2010–2019
Ang Susi sa Espirituwal na Proteksyon
Oktubre 2013


14:35

Ang Susi sa Espirituwal na Proteksyon

Ang kapayapaan ay maaaring sumapuso ng bawat tao na sumasangguni sa mga banal na kasulatan at nagtatamo ng mga pangako na proteksyon at pagtubos.

Kailan lang, ibinuklod ko ang isang bata pang magkasintahan sa templo. Ang magkasintahang ito ay pinanatiling karapat-dapat ang kanilang sarili hanggang sa panahong lisanin na ng lalaki at babae ang tahanang kinalakhan nila at naging mag-asawa. Sa sagradong okasyong ito, sila ay dalisay at malinis. Di-magtatagal, sila ay magsisimulang magpalaki ng sarili nilang mga anak, ayon sa huwarang itinatag ng ating Ama sa Langit. Ang kanilang kaligayahan, at ang kaligayahan ng magiging inapo nila, ay batay sa pamumuhay sa mga pamantayang iyon na itinatag ng Tagapagligtas at ipinaliwanag sa Kanyang mga banal na kasulatan.

Iniisip ng mga magulang ngayon kung mayroon pang ligtas na lugar sa pagpapalaki ng mga anak. Mayroon pang ligtas na lugar. Iyon ay sa tahanang nakasentro sa ebanghelyo. Nakatuon kami sa mga pamilya sa Simbahan, at pinapayuhan namin ang mga magulang saanmang dako na palakihin ang kanilang mga anak sa kabutihan.

Si Apostol Pablo ay nagpropesiya at nagbabala na “sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.

“Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,

“Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,

“Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios;

“Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.”1

Ipinropesiya rin ni Pablo, “Ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya.”2

Ang mga talatang ito ay isang babala, ipinapakita ang mga pag-uugaling dapat iwasan. Dapat ay palagi tayong maging mapagbantay at masigasig. Maaari nating repasuhin ang bawat isa sa mga propesiyang ito at mapapatunayan na ang mga ito ay nangyayari na at ikinababahala ng mundo ngayon.

Panahong mapanganib—nangyayari na. Nabubuhay tayo sa napakamapanganib na panahon.

Mayayabang, mga mapagmalaki, palalo—lahat ay narito at nasa atin.

Mga mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, walang katutubong pagibig—lahat ng ito ay laganap sa panahong ito.

Mga walang paglulubag, mga palabintangin, at marami pang iba—lahat ng ito ay mapapatunayang nasa panahong ito sa mga katibayang nakikita sa paligid natin.

Nagsalita rin si Moroni tungkol sa kasamaan ng ating panahon nang magbabala siya:

“Kapag nakita ninyo ang mga bagay na ito na naitatag sa inyo … kayo ay magising sa pang-unawa sa inyong kakila-kilabot na kalagayan. …

“Samakatwid, ako, si Moroni, ay inutusang isulat ang mga bagay na ito upang ang kasamaan ay mawakasan, at upang dumating ang panahon na si Satanas ay mawalan ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao, bagkus ay mahikayat sila na patuloy na gumawa ng kabutihan, upang sila ay makarating sa bukal ng lahat ng kabutihan at maligtas.”3

Ang mga paglalarawang ibinigay nina Pablo at Moroni sa ating panahon ay napakatumpak na hindi maaaring balewalain. Para sa maraming tao maaaring ito ay nakababahala, at nakapagpapahina rin ng loob. Gayunpaman, kapag naiisip ko ang bukas, ako ay napupuno ng pag-asa at positibong pananaw.

Sa paghahayag ni Pablo, bukod pa sa isinaad na mga hamon at problema, sinabi rin niya sa atin ang magagawa natin para maprotektahan ang ating sarili:

“Manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan;

“At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.”4

Nasa mga banal na kasulatan ang mga susi sa espirituwal na proteksyon. Ang mga ito ay naglalaman ng doktrina at mga batas at ordenansa na magdadala sa bawat anak ng Diyos sa patotoo tungkol kay Jesucristo bilang Tagapagligtas at Manunubos.

Sa maraming taon ng paghahanda, napakalaki ng pagsisikap na mailathala ang mga banal na kasulatan sa lahat ng wika, na may mga footnote at cross-reference. Sinisikap naming makakuha nito ang lahat ng gustong matuto. Itinuturo nito ang dapat nating puntahan at gawin. Nagbibigay ang mga ito ng pag-asa at kaalaman.

Ilang taon na ang nakalipas, isang aral ang itinuro sa akin ni Elder S. Dilworth Young ng Pitumpu tungkol sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Nahihirapan ang isang stake dahil sa tensiyon at di-pagkakaunawaan ng mga miyembro, at kailangan silang mapayuhan.

Tinanong ko si Pangulong Young, “Ano po ang dapat kong sabihin?”

Simple ang sagot niya, “Sabihin mo sa kanila na magbasa ng mga banal na kasulatan.”

Tanong ko, “Alin pong mga talata sa banal na kasulatan?”

Sabi niya, “Hindi na mahalaga kung ano pa ‘yon. Halimbawa, sabihin mo sa kanila na buklatin ang Aklat ni Mormon at magsimulang magbasa. At agad na darating ang kapayapaan at inspirasyon, at makikita ang solusyon.”

Gawing bahagi ng regular ninyong gawain ang pagbabasa ng banal na kasulatan, at kayo ay pagpapalain. Naroon sa mga banal na kasulatan ang tinig ng babala, ngunit naroon din ang matinding panghihikayat.

Kung ang wika ng mga banal na kasulatan ay tila kakaiba sa inyo sa una, magpatuloy lang sa pagbabasa. Kalaunan ay makikita ninyo ang kagandahan at kapangyarihan na matatagpuan sa mga pahinang iyon.

Sinabi ni Pablo, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran.”5

Masusubukan ninyo ang pangakong ito sa inyong sarili.

Tayo ay nabubuhay sa panahong mapanganib; gayunpaman, makatatagpo tayo ng pag-asa at kapayapaan para sa ating sarili at para sa ating pamilya. Yaong mga namumuhay sa kalungkutan, na nawawalan ng pag-asa sa posibilidad na masagip ang mga anak na natangay sa mundo, ay hindi dapat sumuko kailanman. “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.”6 Ang kabutihan ay mas makapangyarihan kaysa kasamaan.

Ang mga anak na naturuan at naunawaan ang mga banal na kasulatan mula pagkabata ay nalalaman ang landas na dapat nilang tahakin at mas malamang na manatili sa landas na iyon. Yaong mga naligaw ng landas ay makakabalik pa rin at, kapag natulungan, ay mahahanap ang daan pabalik.

Kinalaban ng mga anak ni Mosias ang Simbahan ngunit kalaunan ay nagsisi at nakaranas ng malaking pagbabago. Sa Alma mababasa natin, “Ang mga anak na ito ni Mosias … ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.”7

Si Pangulong Joseph F. Smith ay limang taong gulang nang ang kanyang ama, na si Hyrum, ay pinaslang sa Carthage Jail. Kalaunan, si Joseph ay naglakbay patawid sa kapatagan kasama ang kanyang biyudang ina.

Sa edad na 15, siya ay tinawag na magmisyon sa Hawaii. Nakadama siya ng kalungkutan at pag-iisa at sinabing: “Talagang hirap na hirap ako. … Damang-dama kong abang-aba ang mahirap kong kalagayan, kulang sa katalinuhan at kaalaman, isang bata lamang, kung kaya’t ni hindi ako makatingin sa mukha ng kahit sino.”

Isang gabi habang pinag-iisipan ang kanyang kalagayan, nanaginip ang batang si Joseph na siya ay naglalakbay at nagmamadali. May dala siyang maliit na balutan. Sa wakas, nakarating siya sa isang napakagandang mansiyon, na kanyang destinasyon. Sa paglapit niya rito, may nakita siyang karatula na nagsasabing, “Paliguan.” Dali-dali siyang pumasok at naligo. Binuksan niya ang maliit niyang balutan at nakita roon ang malinis at puting kasuotan—“isang bagay,” sabi niya, “na matagal ko nang hindi nakikita.” Isinuot niya ang mga ito at pumunta sa pintuan ng mansiyon.

“Kumatok ako,” sabi niya, “at bumukas ang pinto, at ang taong nakatayo roon ay si Propetang Joseph Smith. Tumingin siya sa akin na medyo hindi nasisiyahan, at ang unang salitang binigkas niya ay: ‘Joseph, nahuli ka.’ Gayunman buong tiwala akong sumagot:

“‘Opo, pero malinis ako—malinis ako!’”8

At maaari ding mangyari iyon sa bawat isa sa atin.

Kung tinatahak ninyo ang landas ng pananampalataya at nakikibahagi sa aktibidad sa Simbahan, manatili sa landas na iyan at tupdin ang inyong mga tipan. Patuloy na sumulong hanggang sa dumating sa inyo ang mga pagpapala ng Panginoon at mahayag na ang Espiritu Santo ay malaking impluwensya sa inyong buhay.

Kung kayo ay nasa landas na salungat sa isinasaad sa mga banal na kasulatan, tinitiyak ko sa inyo na may daan pabalik.

Ibinigay ni Jesucristo ang isang napakalinaw na paraan para tayo makapagsisi at mapagaling sa ating buhay. Ang lunas sa halos lahat ng kasalanan ay matatagpuan sa paghingi ng tawad sa pamamagitan ng personal na pagdarasal. Gayunpaman, may ilang kasalanan, lalo na yaong may kinalaman sa paglabag sa batas ng moralidad, na talagang nangangailangan ng tulong at paglunas ng isang awtorisadong lider ng priesthood.

Maraming taon na ang nakalipas, pumunta sa opisina ko ang isang dalaga at kanyang matandang ama. Nagbiyahe sila nang napakalayo para malunasan ang ama na binabagabag ng kanyang konsiyensya. Noong kabataan ng ama nakagawa ito ng mabigat na kasalanan, at nang tumanda na siya ay naalala niya ito. Hindi ito maalis sa kanyang isipan. Hindi na niya maibabalik ang nakaraan at maitatama ang pagkakamali ng kanyang kabataan, ngunit maaari siyang magsimulang muli at, sa tulong ng iba, mapapawi ang kasalanang bumabagabag sa kanya sa buong panahong iyon.

Nagpapasalamat ako na sa pagtuturo ko sa kanya ng mga alituntunin mula sa Aklat ni Mormon ay para bang naalis ang malaking pasanin sa kanyang balikat. Nang umuwi na ang mag-ama sa malayo nilang tahanan, naalis na ang kasalanang bumabagabag noon sa matandang lalaki.

Kung kayo ay “magising sa pang-unawa sa inyong kakila-kilabot na kalagayan”9 at hangad na lubos na gumaling sa espirituwal, kausapin ang inyong bishop. Hawak niya ang mga susi at matutulungan kayo sa landas ng pagsisisi.

Ang pagsisisi ay indibiduwal na ginagawa, at gayon din ang kapatawaran. Hinihingi lamang ng Panginoon na talikuran ng tao ang kanilang kasalanan, at “[Kanyang] ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi … na aalalahanin.”10

Kapag lubos na nakapagsisi, mauunawaan ninyo ang kahulugan ng pangako ni Isaias tungkol sa Pagbabayad-sala: “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa.”11

Gaya ng tsok [chalk] na mabubura sa pisara, sa taos-pusong pagsisisi ang mga epekto ng ating mga kasalanan ay mabubura sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pangakong iyan ay para sa lahat ng sitwasyon.

Itinuturo ng ebanghelyo na maging masaya tayo, manampalataya at huwag matakot, hanapin ang pag-asa at daigin ang kalungkutan, lisanin ang kadiliman at lumakad sa liwanag ng walang-hanggang ebanghelyo.

Si Pablo at ang iba pa ay nagbabala sa mga pagsubok sa ating panahon at sa mga panahong darating. Gayunpaman ang kapayapaan ay maaaring sumapuso ng bawat tao na sumasangguni sa mga banal na kasulatan at nagtatamo ng mga pangako na proteksyon at pagtubos na itinuro doon. Inaanyayahan namin ang lahat na bumaling sa Tagapagligtas na si Jesucristo, sa Kanyang mga turo na matatagpuan sa Lumang Tipan, Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas.

Pinatototohanan ko na ang mga banal na kasulatan ay susi sa ating espirituwal na proteksyon. Pinatototohanan ko rin ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, “na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas”12 na gustong maligtas. Ang Simbahan ng Panginoon ay muling naitatag sa mundo. Ang katotohanan ng ebanghelyo ay pinatototohanan ko. Sa Kanya ako ay sumasaksi. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.