2010–2019
May Malaking Dahilan Tayo para Magalak
Oktubre 2013


12:48

May Malaking Dahilan Tayo para Magalak

Kapag nagmamahal kayo, nagbabantay, at naglilingkod sa iba sa maliit at simpleng mga paraan, kayo ay aktibong nakikibahagi sa gawain ng kaligtasan.

Nang pumanaw ang biyenan kong lalaki, nagtipon ang aming pamilya para asikasuhin ang mga nakiramay sa amin. Buong gabi, habang kausap ko ang mga kapamilya at kaibigan, madalas kong mapansin ang aming 10-taong-gulang na apo na si Porter, na nakatayo sa tabi ng biyenan kong babae—ang kanyang “lola.” Kung minsan ay nakatayo siya sa likuran nito, at binabantayan ito. Minsan napansin ko na magkakapit-bisig sila. Nakita ko siyang hinahaplos ang kamay ng lola niya, niyayakap ito, at nakatayo sa tabi nito.

Ilang araw matapos iyon, hindi maalis sa isipan ko ang tagpong iyon. Nahikayat akong sulatan si Porter, at sinabi sa kanya ang napansin ko. Nag-email ako sa kanya at sinabi sa kanya ang nakita at nadama ko. Ipinaalala ko kay Porter ang mga tipan niya noong binyagan siya, na binabanggit ang mga salita ni Alma sa Mosias kabanata 18:

“At ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;

“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati[;] oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, … nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—

“… Kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?”1

Ipinaliwanag ko kay Porter na itinuro ni Alma na ang gustong magpabinyag ay kailangang handang maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa—habambuhay! Sabi ko: “Hindi ko alam kung naisip mo, pero ang ipinakita mong pagmamahal at pagmamalasakit kay Lola ay pagtupad ng iyong mga tipan. Tinutupad natin ang ating mga tipan araw-araw kapag mabait tayo, nagmamahal, at nagmamalasakit sa isa’t isa. Gusto ko lang malaman mo na ipinagmamalaki kita sa pagtupad mo ng iyong tipan! Sa pagtupad mo sa tipan na ginawa mo nang binyagan ka, magiging handa kang maorden sa priesthood. Ang karagdagang tipan na ito ay magbibigay sa iyo ng mas maraming pagkakataong pagpalain at paglingkuran ang iba at tutulong sa iyo na maghanda para sa mga tipan sa templo. Salamat sa pagiging mabuting halimbawa mo sa akin! Salamat at ipinakita mo sa akin kung paano maging isang taong tumutupad ng tipan!”

Sumagot si Porter: “Lola, salamat po sa mensahe ninyo. Noong lagi kong niyayakap si Lola, hindi ko po alam na tinutupad ko ang aking mga tipan, pero masaya ako at talagang maganda ang pakiramdam ko. Alam ko po na ang Espiritu Santo iyon na nasa puso ko.”

Sumaya rin ang kalooban ko nang malaman ko na iniugnay ni Porter ang pagtupad niya ng kanyang mga tipan sa pangakong “sa tuwina ay mapa[pasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]”2—isang pangako na nagiging posible dahil sa pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo.

Mga kapatid, nang bisitahin ko kayo sa iba’t ibang dako ng mundo, nakita ko na marami sa inyo ang kagaya ni Porter. Tahimik kayong tumatayo bilang mga saksi ng Diyos, nakikidalamhati sa mga nagdadalamhati, at umaaliw sa mga nangangailangan ng aliw nang hindi ninyo namamalayan na tinutupad ninyo ang inyong mga tipan—mga tipan na ginawa ninyo sa mga tubig ng binyag at sa templo. Kapag nagmahal kayo, nagbantay, at naglingkod sa iba sa maliliit at simpleng paraan, kayo ay aktibong nakikibahagi sa gawain ng kaligtasan, sa gawain ng Diyos na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”3

Bilang “mga anak na … babae sa kaharian [ng Panginoon],”4 gumawa na tayo ng mga sagradong tipan. Tumatahak tayo sa tinatawag ni Nephi na “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan.”5 Lahat tayo ay nasa iba’t ibang lugar sa landas. Ngunit maaari nating tulungan ang isa’t isa na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”6

Si Jeanne ay naglilingkod bilang Young Women adviser. Ilang buwan na ang nakararaan nalaman niya na magkakaroon ng aktibidad ang mga kabataan sa ward: pag-akyat sa bundok ng Malan’s Peak. Natuwa siya dahil kamakailan ay nagtakda siya ng mithiin na umakyat doon.

Pagdating niya sa paanan ng landas paakyat, nilapitan siya ng mabait na kaibigan niyang si Ashley. Sa pakikipagkapit-bisig kay Jeanne, niyaya niya itong umakyat, at sinabing, “Sabay tayo.” Si Ashley, na 16 na taong gulang noon, ay may kaunting kapansanan kaya’t mahirap para sa kanya ang umakyat nang mabilis sa bundok. Kaya’t mabagal silang naglakad ni Jeanne, habang pinapansin ang mga likha ng Ama sa Langit: ang mga bato sa tuktok ng bundok sa itaas nila at ang mga bulaklak sa paligid nila. Kalaunan ay sinabi ni Jeanne, “Agad kong nalimutan ang mithiin kong marating ang tuktok ng bundok, dahil agad itong naging ibang uri ng pakikipagsapalaran—isang pakikipagsapalaran na nagpakita ng kagandahan ng paligid, na karamihan ay hindi ko sana napansin kung basta lang ako naglakad para makarating sa tuktok ng Malan’s Peak.”

Habang patuloy sa pag-akyat sina Jeanne at Ashley, na napag-iwanan na ng grupo, sumama sa kanila si Emma, isa pang dalagita sa ward, na nagpasiyang maghintay at sabayan sila. Nakaragdag si Emma sa kanilang kasiyahan. Tinuruan niya sila ng isang kanta at sinuportahan at hinikayat pa silang lalo. Paggunita ni Jeanne: “Naupo kami at nagpahinga, nagkantahan, nag-usap, at nagtawanan. Mas nakilala ko sina Ashley at Emma sa paraang hindi sana nangyari kung hindi dahil dito. Hindi ito tungkol sa bundok noong gabing iyon—higit pa iyon doon. Tungkol ito sa pagtulong sa isa’t isa habang nasa daan, sa bawat hakbang.”

Habang nagha-hiking at nagkakantahan at nagpapahinga at nagtatawanan sina Jeanne, Ashley, at Emma, hindi siguro nila naisip na, “Aba, tinutupad namin ang aming mga tipan sa oras na ito.” Ngunit talagang tinutupad nila noon ang kanilang mga tipan. Pinaglilingkuran nila ang isa’t isa nang may pagmamahal, habag, at katapatan. Pinalalakas nila ang pananampalataya ng isa’t isa habang hinihikayat at pinaglilingkuran nila ang isa’t isa.

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson: “Kapag natanto natin na tayo ay mga anak ng tipan, nalalaman natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin. Ang Kanyang batas ay nasusulat sa ating mga puso.”7

Si Maria Kuzina ay pinagtipanang anak ng Diyos na nakakaalam kung sino siya at ano ang inaasahan ng Diyos sa kanya. Nang patuluyin niya ako sa kanyang tahanan sa Omsk, Russia, akala ko naroon ako para maglingkod sa kanya, ngunit agad kong natanto na naroon ako para matuto mula sa kanya. Nabinyagan sa Simbahan, nabubuhay si Maria ayon sa patnubay na matatagpuan sa Lucas 22: “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”8 May pananampalataya siya sa mga salita ng ating buhay na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, na nagsabi:

“Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. …

“… Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, ipapakita sa atin ng Panginoon kung paano palakasin ang Kanyang Simbahan sa mga ward at branch na ating kinabibilangan. Siya ay sasaatin at patuloy na magiging katuwang sa ating mga gawain bilang missionary.

“… Manampalataya … habang mapanalangin ninyong iniisip kung sino sa inyong pamilya, mga kaibigan, kapitbahay, at kakilala ang gusto ninyong anyayahan sa bahay ninyo para ipakilala sa mga missionary, upang marinig nila ang mensahe ng Panunumbalik.”9

Sinusunod ni Maria ang payong ito sa pagbabantay at paglilingkod sa kababaihang iniatas na bisitahin niya at sa pagtulong din nang higit pa rito. Marami siyang kaibigang di-gaanong aktibo o kaya’y hindi pa naririnig ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat araw ay nananampalataya siya at ipinagdarasal na malaman kung sino ang nangangailangan ng tulong niya, at saka siya kumikilos ayon sa pahiwatig na natatanggap niya. Tumatawag siya sa telepono, nagpapahayag ng pagmamahal, at sinasabi niya sa kanyang mga kaibigan, “Kailangan ka namin.” May family home evening siya sa apartment niya linggu-linggo at inaanyayahan ang mga kapitbahay, miyembro, at missionary—at pinakakain sila. Inaanyayahan niya silang magsimba, inaabangan sila, at tinatabihan sila kapag dumarating sila.

Nauunawaan ni Maria ang paalala ni Elder Jeffrey R. Holland kamakailan na “ang paanyayang ginawa dahil mahal natin ang iba at ang Panginoong Jesucristo … ay hindi ituturing na masama o mapanghusga kailanman.”10 May listahan siya ng mga tao na nagsabing nasaktan sila, at patuloy niya silang pinaglilingkuran. Dahil alam nila na mahal niya sila, nasasabi niya sa kanila, “Huwag kayong maghinanakit. Hindi maganda ‘yan!”

Si Maria ay isang disipulo ni Jesucristo na tumutupad ng tipan. Bagama’t walang priesthood holder sa kanyang tahanan, nadarama niya ang kapangyarihan ng Diyos bawat araw sa pagtupad sa kanyang mga tipan sa templo habang sumusulong siya sa landas, nagtitiis hanggang wakas at tumutulong sa iba na makibahagi sa gawain ng kaligtasan.

Sa pagbabahagi ko sa inyo ng mga karanasang ito, nakita ba ninyo ang inyong sarili sa gawain ng kaligtasan? Saglit ninyong isipin ang isa pang anak na babae ng Diyos na nangangailangan ng panghihikayat na magbalik sa landas ng tipan o kaya’y nangangailangan ng kaunting tulong para manatili sa landas. Tanungin ang inyong Ama sa Langit tungkol sa kanya. Siya ay Kanyang anak. Kilala Niya ito sa pangalan. Kilala Niya rin kayo, at sasabihin Niya sa inyo ang kailangan nito. Magtiyaga at magpatuloy sa pagsampalataya at ipagdasal siya, at kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap ninyo. Kapag kumilos kayo ayon sa mga pahiwatig na ito, pagtitibayin ng Espiritu na ang inyong handog ay katanggap-tanggap sa Panginoon.

“Buong pasasalamat na kinilala ni Sister Eliza R. Snow … ang pagsisikap ng kababaihan na palakasin ang isa’t isa. … Sinabi niya sa kanila na bagamat hindi naitala ng Simbahan ang bawat donasyong ibinigay nila upang tulungan ang mga nangangailangan, ang Panginoon ay may perpektong talaan ng kanilang mga gawain ng pagliligtas:

“‘… Sinabi ni Pangulong Joseph Smith na ang samahang ito ay itinatag upang magligtas ng mga kaluluwa. Ano ang [ginagawa natin] upang maibalik ang mga naligaw ng landas?—upang paningasin ang puso ng mga nanlalamig na sa ebanghelyo?—May isa pang aklat na iniingatan at ito ay naglalaman ng inyong pananampalataya, kabaitan, mabubuting gawa, at [inyong] mga salita. May isa pang talaan na iniingatan. Walang paglilingkod na nalilimutan.’”11

Sa Aklat ni Mormon, binanggit ni Ammon ang malaking dahilan natin para magalak. Sabi niya: “At ngayon, itinatanong ko, anu-anong dakilang pagpapala ang ipinagkaloob [ng Diyos] sa atin? Masasabi ba ninyo?”

Sa kanyang katuwaan, hindi na naghintay ng sagot si Ammon. Sinabi niya, “Masdan, ako ang siyang tutugon para sa inyo; … ito ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin, na tayo ay gawing mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.”12

Tayo ay pinagtipanang mga anak sa kaharian ng Panginoon, at tayo ay may pagkakataon na maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Sa pakikibahagi natin sa gawain ng kaligtasan sa araw-araw sa maliliit at simpleng paraan—nagbabantay, nagpapalakas, at nagtuturo sa isa’t isa—nakikiisa tayo kay Ammon, na nagsabing:

“Masdan, ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay nagsasaya sa aking Diyos.

“Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay.”13

Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.