Kapangyarihan sa Priesthood
Maaaring hawiin ng isang lalaki ang kurtina para pumasok ang mainit na sikat ng araw sa silid, ngunit hindi kanya ang araw o ang liwanag o ang init na hatid nito.
Ang mga Pagpapala ng Priesthood ay Para sa Lahat
Nang masayang kantahin ng mga bata sa sacrament meeting ang awit sa Primary na “Dito ay May Pag-ibig,” nasisiyahang ngumiti ang lahat. Pinakinggang mabuti ng isang matatag na ina na may limang anak ang pangalawang talata: “Tahanan ko sa t’wina ay [kapangyarihan ng priesthood] ang gabay.”1 Malungkot niyang naisip, “Hindi pa naranasan ng mga anak ko ang ganyang tahanan.”2
Ang mensahe ko sa matatapat na babaeng ito at sa lahat ay na maaari tayong mabuhay sa lahat ng oras na “pinagpapala ng lakas ng kapangyarihan ng priesthood,” anuman ang ating sitwasyon.
Kung minsan ay masyado nating iniuugnay ang kapangyarihan ng priesthood sa kalalakihan sa Simbahan. Ang priesthood ay kapangyarihan at awtoridad na bigay ng Diyos para sa kaligtasan at pagpapala ng lahat—kalalakihan, kababaihan, at mga bata.
Maaaring hawiin ng isang lalaki ang kurtina para pumasok ang mainit na sikat ng araw sa silid, ngunit hindi kanya ang araw o ang liwanag o ang init na hatid nito. Ang mga pagpapala ng priesthood ay lalong higit na dakila kaysa sa nahilingang magkaloob nito.
Ang matanggap ang mga pagpapala, kapangyarihan, at mga pangako ng priesthood sa buhay na ito at sa kabilang-buhay ay isa sa malalaking pagkakataon at responsibilidad sa buhay na ito. Kapag tayo ay karapat-dapat, pagyayamanin ng mga ordenansa ng priesthood ang ating buhay sa lupa at ihahanda tayo para sa magagandang pangako ng mundo sa hinaharap. Sabi ng Panginoon, “Sa mga ordenansa … ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”3
May espesyal na mga pagpapala ang Diyos para sa bawat karapat-dapat na taong nabinyagan, tumanggap ng Espiritu Santo, at regular na nakikibahagi ng sakramento. Ang templo ay naghahatid ng dagdag na liwanag at lakas, pati na ng pangako ng buhay na walang hanggan.4
Ang lahat ng ordenansa ay nag-aanyaya sa atin na palakasin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at makipagtipan sa Diyos at tuparin ang mga ito. Kapag tinupad natin ang mga sagradong tipang ito, tatanggapin natin ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood.
Hindi ba natin nadarama ang kapangyarihang ito ng priesthood sa sarili nating buhay at nakikita ito sa mga miyembro ng Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tipan? Nakikita natin ito sa mga bagong binyag sa pag-ahon nila mula sa tubig ng binyag na nadaramang sila ay napatawad at malinis. Nakikita natin na ang ating mga anak at kabataan ay mas nakakahiwatig sa mga paghihikayat at patnubay ng Espiritu Santo. Nakikita natin na nagiging lakas at liwanag ang mga ordenansa ng templo para sa mabubuting lalaki at babae sa iba’t ibang dako ng mundo.
Nitong nakaraang buwan nakita ko na nakakuha ng lakas ang isang bata pang mag-asawa mula sa mga pangako ng pagbubuklod sa templo nang isilang ang kanilang pinakamamahal na anak na lalaki ngunit nabuhay lamang ito nang isang linggo. Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, ang bata pang mag-asawang ito at lahat tayo ay tumatanggap ng kapanatagan, lakas, proteksyon, kapayapaan, at mga walang-hanggang pangako.5
Ang Alam Natin Tungkol sa Priesthood
Maaaring matapat na itanong ng ilan, “Kung ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood ay para sa lahat, bakit kalalakihan lang ang namamahala sa mga ordenansa ng priesthood?”
Nang tanungin ng isang anghel si Nephi, “Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?” Tapat na sumagot si Nephi, “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.”6
Kapag priesthood ang pinag-uusapan, napakarami nating alam.
Lahat ay Pantay-pantay
Alam natin na mahal ng Diyos ang lahat ng anak Niya at wala siyang itinatangi. “Wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya, … lalaki [o] babae; … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”7
Kahit tiyak natin na “pantay-pantay” ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak, alam din natin na hindi Niya nilikha ang mga lalaki at babae na parehong-pareho. Alam natin na ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin natin sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang mga sagradong responsibilidad ay ibinigay sa bawat kasarian.8
Mula sa Simula
Alam natin na sa simula pa lamang ay itinatag na ng Panginoon kung paano pamamahalaan ang Kanyang priesthood. “Unang ibinigay ang priesthood kay Adan.”9 Sina Noe, Abraham, at Moises ay pawang namahala sa mga ordenansa ng priesthood. Si Jesucristo ang Dakilang Mataas na Saserdote. Tumawag Siya ng mga Apostol. “Ako’y hindi ninyo hinirang,” sabi Niya, “nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal.”10 Sa ating panahon ang mga makalangit na sugo ay ipinadala ng Diyos. Sina Juan Bautista, Pedro, Santiago, at Juan ang nagpanumbalik ng priesthood sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.11 Ito ang paraan ng pamamahala ng ating Ama sa Langit sa Kanyang priesthood.12
Maraming Kaloob mula sa Diyos
Alam natin na ang kapangyarihan ng banal na priesthood ay hindi gumagana kung walang pananampalataya, Espiritu Santo, at mga espirituwal na kaloob. May babala sa mga banal na kasulatan: “Huwag ninyong itatatwa ang mga kaloob ng Diyos, sapagkat ang mga yaon ay marami. … At maraming iba’t ibang paraan na ang mga kaloob na ito ay pinamamahalaan; ngunit ng yaon ding Diyos na siyang gumagawa ng [lahat ng ito].”13
Pagkamarapat
Alam natin na mahalaga ang pagiging karapat-dapat sa pagsasagawa at pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood. Sinabi ni Sister Linda K. Burton, general president ng Relief Society, “Kabutihan ang kailangan … para maanyayahan ang kapangyarihan ng priesthood sa ating buhay.”14
Halimbawa, isipin ang salot na pornograpiya na laganap sa lahat ng dako ng mundo. Walang lugar ang pornograpiya sa pamantayan ng Panginoon sa pagkamarapat ng mga namamahala sa mga ordenansa ng priesthood. Sinabi ng Tagapagligtas:
“Magsisi sa inyong … mga lihim na gawaing karumal-dumal.”15
“Ang ilawan ng katawan ay ang mata. … Kung masama ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng kadiliman.”16
“[Sapagka’t] bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.”17
Ang di-marapat na pamamahala o pagpapasa ng sakramento, pagbabasbas sa maysakit, o pakikibahagi sa ibang mga ordenansa ng priesthood, sabi nga ni Elder David A. Bednar, ay pagbanggit sa pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan.18 Kung ang isang tao ay hindi karapat-dapat, hindi siya dapat mamahala sa mga ordenansa ng priesthood at mapanalangin niyang lapitan ang kanyang bishop bilang unang hakbang sa pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan.
Pagpapakumbaba
Ang isa pang alam natin ay na sagana ang mga pagpapala ng priesthood sa mga pamilya na ang matwid na ina at ama ay nagkakaisa sa paggabay sa kanilang mga anak. Ngunit alam din natin na nais ng Diyos na ibigay ang mga pagpapalang ito sa mga tao sa iba’t ibang sitwasyon.19
Isang ina, na mag-isang bumubuhay sa kanyang pamilya kapwa sa espirituwal at sa temporal, ang taos-pusong nagpaliwanag na kailangan niyang magpakumbaba kapag tinatawag niya ang kanyang mga home teacher para basbasan ang isa sa kanyang mga anak. Ngunit may pag-unawang idinagdag niya na kailangan ding magpakumbabang katulad niya ang kanyang mga home teacher sa paghahanda nilang basbasan ang kanyang anak.20
Ang mga Susi ng Priesthood
Alam natin na ang mga susi ng priesthood, na hawak ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang namamahala sa gawain ng Panginoon sa ibabaw ng lupa. Ang natatanging mga susi ng priesthood ay ipinagkakaloob sa mga stake president at bishop para sa kanilang mga responsibilidad sa lugar na sakop nila. At tumatawag sila ng kalalakihan at kababaihan sa pamamagitan ng paghahayag, na sinasang-ayunan at itinatalaga upang magampanan ang awtoridad na ipinagkatiwala sa kanila para magturo at maglingkod.21
Kahit marami tayong alam tungkol sa priesthood, ang mga karanasan natin sa buhay ay hindi laging lubos na nagpapaunawa sa atin tungkol sa mga gawain ng Diyos. Ngunit ang magiliw Niyang paalala na, “Ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad,”22 ay muling tinitiyak sa atin na pagdating ng panahon at kapag naunawaan natin ang kawalang-hanggan makikita natin ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito”23 at mas lubos nating mauunawaan ang Kanyang sakdal na pagmamahal.
Tayong lahat ay handang maglingkod. Kung minsan parang madali lang ang ating tungkulin at umaasam na sana ay dagdagan pa ito. May mga pagkakataon naman na nagpapasalamat tayo kapag na-release na tayo. Hindi tayo ang nagpapasiya ukol sa mga tungkuling natatanggap natin.24 Maaga kong natutuhan ang aral na ito nang mag-asawa ako. Noong bagong kasal pa lang kami ng asawa kong si Kathy, tumira kami sa Florida. Isang araw ng Linggo ipinaliwanag sa akin ng isang counselor sa stake presidency na nainspirasyunan sila na tawagin si Kathy bilang early-morning seminary teacher.
“Paano namin ito gagawin?” tanong ko. “May maliliit kaming anak, nagsisimula ang seminary nang alas-5:00 n.u., at ako ang ward Young Men president.”
Ngumiti ang counselor at sinabi niya, “OK lang, Brother Andersen. Tatawagin namin siya, at ire-release ka namin.”
At iyon ang nangyari.
Ang Kontribusyon ng Kababaihan
Ang taos-pusong pag-alam at pakikinig sa mga ideya at alalahanin ng kababaihan ay mahalaga sa buhay, sa mag-asawa, at sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Dalawampung taon na ang nakararaan sa pangkalahatang kumperensya, ikinuwento ni Elder M. Russell Ballard ang pakikipag-usap niya sa general president ng Relief Society. May tanong tungkol sa pagpapalakas sa pagkamarapat ng mga kabataang naghahandang magmisyon. Sinabi ni Sister Elaine Jack na nakangiti, “Alam mo, Elder Ballard, ang [kababaihan] ng Simbahan ay maaaring may magagandang mungkahi … kung sila [ay] tatanungin. Tutal, … kami ang kanilang mga ina!”25
Kilala si Pangulong Thomas S. Monson sa pag-alam at pagtugon sa mga alalahanin ng kababaihan. Ang babaeng may pinakamalaking impluwensya sa kanya ay si Sister Frances Monson. Nami-miss natin siya. At nitong nakaraang Huwebes, ipinaalala ni Pangulong Monson sa mga General Authority kung gaano ang natutuhan niya bilang bishop mula sa 84 na balo ng kanyang ward. Malaki ang impluwensya nila sa kanyang paglilingkod at sa buong buhay niya.
Hindi nakakagulat, na bago ang mapanalanging desisyon ni Pangulong Monson tungkol sa pagbabago ng edad ng paglilingkod ng missionary, ay nagkaroon ng maraming talakayan sa mga general presidency ng Relief Society, Young Women, at Primary.
Mga bishop, kapag tinularan ninyo ang halimbawa ni Pangulong Monson, madarama ninyo na higit na pinagpapala ng Panginoon ang inyong sagradong gawain.
Ilang taon kaming nanirahan sa Brazil. Hindi nagtagal pagdating namin doon, nakilala ko si Adelson Parrella, na naglilingkod noon bilang Pitumpu, at ang kapatid niyang si Adilson, na naglilingkod noon sa aming stake presidency. Kalaunan ay nakilala ko ang kapatid nilang si Adalton, na naglilingkod bilang stake president sa Florianopolis, at isa pa nilang kapatid na si Adelmo, na naglilingkod bilang bishop. Humanga ako sa pananampalataya ng magkakapatid na ito, at kinumusta ko ang kanilang mga magulang.
Nabinyagan ang pamilya sa Santos, Brazil, 42 taon na ang nakararaan. Sabi ni Adilson Parrella, “Noong una, tila tuwang-tuwa si Itay na sumapi sa Simbahan. Gayunman, [agad] siyang naging di-gaanong aktibo at sinabihan si Inay na huwag nang magsimba.”
Ikinuwento sa akin ni Adilson na nananahi ng damit ang kanyang ina para sa mga kapitbahay para may pamasahe ang kanyang mga anak sa bus papuntang simbahan. Sama-samang naglalakad ang apat na batang lalaki nang mahigit isang milya papunta sa isa pang bayan, sumasakay ng bus nang 45 minuto, at naglalakad nang 20 minuto pa papuntang chapel.
Kahit hindi makasama si Sister Parrella sa kanyang mga anak na magsimba, nagbabasa sila ng kanyang mga anak ng mga banal na kasulatan, tinuturuan niya sila ng ebanghelyo, at magkakasama silang nagdarasal. Ang kanilang abang tahanan ay puno ng saganang mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood. Lumaki ang mga batang lalaki, nagmisyon, nag-aral, at ikinasal sa templo. Napuspos ng mga pagpapala ng priesthood ang kanilang mga tahanan.
Lumipas ang mga taon, nag-iisa na sa buhay, si Vany Parrella ay pumasok sa templo para sa sarili niyang endowment at, kalaunan pa, naglingkod sa tatlong misyon sa Brazil. Siya ngayon ay 84 na taong gulang na, at patuloy na pinagpapala ng kanyang pananampalataya ang mga henerasyong sumunod sa kanya.
Patotoo at Pangako
Ang kapangyarihan ng banal na priesthood ng Diyos ay matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpapatotoo ako na kapag marapat kayong nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, bibigyan kayo ng Panginoon ng higit na lakas, kapayapaan, at pag-unawa sa kawalang-hanggan. Anuman ang inyong sitwasyon, “kapangyarihan ng priesthood ang gagabay” sa inyong tahanan at ang mga mahal ninyo sa buhay ay mas hahangarin ang mga pagpapalang ito para sa kanilang sarili.
Bilang kalalakihan at kababaihan, magkakapatid, mga anak ng Diyos, magkakasama tayong sumusulong. Ito ay ating pagkakataon, responsibilidad, at pagpapala. Ito ang ating tadhana—ang ihanda ang kaharian ng Diyos para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.