Ang mga Doktrina at Alituntuning Nasa mga Saligan ng Pananampalataya
Bawat saligan ng pananampalataya ay nagdaragdag ng kakaibang kahalagahan sa ating pag-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Nang atasan akong magsalita sa sesyon sa priesthood ng pangkalahatang kumperensya, agad kong naisip ang isang kahanga-hangang guro sa Primary. Ang dakilang hangarin niya ay ihanda kaming maging marapat na tumanggap ng priesthood. Pinahirapan niya kami sa mga kailangang gawin noon para sa graduation ng Primary—ipinasaulo niya ang mga pangalan ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang mga Saligan ng Pananampalataya. Nangako rin siya sa amin—kung sauladong mabibigkas naming lahat ang labintatlong Saligan ng Pananampalataya, mapipili namin ang lugar na papasyalan sa huling klase namin.
Pinili namin ang espesyal na lugar na gusto naming akyatin sa mabatong dalisdis sa itaas ng unang prinsa sa bukana ng Logan Canyon, sa northern Utah. May maliit at patag na lugar sa mabatong talampas na ito na may natural na pugon na mapaglulutuan ng hotdog at mapag-iihawan ng marshmallows. Pero nang piliin namin ang lugar, hindi namin inisip ang guro namin, na mas matanda at hindi na gaanong malakas. Kung napag-isipan namin iyon nang mas mabuti, naisip sana namin na mahihirapan siyang maglakad. Gayunman, gusto niyang tumupad sa pangako kaya sinundan lang niya kami.
Una’y inakyat namin ang munting burol. Noong panahon namin hindi nilagyan ng kuryente iyon para hindi ito akyatin. Sa kaunting tulong naakyat ng guro namin ang burol. Pagdating namin sa tuktok bumaba kami sa mabatong gulod papunta sa tinatawag naming “Turtle Back.”
Pagdating namin, natagalang maghabol ng hininga ang aming guro. Nang maghanda na kaming umupo at kumain, maayos na ang pakiramdam niya para ituro sa amin ang huling lesson. Masaya raw siyang maturuan kami sa Primary sa nakalipas na dalawang taon. Pinuri niya kami sa husay naming magsaulo ng Mga Saligan ng Pananampalataya. Mababanggit niya ang bilang ng alinman sa mga ito, at mabibigkas namin ito sa kanya. Pagkatapos ay sinabi niya na walang kabuluhang isaulo ang Mga Saligan ng Pananampalataya kung hindi namin nauunawaan ang mga doktrina at tuntuning naroon. Hinikayat niya kaming pag-aralan ang doktrina ng ebanghelyo na itinuturo sa bawat Saligan ng Pananampalataya. Ipinaliwanag niya na ang doktrinang matatagpuan sa Mga Saligan ng Pananampalataya ay nahahati sa mga bahagi.
I. Ang Panguluhang Diyos at ang Pangunahing Doktrina ni Cristo
Nalaman natin sa unang saligan ng pananampalataya na ang Panguluhang Diyos ay tatlong persona: ang Diyos Ama, si Cristo Jesus, at ang Espiritu Santo.
Ang ikalawang saligan ay itinuturo sa atin na mananagot tayo sa sarili nating mga gawa sa lupa.
Ang ikatlo ay nagpapaliwanag sa misyon ng Tagapagligtas para sa kaligtasan ng mga anak ng Ama sa Langit.
Ang ikaapat ay itinuturo ang kahalagahan ng mga pangunahing alituntunin at ordenansa.
Ang bisa ng mga salita ng aming guro ay napagkukunan ko ng inspirasyon dahil sa pagbibigay-diin niya sa pag-aaral ng ebanghelyo. Ang mga banal na kasulatan ay ginagabayan tayo sa pamantayan ng katotohanan na batayan ng paghatol natin sa kaalamang natatanggap natin, kung totoo ito o hindi. Ang tunay na doktrina ay nagmumula sa Diyos, ang mapagkukunan at pundasyon ng lahat ng katotohanan. Ang mga turo at konsepto ng tunay na doktrina ay matatagpuan sa ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Ang mga huwad na turo ay nagmumula kay Satanas, ang ama ng lahat ng kasinungalingan. Hangad niyang baluktutin, baguhin, at ibahin ang inihayag na mga katotohanan. Gusto niyang linlangin tayo para maligaw ang ilan sa atin sa landas pabalik sa ating tahanan sa langit.
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano iwasan ang mga maling turo. Halimbawa, sa liham ni Pablo kay Timoteo, mababasa natin:
“Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
“Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti” (II Kay Timoteo 3:16–17).
Ang halaga ng doktrina sa Simbahan ay parang halaga ng baterya sa cell phone. Kapag tinanggal mo ang baterya sa cell phone mo, nawawalan ito ng silbi. Ang simbahang hindi na nagtuturo ng tamang doktrina ay wala ring silbi. Hindi tayo nito magagabayan pabalik sa ating Ama sa Langit at sa ating walang-hanggang tahanan.
II. Organisasyon at Orden ng Priesthood
Kapag naunawaan na natin ang pangunahing doktrina ni Cristo, ang ikalima at ikaanim na saligan ng pananampalataya ay itinuturo sa atin ang organisasyon at orden ng priesthood. Sa patnubay ng Panginoon, itinatag ni Joseph Smith ang Simbahan ng Tagapagligtas gamit ang awtoridad ng priesthood—ang kapangyarihan ng Diyos. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang siyang organisasyon na itinatag at pinamahalaan ni Cristo noong narito Siya sa lupa.
Napakaluwalhati ng araw na iyon para kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Mayo 1829 nang magpunta sila sa kakahuyan para magdasal tungkol sa doktrina ng binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan na nabasa nila habang isinasalin ang Aklat ni Mormon. Maraming turo noon tungkol sa binyag na itinuturo ng iba’t ibang simbahan noong mga unang taon ng 1800s, at alam nina Joseph at Oliver na hindi maaari na totoo silang lahat. Gusto nilang malaman ang tamang paraan ng pagbibinyag at kung sino ang may awtoridad na magbinyag.
Bilang sagot sa kanilang mga pagsamo sa Panginoon, isang sugo mula sa langit, si Juan Bautista, ang nagpakita sa kanila. Isa-isa niya silang pinatungan ng kanyang mga kamay sa ulo at iginawad sa kanila ang awtoridad na magbinyag sa mga salitang ito: “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron” (D at T 13:1).
Napakagandang araw sa kasaysayan ng mundo! Ipinanumbalik ang priesthood sa lupa.
Kapag tinanggap natin ang priesthood, tinatanggap natin ang awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos at mag-akay sa mga landas ng katotohanan at kabutihan. Ang awtoridad na ito ay mahalagang mapagkukunan ng mabuting kapangyarihan at impluwensya para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos sa lupa at tatagal hanggang sa kabilang buhay. Kinailangang ipanumbalik ang priesthood bago maitatag ang totoong Simbahan ni Jesucristo. Ito ang mahalagang aral na natututuhan natin mula sa ikalima at ikaanim na mga saligan ng pananampalataya.
III. Mga Walang-Hanggang Kaparaanan sa Mortal na Paglalakbay
Binabalangkas sa sumunod na tatlong saligan ng pananampalataya—pito, walo, at siyam—ang mga kaparaanang magagamit para turuan tayo sa ating paglalakbay sa lupa. Binigyan tayo ng mga espirituwal na kaloob para gabayan tayo sa pagsunod sa mga turo ng Panginoon at pangalagaan tayo laban sa kasamaan. Ang mga banal na kasulatan ay isa pang gabay; kung babasahin nating mabuti ang salita ng Diyos, ihahayag Niya ang ating landas pabalik sa buhay na walang hanggan.
Itinuturo sa atin ng ikasiyam na saligan ng pananampalataya na ang Diyos ay naghayag, naghahayag, at maghahayag sa hinaharap ng maraming dakila at mahalagang katotohanan sa Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Nalaman natin bukod pa sa pakikinig sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu at pagbabasa ng mga banal na kasulatan, na ang isa pang mapagkukunan ng patnubay ay ang mga lider ng ating Simbahan, na pinili, tinawag, at itinalaga upang pagpalain ang ating buhay sa pamamagitan ng mga aral na itinuturo nila.
IV. Mga Member Missionary
Ang ikasampu, ikalabing-isa, at ikalabindalawang saligan ng pananampalataya ay itinuturo sa atin kung paano gawin ang gawaing misyonero at ibahagi ang ebanghelyo sa isang mundong may maraming bansa at iba’t ibang batas. Nalaman natin ang pagtitipon ng Israel bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Itinuro sa atin na ang kalalakihan at kababaihan ay nagpapasiya para sa kanilang sarili, at maaari nilang tanggapin o tanggihan ang salita ng Diyos ayon sa sarili nilang konsiyensya. At ang huli, nalaman natin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ni Jesucristo sa apat na sulok ng mundo na kailangan nating igalang ang mga pamahalaan ng bawat bansang pinapasok natin. Tunay ngang naniniwala tayo sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod sa batas ng bawat lupain.
V. Mga Katangiang Hahangarin Nating Taglayin
Ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ay naglalaan ng espesyal na pananaw kung paano tayo dapat mamuhay at makisama. Mababasa rito: “Naniniwala kami sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao; sa katotohanan, maaari naming sabihing sinusunod namin ang payo ni Pablo—Naniniwala kami sa lahat ng bagay, umaasa kami sa lahat ng bagay, nakapagtiis kami ng maraming bagay, at umaasang makapagtitiis sa lahat ng bagay. Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito.”
Dapat nating hangaring taglayin ang mga katangiang ito at ipamuhay ang mga ito. Ang mga katotohanang itinuturo sa Mga Saligan ng Pananampalataya ay sumusuporta sa isa’t isa kagaya ng pagsuporta ng mga bahagi ng isang cell phone sa isa’t isa. Tulad ng detalyadong supply chain na nagdaragdag ng mga bahagi sa isang cell phone, ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay nagsusuplay sa atin ng mahahalagang doktrina ng Panunumbalik. Bawat saligan ng pananampalataya ay nagdaragdag ng kakaibang halaga sa ating pag-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Tinulungan ako ng aking guro sa Primary na maging determinadong pag-aralan ang mga doktrina ng kaharian. Tinuruan niya akong hanapin ang malalim na kahulugang nasa simpleng Mga Saligan ng Pananampalataya. Nangako siya na kung mag-uukol ako ng panahon na pag-aralan ang mga sagradong katotohanang ito, ang kaalamang nakuha ko ay babaguhin ang buhay ko, at pinatototohanan ko sa inyo na binago nga nito ang buhay ko.
Pagkatapos ng napakagandang turo ng aking guro sa bundok na iyon sa Logan Canyon, napansin namin na mas matagal kaming namalagi roon kaysa binalak namin. Malapit nang gumabi, at natanto namin na may problema kami.
Nahirapan ngang makarating ang aking guro sa napili naming lugar, pero malaking problema pa ang pagbalik namin. Nakakumplika lang ito sa maling pagpili namin ng papasyalang lugar. Nahirapan kaming umakyat pabalik, pero mas mahirap ito para sa isang taong may-edad na.
Habang nahihirapan kaming tulungan siyang umakyat sa burol, dalawang pulis ang lumitaw. Pinakiusapan sila ng Primary president na hanapin kami, sa takot na baka naligaw kami. Ang pangyayaring iyon at ang mga aral na natutuhan ko ay hindi ko malilimutan kailanman.
Kayong mga kabataang lalaki—hinihikayat ko kayong gamitin ang inyong talino para pag-aralan at matutuhan ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ang mga doktrinang itinuturo nito. Kabilang ito sa pinakamahalaga at tiyak na pinakamaiikling pagpapahayag ng doktrina sa Simbahan. Kung gagamitin ninyong gabay ang mga ito sa inyong pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ninyo na handa kayong patotohanan ang ipinanumbalik na katotohanan sa mundo. Maipapahayag ninyo sa simple, tuwiran, at malalim na mga paraan ang mahahalagang paniniwalang itinatangi ninyo bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Idinaragdag ko ang aking patotoo sa katotohanan ng labintatlong Saligan ng Pananampalataya sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas, maging si Jesucristo, amen.