Yorkshire, England. Sumapi ang kanyang pamilya sa Simbahan sa England at naglakbay papuntang Salt Lake City. Pinakasalan niya si Emily Keep noong 1883, at walo ang naging anak nila. Si Joseph ay tinawag na mag-full-time mission noong Hunyo ng 1910, nang siya ay 53 taong gulang. Sa tulong ng kanyang asawa at walong anak, bumalik siya sa kanyang bayang tinubuang England para magmisyon.

Pagkatapos ng halos dalawang taon ng tapat na paglilingkod, nagbibisikleta sila noon ng kompanyon niya papunta sa Sunday School services sa Gloucester, England, nang pumutok ang kanyang gulong. Umibis siya ng bisikleta para tingnan ang sira. Nang makita niya na malaki ang sira at matatagalan bago ito maayos, pinauna niya ang kanyang kompanyon at pinasimulan na rito ang Sunday service at susunod na lang siya kaagad. Pagkatapos na pagkatapos masabi iyon, napahandusay siya sa lupa. Agad siyang namatay sa atake sa puso.

Hindi na nakita pa ni Joseph Watson Maynes ang kanyang asawa at walong anak sa buhay na ito. Naibalik nila ang kanyang bangkay sa Salt Lake City at idinaos ang serbisyo sa burol sa lumang Waterloo Assembly Hall. Ang sinabi ni Elder Anthony W. Ivins ng Korum ng Labindalawang Apostol sa burol ay nagtuturo sa atin ng mahalagang aral tungkol sa buhay, kamatayan, at katatagan: “Ito ang ibinibigay sa atin ng ebanghelyo—hindi kaligtasan sa kamatayan, kundi tagumpay na madaig ito sa pamamagitan ng pag-asa natin sa maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. … Nangyari ito kay [Joseph Maynes]. … Nakasisiya, at nakalulugod at masayang malaman na iniaalay ng mga tao ang kanilang buhay sa kabutihan, sa pananalig, nang tapat sa pananampalataya.”4

Ang kuwentong ito ng pamilya ay nagbigay-inspirasyon sa akin na gawin ang lahat ng makakaya ko na sundin ang halimbawa ng pagtitiis at espirituwal na katatagang ipinakita ng aking lolo-sa-tuhod. Nabigyan din ako ng inspirasyon sa pananampalataya ng kanyang asawang si Emily, na ang buhay pagkamatay ni Joseph ay talagang mabigat na pasanin. Ang kanyang patotoo ay malakas at ang kanyang pagbabalik-loob ay lubos nang buong buhay siyang naging tapat sa pananampalataya habang pinalalaki ang kanyang walong anak.

Sabi ni Apostol Pablo, “Itabi namang walang liwag ang bawa’t pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.”5 Ang lalakbayin natin dito sa lupa ay patagalang magtiis na puno ng mga balakid. Ang mga balakid sa paglalakbay na ito ay mga hamong bumubungad sa atin tuwing umaga. Narito tayo sa lupa upang masubukan, gamitin ang ating kalayaang moral, at pumili sa pagitan ng tama at mali. Para marangal at matagumpay na matapos natin ang paglalakbay sa buhay na ito at makabalik tayo sa ating Ama sa Langit, kailangan natin itong tumbasan ng dedikasyon, pagsusumigasig, at disiplina sa sarili. Kailangan nating pagandahin ang kundisyon ng ating espirituwalidad. Kailangan tayong magkaroon ng espirituwal na katatagan. Kailangan natin ng malalakas na patotoo na hahantong sa tunay na pagbabalik-loob, at bunga nito ay madarama natin ang kapayapaan ng kalooban at lakas na kailangan upang matiis ang anumang mga hamong kinakaharap natin.

Kaya anumang mga pagsubok ang mabungaran ninyo sa paggising tuwing umaga, alalahanin—sa espirituwal na lakas na taglay ninyo, lakip ang tulong ng Panginoon, sa katapusan ng paglalakbay ay magkakaroon kayo ng kumpiyansang ipinakita ni Apostol Pablo nang sabihin niya:

“Sapagka’t ako’y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.

“Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya:

“Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon.”6

Ibinabahagi ko sa inyo ang aking patotoo at pagsaksi na tunay na may mapagmahal na Ama sa Langit at totoo ang Kanyang dakila at walang-hanggang plano ng kaligayahan, na nagdala sa atin sa mundong ito sa panahong ito. Nawa’y bigyang-inspirasyon tayo ng Espiritu ng Panginoon na linangin sa ating sarili ang lakas na makapagtiis. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.