2010–2019
Kamtin ang mga Pagpapala ng Inyong mga Tipan
Oktubre 2013


2:3

Kamtin ang mga Pagpapala ng Inyong mga Tipan

Kapag pinanibago at iginalang natin ang ating mga tipan, gagaan ang ating mga pasanin at patuloy tayong mapapadalisay at mapapalakas.

Mga kapatid, napakasayang makapiling kayong muli.

Nakilala ko kamakailan ang isang babaeng naghahandang mabinyagan. Sa partikular na Linggong ito dumating siya sa simbahan matapos maglakad nang dalawang milya (3 km) sa makapal na putik. Agad siyang nagpunta sa banyo, hinubad ang kanyang maputik na damit, naghugas, at nagbihis ng malinis na damit-pangsimba. Sa Relief Society meeting ikinuwento niya ang kanyang pagsapi. Naantig ako sa napakalaking hangarin niyang maging malinis at dalisay sa pamamagitan ng pagsisisi at ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at sa kahandaan niyang talikuran ang kanyang “dating buhay” para gumawa ng mga sagradong tipan sa ating Ama sa Langit. Hiniwalayan niya ang kanyang kasintahan, pinaglalabanan niya ang mga adiksyon para masunod ang Word of Wisdom, hindi na siya nagtatrabaho sa araw ng Linggo, at nawala ang pakikipagkaibigan ng mga mahal niya sa buhay nang ibalita niya ang plano niyang magpabinyag. Sabik na sabik siyang pagsisihan ang lahat ng kasalanan niya para maging malinis siya at madama niya ang mapagtubos na pagmamahal ng Tagapagligtas. Nabigyang-inspirasyon ako noong umagang iyon nang hangarin niyang maging malinis ang kanyang katawan at espiritu.

Alam namin na marami sa inyo ang nakagawa ng ganitong mga sakripisyo nang madama ninyo ang pagsaksi ng Espiritu Santo at inasam ninyong magsisi, magpabinyag, at maging malinis. Marahil wala nang ibang pagkakataon na nadarama natin ang saganang pagmamahal ng Tagapagligtas na tulad noong magsisi tayo at madama natin ang Kanyang mapagmahal na yakap at pagtiyak ng Kanyang pagmamahal at pagtanggap sa atin.

Ilang Linggo na ang nakalilipas habang nakikinig ako sa panalangin sa sakramento, naantig ako sa madamdaming pagsambit ng priest sa bawat salita. Kalaunan tinawagan ko ang priest para pasalamatan siya sa pagtulong na gawing napakaespirituwal na karanasan ang sakramento para sa akin at sa kongregasyon. Wala siya sa bahay, pero sumagot ang kanyang ina, “Ah, matutuwa po siya na tumawag kayo! Ito ang unang pagkakataon na siya ang nag-alay ng panalangin sa sakramento, at tinulungan ko siyang maghanda, at pinag-usapan namin ang kahalagahan ng sakramento at ang marapat na pagpapanibago ng ating mga tipan sa binyag sa Tagapagligtas.” Mahal na mahal ko ang inang ito na nagturo sa kanyang anak tungkol sa kapangyarihan ng mga tipan sa binyag at kung paano nito matutulungan ang mga miyembro ng ward na madama ang kapangyarihang iyon.

Isa pang inang kilala ko ang nakaupong mag-isa sa simbahan nang ilang taon kasama ang kanyang apat na maliliit na anak. Dahil hindi maituon ang pansin sa Tagapagligtas sa oras ng sakramento, bumuo siya ng plano. Ngayo’y sinisikap niyang gumugol ng oras tuwing Sabado para pag-isipan ang mga ginawa niya sa buong linggo at ang kanyang mga tipan at ang kailangan niyang pagsisihan. “Pagkatapos,” sabi niya, “anuman ang maranasan namin ng mga anak ko sa araw ng Linggo, handa akong makibahagi sa sakramento, magpanibago ng aking mga tipan, at madama ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.”

Bakit lubhang mahalaga sa Tagapagligtas ang sakramento, mahal na mga kapatid? Ano ang kahalagahan ng lingguhang pagpapanibagong ito ng ating mga tipan sa binyag sa ating buhay? Kinikilala ba natin ang kakayahan ng Tagapagligtas na lubos tayong linisin linggu-linggo kapag marapat at taimtim tayong nakikibahagi sa sakramento? Nagpatotoo si Pangulong Boyd K. Packer, “Iyan ang pangako ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Pagbabayad-sala: … [na] sa katapusan ng [ating] buhay, ay makapapasok [tayo] sa tabing na nakapagsisi ng [ating] mga kasalanan at nalinis sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.”1

Natutuwa ang ating panguluhan kapag gumagawa at tumutupad ng mga tipan ang ating mga kapatid at kanilang mga pamilya, ngunit nalulungkot kami sa inyo na dumaranas ng matinding paghihirap sa buhay dahil sa paglabag ng mga mahal sa buhay sa kanilang tipan. Inutusan ng Panginoon ang propetang si Jacob, na kapatid ni Nephi, na mangusap sa kanyang mga kapatid hinggil sa mabubuting kababaihan at mga bata noong kanyang panahon. Pinatototohanan ko na ang kanyang mga salita ay iningatan lalo na para sa ating panahon. Nangusap siya sa atin na parang ang Tagapagligtas mismo ang nagsasalita. Si Jacob ay “labis na nabibigatan … sa pag-aalala” nang magpatotoo siya sa mga asawang lalaki at ama:

“Labis ko ring ipinagdadalamhati na kinakailangan akong gumamit ng matalim na pananalita … sa harapan ng inyong mga asawa at ng inyong mga anak, marami sa kanilang mga damdamin ay labis na mapagmahal at dalisay at maselan. …

“… Ang mga hinaing ng kanilang mga puso ay nakararating sa Diyos. … Maraming puso ang namatay, nasugatan nang malalim.”2

Sa kababaihan at mga batang tumutupad ng mga tipan sa kanyang panahon at sa atin, nangako si Jacob:

“Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, at kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap. …

“… Itaas ninyo ang inyong mga ulo at tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at magpakabusog sa kanyang pagmamahal.”3

Mga kapatid, pinatototohanan ko ang lakas at kapangyarihan ng panalangin kapag ipinaaalam natin sa ating Ama sa Langit ang ating matitinding pasakit at hangarin at ang mga sagot na natatanggap kapag “nagpakabusog” tayo sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta.

Halos tatlong taon na ang nakararaan nasunog ang loob ng pinakamamahal at makasaysayang tabernakulo sa Provo, Utah. Ang pagkawala nito ay itinuring na malaking trahedya kapwa ng komunidad at ng mga miyembro ng Simbahan. Maraming nagtaka, “Bakit hinayaan ng Panginoon na mangyari ito? Tiyak namang makakaya Niyang hadlangan ang apoy o pigilin ang pagkawasak nito.”

Pagkaraan ng sampung taon, sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011, nakahinga nang maluwag ang mga tao nang ibalita ni Pangulong Thomas S. Monson na ang halos wasak na tabernakulo ay magiging isang banal na templo—isang bahay ng Panginoon! Bigla naming nakita ang matagal nang alam ng Panginoon! Hindi Siya ang dahilan ng sunog, ngunit hinayaan Niyang tupukin ng apoy ang loob nito. Nakita Niya ang Tabernakulo bilang isang maringal na templo—isang permanenteng tahanan para sa paggawa ng mga sagrado at walang-hanggang tipan.4

Mahal kong mga kapatid, tinutulutan ng Panginoon na masubukan at mapatunayan tayo, kung minsan hanggang sa masagad ang ating kakayahan. Nakita na nating nasira ang buhay ng ating mga minamahal—at marahil ang buhay natin—hanggang sa mawasak ito at nagtaka tayo kung bakit hahayaan ng mapagmahal na Ama sa Langit na mangyari ang gayong mga bagay. Ngunit hindi Niya tayo iniiwang mag-isa; bukas ang Kanyang mga bisig, at sabik tayong inaanyayahang lumapit sa Kanya. Itinatatag Niya ang ating buhay sa mariringal na templo kung saan makatatahan ang Kanyang espiritu magpasawalang-hanggan.

Sa Doktrina at mga Tipan 58:3–4 sinabi sa atin ng Panginoon:

“Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian.

“Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala. Dahil dito darating ang araw na kayo ay puputungan ng maraming kaluwalhatian.”

Mga kapatid, pinatototohanan ko na may plano ang Panginoon sa buhay ng bawat isa sa atin. Walang nangyayari na ikakabigla o ikakamangha Niya. Alam Niya ang lahat at mahal Niya ang lahat. Sabik Siyang tulungan tayo, aliwin tayo, at pawiin ang ating pasakit kapag umasa tayo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at iginalang natin ang ating mga tipan. Ang mga pagsubok at paghihirap na dinaranas natin ay maaaring siya mismong mga bagay na gumagabay sa atin na lumapit sa Kanya at kumapit sa ating mga tipan upang makabalik tayo sa Kanyang kinaroroonan at matanggap natin ang lahat ng mayroon ang Ama.

Nitong nakaraang taon kinailangan at ninais kong mas madama ang pagmamahal ng Panginoon, tumanggap ng personal na paghahayag, mas maunawaan ang aking mga tipan sa templo, at gumaan ang aking mga pasanin. Nang ipagdasal kong makamtan ang mga pagpapalang ito mismo, nadama kong pinapupunta ako ng Espiritu sa templo para pakinggan nang mas mabuti ang bawat salita ng mga basbas na igagawad sa akin. Pinatototohanan ko na nang makinig ako nang mas mabuti at sinikap kong sumampalataya, naawa sa akin ang Panginoon at tinulungan akong gumaan ang aking mga pasanin. Tinulungan Niya akong makadama ng malaking kapayapaan tungkol sa mga dalanging hindi pa nasasagot. Inaasahan natin na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kapag tinupad natin ang ating mga tipan at sumampalataya tayo.5 Halina sa templo, mahal na mga kapatid, at kamtin ang inyong mga pagpapala!

Nais kong talakayin ang isa pang paraan para magkaroon tayo ng tiwala at pananampalataya. Tayong kababaihan, kung minsan, ay mahilig mamintas sa ating sarili. Sa mga pagkakataong ito kailangan nating hangarin ang Espiritu at magtanong, “Ito ba ang nais ng Panginoon na isipin ko tungkol sa aking sarili, o pinahihina lang ni Satanas ang loob ko?” Alalahanin ang likas na katangian ng ating Ama sa Langit, na ang pagmamahal ay sakdal at walang hanggan.6 Nais Niya tayong palakasin, hindi pahinain.

Bilang mga miyembro ng Simbahan, kung minsan ay maaari nating madama na kailangan ay kabilang tayo sa isang “perpektong pamilyang LDS” para tanggapin tayo ng Panginoon. Madalas nating madama na “kulang” tayo o hindi nababagay sa kaharian kung pakiramdam natin ay hindi tayo perpekto. Mahal na mga kapatid, matapos masabi at magawa ang lahat, ang magiging mahalaga sa ating Ama sa Langit ay kung natupad natin nang husto ang ating mga tipan at napagsikapan nating mabuti na sundan ang halimbawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, maaari tayong maging malinis linggu-linggo kapag marapat tayong nakibahagi sa Kanyang sakramento. Kapag pinanibago at iginalang natin ang ating mga tipan, gagaan ang ating mga pasanin at patuloy tayong mapapadalisay at mapapalakas upang sa katapusan ng ating buhay ay maituring tayong karapat-dapat na tumanggap ng kadakilaan at buhay na walang hanggan. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa pangalan ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas, na si Jesucristo, amen.