Pagiging Mas Malapit sa Diyos
Nais ng Tagapagligtas na tunay natin Siyang mahalin hanggang sa naisin nating iayon ang ating kalooban sa Kanya.
Ang anim-na-taong-gulang naming apong si Oli, na magiliw akong tinatawag na “Poppy,” ay may kinailangang kunin sa kotse. Nakatayo sa loob ng bahay ang tatay niya at, lingid kay Oli, binuksan nito ang pinto ng kotse gamit ang remote control nito habang papunta roon si Oli, at saka ito muling isinara nang tapos na siya. Tumakbo papasok si Oli na nakangiti!
Tinanong siya ng buong pamilya, “Paano mo nabuksan ang pinto ng kotse, at naisara itong muli?” Ngumiti lang siya.
Sabi ng anak naming babae, na kanyang ina, “Siguro parang katulad ng ginagawa ni Poppy—siguro may magic powers ka na kagaya niya!”
Nang pangalawang beses iyon mangyari makaraan ang ilang minuto, ang sagot niya sa iba pang mga tanong tungkol sa bagong-tuklas na kakayahan niya ay: “Ang galing! Siguro dahil mahal ako ni Poppy at isa siya sa matatalik kong kaibigan, at inaalagaan niya ako!”
Mapalad ako na nalaman ko ang tunay na mahimalang mga bagay na nangyari sa buhay ng matatapat na Banal sa buong Africa, Papua New Guinea, Australia, New Zealand, at mga pulo ng Pacific. Sang-ayon ako kay Oli—palagay ko iyon ay dahil ang nadarama ng matatapat na tao tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay katulad ng nadarama ni Oli tungkol sa akin. Mahal nila ang Diyos bilang malapit na kaibigan, at inaalagaan Niya sila.
Ang mga miyembro ng Simbahang ito ay nararapat tumanggap, at marami ang tumatanggap, ng espirituwal na patotoo at gumagawa ng mga sagradong tipan na susundin ang Panginoon. Subalit sa kabila niyon, lumalapit ang ilan sa Kanya ngunit ang iba ay hindi. Saang kategorya kayo kabilang?
Ang Diyos dapat ang pinakamahalaga sa ating buhay—ang literal na pinagtutuunan ng ating pansin. Siya nga ba? O kung minsan Siya ay malayo sa nilalaman at mga hangarin ng ating puso? (tingnan sa Mosiah 5:13). Pansinin na hindi lamang nilalaman ng ating puso ang mahalaga kundi ang “mga hangarin.” Paano nababanaag sa ating ugali at kilos ang integridad ng ating mga hangarin?
Itinanong ng aming anak na si Ben, noong siya ay 16 na taong gulang at nagsasalita sa stake conference, “Ano ang mararamdaman ninyo kung may nangako sa inyo linggu-linggo at hindi niya tinupad ang pangako kahit kailan?” Sabi pa niya, “Taos-puso ba tayong nangangako kapag nakikibahagi tayo ng sakramento at nakikipagtipan na susundin natin ang Kanyang mga utos at lagi Siyang aalalahanin?”
Binigyan tayo ng Panginoon ng mga paraan para maalaala Siya at ang kapangyarihan Niyang magpalakas. Ang isang paraan ay sa nararanasan nating lahat—paghihirap (tingnan sa Alma 32:6). Kapag ginugunita ko ang mga pagsubok na naranasan ko, malinaw na naging dahilan iyon ng aking pag-unlad, pag-unawa, at pagdamay. Higit akong inilapit nito sa aking Ama sa Langit at sa Kanyang Anak lakip ang mga karanasan at pagpapadalisay na nakintal sa puso ko.
Mahalaga ang patnubay at pagtuturo ng Panginoon. Tinulungan Niya ang matapat na kapatid ni Jared na malutas ang isa sa dalawang problema nito nang sabihin Niya rito kung paano papapasukin ang sariwang hangin sa mga gabara na buong sigasig na ginawa (tingnan sa Eter 2:20). Ngunit, ang mahalaga, hindi lamang hinayaan ng Panginoon na pansamantalang hindi malutas ang problema kung paano magkakaroon ng ilaw, kundi nilinaw ng Panginoon na hahayaan Niya na maranasan nila ang hirap at mga pagsubok na kailangan para malutas ito. Siya ang magpapadala ng hangin, ulan, at baha (tingnan sa Eter 2:23–24).
Bakit Niya gagawin iyon? At bakit Niya binabalaan ang sinuman sa atin na ilayo ang ating sarili sa pinagmumulan ng panganib samantalang maaari naman Niyang pigilan ang panganib? Ikinuwento ni Pangulong Wilford Woodruff na binalaan siya ng Espiritu na ilipat ang karwaheng tinutulugan nila ng kanyang asawa at anak, para lamang matuklasan na maya-maya lang ay binunot ng isang ipuipo ang isang malaking puno at ibinagsak ito sa dating kinaroroonan ng karwahe (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 51).
Sa dalawang pagkakataong ito, nabago sana ang panahon para mawala ang mga panganib. At narito ang dahilan—sa halip na ang Panginoon ang lumutas sa problema, nais Niya na magkaroon tayo ng pananampalataya na tutulong sa atin na umasa sa Kanya sa paglutas ng ating mga problema at magtiwala sa Kanya. Sa gayon madarama natin ang Kanyang pagmamahal nang mas madalas, mas matindi, mas malinaw, at mas personal. Nagiging kaisa Niya tayo, at maaari tayong maging katulad Niya. Mithiin Niyang maging katulad Niya tayo. Katunayan, ito ang Kanyang kaluwalhatian at Kanyang gawain (tingnan sa Moises 1:39).
Sinisikap ng isang batang lalaki na patagin ang lupa sa likod ng bahay nila para makapaglaro siya roon ng kotse-kotsehan. May malaking batong nakaharang sa ginagawa niya. Buong lakas itong itinulak at hinila ng bata, ngunit gaano man ang pagsisikap niya, hindi mausog ang bato.
Nagmasid sandali ang kanyang ama, pagkatapos ay lumapit sa anak at sinabi, “Kailangan mong gamitin ang buong lakas mo para mausog ang batong ganyan kalaki.”
Sumagot ang bata, “Nagamit ko na po ang buong lakas ko!”
Itinama siya ng kanyang ama: “Hindi pa. Hindi pa kita natutulungan!”
Pagkatapos ay yumuko sila pareho at madali nilang naiusog ang bato.
Itinuro din sa ama ng kaibigan kong si Vaiba Rome, unang stake president sa Papua New Guinea, na maaari siyang bumaling sa kanyang Ama sa Langit sa oras ng pangangailangan. Sila ng mga kanayon niya ay nabubuhay lamang sa inaani nilang mga pananim. Isang araw nagsiga siya upang mahawan ang lote niya sa bukid ng nayon para mataniman. Gayunman, bago ang pagsisiga ay nagkaroon ng mahabang tag-init, at tuyot na tuyot ang mga pananim. Kaya natulad ang kanyang apoy sa apoy na kagagawan ni Pangulong Thomas S. Monson, tulad ng ikinuwento ng ating propeta mismo sa huling pangkalahatang kumperensya (tingnan sa “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 89–90). Nagsimula itong kumalat sa damuhan at talahiban, at sabi nga ng kanyang anak, nagkaroon ng “napakalaking sunog.” Natakot siya para sa kanyang mga kanayon at sa posibleng pagkaubos ng kanilang mga pananim. Kung masunog ang mga ito, parurusahan siya ng buong nayon. Nang hindi niya mapatay ang apoy, naalala niya ang Panginoon.
Ito ang sinabi ng anak niya, na kaibigan ko: “Lumuhod siya sa burol sa talahiban at nagsimulang magdasal sa Ama sa Langit na patigilin ang apoy. Biglang may lumitaw na malaki at maitim na ulap sa kalangitan sa tapat kung saan siya nagdarasal, at umulan nang napakalakas—ngunit doon lamang sa may apoy. Nang tingnan niya ang paligid, maaliwalas ang langit sa buong paligid maliban doon sa tapat ng nagliliyab na apoy. Hindi siya makapaniwala na sasagutin ng Panginoon ang isang simpleng taong katulad niya, at muli siyang lumuhod at umiyak na parang bata. Sinabi niya na napakasaya ng pakiramdam niya” (tingnan sa Alma 36:3).
Nais ng Tagapagligtas na tunay natin Siyang mahalin hanggang sa naisin nating iayon ang ating kalooban sa Kanya. Sa gayon ay madarama natin ang Kanyang pagmamahal at malalaman ang Kanyang kaluwalhatian. Pagkatapos ay mapagpapala Niya tayo ayon sa nais Niya. Nangyari ito kay Nephi na anak ni Helaman, hanggang umabot sa punto na lubos na nagtiwala sa kanya ang Panginoon at, dahil diyan, pinagpala siya at ibinigay ang lahat ng kanyang hiniling (tingnan sa Helaman 10:4–5).
Sa Life of Pi, ang kathang-isip na aklat ni Yann Martel, inihayag ng bida ang damdamin niya tungkol kay Cristo: “Hindi ko Siya maalis sa isipan ko. Hindi talaga. Tatlong araw kong inisip ang tungkol sa Kanya. Habang lalo Niya akong inaantig, lalo ko Siyang hindi malimutan. At habang lalo ko Siyang nakikilala, lalong ayaw ko Siyang iwanan” ([2001], 57).
Iyan mismo ang damdamin ko tungkol sa Tagapagligtas. Lagi Siyang nariyan, lalo na sa mga sagradong lugar at sa oras ng pangangailangan; at kung minsan, kung kailan ko hindi inaasahan, halos parang tinatapik Niya ako sa balikat para ipaalam sa akin na mahal Niya ako. Maibabalik ko ang pagmamahal na iyon sa sarili kong di-perpektong paraan sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanya ng puso ko (tingnan D at T 64:22, 34).
Ilang buwan pa lang ang nakararaan nakatabi ko si Elder Jeffrey R. Holland nang italaga niya ang mga missionary sa kanilang mga misyon. Nang umalis kami hinintay niya ako, at habang naglalakad kami inakbayan niya ako. Sinabi ko sa kanya na ginawa rin niya iyon dati sa Australia. Sabi niya, “Kasi mahal kita!” At alam kong totoo iyon.
Naniniwala ako na kung magkakaroon tayo ng pribilehiyong makasabay sa paglalakad ang Tagapagligtas, mararamdaman nating nakaakbay Siya sa atin tulad niyon. Gaya ng mga disipulo na papuntang Emaus, “[m]ag-aalab ang ating puso sa loob natin” (Lucas 24:32). Ito ang Kanyang mensahe: “Magsiparito kayo, at inyong makikita” (Juan 1:39). Personal, nag-aanyaya, at naghihikayat ang paanyayang ito na maglakad na nakaakbay Siya sa atin.
Nawa’y magtiwala tayong lahat na katulad ni Enos, tulad ng makikita sa huling talata ng kanyang aklat na maikli ngunit malalim ang kahulugan: “Ako ay magsasaya sa araw na ang aking pagiging may kamatayan ay mabibihisan ng kawalang-kamatayan, at tatayo sa kanyang harapan; sa gayon, makikita ko ang kanyang mukha nang may katuwaan, at sasabihin niya sa akin: Lumapit ka sa akin, ikaw na pinagpala, may isang pook na inihanda para sa iyo sa mga mansiyon ng aking Ama” (Enos 1:27).
Dahil sa dami ng mga karanasan at sa kapangyarihang ipinadama ng Espiritu para magpatotoo sa akin, pinatototohanan ko nang may lubos na katiyakan na ang Diyos ay buhay. Dama ko ang Kanyang pagmamahal. Ito ang pinakamasayang pakiramdam. Nawa’y gawin natin ang kailangan para maiayon ang ating kalooban sa Kanya at tunay natin Siyang mahalin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.