2010–2019
Tumingala
Oktubre 2013


10:19

Tumingala

Ngayon ang panahon para tumingin sa Pinagmumulan ng katotohanan at tiyakin na ang ating mga patotoo ay malakas.

Noong walong taong gulang ako, kami ng dalawang pinsan ko ay pinapunta sa kalapit na bayan upang maggroseri para magamit sa susunod na 15 araw. Kapag naaalala ko ito, labis akong nagtataka sa napakalaking tiwala ng lola at tita at tito ko sa amin. Maliwanag at maaliwalas ang kalangitan sa umaga nang umalis kami sakay ng aming maliit na caravan na may tatlong kabayo.

Sa gitna ng parang, naisip namin na magandang ideya na bumaba kami sa caravan at maglaro ng holen. Ganoon nga ang ginawa namin—sa mahabang oras. Nawili kami sa paglalaro kaya hindi namin napansin ang “mga tanda ng panahon” sa aming uluhan nang matakpan ng maiitim na ulap ang kalangitan. Nang matanto namin ang nangyayari, ni wala na kaming oras para sumakay sa aming mga kabayo. Hinagupit kami ng malakas na ulan, at tumama sa aming mukha ang namuong maliliit na yelo, kaya’t wala kaming ibang naisip kundi ang alisin ang siya [saddle] sa mga kabayo at gamiting panangga ang mga saddle blanket o sapin sa kabayo.

Walang kabayo, basa, at giniginaw, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay, na nagsisikap nang kumilos nang mabilis hangga’t kaya namin. Nang malapit na kami sa aming pupuntahan, nakita namin na baha na sa maluwang na kalye papasok ng bayan at parang ilog ito na rumagasa papunta sa amin. Ang tanging magagawa namin ay alisin ang aming talukbong at umakyat sa bakod na barbed-wire na nakapaikot sa bayan. Hatinggabi na nang makituloy kami, pagod at masakit ang katawan at basang-basa, sa unang bahay na nakita namin pagpasok sa bayan. Binigyan kami ng malinis na damit ng mabait na pamilyang iyon, pinakain ng masarap na bean burritos, at pinatulog sa isang silid. Di-nagtagal nakita namin na patag na lupa ang sahig ng silid, kaya may naisip kaming isa pang magandang ideya. Gumuhit kami ng bilog sa sahig at itinuloy namin ang paglalaro ng holen hanggang sa makatulog kami sa sahig.

Dahil mga bata pa kami sarili lang namin ang iniisip namin. Hindi namin naisip ang mga mahal namin sa buhay na labis na nag-aalala sa kahahanap sa amin—disinsana’y nagmadali na kami sa aming paglalakbay at hindi na naglaro pa. At kung naging mas matalino sana kami, tumingala sana kami sa kalangitan, napansin ang maiitim na ulap, at nagmadali na para hindi kami abutan ng bagyo. Ngayong naragdagan na ang kaalaman ko, lagi kong ipinapaalala sa sarili ko na, “Huwag mong kalimutang tumingala.”

Natutuhan ko sa karanasan namin ng mga pinsan ko na dapat pansinin ang mga tanda ng ating panahon. Nabubuhay tayo sa maunos, mapanganib na panahon na inilarawan ni Pablo: “Ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, … masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, … mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, … mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios” (II Kay Timoteo 3:2–4).

Patungkol sa mga panahong ito, sinabi ni Elder Dallin H. Oaks: “Dapat tayong maghanda kapwa sa temporal at sa espirituwal. … At ang paghahandang mas malamang na makaligtaan ay ang hindi nakikita at mas mahirap—ang espirituwal” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 9). Sa madaling salita, huwag kaligtaang tumingala.

Sa agarang pangangailangang maghanda sa espirituwal sa mapanganib na panahong iyon, nais kong magbabala tungkol sa isang napakatinding tanda ng panahon. Nasa teknolohiya ang propesyon ko, kaya nauunawaan ko ang kahalagahan nito, lalo na sa komunikasyon. Madali na nating makuha ang napakaraming impormasyong likha ng tao. Ngunit puno rin ang Internet ng maraming marumi at maling mga bagay. Napag-ibayo ng teknolohiya ang kalayaan nating magsalita, ngunit binibigyan din nito ng maling kredibilidad ang hindi karapat-dapat na blogger batay sa dami ng mga tumitingin. Kaya ngayon, higit kailanman, alalahanin natin ang walang-hanggang alituntuning ito: “Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila” (Mateo 7:20).

Higit sa lahat, binabalaan ko kayo na huwag tingnan ang mahahalay na larawan o bigyang-pansin ang mga taong nagpaparatang nang mali kay Cristo at kay Propetang Joseph Smith. Magkakaroon ng parehong epekto ang dalawang gawaing ito: ang pagkawala ng Espiritu Santo at ng Kanyang nagpoprotekta at tumutulong na kapangyarihan. Kasamaan at kalungkutan ang kasunod nito.

Mahal kong mga kapatid, kung sakaling may makita kayong anumang dahilan para pagdudahan ang inyong patotoo sa ebanghelyo, isinasamo kong tumingala kayo. Umasa sa Pinagmumulan ng lahat ng karunungan at katotohanan. Palakasin ang inyong pananampalataya at patotoo sa salita ng Diyos. May mga tao sa mundo na nais pahinain ang inyong pananampalataya sa paghahalo ng mga kasinungalingan sa mga bagay na hindi lubos na totoo. Kaya nga napakahalaga na lagi kayong manatiling karapat-dapat sa Espiritu. Ang patnubay ng Espiritu Santo ay hindi lamang nagbibigay ng kapanatagan—mahalaga ito sa inyong espirituwal na kaligtasan. Kung hindi ninyo pahahalagahan ang mga salita ni Cristo at pakikinggang mabuti ang mga pahiwatig ng Espiritu, kayo ay malilinlang (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:37). Kailangan nating gawin ang mga bagay na ito.

Si Jesucristo, na perpekto, at si Joseph Smith, na umamin na hindi siya perpekto, ay kapwa pinatay ng mga taong nagpaparatang nang mali at ayaw tanggapin ang kanilang patotoo. Paano natin malalaman na totoo ang kanilang patotoo—na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at si Joseph Smith ay tunay na propeta?

“Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.” Mabuti ba ang magiging bunga ng masamang puno? Alam ko sa sarili ko na napatawad na ng aking Manunubos ang aking mga kasalanan at napalaya ako sa aking sariling pasanin, na nagdala sa akin sa masayang kalagayang hindi ko alam na umiiral. At alam ko sa sarili ko na si Joseph Smith ay isang propeta dahil nagawa ko ang simpleng pangako sa Aklat ni Mormon: “Itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo” (Moroni 10:4). Sa simpleng salita, tumingala.

Maaaring sabihin ng ilang tao na dapat kayong may maipakitang katibayan para maniwala sila sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo o sa katotohanan ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Para sa kanila uulitin ko ang sinabi ni Alma kay Korihor, na nagtatangkang kumbinsihin ang iba na huwag maniwala: “May sapat ka nang mga palatandaan; tutuksuhin mo ba ang iyong Diyos? Sasabihin mo ba, Magpakita ka sa akin ng palatandaan, bagaman taglay mo ang patotoo ng lahat ng ito na iyong mga kapatid, at gayon din ang lahat ng banal na propeta? Ang mga banal na kasulatan ay nakalahad sa iyong harapan” (Alma 30:44).

Kayo at ako ay buhay na katibayan ng nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Tayo ay buhay na katibayan ng ministeryo ni Propetang Joseph at ng katapatan ng mga naunang Banal na nanatiling matatag sa kanilang patotoo. Laganap na ang Simbahan ni Jesucristo sa buong mundo at lumalago kaysa rati—na tinanggap, tulad noong panahon ni Cristo, ng mapagpakumbabang mga tao na hindi na kailangang makakita at makahawak ng katibayan para maniwala.

Walang nakakaalam kung kailan muling paparito ang Panginoon. Ngunit mapanganib na ang ating panahon. Ngayon ang panahon para tumingin sa Pinagmumulan ng katotohanan at tiyakin na ang ating mga patotoo ay malakas.

Mabalik tayo sa kuwento ko, nagising kami ng mga pinsan ko kinabukasan sa magandang sikat ng araw at maaliwalas na kalangitan. Kumatok sa pintuan ang isang lalaking naghahanap sa tatlong nawawalang bata. Isinakay niya kami sa mga kabayo, at tinahak namin ang parang din na iyon pauwi. Hinding-hindi ko malilimutan ang nakita namin sa daan pauwi—ang napakaraming tao na naghanap sa amin buong magdamag, at nakalubog sa putik ang kanilang mga traktora at trak. Nakakita sila ng isang siya [saddle] dito at isang kabayo roon, at nang makita nila kaming pauwi, nadama ko na nakahinga sila nang maluwag at mahal nila kami. Sa bukana ng bayan, maraming tao ang naghihintay sa amin, at sa unahan nilang lahat ay naroon ang mapagmahal kong lola at aking tiyo at tiya. Niyakap nila kami at napaiyak sila, tuwang-tuwang natagpuan na nila ang nawawala nilang mga anak. Kaygandang paalala nito sa akin na inaalala tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Sabik Siyang naghihintay sa ating pag-uwi.

Oo, may mga palatandaan ng mga namumuong unos sa paligid natin. Tumingala tayo at ihanda natin ang ating sarili. May kaligtasan sa malakas na patotoo. Ingatan at palakasin natin ang ating patotoo araw-araw.

Alam ko na maaari tayong magkasama-sama nang walang hanggan bilang pamilya, na ang ating mapagmahal na Ama sa Langit ay naghihintay sa atin, na Kanyang mga anak, at nakaunat ang Kanyang mga bisig. Alam ko na si Jesucristo, ang ating Tagasagip, ay buhay. Tulad ni Pedro, walang laman at dugo na naghayag nito sa akin, kundi ang aking Ama na nasa langit (tingnan sa Mateo 16:15–19). Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.