2010–2019
Maliliit at mga Karaniwang Bagay
Oktubre 2013


2:3

Maliliit at mga Karaniwang Bagay

Tulungan natin ang iba nang may pananampalataya at pagmamahal.

Mahal kong mga kapatid, nito lang nakalipas na ilang linggo nasa mission training center ako sa Mexico City upang magbigay ng mensahe sa mga missionary. Sinadya naming mag-asawa na dumating doon nang maaga nang ilang oras. Habang nililibot namin ang magagandang hardin at malilinis na kalye ng MTC, hindi maiwasan na mapansin namin ang kaligayahang nababakas sa mga mukha ng daan-daang bata pang mga elder at sister, na bawat isa ay nakatuon sa pag-aaral ng bagong wika at para matuto na lalong pahalagahan ang kanyang layunin bilang missionary.

Habang pinagmamasdan ko ang kahanga-hangang tanawing ito, pinagnilayan ko ang mga salita ni Alma nang iutos niya sa kanyang anak na si Helaman na magtala ng kasaysayan ng kanyang mga tao bilang bahagi ng mga talaan na ipinagkatiwala sa kanya at ingatan ang lahat ng sagradong bagay na ito nang sa gayon ang mga ito ay maipaalam sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.

At sinabi sa kanya ni Alma:

“Ngayon, maaaring akalain mo na ito ay kahangalan sa akin; subalit masdan sinasabi ko sa iyo, na sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay maisasakatuparan ang mga dakilang bagay; at sa maliliit na pamamaraan sa maraming pagkakataon ay lumilito sa marurunong.

“At ang Panginoong Diyos ay nagsasagawa ng mga pamamaraan upang isakatuparan ang kanyang dakila at mga walang hanggang layunin; at sa pamamagitan ng napakaliit na pamamaraan ay nililito ng Panginoon ang marurunong, at isinasakatuparan ang kaligtasan ng maraming tao” (Alma 37:6–7).

Ang kawalang-muwang at kabataan ng ating mga missionary ay halimbawa ng pamamaraan ng Panginoon—upang ang mga mapagpakumbaba ay “imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang [ipinanumbalik] na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, [pagpapa]binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 1).

Bilang mga miyembro ng Simbahan, nagagawa natin, sa maliliit at karaniwan nating mga paraan, na “[mapaniwala] ang marami sa kamalian ng kanilang mga gawain” at dinadala sila “sa kaalaman ng kanilang Diyos tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa” (Alma 37:8).

Minsan ay sinamahan ko ang stake president at bishop para bisitahin ang isang miyembro na di-gaanong aktibo. Itinuro namin sa kanya, sa napakasimpleng paraan, ang tungkol sa mga pagpapala ng Sabbath. Ipinahayag namin ang taos-puso naming pagmamahal sa kanya. Sinabi niya, “Ang kailangan ko lang ay may bumisita sa akin at bigyan ako ng abrazo,” o yakapin ako. Kaagad akong tumayo at niyakap siya. Kinabukasan ay Linggo. Ang miyembro ring ito ay dumalo sa sacrament meeting kasama ang kanyang buong pamilya.

Sa pagbisita bilang visiting teacher, si Martha, na isang miyembro ng aming ward, ay nagsabi sa aking asawa at sa kasama nito na huwag na silang babalik pa kahit kailan. Nagpasiya siyang huwag nang magsimba. Tinanong si Martha ng isa sa mga visiting teacher kung maaari silang magkakasamang kumanta ng himno sa huling pagbisitang ito, at pumayag siya. Habang sila ay kumakanta, may espeyal na nangyari. Unti-unti, nadama ang Espiritu sa silid. Nadama ito ng bawat isa. Nagsimulang lumambot ang puso ni Martha. Napuno ng luha ang kanyang mga mata, at sinabi niya sa mga visiting teacher ang nadarama niya. Nang sandaling iyon, natanto niya na alam niya na totoo ang ebanghelyo. Pinasalamatan niya ang kanyang mga visiting teacher at sinabing bumalik sila. Mula noon, malugod na niyang tinatanggap sila.

Nagsimulang magsimba si Martha kasama ang kanyang bata pang anak na babae. Nagsimba sila nang regular sa loob ng ilang taon, at patuloy na umasa si Martha na makakasama nila balang-araw ang kanyang asawa. Sa wakas ay dumating ang araw na naantig ng Panginoon ang puso ng kanyang asawa, at nagsimula siyang magsimba na kasama nila, pati ang isa pa nilang anak na babae. Nagsimulang madama ng pamilyang ito ang tunay na kagalakan na dulot ng pagpapala ng ebanghelyo sa kanilang tahanan. Mula noon ay naglingkod na nang tapat si Martha bilang Relief Society president sa aming ward, at ang kanyang asawa sa ilang tungkulin sa stake. Lahat ng ito ay nangyari sa pagkanta ng himno, isang maliit at karaniwang bagay na umantig sa puso ni Martha.

Si Naaman ay kapitan ng hukbo ng hari ng Siria, isang kagalang-galang na tao, isang malakas at matapang na lalaki, ngunit siya ay may ketong (tingnan sa II Mga Hari 5:1). Nang hindi makahanap ng lunas sa kanyang ketong mula sa hari ng Israel, nagpunta si Naaman sa bahay ni Eliseo, ang propeta. Nagpadala si Eliseo ng sugo sa kanya, na nagsasabing:

“Ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.

“Ngunit si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalaw-galawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong. …

“At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?

“Nang magkagayo’y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Diyos: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya’y naging malinis” (II Mga Hari 5:10–11, 13–14).

Inaanyayahan tayo ng ating propeta na si Pangulong Thomas S. Monson na humayo at sagipin ang ating mga kapatid. Sabi niya: “Kailangan ng daigdig ang inyong tulong. May mga paa na dapat mapatatag, kamay na dapat abutin, isipan na dapat mahikayat, puso na dapat mapasigla, at mga kaluluwa na dapat mailigtas. Ang mga pagpapala ng kawalang-hanggan ay naghihintay sa inyo” (“Sa Pagsaklolo,” Liahona, Hulyo 2001, 57).

Nagpapatotoo ako na naghihintay sa atin ang marami sa mga taong nangangailangan ng ating tulong. Malugod nilang tatanggapin ang kanilang matatapat na kapatid upang matulungan at masagip sila sa pamamagitan ng maliliit at karaniwang mga paraan. Marami na akong ginugol na oras sa pagbisita sa di-gaanong aktibong mga miyembro ng Simbahan na ang mga puso ay pinalambot na ng Panginoon, na ngayon ay handa nang tumanggap sa ating mga patotoo at sa ating taos-pusong pagpapakita ng pagmamahal. Kapag tinulungan at inanyayahan natin sila, sila ay babalik sa Simbahan nang walang pag-aatubili.

Tulungan natin ang iba nang may pananampalataya at pagmamahal. Alalahanin natin ang pangako ng Panginoon:

“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:15–16).

Pinatototohanan ko ang pagmamahal ng Panginoon sa lahat ng Kanyang mga anak. Alam ko na Siya ay buhay at Siya ang ating Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.