2010–2019
Hindi na Kayo mga Taga Ibang Bayan
Oktubre 2013


12:11

Hindi na Kayo mga Taga Ibang Bayan

Sa Simbahang ito, walang mga taga ibang bayan at hindi kabilang. Ang narito lamang ay magkakapatid.

Karamihan sa atin ay naranasan nang malagay sa isang sitwasyong bago sa atin, kung saan nadama natin na naiiba tayo at hindi panatag. Nalagay sa sitwasyong ito ang pamilya namin mga limang taon na ang nakararaan matapos akong tawagin ni Pangulong Thomas S. Monson bilang General Authority ng Simbahan. Dahil sa tungkuling ito kinailangang lisanin ng aming pamilya ang magandang lugar na tinirhan namin nang mahigit dalawang dekada. Naaalala pa naming mag-asawa ang kagyat na reaksyon ng aming mga anak nang malaman nila ang pagbabago. Sabi ng 16-na-taong-gulang naming anak, “Walang problema. Puwede kayong umalis; dito lang ako!”

Agad din naman niyang ipinasiyang sumama sa amin at may pananalig na tinanggap ang bagong oportunidad na ito sa kanyang buhay. Ang pagtira sa bagong kapaligiran sa nakalipas na ilang taon ay naging karanasang nagturo at nagpasaya sa aming pamilya, lalo na dahil sa magiliw na pagtanggap at kabutihan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dahil tumira kami sa iba’t ibang bansa, nagpasalamat kami na ang pagkakaisa ng mga tao ng Diyos sa buong mundo ay tunay at nakikita.

Dahil sa aking tungkulin nakapaglakbay ako sa maraming bansa at nabigyan ng pribilehiyong mangulo sa maraming pulong. Sa iba’t ibang kongregasyong pinangasiwaan ko, madalas akong makakita ng mga miyembrong nagmula sa iba’t ibang bansa, wika, at kultura. Ang isang kamangha-manghang aspeto ng dispensasyon ng ebanghelyo natin ngayon ay na hindi ito limitado sa isang lugar o grupo ng mga bansa. Ito ay para sa lahat ng bansa at sa lahat ng tao. Naghahanda ito para sa maluwalhating pagbalik ng Anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagtitipon sa “kanyang mga anak mula sa apat na sulok ng mundo.”1

Bagama’t dumarami ang mga miyembro ng Simbahan mula sa iba’t ibang bansa, ang ating sagradong pinagmulan ay higit pa sa pagkakaiba-iba natin. Bilang mga miyembro ng Simbahan, tinatanggap tayo sa sambahayan ni Israel. Nagiging magkakapatid tayo, pantay na mga tagapagmana sa iisang espirituwal na angkan. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na “sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa [kanyang] pangalan, at ibibilang sa [kanyang] mga binhi, at magbabangon at papupurihan [siya], bilang kanilang ama.”2

May pangako para sa lahat ng sumasapi sa Simbahan: “Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios.”3

Ang salitang taga ibang lupa ay nagmumula sa salitang Latin na extraneus, na ibig sabihin ay “exterior” o “tagalabas.” Karaniwan, tinatawag nitong “tagalabas” ang isang tao sa iba’t ibang dahilan, dahil man ito sa pinagmulan, kultura, opinyon, o relihiyon. Bilang mga disipulo ni Jesucristo na nagsisikap na mabuhay sa mundo ngunit hindi makamundo, ang pakiramdam natin kung minsan ay para tayong mga tagalabas. Alam natin, kaysa marami diyan, na maaaring sarado ang ilang pintuan para sa mga yaong itinuturing na kakaiba.

Sa lahat ng panahon inutusan ang mga tao ng Diyos na pangalagaan ang lahat ng taga ibang bayan o yaong maituturing na kakaiba. Noong unang panahon ang pangangalaga sa isang taga ibang bayan ay tulad ng pangangalaga sa isang balo o ulila. Tulad nila, ang taga ibang bayan ay madali ring malagay sa panganib, at ang kaligtasan niya ay nakasalalay sa proteksyong matatanggap niya mula sa mga tao sa lugar. Mahigpit ang tagubiling tinanggap ng Israel tungkol dito: “Ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili; sapagka’t naging taga ibang bayan kayo sa lupain ng Egipto.”4

Noong Kanyang ministeryo sa lupa, si Jesus ay halimbawa ng isang taong gumawa ng higit pa sa kabutihang-loob at pagpaparaya. Yaong mga itinaboy ng lipunan, mga itinakwil at itinuring na marumi ng mga nagmamagaling, ay kinahabagan Niya at iginalang. Tumanggap din sila ng Kanyang mga turo at ministeryo tulad ng iba.

Halimbawa, hindi sinunod ng Tagapagligtas ang mga kaugalian sa Kanyang panahon nang kausapin Niya ang babaeng Samaritana, at hingan ito ng inumin. Kasama Niyang kumain ang mga maniningil ng buwis. Hindi siya nag-atubiling lapitan, hawakan, at pagalingin ang ketongin. Sa paghanga sa pananampalataya ng isang Romanong senturion, sinabi Niya sa mga tao, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya.”5

Inutusan tayo ni Jesus na sundin ang batas ng sakdal na pagmamahal, na ipinagkaloob sa lahat nang walang kapalit. Sabi niya:

“Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?

“At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga Gentil?

“Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.”6

Sa Simbahang ito, walang mga taga ibang bayan at hindi kabilang. Ang narito lamang ay magkakapatid. Ang kaalaman na mayroon tayong Amang Walang Hanggan ay tumutulong sa atin na mas hangaring pairalin ang kapatiran sa lahat ng kalalakihan at kababaihan sa mundo.

Isang talata sa nobelang Les misérables ang naglalarawan kung paano maaaring pakitunguhan ng mga mayhawak ng priesthood ang mga itinuturing na taga ibang bayan. Si Jean Valjean ay kalalabas lang ng bilangguan. Pagod mula sa mahabang paglalakbay at gutom at uhaw, nakarating siya sa isang munting bayan sa paghahanap ng makakain at matutuluyan sa magdamag. Nang kumalat ang balita na dumating siya, isa-isa siyang pinagsarhan ng pintuan ng lahat ng nakatira doon. Walang hotel, o matutuluyan, o kahit bilangguan na nagpatuloy sa kanya. Tinanggihan siya at itinaboy. Sa huli, nang maubusan ng lakas, napahandusay siya sa harap ng pintuan ng obispo ng bayan.

Alam na alam ng butihing pari ang pagkatao ni Valjean, ngunit pinatuloy niya ang palaboy sa kanyang tahanan at buong habag na sinabi:

“‘Hindi akin ang bahay na ito; bahay ito ni Jesucristo. Hindi mahalaga kung may pangalan o wala ang pumapasok sa pintuang ito, kundi kung siya ay nagdadalamhati. Nagdurusa ka, nagugutom ka at nauuhaw; tumuloy ka. … Bakit kailangan ko pang malaman ang pangalan mo? Tutal, bago mo pa sinabi sa akin [ang pangalan mo] alam ko na ang tawag sa iyo.’

“Namamanghang nanlaki ang mga mata [ni Valjean].

“‘Talaga? Alam mo na ang tawag sa akin?’

“‘Oo,’ sagot ng Obispo, ‘ang tawag sa iyo ay kapatid ko.’”7

Sa Simbahang ito ang ating mga ward at korum ay hindi sa atin. Ang mga ito ay kay Jesucristo. Sinumang pumasok sa ating mga meetinghouse ay dapat madamang tanggap siya. Ang responsibilidad na malugod na tanggapin ang lahat ay lalong nagiging mahalaga. Ang mundong ginagalawan natin ay dumaranas ng malaking pagbabago. Dahil mas madali nang magbiyahe, mabilis na ang komunikasyon, at ang globalisasyon ng ekonomiya, nagiging malaking kabayanan na ang mundo kung saan ang mga tao at mga bansa ay nagtatagpo, nakikipag-ugnayan, at nakikihalubilo sa isa’t sa nang higit kaysa noon.

Ang malawak na pagbabagong ito sa daigdig ay ayon sa plano ng Makapangyarihang Diyos. Ang pagtitipon ng Kanyang mga pinili mula sa apat na sulok ng mundo ay nagaganap hindi lamang sa pagpapadala ng mga missionary sa malalayong bansa kundi maging sa pagdating ng mga taong nagmula sa ibang mga lugar sa ating mga lungsod at komunidad. Hindi batid ng marami na sila ay inaakay ng Panginoon sa mga lugar na maririnig nila ang ebanghelyo at maisasama sila sa Kanyang kawan.

Malamang na ang susunod na magbabalik-loob sa ebanghelyo sa inyong ward ay hindi nagmumula sa karaniwan ninyong grupo ng mga kaibigan at kakilala. Maaari ninyong mapansin ito sa kanyang hitsura, pananalita, pananamit, o kulay ng balat. Ang taong ito ay maaaring lumaki sa ibang relihiyon, iba ang pinagmulan o iba ang pamumuhay.

Ang pakikisama o pakikipagkaibigan ay mahalagang responsibilidad ng priesthood. Ang mga korum ng Aaronic at Melchizedek Priesthood ay dapat kumilos na kasabay ng kababaihan sa pamamahala ng bishop upang siguruhin na bawat tao ay matanggap nang may pagmamahal at kabaitan. Ang mga home teacher at visiting teacher ay magiging maingat na tiyakin na walang sinumang nalimutan o hindi napansin.

Lahat tayo ay kailangang magtulungang magkaroon ng espirituwal na pagkakaisa sa ating mga ward at branch. Isang halimbawa ng ganap na pagkakaisa ang umiral sa mga tao ng Diyos matapos dalawin ni Cristo ang mga lupain ng Amerika. Sinasabi sa talaan na walang “mga Lamanita, ni anumang uri ng mga ‘ita’; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.”8

Hindi tayo magkakaisa kapag hindi natin pinansin o lumayo tayo sa mga miyembrong tila kakaiba o mas mahina sa atin at makikihalubilo lamang tayo sa mga taong katulad natin. Sa kabilang banda, magkakaisa tayo kapag tinanggap at pinaglingkuran natin ang mga bagong miyembro o yaong mga may partikular na pangangailangan. Ang mga miyembrong ito ay pagpapala sa Simbahan at nagbibigay sa atin ng pagkakataong maglingkod sa ating kapwa at sa gayon ay mapapadalisay ang ating puso.

Kaya, mga kapatid, tungkulin ninyong lapitan ang sinumang dumating sa mga pintuan ng mga gusali ng inyong Simbahan. Tanggapin sila nang may pasasalamat at walang panghuhusga. Kung may mga taong hindi ninyo kilala na pumasok sa isa sa inyong mga miting, malugod silang batiin at anyayahang tumabi sa inyo. Kayo na ang gumawa ng unang hakbang para ipadama sa kanila na sila’y tanggap at minamahal, sa halip na hintaying sila pa ang lumapit sa inyo.

Matapos ninyo silang batiin, mag-isip kayo ng mga paraan para patuloy silang mapaglingkuran. Minsan ay nabalitaan ko na may isang ward kung saan, matapos binyagan ang dalawang babaeng bingi, dalawang kahanga-hangang miyembro ng Relief Society ang nagpasiyang mag-aral ng sign language para higit nilang makaugnayan ang mga bagong miyembrong ito. Napakagandang halimbawa ng pagmamahal para sa mga kapatid sa ebanghelyo!

Pinatototohanan ko na walang taga ibang bayan sa ating Ama sa Langit. Wala ni isang kaluluwang hindi mahalaga sa Kanya. Tulad ni Pedro, pinatototohanan ko na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao: kundi sa bawa’t bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya.”9

Dalangin ko na kapag tinipon ng Panginoon ang Kanyang mga tupa sa huling araw, nawa’y sabihin Niya sa bawat isa sa atin, “Ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy.”

At sasabihin natin sa Kanya, “Kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan at pinatuloy ka?”

At sasagot Siya sa atin, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”10

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.