2010–2019
Magbalik-loob Kayo
Oktubre 2013


11:33

Magbalik-loob Kayo

Nangyayari ang tunay na pagbabalik-loob sa patuloy na pamumuhay ng mga doktrinang alam ninyong totoo at pagsunod sa mga utos, araw-araw, buwan-buwan. 

Mga kapatid, malaking karangalan sa akin ang tumayo sa pulpitong ito kung saan tumayo ang napakaraming bayani ng buhay ko. Gusto kong ibahagi sa inyo ang nadarama ng puso ko at iparating ito lalo na sa mga kabataan.

Isa sa mga dakilang bayani ng Lumang Tipan ang propetang mandirigmang si Josue. Ipinaabot niya ang paanyayang ito sa mga anak ni Israel, na kanyang pinamunuan: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran, … ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.”1 Ang pahayag ni Josue ay nagpapakita ng tunay na pagbabalik-loob sa ebanghelyo. Para kay Josue at sa ating lahat, ang pagbabalik-loob sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay bunga ng matwid na pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo at katapatan sa ating mga tipan sa Panginoon.

Gusto kong ikuwento ang pagbabalik-loob ng isa pa sa aking mga bayani na nagmula sa aming pamilya. Ang pangalan niya ay Agnes Hoggan, at sila ng kanyang asawa ay sumapi sa Simbahan sa Scotland noong 1861. Dahil sa naranasang matinding pag-uusig sa kanilang bayan, nandayuhan sila sa Amerika kasama ang kanilang mga anak. Ilang taon kalaunan, nabalo si Agnes at naiwan sa kanya ang walong anak na pinagsikapan niyang itaguyod. Ang kanyang 12-taong-gulang na anak na si Isabelle ay mapalad na nakapagtrabaho bilang kasambahay sa isang mayamang pamilya, na hindi miyembro ng Simbahan.

Tumira si Isabelle sa malaking bahay ng pamilya at tumulong sa pag-aalaga sa maliliit na anak nito. Bilang kapalit ng kanyang serbisyo, binayaran ng kaunting halaga ang kanyang ina kada linggo. Hindi nagtagal ay itinuring nang miyembro ng pamilya si Isabelle at binigyan ng mga pribilehiyo, tulad ng pag-aaral ng sayaw, magagandang kasuotan, at pagpunta sa teatro. Ganito ang sitwasyon sa loob ng apat na taon, hanggang sa kailanganing lumipat sa ibang estado ang pamilyang pinagtatrabahuhan ni Isabelle. Napalapit na sa kanila si Isabelle kaya kinausap nila ang kanyang inang si Agnes at hiningi ang pahintulot nitong ampunin nila si Isabelle. Nangako silang pag-aaralin siya, titiyaking makapag-asawa siya nang maayos, at gagawin ding tagapagmana ng kanilang ari-arian tulad ng sarili nilang mga anak. Patuloy pa rin silang magbabayad kay Agnes.

Napakabigat na desisyon nito para sa maralitang balo at ina, ngunit hindi siya nag-atubili kahit sandali. Pakinggan ninyo ang mga sinabi ng kanyang apo, na isinulat makalipas ang maraming taon: “Kung hindi man pagmamahal ang naging dahilan para sumagot [siya] ng hindi, may mas maganda pa siyang dahilan—nanggaling pa siya sa Scotland at nakaranas ng hirap at pagsubok para sa Ebanghelyo, at wala siyang plano, hangga’t kaya niya, na hayaang mawala sa kanyang anak ang pinaghirapan niyang matamo.”2 Sinabi na ng mayamang pamilya ang lahat ng makakukumbinsi, at si Isabelle na mismo ang nakiusap na payagan siyang sumama, ngunit nanatiling matatag si Agnes. Tulad ng maaari ninyong isipin, pakiramdam ng 16 anyos na si Isabelle ay nasira na ang buhay niya.

Si Isabelle Hoggan ay aking impo, at lubos kong pinasasalamatan ang patotoo at pananalig na nag-alab sa puso ng kanyang ina, na dahilan para hindi niya ipagpalit sa kayamanan ang pagiging miyembro ng Simbahan ng kanyang anak. Ngayon, daan-daan sa kanyang mga inapo na pinagpapala sa pagiging miyembro ng Simbahan ang natutulungan ng malalim na pananampalataya at pagbabalik-loob ni Agnes sa ebanghelyo.

Mga kaibigan kong kabataan, nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon, at ang mga desisyong dapat ninyong gawin araw-araw, o oras-oras, ay epekto sa kawalang-hanggan. Ang mga desisyong ginagawa ninyo araw-araw ang magtatakda sa mangyayari sa inyo kalaunan. Kung wala pa kayong matibay na patotoo at pananalig na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang kaharian ng Diyos sa lupa, panahon na para kumilos at matamo ang pananalig na iyan. Ang pagpapaliban ng kailangang gawin para matamo ang ganyang pananalig ay mapanganib sa inyong kaluluwa.

Ang tunay na pagbabalik-loob ay hindi lang pagkakaroon ng kaalaman sa mga alituntunin ng ebanghelyo at higit pa sa pagkakaroon ng patotoo sa mga alituntuning iyon. Posibleng magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo kahit hindi ito ipamuhay. Ang tunay na pagbabalik-loob ay pagkilos ayon sa ating pinaniniwalaan at pagtutulot na lumikha ito ng “malaking pagbabago sa atin, o sa ating mga puso.”3 Sa buklet na Tapat sa Pananampalataya, nalaman natin na ang “pagbabalik-loob ay isang proseso, hindi isang pangyayari. Nagbabalik-loob kayo dahil sa inyong matwid na mga pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas.”4 Kailangan dito ng panahon, tiyaga, at paggawa. Matibay ang pananalig ng aking impo na mas mahalagang makamit ng kanyang mga anak ang ebanghelyo kaysa lahat ng yaman at ginhawang alok ng mundo dahil siya ay nagsakripisyo, nagtiis, at namuhay ayon sa ebanghelyo. Nagbalik-loob siya dahil sa pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo at pagsasakripisyo para dito.

Kailangan din nating pagdaanan ang gayong proseso kung gusto nating taglayin ang gayong katapatan. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.”5 Kung minsan ay kabaligtaran ang ginagawa natin. Halimbawa, maaaring ganito ang pamamaraan natin: Handa akong sundin ang batas ng ikapu, pero kailangan ko munang malaman kung ito ay totoo. Siguro ipinagdarasal pa natin na magkaroon ng patotoo tungkol sa batas ng ikapu at umaasa na ibibigay sa atin ng Panginoon ang patotoong iyan bago pa man natin sulatan ang tithing slip. Hindi sa ganyang paraan mangyayari iyan. Inaasahan ng Panginoon na mananalig tayo. Dapat ay patuloy tayong magbayad ng buo at tapat na ikapu para magkaroon tayo ng patotoo sa ikapu. Angkop din ito sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo ito man ay batas ng kalinisang-puri, alituntunin ng disenteng pananamit, Word of Wisdom, o batas ng ayuno.

Gusto kong magbahagi ng halimbawa kung paano nakatulong sa amin ang pamumuhay ng alituntunin para maniwala nang lubos sa alituntuning iyan. Dalagita pa lang ako noong dekada 60 at nag-iisang babaeng LDS sa high school namin. Panahon iyon ng radikal na pagbabago gaya ng pagtalikod sa magandang kaugalian, paggamit ng ilegal na droga, at mentalidad na gawin ang “anumang magustuhan.” Karamihan sa mga kasamahan ko ay mabubuting tao ngunit madaling matangay sa tukso ng bagong moralidad na ito, na kung tutuusin ay dati nang imoralidad. Itinurong maigi sa akin ng aking mga magulang at guro na mahalagang respetuhin ko ang aking katawan, panatilihing malinis ang isipan, at higit sa lahat, magtiwala sa mga utos ng Panginoon. Nagpasiya akong iwasan ang mga okasyon na alam kong may iaalok na alak at iniwasan kong manigarilyo at gumamit ng droga. Dahil dito madalas ay hindi ako imbitado sa mga party, at bihira akong makipagdeyt. Naging talamak sa mga kabataan ang paggamit ng droga, at ang mga pinsalang dulot nito ay di-gaanong alam noon kumpara ngayon. Marami sa mga kabataang kilala ko ang permanenteng napinsala ang utak at ang iba naman ay nalulong sa droga. Nagpasalamat ako na naturuan ako sa tahanan namin na sundin ang Word of Wisdom, at nagkaroon ako ng malalim na patotoo sa alituntuning iyan ng ebanghelyo nang manalig ako at ipamuhay ito. Ang magandang pakiramdam na dumating sa akin mula sa pamumuhay ng isang tunay na alituntunin ng ebanghelyo ay ang Espiritu Santo na nagpapatunay na ang alituntunin ay totoo. Sa ganyang paraan nangyayari ang tunay na pagbabalik-loob.

Itinuro ng propetang si Moroni, sa Aklat ni Mormon, “Ipakikita ko sa sanlibutan na ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita; kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya.”6 Sa mundo natin kung saan gusto nating masiyahan palagi, madalas tayong umasang magantimpalaan nang hindi ito pinaghihirapan. Naniniwala ako na sinasabi sa atin ni Moroni na kung kikilos muna tayo at mananalig sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo, matatanggap natin ang patunay na ito ay totoo. Nangyayari ang tunay na pagbabalik-loob sa patuloy na pamumuhay ng mga doktrinang alam ninyong totoo at pagsunod sa mga utos, araw-araw, buwan-buwan.

Napakasayang panahon ito na maging kabataan sa Simbahan. Kayo ang unang makikibahagi sa kurikulum para sa kabataan na Come, Follow Me, na ang isa sa mga pangunahing layunin ay ang magbalik-loob kayo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Makabubuting alalahanin na gaano man kainspirado ang mga magulang at lider ninyo, “pangunahing responsibilidad ninyo ang sariling pagbabalik-loob. Walang magbabalik-loob para sa inyo, at walang makakapilit sa inyong magbalik-loob.”7 Nararanasan ang pagbabalik-loob kapag tayo ay nananalangin, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagsisimba, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa sa templo. May pagbabalik-loob habang kumikilos tayo ayon sa mabubuting alituntuning natututuhan natin sa ating tahanan at sa silid-aralan. May pagbabalik-loob kapag namumuhay tayo nang dalisay at mabuti at marapat sa patnubay ng Espiritu Santo. May pagbabalik-loob kapag nauunawaan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kinikilala Siya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, at tinutulutang magkaroon ng epekto sa buhay natin ang Pagbabayad-sala.

Ang inyong pagbabalik-loob ay tutulong sa inyo na maghandang gumawa ng mga tipan sa templo, magmisyon, at magbuo ng sarili ninyong pamilya. Kapag kayo ay nagbalik-loob, hahangarin ninyong ibahagi ang natutuhan ninyo sa iba, at madaragdagan ang tiwala at kakayahan ninyong magpatotoo sa iba nang may pananalig at lakas. Ang hangaring ito na ibahagi ang ebanghelyo sa iba at ang tiwalang magpatotoo nang may tapang ay likas sa isang tunay na nagbalik-loob. Itinuro ng Tagapagligtas kay Pedro, “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”8

Naaalala ba ninyo si Josue, ang propetang mandirigma? Hindi lamang siya nagbalik-loob, kundi sinikap pa niya hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay na dalhin ang mga anak ni Israel sa Diyos. Mababasa natin sa Lumang Tipan, “At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue.”9 Ang taong tunay na nagbalik-loob ay humuhugot ng kapangyarihan sa Pagbabayad-sala at tumatanggap ng kaligtasan para sa kanyang sariling kaluluwa, at pagkatapos ay nagsisikap na maging mabuting impluwensya sa lahat ng nakakakilala sa kanya.

Ang pamumuhay ng ebanghelyo at pagtayo sa mga banal na lugar ay hindi laging madali o maginhawa, ngunit pinatototohanan ko na sulit ito! Pinayuhan ng Panginoon si Emma Smith na “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti.”10 Palagay ko hindi pa natin mawawari kung gaano kagila-gilalas ang “mga bagay na mas mabuti” ng daigdig!

Pinatototohanan ko na tayo ay may mapagmahal na Ama sa Langit na ang pinakadakilang hangarin ay tulungan tayo at pagpalain sa ating pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo at magbalik-loob. Malinaw Niyang ipinahayag na ang Kanyang pangunahing layunin at gawain ay ang ating “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.”11 Nais Niyang ibalik tayong muli sa Kanyang piling. Pinatototohanan ko na kung kikilos tayo ayon sa mga doktrina ng ebanghelyo at ipapamuhay ito araw-araw, makapagbabalik-loob tayo at magiging kasangkapan sa pagsasakatuparan ng maraming kabutihan sa ating pamilya at sa mundo. Nawa’y pagpalain tayo sa ating araw-araw na pagsisikap na kamtin ang layuning iyan sa pangalan ni Jesucristo, amen.