Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan
Ang matalinong paggamit ng kalayaan ninyong magpasiya ay mahalaga sa inyong espirituwal na pag-unlad, ngayon at sa kawalang-hanggan.
Mahal kong mga kapatid, bawat araw ay araw ng pagpapasiya. Itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na “ang mga pagpapasiya ang nagtatakda ng tadhana.”1 Ang matalinong paggamit ng kalayaan ninyong magpasiya ay mahalaga sa inyong espirituwal na pag-unlad, ngayon at sa kawalang-hanggan. Hindi kayo napakabata pa para matuto, hindi napakatanda na para magbago. Ang pagnanais ninyong matuto at magbago ay mula sa hangaring ikinintal sa inyo ng langit na umunlad nang walang hanggan.2 Bawat araw ay pagkakataong magpasiya para sa kawalang-hanggan.
Tayo ay mga walang hanggang nilalang—mga espiritung anak ng mga magulang sa langit. Nakatala sa Biblia na “Nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, … nilalang niya sila na lalake at babae.”3 Kamakailan napakinggan ko ang isang koro ng mga batang umaawit ng “Ako ay Anak ng Diyos.”4 Itinanong ko, “Bakit hindi ko naririnig na kinakanta iyan nang madalas ng matatapat na ina o ama?” Hindi ba’t tayong lahat ay mga anak ng Diyos? Sa katunayan, wala ni isa man sa atin ang titigil sa pagiging anak ng Diyos!
Bilang mga anak ng Diyos, dapat natin Siyang mahalin nang buong puso at kaluluwa, higit pa sa pagmamahal natin sa mga magulang natin sa lupa.5 Dapat nating mahalin ang ating kapwa bilang ating mga kapatid. Walang utos na mas dakila pa sa mga ito.6 At dapat na lagi nating respetuhin ang kahalagahan ng buhay ng tao, sa bawat estado nito.
Itinuturo sa atin ng banal na kasulatan na ang katawan at espiritu ay ang kaluluwa ng tao.7 Dahil binubuo kayo ng dalawang bahagi, dapat pasalamatan ng bawat isa sa inyo ang Diyos para sa Kanyang walang katumbas na kaloob sa inyo na katawan at espiritu.
Ang Katawan ng Tao
Ang propesyon ko bilang doktor ay nagbigay sa akin ng malaking paggalang sa katawan ng tao. Nilalang ng Diyos bilang kaloob sa inyo, ito ay talagang kagila-gilalas! Isipin ninyo ang inyong mga mata na nakakakita, taingang nakaririnig, at mga daliring nakadarama sa lahat ng kamangha-manghang bagay sa paligid ninyo. Ang utak ninyo ang tumutulong sa inyo na matuto, mag-isip, at mangatwiran. Ang puso ninyo ay walang tigil na pumipintig araw at gabi, na halos hindi ninyo napapansin.8
Pinoprotektahan ng katawan ang sarili nito. Nakakaramdam ito ng sakit bilang babala na may problema sa katawan na kailangang pagtuunan ng pansin. Paminsan-minsan ay may mga dumarapong nakakahawang sakit, at kapag nangyayari ito, nabubuo sa katawan ang mga pangontra na nagdaragdag ng resistensya laban sa pagkalat ng impeksyon.
Ginagamot ng inyong katawan ang sarili nito. Naghihilom ang mga hiwa o sugat at gasgas. Ang mga nabaling buto ay tumitibay muli. Ang mga binanggit ko ay ilan lang sa ibinigay ng Diyos na kamangha-manghang katangian ng inyong katawan.
Gayunman, tila sa bawat pamilya, kung hindi man sa bawat tao, may mga kundisyon ng katawan na kailangan ng espesyal na pangangalaga.9 May paraan na ibinigay ang Panginoon upang makayanan ang gayong hamon. Sabi niya “Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; … sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili … at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”10
Ang mabubuting espiritu ay karaniwang nananahanan sa mga katawang hindi perpekto.11 Ang mapagkalooban ng gayong katawan ay magpapatatag sa pamilya kapag nakahandang baguhin ng mga magulang at kapatid ang kanilang buhay para sa batang iyon na isinilang na may espesyal na mga pangangailangan.
Ang pagtanda ay kaloob din mula sa Diyos, tulad ng kamatayan. Ang kamatayan ng inyong katawang-lupa ay mahalaga sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos.12 Bakit? Dahil tutulutan ng kamatayan ang espiritu ninyo na makabalik sa Kanya.13 Mula sa pananaw ng kawalang-hanggan, ang kamatayan ay napakaaga para sa mga hindi pa handang humarap sa Diyos.
Dahil ang katawan ninyo ay mahalagang bahagi ng walang hanggang plano ng Diyos, hindi nakapagtataka na inilarawan ito ni Apostol Pablo bilang “templo ng Diyos.”14 Sa tuwing kayo ay titingin sa salamin, tingnan ang inyong katawan bilang inyong templo. Ang katotohanang iyan—na dapat pasalamatan bawat araw—ay makakaapektong mabuti sa ipapasiya ninyong paraan ng pangangalaga at paggamit ng inyong katawan. At ang mga desisyong iyon ang magtatakda ng inyong tadhana. Paano mangyayari ito? Dahil ang inyong katawan ay templo para sa inyong espiritu. At ang paraan ng paggamit ninyo ng inyong katawan ay makakaapekto sa inyong espiritu. Kabilang sa mga desisyong magtatakda ng inyong walang hanggang tadhana ay:
-
Ano ang ipapasiya ninyong paraan ng pag-aalaga at paggamit sa inyong katawan?
-
Anong mga espirituwal na katangian ang pipiliin ninyong taglayin?
Ang Espiritu ng Tao
Ang inyong espiritu ay walang hanggang nilalang. Sinabi ng Panginoon sa Kanyang propetang si Abraham: “Ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang.”15 Kahalintulad nito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias16 at maraming iba pa.17 Sinabi niya ito maging sa inyo.18
Matagal na kayong kilala ng inyong Ama sa Langit. Kayo, bilang Kanyang anak na lalaki o babae, ay pinili Niyang isilang sa mundo sa panahong ito mismo, upang maging mga pinuno sa Kanyang dakilang gawain sa mundo.19 Pinili kayo hindi dahil sa mga katangian ng inyong katawan kundi dahil sa inyong espirituwal na mga katangian, tulad ng katapangan, kagitingan, integridad, pagnanais sa katotohanan, pagnanais ng karunungan, at hangaring maglingkod sa kapwa.
Tinaglay ninyo ang ilan sa mga katangiang ito bago pa kayo isilang. Ang iba ay maaari ninyong taglayin dito sa mundo20 habang masigasig ninyong hinahangad ito.21
Ang pinakamahalagang espirituwal na katangian ay ang pagsupil sa sarili—ang determinasyong piliin ang tama hindi lamang ang gusto. Ang pagsupil sa sarili ay nagbibigay-katatagan sa konsensya. At ang konsensya ninyo ang hihikayat sa inyo na tugunan nang tama ang mahihirap, mapanukso, at mapaghamong mga sitwasyon. Tinutulungan kayo ng pag-aayuno na madaig ang inyong pisikal na mga naisin. Sa pag-aayuno, kaagad kayong nakatatanggap ng tulong ng langit, dahil ginagawang mas taimtim nito ang inyong panalangin. Bakit kailangang masupil ang sarili? Ikinintal sa atin ng Diyos na hangarin ang pangangalaga at pagmamahal, na mahalagang ipadama para magpatuloy ang lahi ng tao.22 Kapag nasupil natin ang ating mga pagnanais na naaayon sa limitasyong ibinigay ng mga batas ng Diyos, magkakaroon tayo ng mas mahabang buhay, mas matinding pagmamahal, at ganap na kagalakan.23
Hindi na nakakagulat kung gayon, na ang pinakamalakas na tuksong lumihis sa plano ng kaligayahan ng Diyos ay dahil sa maling paggamit ng mahahalagang pagnanais na iyon na bigay ng Diyos. Ang pagsupil o pagkontrol sa mga ninanais natin ay hindi laging madali. Walang sinuman sa atin ang perpektong nakagagawa nito.24 Nangyayari ang mga pagkakamali. Nakagagawa ng mga pagkakamali. Nagagawa ang mga kasalanan. Kung gayon ano ang magagawa natin? Maaari tayong matuto mula sa mga ito. At maaari tayong magsisi.25
Mababago natin ang ating pag-uugali. Ang mga ninanais natin ay maaaring mabago. Paano? Isa lamang ang paraan. Ang totoong pagbabago—permanenteng pagbabago—ay magmumula lamang sa nagpapagaling, naglilinis, nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.26 Mahal Niya kayo—bawat isa sa inyo!27 Tutulutan Niya kayong magkaroon ng karapatan sa Kanyang kapangyarihan kung susundin ninyo ang Kanyang mga utos, nang may buong sigasig, katapatan, at ganap. Ganyan lang kasimple at katotoo. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagbabago!28
Ang matatag na espiritu ng tao na nakakapigil sa mga pita ng laman ay nakakasupil sa mga emosyon at simbuyo ng damdamin at hindi nagpapadaig dito. Ang ganyang uri ng kalayaan ay mahalaga sa espiritu tulad ng oxygen sa katawan! Ang kalayaan sa pagkaalipin ng sarili ay tunay na kalayaan!29
Tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan … o piliin ang pagkabihag at kamatayan.”30 Kapag pinili natin ang mas mataas na landas tungo sa kalayaan at buhay na walang-hanggan, ang landas ay kinabibilangan ng pagpapakasal.31 Ipinapahayag ng mga Banal sa mga Huling Araw na “ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Alam din natin na ang “kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan.”32
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay pangunahing saligan sa doktrina ng Panginoon at mahalaga sa walang hanggang plano ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay huwaran o pamantayan ng Diyos para sa kaganapan ng buhay sa lupa at sa langit. Ang pamantayan ng Diyos sa kasal ay hindi dapat gamitin nang mali, unawain nang mali, o ipakahulugan nang mali.33 Hindi ito dapat gawin kung nais ninyo ng tunay na kagalakan. Ang pamantayan ng Diyos sa kasal ay nangangalaga sa sagradong kapangyarihan ng paglikha ng buhay at sa kagalakan ng tapat na ugnayan ng mag-asawa.34 Alam natin na sina Eva at Adan ay ikinasal ng Diyos bago nila naranasan ang galak ng pagsasama ng mag-asawa.35
Sa ating panahon, ang mga pamahalaan ay may tunay na malasakit sa pagprotekta sa kasal dahil ang matatag na mga pamilya ang pinakamainam na tagapaglaan ng kalusugan, edukasyon, kapakanan at pag-unlad ng mga bagong henerasyon.36 Ngunit ang mga pamahalaan ay malakas na naiimpluwensiyahan ng mga kalakaran sa lipunan at pilosopiya ng tao sa kanilang pagsulat, muling pagsulat, at pagpapatupad ng batas. Anuman ang ipatupad ng batas, ang doktrina ng Panginoon hinggil sa kasal at moralidad ay hindi mababago.37 Tandaan: ang kasalanan, kahit gawin itong legal ng tao, ay kasalanan pa rin sa mata ng Diyos!
Bagama’t dapat nating tularan ang kabaitan at pagkamahabagin ng atingTagapagligtas, bagama’t kailangan nating pahalagahan ang mga karapatan at damdamin ng lahat ng anak ng Diyos, hindi natin mababago ang Kanyang doktrina. Hindi tayo ang dapat magbago niyan. Ang tungkulin natin ay pag-aralan, unawain, at sundin ang Kanyang doktrina.
Ang paraan ng pamumuhay ng Tagapagligtas ay mabuti. Kabilang sa Kanyang pamamaraan ang kadalisayan ng puri bago ikasal at ganap na katapatan sa loob ng bigkis ng kasal.38 Ang pamamaraan ng Panginoon ang tanging paraan upang maranasan natin ang walang hanggang kaligayahan. Ang Kanyang pamamaraan ay nagdudulot ng kapanatagan sa ating kaluluwa at patuloy na kapayapan sa tahanan. At higit sa lahat, ang Kanyang pamamaraan ay umaakay sa atin pabalik sa Kanya at sa ating Ama sa Langit, sa walang hanggang buhay at kadakilaan.39 Ito ang pinakamahalagang bahagi ng gawain at kaluwalhatian ng Diyos.40
Mahal kong mga kapatid, bawat araw ay araw ng pagpapasiya, at ang ating mga pagpapasiya ang magtatakda ng ating tadhana. Balang-araw ang bawat isa sa atin ay tatayo sa harapan ng Panginoon para hatulan.41 Isa-isa tayong kakausapin ni Jesucristo.42 Pananagutan natin ang mga pagpapasiyang ginawa natin para sa ating katawan, mga espirituwal na katangian, at kung paano natin sinunod ang huwaran ng Diyos para sa kasal at pamilya. Nawa’y maging matalino tayo sa pagpapasiya bawat araw para sa kawalang-hanggan ang taos-puso kong panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.