2010–2019
Mga Tunay na Pastol
Oktubre 2013


17:34

Mga Tunay na Pastol

Ang home teaching ay sagot sa maraming panalangin at tinutulutan tayong makita ang mga pagbabagong maaaring mangyari sa buhay ng mga tao.

Ngayong gabi sa Conference Center sa Salt Lake City at sa malalayo at malalapit na lugar nakatipon ang mga mayhawak ng priesthood ng Diyos. Tunay ngang kayo’y “makaharing pagkasaserdote”—maging “isang lahing hirang,” tulad ng sabi ni Apostol Pedro.1 Ikinararangal kong makapagsalita sa inyo.

Habang lumalaki ako, tuwing summer ay nagpupunta ang pamilya namin sa Provo Canyon, mga 45 milya (72 km) sa timog at gawing silangan ng Salt Lake City, kung saan kami lumalagi sa cabin ng pamilya nang ilang linggo. Kaming mga lalaki ay laging sabik na mangisda sa sapa o lumangoy, at sinasabihan namin si Itay na bilisan ang patakbo ng kotse. Noong panahong iyon, ang kotseng gamit ni Itay ay isang 1928 Oldsmobile. Kung mahigit 35 milya (56 km) bawat oras ang bilis niya, sasabihin ni Inay na, “Bagalan mo! Bagalan mo!” Sasabihin ko naman, “Bilisan n’yo, Itay! Bilisan n’yo!”

Ang patakbo ni Itay ay mga 35 milya bawat oras paakyat sa Provo Canyon o hanggang makaliko kami sa isang kurbada at tumitigil kami kapag may tumatawid na isang kawan ng mga tupa. Minamasdan namin ang daan-daang tupang mabilis na nagdaraan, na parang walang pastol, habang kumakahol ang ilang aso habang naglalakad. Doon sa likuran ay nakikita namin ang tagapastol na sakay ng kanyang kabayo—na hindi kabisada ang nasa bibig kundi suga. Paminsan-minsa’y nakayukyok siya sa sintadera ng kabayo at natutulog, dahil alam naman ng kabayo kung saan pupunta at malaking tulong ang pagkahol ng mga aso.

Ihambing ninyo iyan sa tagpong nakita ko sa Munich, Germany, maraming taon na ang nakalipas. Linggo ng umaga noon, at papunta kami sa isang missionary conference. Pagtanaw ko sa bintana ng kotse ng mission president, nakita ko ang isang pastol na may hawak na tungkod, at inaakay ang mga tupa. Nakasunod sila sa kanya saanman siya magpunta. Kung kakaliwa siya, susundan nila siya sa kaliwa. Kung kakanan siya, susundan nila siya sa direksyong iyon. Pinaghambing ko ang tunay na pastol na umaakay sa kanyang mga tupa at ang tagapastol na parang wala lang na nakasakay sa kabayo sa likuran ng kanyang mga tupa.

Sabi ni Jesus, “Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang [aking mga tupa].”2 Ipinakikita Niya sa atin ang perpektong halimbawa ng nararapat gawin ng isang tunay na pastol.

Mga kapatid, bilang priesthood ng Diyos may responsibilidad tayong magpastol. Ang karunungan ng Panginoon ay naglaan ng mga tuntunin kung paano tayo magiging pastol sa mga pamilya ng Simbahan, kung saan tayo makapaglilingkod, makapagtuturo, at makapagpapatoto sa kanila. Ang tawag dito ay home teaching, at ito ang nais kong talakayin sa inyo ngayong gabi.

Ang bishop ng bawat ward sa Simbahan ang namamahala sa pagtatalaga sa mga mayhawak ng priesthood bilang mga home teacher na bisitahin sa bahay ang mga miyembro bawat buwan. Pares-pares sila. Kapag maaari, sasamahan ng binatilyong priest o teacher sa Aaronic Priesthood ang isang adult na mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Pagpasok nila sa bahay ng mga taong pananagutan nila, dapat makibahagi ang mayhawak ng Aaronic Priesthood sa pagtuturong ginagawa. Ang tungkuling iyon ay makakatulong sa paghahanda ng mga binatilyong ito para sa misyon at maging sa habambuhay na paglilingkod ng priesthood.

Ang home teaching program ay sagot sa makabagong paghahayag na nag-uutos sa mga naorden sa priesthood na “magturo, magpaliwanag, manghikayat, magbinyag … at dumalaw sa bahay ng bawat kasapi, at hikayatin silang manalangin nang malakas at nang lihim at isagawa ang lahat ng tungkulin na pang mag-anak, … pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila; at tiyakin na walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama.”3

Ipinayo ni Pangulong David O. McKay: “Home teaching ang isa sa mga pinakakailangan at pinaka-nakasisiyang oportunidad para mangalaga at magbigay-inspirasyon, magpayo at pumatnubay sa mga anak ng ating Ama. … [Ito] ay isang banal na paglilingkod, isang banal na tungkulin. Tungkulin natin bilang mga Home Teacher na dalhin ang … espiritu sa bawat tahanan at puso. Ang mahalin ang gawain at gawin ang makakaya natin ay magdudulot ng walang-katapusang kapayapaan, galak at kasiyahan sa [isang marangal at] tapat [na guro] ng mga anak ng Diyos.”4

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin na “itinalaga [ni Alma] ang lahat ng kanyang saserdote at lahat ng kanyang mga guro; at walang itinalaga maliban na sila ay mga makatarungang tao.

“Anupa’t pinangalagaan nila ang kanilang mga tao, at pinagyaman sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan.”5

Sa pagganap sa ating mga responsibilidad sa home teaching, matalino tayo kung malalaman at mauunawaan natin ang mga hamon ng mga miyembro ng bawat pamilya, upang maging epektibo tayo sa pagtuturo at pagbibigay ng kinakailangang tulong.

Ang isang home teaching visit ay malamang na magtagumpay kung maaga nating itatakda ang petsa ng pagbisita. Para mailarawan ang puntong ito, ibabahagi ko sa inyo ang isang karanasan ko ilang taon na ang nakalilipas. Noong panahong iyon ang Missionary Executive Committee ay binubuo nina Spencer W. Kimball, Gordon B. Hinckley, at Thomas S. Monson. Isang gabi pinakain nina Brother at Sister Hinckley sa bahay nila ang mga miyembro ng komite at kanilang mga asawa. Katatapos lang naming kumain ng masarap na pagkain nang may kumatok sa pinto. Binuksan ni Pangulong Hinckley ang pintuan at nakitang nakatayo roon ang isa sa kanyang mga home teacher. Sabi ng home teacher, “Alam ko po na hindi ko nasabing darating ako, at hindi ko kasama ang kompanyon ko, pero nadama kong dapat akong magpunta ngayong gabi. Hindi ko po alam na may mga bisita pala kayo.”

Magiliw na pinatuloy ni Pangulong Hinckley ang home teacher at pinaupo at pinaturuan ang tatlong Apostol at aming mga asawa tungkol sa tungkulin natin bilang mga miyembro. Kahit may kaunting takot, ginawa ng home teacher ang lahat ng makakaya niya. Pinasalamatan siya ni Pangulong Hinckley sa pagpunta, at nagmamadali na siyang umalis.

Babanggitin ko ang isa pang halimbawa ng maling paraan ng pagsasagawa ng home teaching. Mahilig magkuwento si Pangulong Marion G. Romney, na counselor sa Unang Panguluhan ilang taon na ang nakararaan, tungkol sa kanyang home teacher na nagpuntang minsan sa tahanan ng mga Romney isang gabi ng taglamig. Hawak niya ang kanyang sumbrero at halatang ninenerbiyos nang sabihan siyang maupo at ibigay ang kanyang mensahe. Habang nakatayo, sinabi niya, “Alam mo, Brother Romney, maginaw sa labas, at iniwan kong umaandar ang makina ng kotse para hindi ito tumirik. Dumaan lang ako para masabi ko sa bishop na nakabisita ako.”6

Pagkatapos ay sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson, matapos ikuwento ang karanasan ni President Romney sa isang miting ng mga mayhawak ng priesthood, “Higit pa roon ang kaya nating gawin, mga kapatid—higit pa roon!”7 Sang-ayon ako.

Ang home teaching ay hindi lang basta pagbisita nang minsan sa isang buwan. Atin ang responsibilidad na magturo, magbigay-inspirasyon, manghikayat, at bumisita sa mga di-aktibo, gawin silang aktibo nang sa huli ay magkamit ng kadakilaan ang mga anak ng Diyos.

Para matulungan tayo sa ating mga pagsisikap, ibinabahagi ko ang matalinong payo na tiyak na angkop sa mga home teacher. Mula ito kay Abraham Lincoln, na nagsabing, “Kung gusto mong makiisa sa layon mo ang isang tao, kumbinsihin mo muna siya na ikaw ay tapat niyang kaibigan.”8 Nanghikayat si Pangulong Ezra Taft Benson: “Higit sa lahat, maging tunay na kaibigan sa mga tao at pamilyang tinuturuan ninyo. … Ang isang kaibigan ay hindi lamang minsan sa isang buwan bumibisita. Ang isang kaibigan ay mas inaalalang matulungan ang mga tao kaysa tumanggap ng papuri. Ang kaibigan ay nagmamalasakit. Ang isang kaibigan ay [nagpapakita ng pagmamahal]. Ang isang kaibigan ay nakikinig, at ang isang kaibigan ay dumadamay.”9

Ang home teaching ay sagot sa maraming panalangin at tinutulutan tayong makita ang mga pagbabagong maaaring mangyari sa buhay ng mga tao.

Isang halimbawa nito si Dick Hammer, na dumating sa Utah kasama ng Civilian Conservation Corps noong panahon ng Depression. Nakilala at pinakasalan niya ang isang dalagang Banal sa mga Huling Araw. Binuksan niya ang Dick’s Café sa St. George, Utah, na naging bantog na tagpuan.

Itinalagang home teacher sa pamilya Hammer si Willard Milne, na aking kaibigan. Yamang kilala ko rin si Dick Hammer, dahil ako ang nag-print ng mga menu para sa kanyang café, itinanong ko sa kaibigan kong si Brother Milne nang bumisita ako sa St. George, “Kumusta naman ang kaibigan nating si Dick Hammer?”

Ang karaniwan niyang isinasagot ay, “Okey naman, mabagal nga lang.”

Tuwing dadalaw si Willard Milne at ang kompanyon niya sa tahanan ng mga Hammer buwan-buwan, lagi silang nakapaglalahad ng mensahe ng ebanghelyo at nagbabahagi ng kanilang patotoo kay Dick at sa pamilya.

Lumipas ang mga taon, at isang araw ay tinawagan ako ni Willard na may magandang balita. “Brother Monson,” pagsisimula niya, “bibinyagan na si Dick Hammer. Siya ay 90 anyos na, at matagal na kaming magkaibigan. Tuwang-tuwa ako sa kanyang desisyon. Naging home teacher niya ako sa loob ng maraming taon.” Medyo garalgal ang boses ni Willard nang iparating niya sa akin ang masayang balita.

Nabinyagan nga si Brother Hammer at makalipas ang isang taon ay nakapasok siya sa magandang St. George Temple at natanggap doon ang kanyang endowment at mga basbas ng pagbubuklod.

Tinanong ko si Willard, “Nasiraan ka ba ng loob bilang home teacher niya nang napakatagal na panahon?”

Sagot niya, “Hindi, sulit ang lahat ng pagod. Kapag nakikita ko ang galak na dumating sa mga miyembro ng pamilya Hammer, napupuspos ng pasasalamat ang puso ko para sa mga pagpapalang dulot ng ebanghelyo sa kanilang buhay at sa pagkakataon kong makatulong kahit paano. Masayang-masaya ako.”

Mga kapatid, magkakaroon tayo ng pagkakataon sa paglipas ng mga taon na bisitahin at turuan ang maraming tao—yaong mga di-gaanong aktibo at maging ang mga taong lubos ang katapatan. Kung desidido tayo sa ating tungkulin, magkakaroon tayo ng maraming pagkakataong magpala ng mga buhay. Ang mga pagbisita natin sa mga lumayo na sa Simbahan ay maaaring maging susi na sa huli ay magbubukas ng pintuan para sa kanilang pagbabalik.

Habang iniisip ito, tulungan natin ang mga taong pananagutan natin at dalhin sila sa hapag ng Panginoon upang magpakabusog sa Kanyang salita at magtamasa ng patnubay ng Kanyang Espiritu at “hindi na [maging] mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi … mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios.”10

Kung mayroon mang nagpabaya sa inyo sa pagbisita bilang home teacher, sasabihin ko na wala nang mas mainam na panahon kaysa ngayon upang muling ilaan ang inyong sarili sa pagganap sa inyong mga tungkulin sa home teaching. Magpasiya ngayon na gawin ang lahat ng kailangan para matulungan ang mga taong pananagutan ninyo. May mga pagkakataon na kailangan ng dagdag na panghihikayat, para tulungan din ang inyong kompanyon sa home teaching na magkaroon ng panahon na sumama sa inyo, ngunit kung matiyaga kayo, magtatagumpay kayo.

Mga kapatid, patuloy ang pagsisikap natin sa home teaching. Ang gawain ay hindi matatapos hanggang sa sabihin ng ating Panginoon at Guro na, “Sapat na.” May mga buhay na pasasayahin. May mga pusong aantigin. May mga kaluluwang ililigtas. Atin ang sagradong pribilehiyong pasiglahin, antigin, at iligtas ang mahahalagang kaluluwang ipinagkatiwala sa atin. Dapat nating gawin ito nang buong katapatan at may pusong puno ng galak.

Bilang pagtatapos magbibigay ako ng isang halimbawa na maglalarawan sa uri ng mga home teacher na dapat tayong maging. May isang Gurong ang buhay ay nakahihigit sa lahat ng iba pang guro. Nagturo Siya tungkol sa buhay at kamatayan, sa tungkulin at tadhana. Nabuhay Siya hindi para paglingkuran kundi maglingkod, hindi para tumanggap kundi magbigay, hindi para iligtas ang Kanyang buhay kundi ialay ito para sa iba. Inilarawan niya ang isang pag-ibig na mas maganda kaysa pagnanasa, isang kahirapang mas sagana kaysa kayamanan. Sinasabi na ang Gurong ito ay nagturo nang may awtoridad at hindi tulad ng mga eskriba.11 Ang Kanyang mga batas ay hindi nakaukit sa bato kundi sa puso ng mga tao.

Ang tinutukoy ko ay ang Panginoon, maging si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Ayon sa Biblia Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti.”12 Kasama Siya na ating gabay at huwaran, tayo ay magiging marapat sa Kanyang banal na tulong sa ating home teaching. Ang mga buhay ay pagpapalain. Ang mga puso ay maaaliw. Ang mga kaluluwa ay maliligtas. Tayo’y magiging tunay na mga pastol. Nawa’y mangyari ito, ang dalangin ko sa pangalan ng dakilang Pastol na iyon na si Jesucristo, amen.