Pagtuturo nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos
Ang Panginoon ay naglaan ng paraan para sa lahat ng karapat-dapat na Banal sa mga Huling Araw upang makapagturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas.
Kulang ang salita upang lubos naming maipahayag ang aming pasasalamat sa mga guro sa buong Simbahan. Mahal namin kayo at malaki ang tiwala namin sa inyo. Kayo ay isa sa mga pinakamalaking himala ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Sa katunayan may sekreto sa pagiging matagumpay na guro sa ebanghelyo, sa pagtuturo nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Ginamit ko ang salitang sekreto dahil ang mga alituntunin na pinagbatayan ng tagumpay ng guro ay nauunawaan lamang ng mga taong may patotoo sa naganap noong umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng 1820.
Bilang sagot sa mapagpakumbabang panalangin ng 14-na-taong gulang na bata, nabuksan ang kalangitan. Ang Diyos Amang Walang Hanggan at Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita at nangusap kay Propetang Joseph Smith. Ang matagal nang hinihintay na panunumbalik ng lahat ng mga bagay ay nagsimula na, at ang alituntunin ng paghahayag ay naitatag magpakailanman sa ating dispensasyon. Ang mensahe ni Joseph, at ating mensahe sa mundo, ay maibubuod sa apat na salita: “Ang Diyos ay nangungusap.” Siya ay nangusap noong sinauna, Siya ay nangusap kay Joseph, at Siya ay mangungusap sa inyo. Ito ang dahilan kaya iba kayo sa lahat ng iba pang guro sa mundo. Dahil dito hindi kayo mabibigo.
Kayo ay tinawag sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag at itinalaga ng awtoridad ng priesthood. Ano ang ibig sabihin nito?
Una, ibig sabihin nito ay naglilingkod kayo sa Panginoon. Kayo ay Kanyang kinatawan, at kayo ay binigyang karapatan at responsibilidad na kumatawan sa Kanya at kumilos sa Kanyang pangalan. Bilang Kanyang kinatawan, kayo ay tatanggap ng Kanyang tulong. Dapat ninyong itanong sa inyong sarili, “Ano ang sasabihin ng Tagapagligtas kung Siya ang nagtuturo sa klase ko ngayon, at paano Niya ito sasabihin?” Dapat ganoon din ang inyong gawin.
Ang responsibilidad na ito ay maaaring magpadama sa ilan ng kakulangan o takot. Ang landas na tatahakin ay hindi mahirap. Ang Panginoon ay naglaan ng paraan para sa lahat ng karapat-dapat na Banal sa mga Huling Araw upang makapagturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas.
Pangalawa, kayo ay tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi ninyo dapat ituro ang sarili ninyong ideya o pilosopiya, kahit pa hinaluan ito ng mga banal na kasulatan. Ang ebanghelyo ay “siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas,”1 at sa pamamagitan lamang ng ebanghelyo tayo maliligtas.
Pangatlo, iniuutos sa inyo na ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo ayon sa nakasulat sa mga banal na kasulatan ng Simbahan, na ituro ang mga salita ng mga apostol at propeta sa mga panahong ito, at ituro ang mga itinuro sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Kaya saan tayo magsisimula?
Ang una at pinakamahalaga nating responsibilidad ay mamuhay sa paraang mapapasaatin ang Espiritu Santo bilang ating gabay at kasama. Nang hangarin ni Hyrum Smith na makibahagi sa gawing ito sa mga huling araw, sinabi ng Panginoon, “Masdan, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas.”2 Dito magsisimula. Ang payo, na ibinigay ng Panginoon kay Hyrum, ay ibinigay rin Niya sa mga Banal sa lahat ng panahon.
Tungkol sa mga guro ngayon, sinabi ng Unang Panguluhan: “Ang pinakamahalagang bahagi ng inyong paglilingkod ay ang inyong araw-araw na espirituwal na paghahanda, kabilang ang pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa mga kautusan. Hinihikayat namin kayo na lubos na ipamuhay ang ebanghelyo nang may mas dakilang layunin kaysa noon.”3
Hindi sinabi ng Unang Panguluhan na ang pinakamahalagang bahagi ng inyong paglilingkod ay ang paghahandang mabuti sa inyong lesson o pagpapakahusay sa iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo. Totoong dapat kayong maghandang mabuti sa bawat lesson at magsikap na matutuhan kung paano magtuturo para matulungan ang inyong mga estudyante na magamit ang kanilang kalayaan at maantig ng ebanghelyo ang kanilang puso, ngunit ang una at pinakamahalagang bahagi ng inyong paglilingkod ay ang inyong personal at espirituwal na paghahanda. Kapag sinunod ninyo ang payo na ito, ipinangako ng Unang Panguluhan: “Tutulungan kayo ng Espiritu Santo na malaman ang gagawin. Ang sarili ninyong patotoo ay lalakas, mas lalalim ang inyong pananalig, at mapapalakas kayo para maharap ang mga hamon ng buhay.”4
Anong malalaking pagpapala ang maaaring hangarin ng isang guro?
Kasunod nito, iniutos ng Panginoon na bago natin hangaring ipahayag ang Kanyang salita, hangarin muna nating matamo ito.5 Dapat kayong maging mga kalalakihan at kababaihan na may malinaw na pang-unawa sa pamamagitan ng masigasig na pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan at pagpapahalaga sa mga ito sa inyong puso. Pagkatapos kapag humingi kayo ng tulong sa Panginoon, pagpapalain Niya kayo ng Kanyang Espiritu at Kanyang salita. Mapapasainyo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao.
Sinabi sa atin ni Pablo na dumarating ang ebanghelyo sa mga tao sa dalawang paraan, sa salita at sa kapangyarihan.6 Ang salita ng ebanghelyo ay nakasulat sa mga banal na kasulatan, at matatamo natin ang salita sa masigasig na pagsasaliksik. Ang kapangyarihan ng ebanghelyo ay dumarating sa mga taong namumuhay sa paraang makakasama nila ang Espiritu Santo at sumusunod sa mga pahiwatig na kanilang natatanggap. Ang ilan ay nakatuon lamang sa pag-aaral ng ebanghelyo, at nagiging mahusay sila sa pagbibigay ng impormasyon. Ang iba ay nagpapabaya sa kanilang paghahanda at umaasang kahit paano dahil sa Kanyang kabutihan ay tutulungan sila ng Panginoon sa pagtuturo sa klase. Hindi ninyo maaasahang tutulungan kayo ng Espiritu na maalala ang mga banal na kasulatan at alituntunin kung hindi ninyo ito pinag-aralan o pinaghandaan. Upang matagumpay na maituro ang ebanghelyo, dapat kapwa nasa inyo ang salita at ang kapangyarihan ng ebanghelyo.
Naunawaan ni Alma ang mga alituntuning ito nang magalak siya sa mga anak ni Mosias at kung paano sila nagturo nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Mababasa natin:
“Sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.
“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila … ang diwa ng paghahayag.”7
Pagkatapos, dapat kayong matutong makinig. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ang alituntuning ito sa mga missionary. Babanggitin ko ang sinabi ni Elder Holland pero papalitan ko ang mga salitang mga missionary at investigator ng mga salitang mga guro at estudyante: “Pangalawa sa responsibilidad ng [mga guro] na makinig sa Espiritu, ay ang responsibilidad nila na makinig sa [estudyante]. … Kung makikinig tayo habang umaasa sa Espiritu, … sasabihin sa atin ng [ating mga estudyante] ang mga lesson na kailangan nilang marinig!”
Sinabi pa ni Elder Holland: “Sa katunayan ang [mga guro] ay masyadong nakatuon pa rin sa magaan at paulit-ulit na lesson sa halip na magtuon sa kanilang [mga estudyante] bilang mga indibiduwal.”8
Matapos ninyong maihanda ang inyong sarili at inyong lesson sa abot ng inyong makakaya, dapat ninyong hayaan ang Espiritu na gabayan kayo sa dapat ninyong ituro. Kapag ang banayad na pahiwatig ng Espiritu Santo ay dumating, dapat magkaroon kayo ng lakas ng loob na isantabi ang inihanda ninyong outline at sundin ang mga pahiwatig na iyon. Kapag ginawa ninyo ito, ang lesson na itinuturo ninyo ay hindi na ang gusto ninyong ituro, kundi ang lesson na gusto ng Tagapagligtas na ituro sa kanila.
Kapag inyong iniukol ang inyong sarili sa pamumuhay sa ebanghelyo nang may mas dakilang layunin kaysa noon at sinaliksik ang mga banal na kasulatan, pinahalagahan ang mga ito sa inyong puso, ang Espiritu Santo ring iyon, na nagpahayag ng mga salitang ito sa sinaunang mga apostol at propeta, ay patototohanan din sa inyo ang katotohanan ng mga ito. Sa katunayan, ihahayag ito nang panibago ng Espiritu Santo. Kapag nangyari ito, ang mga salitang binasa ninyo ay hindi na mga salita lamang ni Nephi o ni Pablo o ni Alma, kundi nagiging salita na rin ninyo. Pagkatapos, habang nagtuturo kayo, maipapaalala sa inyo ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay. Sa katunayan, “ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali [ring iyon], kung ano ang inyong sasabihin.”9 Kapag nangyari ito, makikita ninyong sinasabi ninyo ang isang bagay na hindi ninyo ipinlanong sabihin. At, kung pag-iisipan ninyo ito, may matututuhan kayo mula sa mga bagay na inyong sinabi habang nagtuturo kayo. Sinabi ni Pangulong Marion G. Romney, “Nalalaman ko sa tuwina kapag nagsasalita ako sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu Santo dahil palagi akong may natututuhan sa sinabi ko.”10 Tandaan, ang isang guro ay estudyante rin.
At sa huli, dapat may sarili kayong patotoo ukol sa mga bagay na itinuro ninyo at hindi lamang inuulit ang mga salita sa manwal o ang sinabi ng iba. Kapag nagpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo at nagsikap na ipamuhay ang ebanghelyo nang may mas dakilang layunin kaysa noon, ipaaalam sa inyo ng Espiritu Santo na totoo ang inyong itinuturo. Ito ang diwa ng paghahayag, at ang diwa ring ito ang magdadala ng inyong mensahe sa puso ng mga taong nais ito at handang tanggapin ito.
Magtapos tayo ngayon kung saan tayo nagsimula—sa Sagradong Kakahuyan. Dahil sa naganap noong umagang iyon ng magandang tagsibol, kayo ay may karapatang magturo nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Ito ay taimtim at personal kong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.