2010–2019
Talian ang Kanilang mga Sugat
Oktubre 2013


16:24

Talian ang Kanilang mga Sugat

Dalangin ko na nawa’y ihanda natin ang ating sarili sa anumang paglilingkod sa priesthood na maaaring italaga sa atin ng Panginoon sa buhay na ito.

Lahat tayo ay binigyan ng responsibilidad na pangalagaan ang iba. Ang magtaglay ng priesthood ng Diyos ay pananagutan sa Diyos para sa buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak. Iyan ay totoo, iyan ay kahanga-hanga, at paminsan-minsa’y nakapupuspos.

May nakikinig na mga elders quorum president ngayong gabi na alam ang ibig kong sabihin. Ganito ang nangyari sa isa sa inyo. Malamang na nangyari na ito sa marami sa inyo—at hindi lang minsan. Maaaring iba-iba ang mga detalye, pero pareho lang ang sitwasyon.

Isang elder na hindi ninyo gaanong kilala ang humingi ng tulong sa inyo. Noon lang niya nalaman na kailangan niyang ilipat sa kalapit na apartment ang kanyang asawa at sanggol na anak mula sa apartment na tinitirhan nila.

Tinanong ng mag-asawa ang isang kaibigan kung maaaring hiramin ang trak nito sa araw na iyon para mailipat ang mga kasangkapan at personal na gamit nila. Ipinahiram sa kanila ng kaibigan nila ang trak. Sinimulang ikarga ng bata pang ama ang lahat ng ari-arian nila sa trak, pero ilang minuto pa lang, nanakit na ang kanyang likod. Masyadong abala ang kaibigang nagpahiram ng trak para tumulong. Desperado ang bata pang ama. Naisip niya kayo, na kanyang elders quorum president.

Nang humingi siya ng tulong, hapon na. May miting noon ang Simbahan sa gabi. Nakapangako na kayong tutulungan ang asawa ninyo sa gawain sa bahay sa araw na iyon. May ipinagagawa sa inyo ang inyong mga anak, pero hindi pa ninyo nagagawa iyon.

Alam din ninyo na ang mga miyembro ng korum ninyo, lalo na ang pinakamatapat, na palagi ninyong tinatawag para tumulong, ay malamang na gayon din ang sitwasyon.

Alam ng Panginoon na may mga araw na mahaharap kayo sa ganitong sitwasyon nang tawagin Niya kayo sa katungkulang ito, kaya may kuwento Siya sa inyo para palakasin ang inyong loob. Isa itong talinghaga para sa napakaabalang mga mayhawak ng priesthood. Kung minsan ay tinatawag natin itong kuwento ng mabuting Samaritano. Pero kuwento ito talaga para sa mayhawak ng priesthood sa abala at mahirap na mga huling araw na ito.

Ang kuwento ay akmang-akma sa napakaabalang lingkod ng priesthood. Alalahanin lamang na kayo ang Samaritano at hindi ang saserdote o Levita na dinaanan lang ang sugatang lalaki.

Maaaring hindi ninyo naisip ang kuwentong ito nang maharap kayo sa ganitong mga hamon. Ngunit dalangin kong maalala ninyo ito kapag muling dumating ang mga araw na iyon, na tiyak namang darating.

Hindi sinabi sa atin sa mga banal na kasulatan kung bakit nagdaan doon ang Samaritano mula Jerusalem patungong Jerico. Malamang ay hindi siya namamasyal na mag-isa yamang alam niya na may mga tulisang nag-aabang sa mga panatag ang loob. Mahalaga ang kanyang pupuntahan, at tulad ng kaugalian, may dala siyang hayop at langis at alak.

Sa mga salita ng Panginoon, ang Samaritano, nang makita niya ang sugatang lalaki, ay huminto dahil “[siya ay] nagdalang habag.”

Hindi lang siya nagdalang-habag, kumilos pa siya. Laging alalahanin ang mga detalye sa kuwento:

“At lumapit [siya] sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya’y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya’y inalagaan.

“At nang kinabukasa’y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko.”1

Kayo at ang mga mayhawak ng priesthood na pinaaakay sa inyo ay may di-kukulangin sa tatlong katiyakan. Una, ipagkakaloob sa inyo ng Panginoon, kung hihilingin ninyo, ang pagkahabag na nadama Niya sa mga nangangailangan. Pangalawa, maglalaan Siya ng iba pa, tulad ng katiwala sa bahay-tuluyan, para makasama ninyo sa paglilingkod. At pangatlo, ang Panginoon, tulad ng mabuting Samaritano, ay gagantimpalaan nang higit pa ang lahat ng nakikiisa sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Kayong mga quorum president ay malamang na hindi lang minsan kumilos ayon sa mga katiyakang iyon. Pinatulong ninyo ang iba pang mga mayhawak ng priesthood ng Panginoon, tiwalang tutugon sila nang may habag. Hindi kayo natakot na patulungin yaong mga pinakamadalas tumugon noong araw dahil alam ninyo na madali silang mahabag. Pinatulong ninyo sila, batid na noong araw ay nadama na nila ang kabutihang-loob ng Panginoon nang magpasiya silang tumulong. Pinatulong ninyo ang ilang nabibigatan na, batid na kapag mas malaki ang sakripisyo, mas malaki ang gantimpalang tatanggapin nila mula sa Panginoon. Yaong mga nakatulong noon ay nadama na ang malaking pasasalamat ng Tagapagligtas.

Maaaring nabigyan kayo ng inspirasyon na huwag patulungin ang isang tao na magkarga at magbaba ng mga gamit mula sa trak. Bilang lider kilala ninyo ang mga miyembro ng inyong korum pati na ang kanilang pamilya. Kilalang-kilala sila ng Panginoon.

Alam Niya kung kaninong maybahay ang malapit nang manlupaypay dahil walang oras ang kanyang asawa na tugunan ang kanyang mga pangangailangan. Alam Niya kung kaninong mga anak ang pagpapalain kapag nakita Niyang muling tumulong ang kanilang ama sa iba o kung kailangang madama ng mga anak kung gaano sila kahalaga sa kanilang ama para pag-ukulan nito ng oras na makapiling sila sa araw na iyon. At alam din Niya kung sino ang kailangang anyayahang maglingkod ngunit malamang na hindi handa o ayaw maglingkod.

Hindi ninyo makikilala nang lubusan ang lahat ng miyembro ng inyong korum, ngunit kilala sila ng Diyos. Kaya, tulad ng maraming beses na ninyong nagawa, ipinagdasal ninyong malaman kung kanino kayo magpapatulong na matulungan ang iba. Alam ng Panginoon kung sino ang mapagpapala kapag pinatulong sila at kung kaninong pamilya ang mapagpapala kapag hindi sila pinatulong. Iyan ang paghahayag na maaasahan ninyong dumating sa inyo sa pamumuno sa priesthood.

Nakita kong mangyari iyan noong binatilyo ako. Ako ang first assistant sa priests quorum. Isang araw tinawagan ako ng bishop ko sa bahay. Samahan ko raw siya sa pagbisita sa isang biyudang nangangailangan ng tulong. Kailangan daw niya ako.

Habang hinihintay kong sunduin niya ako sa bahay, nag-alala ako. Alam kong may malalakas at matatalinong counselor ang bishop. Ang isa ay kilalang hukom. Ang isa naman ay namahala sa isang malaking kompanya na kalaunan ay naging General Authority. Ang bishop mismo ay maglilingkod balang-araw bilang General Authority. Bakit sasabihin ng bishop sa isang priest na walang gaanong alam na, “Kailangan ko ang tulong mo”?

Alam ko na ngayon ang maaari niyang sabihin sa akin noon: “Kailangan kang pagpalain ng Panginoon.” Sa tahanan ng biyuda, nakita ko siya, sa aking pagkamangha, na sabihin dito na wala itong makukuhang tulong mula sa Simbahan hangga’t hindi niya pinupunan ang budget form na iniwan niya rito. Sa daan pauwi, nang makita niya ang pagkabigla ko, nagulat ako nang tumawa siya at sabihin niyang, “Hal, kapag nakontrol na niya ang paggastos niya, matutulungan na niya ang iba.”

Noong minsan naman, isinama ako ng bishop ko sa bahay ng lasenggong mga magulang na pinabuksan ang pintuan sa dalawang takot na batang babae para salubungin kami. Matapos kausapin ang dalawang bata, umalis na kami at sinabi niya sa akin, “Hindi pa natin mababago ang malungkot na pangyayari sa buhay nila, pero madarama nilang mahal sila ng Panginoon.”

Isang gabi naman isinama niya ako sa bahay ng isang lalaki na ilang taon nang hindi nagsisimba. Sinabi sa kanya ng bishop na mahal siya nito at kailangan siya sa ward. Tila wala namang epekto iyon sa lalaki. Ngunit noong araw na iyon, at tuwing isasama ako ng bishop, malaki ang epekto niyon sa akin.

Walang paraan para malaman ko kung ipinagdasal ng bishop na malaman kung sinong priest ang pagpapalain sa pagsama sa kanya sa mga pagbisitang iyon. Maaaring maraming beses na rin siyang nagsama ng iba pang mga priest. Ngunit alam ng Panginoon na magiging bishop ako balang-araw na mag-aanyaya sa mga taong nanlamig ang pananampalataya na bumalik sa pangangalaga ng ebanghelyo. Alam ng Panginoon na balang-araw ay bibigyan ako ng responsibilidad sa priesthood para sa daan-daan at maging sa libu-libong anak ng Ama sa Langit na nangangailangan ng temporal na tulong.

Maaaring hindi ninyo alam na mga kabataang lalaki kung anong paglilingkod sa priesthood ang inihahanda ng Panginoon para sa inyo. Ngunit ang pinakamalaking hamon sa lahat ng mayhawak ng priesthood ay ang magbigay ng espirituwal na tulong. Tungkulin nating lahat iyan. Kasama iyan sa pagiging miyembro ng korum. Kasama iyan sa pagiging miyembro ng pamilya. Kung inaatake ni Satanas ang pananampalataya ng sinuman sa inyong korum o pamilya, mahahabag kayo. Tulad ng paglilingkod at awang ibinigay ng Samaritano, maglilingkod din kayo sa kanila nang may nagpapagaling na balsamo para sa kanilang mga sugat sa oras ng kanilang pangangailangan.

Sa inyong paglilingkod bilang full-time missionary, pupuntahan ninyo ang libu-libong tao na malaki ang espirituwal na pangangailangan. Ni hindi malalaman ng marami, hangga’t hindi ninyo sila tinuturuan, na sila ay may mga espirituwal na sugat na magdudulot ng walang-hanggang kalungkutan kapag hindi nagamot. Kayo ay hahayo sa gawain ng Panginoon upang sagipin sila. Panginoon lamang ang maaaring magbenda o magtali sa kanilang espirituwal na mga sugat kapag tinanggap nila ang mga ordenansang humahantong sa buhay na walang hanggan.

Bilang miyembro ng korum, home teacher, at missionary, hindi ninyo matutulungan ang mga tao na espirituwal na gumaling kung hindi malakas ang inyong pananampalataya. Nangangahulugan ito ng higit pa sa regular na pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal tungkol dito. Ang sandaling pagdarasal at madaliang pagsulyap sa mga banal na kasulatan ay hindi sapat na paghahanda. Ang muling katiyakan ng kakailanganin ninyo ay darating lakip ang payong ito mula sa ika-84 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan: “Ni huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin; kundi papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao.”2

Ang pangakong iyan ay matatamo lamang natin kung “papagyamanin” natin ang mga salita ng buhay at patuloy itong gagawin. Ang kahulugan ng katagang papagyamanin sa banal na kasulatan para sa akin ay tungkol sa nadarama ko tungkol sa mga salita. Halimbawa, kapag nagsikap akong tulungan ang isang tao na nanghihina ang pananampalataya tungkol sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith, muli kong nadarama ang katiyakan.

Hindi lamang ito mga salita mula sa Aklat ni Mormon. Ito ay katiyakan ng katotohanang nadarama ko tuwing magbabasa ako ng kahit ilang talata lamang sa Aklat ni Mormon. Hindi ko maipapangako na mangyayari ito sa lahat ng taong nag-aalinlangan kay Propetang Joseph o sa Aklat ni Mormon. Ngunit alam ko na si Joseph Smith ang Propeta ng Pagpapanumbalik. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos dahil pinagyaman ko ito.

Alam ko mula sa sarili kong karanasan na matitiyak ninyo ang katotohanan mula sa Espiritu dahil nangyari iyon sa akin. Dapat tayong magkaroon ng gayong katiyakan bago tayo ilagay ng Panginoon sa daraanan ng manlalakbay na mahal natin na nasugatan ng mga kaaway ng katotohanan.

May isa pang paghahanda tayong kailangang gawin. Ugali na ng tao na maging manhid sa paghihirap ng iba. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit lubos na nagsikap ang Tagapagligtas na ipahayag ang Kanyang Pagbabayad-sala at pagpapasan ng mga pasakit at kalungkutan ng lahat ng anak ng ating Ama sa Langit upang malaman kung paano Niya sila tutulungan.

Maging ang pinakamabubuting mayhawak ng priesthood ng Ama sa Langit sa lupa ay hindi agad nakakaabot sa pamantayang iyon ng pagkahabag. Ang ugali natin ay mawalan ng pasensya sa taong hindi makaunawa sa katotohanang napakalinaw sa atin. Kailangan nating ingatang hindi ipakahulugan na pagtuligsa o pagwawaksi ang kawalan natin ng pasensya.

Habang naghahanda tayong tumulong para sa Panginoon bilang Kanyang mga lingkod, may talata sa banal na kasulatan na gagabay sa atin. May kaloob doon na kailangan natin sa paglalakbay, saanman tayo isugo ng Panginoon. Taglay ng mabuting Samaritano ang kaloob na iyan. Kakailanganin natin ito, at sinabi na sa atin ng Panginoon kung paano ito mahahanap:

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—

“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay.”3

Dalangin ko na nawa’y ihanda natin ang ating sarili sa anumang paglilingkod sa priesthood na maaaring italaga sa atin ng Panginoon sa buhay na ito. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.