Kabanata 2
Naghanda ang mga Jaredita para sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako—Isa itong piling lupain kung saan ang mga tao ay kinakailangang magsilbi kay Cristo o malipol—Ang Panginoon ay nakipag-usap sa kapatid ni Jared sa loob ng tatlong oras—Gumawa ang mga Jaredita ng mga gabara—Hiniling ng Panginoon sa kapatid ni Jared na magmungkahi kung paano iilawan ang mga gabara.
1 At ito ay nangyari na si Jared at ang kanyang kapatid, at ang kanilang mga mag-anak, at ang mga kaibigan din ni Jared at ng kanyang kapatid at ang kanilang mga mag-anak, ay bumaba sa lambak na pahilaga, (at ang pangalan ng lambak ay Nimrod, na tinawag alinsunod sa mahusay na mangangaso) kasama ang mga kawan nila na kanilang tinipong magkakasama, lalaki’t babae, ng bawat uri.
2 At sila ay naglatag din ng mga bitag at nanghuli ng mga ibon ng himpapawid; at sila ay naghanda rin ng sisidlan, na pinaglagyan nila ng dinalang isda ng mga tubig.
3 At sila ay nagdala rin ng deseret, na, kung isasalin, ay pukyutan; at sa gayon sila nakapagdala ng mga kuyog ng mga bubuyog, at lahat ng uri ng yaong nasa ibabaw ng lupain, na mga binhi ng bawat uri.
4 At ito ay nangyari na nang makababa sila sa lambak ng Nimrod, ang Panginoon ay bumaba at nakipag-usap sa kapatid ni Jared; at siya ay nasa ulap, at hindi siya nakita ng kapatid ni Jared.
5 At ito ay nangyari na inutusan sila ng Panginoon na magtungo sila sa ilang, oo, patungo sa dakong yaon na hindi pa naparoroonan ng tao. At ito ay nangyari na ang Panginoon ang nanguna sa kanila, at nakipag-usap sa kanila habang siya ay nakatayo sa ulap, at nagbigay ng mga tagubilin kung saan sila maglalakbay.
6 At ito ay nangyari na naglakbay sila sa ilang, at gumawa ng mga gabara, na ipinantawid nila sa maraming tubig, patuloy na binibigyang-tagubilin ng kamay ng Panginoon.
7 At hindi pinahintulutan ng Panginoon na sila ay tumigil sa kabilang dako ng dagat sa ilang, kundi ninais niyang makahayo sila maging hanggang sa lupang pangako, na pinili sa lahat ng ibang lupain, na inilaan ng Panginoong Diyos para sa mga matwid na tao.
8 At siya ay nanumpa sa kanyang kapootan sa kapatid ni Jared na sinumang mag-aangkin sa lupang pangakong ito, mula sa panahong yaon at magpakailanman, ay nararapat maglingkod sa kanya, ang tunay at tanging Diyos, o lilipulin sila kapag ang kaganapan ng kanyang kapootan ay sumapit sa kanila.
9 At ngayon, namamasdan natin ang mga panuntunan ng Diyos hinggil sa lupaing ito, na ito ay isang lupang pangako; at anumang bansang mag-aangkin nito ay maglilingkod sa Diyos, o sila ay lilipulin kapag sumapit na sa kanila ang kaganapan ng kanyang kapootan. At ang kaganapan ng kanyang kapootan ay sasapit sa kanila kapag nahinog na sila sa kasamaan.
10 Sapagkat dinggin, ito ay isang lupaing pinili sa lahat ng iba pang lupain; kaya nga, siya na mag-aangkin nito ay maglilingkod sa Diyos o malilipol; sapagkat ito ang walang hanggang panuntunan ng Diyos. At tanging sa ganap na kasamaan lamang ng mga anak ng lupain sila lilipulin.
11 At ihahayag ito sa inyo, O kayong mga Gentil, upang malaman ninyo ang mga panuntunan ng Diyos—upang kayo ay makapagsisi, at huwag magpatuloy sa inyong mga kasamaan hanggang sa sumapit ang kaganapan, upang hindi ninyo dalhin ang kaganapan ng kapootan ng Diyos sa inyong sarili na tulad ng nagawa noon ng mga nanirahan sa lupain.
12 Dinggin, ito ay isang piling lupain, at anumang bansang mag-aangkin nito ay magiging malaya mula sa pagkaalipin, at sa pagkabihag, at sa lahat ng iba pang bansa sa ilalim ng langit, kung paglilingkuran lamang nila ang Diyos ng lupain, na si Jesucristo, na siyang inihahayag ng mga bagay na isinulat namin.
13 At ngayon, ako ay magpapatuloy sa aking tala; sapagkat dinggin, ito ay nangyari na dinala ng Panginoon si Jared at ang kanyang mga kapatid maging hanggang sa malawak na dagat na yaon na naghahati sa mga lupain. At nang makarating na sila sa dagat ay itinayo nila ang kanilang mga tolda; at tinawag nila ang pangalan ng lugar na Moriancumer; at sila ay nanirahan sa mga tolda, at nanirahan sa mga tolda sa may dalampasigan sa loob ng apat na taon.
14 At ito ay nangyari na sa pagtatapos ng apat na taon, muling dumalaw ang Panginoon sa kapatid ni Jared, at tumayo sa ulap at nakipag-usap sa kanya. At sa loob ng tatlong oras ay nakipag-usap ang Panginoon sa kapatid ni Jared, at siya ay pinagsabihan dahil sa hindi niya naalalang manawagan sa pangalan ng Panginoon.
15 At ang kapatid ni Jared ay nagsisi sa kasamaang nagawa niya, at nanawagan sa pangalan ng Panginoon para sa kanyang mga kapatid na kasama niya. At sinabi ng Panginoon sa kanya: Patatawarin kita at ang iyong mga kapatid sa kanilang mga kasalanan; subalit huwag ka nang magkakasalang muli, sapagkat tandaan mo na ang aking Espiritu ay hindi laging mananatili sa tao; kaya nga, kung magkakasala ka hanggang sa ganap ka nang mahinog, mawawalay ka mula sa harapan ng Panginoon. At ito ang aking mga nasasaisip sa lupaing ibibigay ko sa inyo bilang inyong mana; sapagkat ito ay magiging isang lupaing pinili sa lahat ng iba pang lupain.
16 At sinabi ng Panginoon: Humayo’t gumawa at magtayo, alinsunod sa uri ng mga gabara na inyong nagawa na. At ito ay nangyari na humayo’t gumawa ang kapatid ni Jared, at gayundin ang kanyang mga kapatid, at gumawa ng mga gabara alinsunod sa uri na kanilang nagawa na, alinsunod sa mga tagubilin ng Panginoon. At ang mga ito ay maliliit, at magagaan ang mga ito sa tubig, maging tulad ng gaan ng isang ibon sa tubig.
17 At ang mga ito ay ginawa alinsunod sa isang pamamaraang labis na mahigpit ang mga yaon, maging sa ang mga ito ay makalalaman ng tubig na tulad ng isang mangkok; at ang ilalim niyon ay mahigpit na tulad ng isang mangkok; at ang gilid niyon ay mahigpit na tulad ng isang mangkok; at ang mga dulo niyon ay patulis; at ang ibabaw niyon ay mahigpit na tulad ng isang mangkok; at ang haba niyon ay ang haba ng isang punungkahoy; at ang pintuan niyon, kapag nakasara ito, ay mahigpit na tulad ng isang mangkok.
18 At ito ay nangyari na nagsumamo ang kapatid ni Jared sa Panginoon, sinasabing: O Panginoon, nagawa ko na po ang gawaing iniutos ninyo sa akin, at nagawa ko na ang mga gabara alinsunod sa tagubilin ninyo sa akin.
19 At dinggin, O Panginoon, sa loob po nito ay walang liwanag; saan kami patutungo? At kami ay masasawi rin, sapagkat hindi po kami makahihinga sa loob nito, maliban lamang sa hangin na nasa loob ng mga ito; kaya nga, kami ay masasawi.
20 At sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared: Dinggin, gagawa ka ng butas sa ibabaw, at gayundin sa ilalim; at kapag nangangailangan kayo ng hangin ay aalisin ninyo ang takip ng butas at makatatanggap ng hangin. At kung sakaling makapasok ang tubig sa inyo, dinggin, tatakpan ninyo ang butas, upang hindi kayo mamatay sa baha.
21 At ito ay nangyari na ginawa nga ito ng kapatid ni Jared, alinsunod sa ipinag-utos ng Panginoon.
22 At siya ay muling nagsumamo sa Panginoon, sinasabing: O Panginoon, dinggin, ginawa ko po maging ang iniutos ninyo sa akin; at inihanda ko po ang mga sasakyang-dagat para sa aking mga tao, at dinggin, wala pong liwanag sa loob nito. Dinggin, O Panginoon, pahihintulutan po ba ninyong tawirin namin ang malawak na tubig na ito sa kadiliman?
23 At sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared: Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat? Sapagkat dinggin, hindi kayo maaaring maglagay ng mga durungawan, sapagkat ang mga ito ay madudurog nang pira-piraso; ni hindi kayo maaaring magpaningas ng apoy, sapagkat hindi kayo hahayo sa pamamagitan ng liwanag ng apoy.
24 Sapagkat dinggin, kayo ay matutulad sa isang balyena sa gitna ng dagat; sapagkat hahampasin kayo ng mga malabundok na alon. Gayunpaman, muli ko kayong iaahon mula sa kailaliman ng dagat; sapagkat ang mga hangin ay nanggagaling sa aking bibig, at gayundin ang mga ulan at ang mga baha ay aking ipinadala.
25 At dinggin, inihahanda ko kayo laban sa mga bagay na ito; sapagkat hindi kayo maaaring tumawid sa malawak na kailalimang ito maliban lamang kung ihahanda ko kayo laban sa mga alon ng dagat, at sa mga hanging umiihip, at sa mga bahang darating. Samakatwid, ano ang nais mong ihanda ko para sa inyo upang kayo ay magkaroon ng liwanag kapag nilulon na kayo sa mga kailaliman ng dagat?