Mga Panaghoy ni Jeremias: Mag-ingat sa Pagkaalipin
Ang hamon sa atin ay iwasan ang anumang uri ng pagkaalipin, tulungan ang Panginoon na tipunin ang Kanyang mga hinirang, at magsakripisyo para sa susunod na henerasyon.
Noong bagong kasal pa lang kami ng asawa kong si Mary, nagpasiya kami na hangga’t maaari ay pipiliin namin ang mga aktibidad na madadaluhan namin nang magkasama. Gusto rin naming maging matalino sa paggasta. Mahilig si Mary sa musika at nag-alala siya noon na baka mas mapagtuunan ko ang isports, kaya iminungkahi niya na dapat sa pupuntahan namin, may dalawang musikal na pagtatanghal, opera, o aktibidad na pangkultura sa bawat ball game o laro na may bayad.
Noong una parang ayaw ko ng opera, ngunit sa paglipas ng panahon nagbago ang pananaw ko. Nagustuhan ko lalo na ang mga opera ni Giuseppe Verdi.1 Sa linggong ito ang ika-200 anibersaryo ng kanyang pagsilang.
Noong bata pa si Verdi naging interesado siya sa buhay ni propetang Jeremias, at noong 1842 sa edad na 28, naging bantog siya sa opera na Nabucco, ang pinaikling Italian ng pangalang Nabucodonosor, na hari ng Babilonia. Ang opera na ito ay naglalaman ng mga konseptong mula sa mga aklat ni Jeremias, sa Mga Panaghoy, at Mga Awit sa Lumang Tipan. Bahagi ng opera ang pagkalupig ng Jerusalem at pagkabihag at pagkaalipin ng mga Judio. Ang Mga Awit 137 ang inspirasyon ng nakakaantig at nagbibigay-inspirasyong “Chorus of the Hebrew Slaves” ni Verdi. Ang heading ng awit na ito sa ating mga banal na kasulatan ay labis na nakakaantig: “Habang bihag, ang mga Judio ay lumuha sa mga ilog ng Babilonia—Dahil sa lungkot, hindi nila makanta ang mga awitin ng Sion.”
Ang layunin ko ay talakayin ang maraming uri ng pagkaalipin at pagkabihag. Ihahambing ko ang ilang kalagayan ng ating panahon sa kapanahunan ni Jeremias bago ang pagbagsak ng Jerusalem. Sa paglalahad nitong tinig ng babala, nagpapasalamat ako na karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay matwid na umiiwas sa pag-uugali na lubhang di-kanais-nais sa Panginoon noong panahon ni Jeremias.
Ang mga propesiya at panaghoy ni Jeremias ay mahalaga sa mga Banal sa mga Huling Araw. Si Jeremias at ang Jerusalem noong panahon niya ang tagpo sa mga unang kabanata sa Aklat ni Mormon. Si Jeremias ay kasabayan ng propetang si Lehi.2 Ipinaalam ng Panginoon kay Jeremias ang pagkahirang sa kanya noon pa man bago siya isilang: “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.”3
Si Lehi ay may ibang tungkulin, misyon, at gawain mula sa Panginoon. Hindi siya tinawag noong kanyang kabataan kundi noong may edad na siya. Noong una siya ay nagbabala, ngunit matapos matapat na ipahayag ang mensaheng tulad ng kay Jeremias, iniutos ng Panginoon kay Lehi na dalhin ang kanyang pamilya at magpunta sa ilang.4 Sa paggawa nito, pinagpala ni Lehi hindi lamang ang kanyang pamilya kundi maging ang lahat ng tao.
Noong mga taon bago ang pagkawasak ng Jerusalem,5 ang mga mensahe ng Panginoon kay Jeremias ay mahirap malimutan. Sabi Niya:
“Ipinagpalit ng aking bayan ang kanilang kaluwalhatian sa hindi pinakikinabangan. …
“… Kanilang iniwan ako na bukal ng buhay na tubig, at nagsigawa … ng … mga sirang balon na hindi malalamnan ng tubig.”6
Tungkol sa mga kalamidad na darating sa mga naninirahan sa Jerusalem, ang Panginoon ay nanaghoy, “[Para sa kanila] ang pagaani ay nakaraan, ang taginit ay lipas na, at [sila’y] hindi ligtas.”7
Nilayon ng Diyos na maging malaya sa pagpili ng mabuti o masama ang kalalakihan at kababaihan. Kapag masasamang pagpili ang nangingibabaw na katangian ng isang kultura o bansa, ito ay may mabibigat na ibubunga kapwa sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Ang mga tao ay maaaring maalipin o mailagay ang sarili nila sa pagkabihag hindi lamang sa nakasisira, nakalululong na mga sangkap kundi maging sa nakasisira, nakalululong na mga pilosopiya na lihis sa matwid na pamumuhay.
Ang pagtalikod sa pagsamba sa tunay at buhay na Diyos at pagsamba sa mga huwad na diyos na gaya ng yaman at katanyagan at paggawa ng kahalayan at kasamaan ay nagbubunga ng pagkaalipin na may epekto sa lahat ng tao. Kabilang dito ang pagkaalipin ng espiritu, katawan, at isipan at kung minsan ay nagdudulot ng kapahamakan. Itinuro din nina Jeremias at Lehi na kailangang tulungan ng mabubuting tao ang Panginoon sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan at kaharian at tipunin ang nakalat na Israel.8
Ang mga mensaheng ito ay paulit-ulit at muling pinagtitibay sa maraming siglo sa lahat ng dispensasyon. Ang mga ito ang sentro ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa huling dispensasyong ito.
Ang pagkaalipin ng mga Judio at ang pagkalat ng mga lipi ni Israel, kabilang na ang sampung lipi, ay mahahalagang katotohanan na dapat isaalang-alang sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Ang nawawalang sampung lipi ang bumubuo sa Hilagang Kaharian ng Israel at nadalang bihag ng Assyria noong 721 b.c. Nagpunta sila sa mga bansa sa hilaga.9 Nakasaad sa ating ikasampung saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami sa literal na pagtitipon ng Israel at sa pagpapanumbalik ng Sampung Lipi.”10 Naniniwala rin tayo na bilang bahagi ng tipan na ginawa ng Panginoon kay Abraham, hindi lamang ang lipi ni Abraham ang pagpapalain kundi maging ang lahat ng tao sa mundo ay pagpapalain. Gaya ng sinabi ni Elder Russell M. Nelson, ang pagtitipon “ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng bawat isa. Ang mga tao ay maaaring ‘[dalhin] sa kaalaman ng Panginoon’ [3 Nephi 20:13] nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan.”11
Ang ating doktrina ay malinaw: “Ikinalat at pinarusahan ng Panginoon ang labindalawang lipi ng Israel dahil sa kanilang kasamaan at pagsuway. Gayunman, [ginamit] din ng Panginoon ang pagtitipong ito ng kanyang mga hinirang sa kalipunan ng mga bansa ng daigdig upang pagpalain ang mga bansang iyon.”12
Mahahalagang aral ang matututuhan natin mula sa malagim na panahong ito. Dapat nating gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang maiwasan ang kasalanan at paghihimagsik na humahantong sa pagkaalipin.13 Alam din natin na ang matwid na pamumuhay ay kailangan sa pagtulong sa Panginoon sa pagtitipon ng Kanyang mga hinirang at sa literal na pagtitipon ng Israel.
Ang pagkaalipin, pagkalupig, adiksiyon, at pagkabihag ay maraming uri. Ang mga ito ay maaaring literal na pisikal na pagkaalipin ngunit maaari din itong kawalan o pagkasira ng moral na kalayaan na maaaring pumigil sa ating pag-unlad. Malinaw na sinabi ni Jeremias na ang kasamaan at paghihimagsik ang mga pangunahing dahilan ng pagkawasak ng Jerusalem at pagkabihag sa Babilonia.14
Ang iba pang uri ng pagkaalipin ay nakapipinsala rin sa espiritu ng tao. Ang moral na kalayaan ay maaaring maabuso sa maraming paraan.15 Babanggit ako ng apat na talagang nakapipinsala sa kultura ngayon.
Una, ang mga adiksyon na sumisira sa kalayaan sa pagpili, kumakalaban sa kagandahang-asal, at sumisira sa mabuting kalusugan ay nagdudulot ng pagkaalipin. Ang epekto ng droga at alak, imoralidad, pornograpiya, pagsusugal, kasakiman sa pera, at iba pang pagpapahirap sa mga naaalipin ay labis na nagpapabigat sa lipunan kung kaya’t halos imposible itong masukat.
Ikalawa, ang ilang adiksyon o pagkaakit sa ibang bagay, kahit hindi talagang masama, ay maaaring umubos ng ating panahon na dapat sana ay magamit sa paggawa ng mabubuting bagay. Maaaring kabilang dito ang sobrang paggamit ng social media, mga video at digital game, isports, libangan, at marami pang iba.16
Ang paglalaan natin ng panahon para sa pamilya ang isa sa mga pinakamahalagang bagay na kinakaharap natin sa maraming kultura. Noong ako lang ang miyembro ng Simbahan sa aming law firm, isang abugada ang nagpaliwanag sa akin kung paanong dama niya palagi na para siyang juggler na may pinaiikot na tatlong bola sa ere. Ang isang bola ay ang kanyang pagiging abugada, ang isa ay ang pagsasama nilang mag-asawa, at ang isa pa ay ang kanyang mga anak. Halos wala na siyang panahon para sa kanyang sarili. Nababahala siya na isa sa mga bola ay hindi na niya napag-uukulan ng panahon. Iminungkahi ko na magpulong kami bilang isang grupo at pag-usapan ang aming mga priyoridad. Napagpasiyahan namin na kaya kami nagtatrabaho ay para suportahan ang aming mga pamilya. Nagkasundo kami na ang pagkita ng pera ay hindi kasinghalaga ng aming mga pamilya, ngunit alam namin na mahalaga ang paglilingkod sa aming mga kliyente sa abot ng aming makakaya. Pagkatapos ay pinag-usapan namin ang mga bagay na ginagawa namin sa trabaho na hindi naman kailangan at nakukuha pa ang oras para sa pamilya. Napipilitan ba kaming mag-ukol ng panahon sa trabaho na hindi naman kailangang gawin?17 Nagpasiya kami na ang mithiin namin ay magkaroon ng kapaligiran na kasiya-siya sa pamilya kapwa para sa kababaihan at sa kalalakihan. Dapat maging mabuting halimbawa tayo ng pagprotekta ng oras para sa pamilya.
Ikatlo, ang pinaka-karaniwang uri ng pagkaalipin sa ating panahon, gaya ng nangyari sa kasaysayan, ay ang ideolohiya o paniniwala na hindi ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang paghahalili ng mga pilosopiya ng tao sa katotohanan ng ebanghelyo ay maaaring maglayo sa atin sa kasimplihan ng mensahe ng Tagapagligtas. Nang bumisita si Apostol Pablo sa Athens, sinubukan niyang ituro ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Mababasa natin ang pagsisikap na ito sa Mga Gawa, “Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.”18 Nang malaman ng mga tao ang simpleng mensahe ni Pablo ukol sa relihiyon, na hindi na bago, tinanggihan nila ito.
Katulad din ito sa ating panahon, kung saan ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay madalas tanggihan o baluktutin upang maging kaakit-akit sa kaisipan o tumugma sa kasalukuyang kalakaran ng kultura at mga intelektuwal na pilosopiya. Kung hindi tayo maingat, maaari tayong mabihag ng mga kalakarang ito at maalipin ang ating kaisipan. Maraming tinig ngayon ang nagsasabi kung paano dapat mamuhay ang kababaihan.19 Madalas ay magkakasalungat ang mga ito. Mas dapat tayong mabahala sa mga pilosopiya na bumabatikos o pumapawi sa paggalang sa kababaihan na piniling gawin ang mga sakripisyong kailangan upang maging mga ina, guro, tagapangalaga, o mga kaibigan ng mga anak nila.
Ilang buwan na ang nakalipas bumisita sa amin ang dalawa naming pinakabatang apong babae—sa magkasunod na linggo. Nasa bahay ako at ako ang nagbukas ng pinto. Ang asawa kong si Mary ay nasa kabilang silid. Sa dalawang pagbisitang iyon, pagkatapos yumakap, halos pareho sila ng sinabi. Tumingin sila sa paligid at sinabing, “Gustung-gusto ko sa bahay ni Lola. Nasaan po si Lola?” Naisip ko at hindi ko ito sinabi sa kanila, “Hindi ba’t bahay rin ito ni Lolo?” At naisip ko na noong bata pa ako, nagpupunta kaming pamilya sa bahay ni Lola. Ang mga titik ng isang pamilyar na awitin ay pumasok sa isip ko: “Pagtawid ng ilog at matapos maglakad sa kakahuyan, bahay ni Lola aming pinupuntahan.”
Ngayon, lilinawin ko na natutuwa ako sa edukasyon at iba pang mga pagkakataon na maaaring matamo ng kababaihan. Masaya ako na ang mabibigat na trabaho at nakakapagod na gawain sa tahanan ay nabawasan nang husto dahil sa makabagong pamamaraan at ang kababaihan ay nakagagawa ng kahanga-hangang mga kontribusyon sa lahat ng larangan. Ngunit kung hahayaan nating mabawasan ang espesyal na pakikipag-ugnayan ng mga bata sa mga ina at lola at sa iba pa na nangangalaga sa kanila, pagsisisihan natin ito balang-araw.
Ikaapat, ang kapangyarihan na tahasang lumalabag sa mabubuting alituntunin ay maaaring magdulot ng pagkaalipin. Isa sa mga nakapanlulumong uri nito ay kapag ang mabubuting tao, na damang mananagot sila sa Diyos sa kanilang ikinikilos, ay pinipilit na gawin ang bagay na labag sa kanilang konsiyensya—halimbawa, ang mga health provider na pilit papipiliin kung tutulong sila sa paglalaglag ng sanggol nang labag sa kanilang kagustuhan o mawawalan sila ng trabaho.
Ang Simbahan ay maliit na minoridad lamang kahit iugnay sa mga taong gayundin ang saloobin. Mahirap baguhin ang lipunan sa pangkalahatan, ngunit kailangan nating sikaping pag-igihin ang moral na kulturang nakapalibot sa atin. Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng bansa ay dapat maging mabubuting mamamayan, lumahok sa mga gawaing panglipunan, alamin ang nangyayari sa kanilang paligid, at bumoto.
Gayunman, ang pangunahin nating pagtutuunan ng pansin ay ang gawin ang anumang sakripisyong kailangan upang mapangalagaan ang ating pamilya at ang susunod na henerasyon.20 Marami sa kanila ang hindi pa alipin ng matinding adiksiyon o mga maling ideolohiya. Kailangan natin silang tulungan na maging matatag sa mundong katulad ng Jerusalem noong panahon nina Lehi at Jeremias. Bukod pa rito, kailangan natin silang ihanda sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan at maging mga pangunahing lingkod na tutulong sa Panginoon sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan at pagtitipon sa nakalat na Israel at mga hinirang ng Panginoon sa lahat ng dako.21 Gaya ng mababasa sa Doktrina at mga Tipan, “Ang mabubuti ay matitipon mula sa lahat ng bansa, at patutungo sa Sion, umaawit ng mga awit ng walang hanggang kagalakan.”22
Ang hamon sa atin ay iwasan ang anumang uri ng pagkaalipin, tulungan ang Panginoon na tipunin ang Kanyang mga hinirang, at magsakripisyo para sa susunod na henerasyon. Kailangang palagi nating tandaan na hindi tayo ang nagliligtas sa ating sarili. Tayo ay pinalalaya ng pagmamahal, biyaya, at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Nang umalis ang pamilya ni Lehi, sila ay inakay ng liwanag ng Panginoon. Kung tapat tayo sa Kanyang liwanag, sumusunod sa Kanyang mga utos, at umaasa sa Kanyang mga biyaya, maiiwasan natin ang pagkaalipin ng espiritu, katawan, at isipan gayundin ang pananaghoy sa paggala sa ating sariling ilang, sapagkat Siya ay may kapangyarihang magligtas.
Iwasan natin ang kapighatian at kalungkutan ng mga yaong bumagsak sa pagkaalipin at hindi na makakanta pa ng mga awit ng Sion. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.