2010–2019
Ang Tapat na Hukom
Oktubre 2016


10:24

Ang Tapat na Hukom

Isa lamang ang paraan para humatol ng matwid na paghatol, gaya ng ginagawa ni Cristo, at iyan ay ang maging katulad Niya.

Noong nabubuhay pa Siya sa lupa, si Jesucristo ay isang mapagmahal na hukom, napakatalino, at mapagpasensya. Kilala Siya sa mga banal na kasulatan bilang “tapat na hukom” (II Kay Timoteo 4:8; Moises 6:57), at ang payo din Niya sa atin ay “humatol nang matwid na kahatulan” (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 7:1–2 [sa Matthew 7:1, footnote a]) at “magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti … [at] maghatol nang matwid” (D at T 11:12).

Ang tagubiling ito sa Labindalawang Nephita ay tutulong sa atin na humatol na tulad ng Panginoon: “Kayo ay magiging mga hukom ng mga taong ito, alinsunod sa kahatulan na aking ibibigay sa inyo, na magiging makatarungan. Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kung minsan ay nalilimutan natin na noong ibigay Niya ang payo na maging katulad Niya, iyon ay sa konteksto ng matwid na paghatol.

Di-Matwid na Paghatol

Ang Tagapagligtas kasama ang mga Fariseo at mga eskriba

Isang nakakahiyang halimbawa ng di-matwid na paghatol ay mula sa talinghaga ng nawawalang tupa nang ang mga Fariseo at eskriba ay mali ang naging hatol sa Tagapagligtas at sa mga kasama Niyang naghahapunan, na nagsabing, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa kanila” (Lucas 15:2)—hindi iniisip na makasalanan din sila. Taglay ang mapaghatol na mga puso, ang mga eskriba at Fariseo ay di kailanman nadama ang kagalakan ng pagliligtas sa nawawalang tupa.

Ang Tagapagligtas kasama ang babaeng nahuling nangangalunya

Ang “mga eskriba at … mga Fariseo” din ang nagdala sa “isang babaing nahuli sa pangangalunya” (Juan 8:3) sa Tagapagligtas para tingnan kung hahatulan Niya ang babae batay sa batas ni Moises (tingnan sa talata 5). Alam na ninyo ang nangyari sa kuwento, kung paano Niya sila ibinaba dahil sa kanilang di-matwid na paghatol, at kung paano sila “hinatulan ng sarili nilang konsiyensya” at umalis na “isa-isa” (talata 9; idinagdag ang pagbibigay-diin). At sinabi niya sa babae, “Hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala. At pinuri ng babaeng ito ang Diyos simula noon, at naniwala sa kanyang pangalan” (Joseph Smith Translation, John 8:11 [sa John 8:11, footnote c sa Ingles ng edisyon ng LDS Bibile]).

Nakikipag-usap angTagapagligtas sa babaeng nahuling nangangalunya

Ang likas na lalaki at babae na nasa bawat isa sa atin ay may inklinasyong isumpa ang iba at humatol nang mali, o sa mapagmalinis na paraan. Nangyari din ito kina Santiago at Juan, dalawa sa mga Apostol ng Tagapagligtas. Galit na galit sila nang ang mga tao sa isang nayon ng mga Samaritano ay naging lapastangan sa Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 9:51–54):

Ang Tagapagligtas kasama ang mga disipulo

“At nang makita [nila] ito, [sila] ay nangagsabi, Panginoon, ibig mo bagang magpababa tayo ng apoy mula sa langit, at sila’y pugnawin, [gaya ng ginawa ni Elias]?

“Datapuwa’t, lumingon siya, at sila’y pinagwikaan, [Di ninyo alam kung anong uri ng espiritu mayroon kayo].

“[Sapagka’t ang Anak ng tao ay hindi naparito para lipulin ang mga tao, kundi para iligtas sila]” (mga talata 54–56).

Ang “pangkalahatang [mga] hukom” ngayon (D at T 107:74), ang ating mga bishop at branch president, ay dapat iwasan ang gayon kabilis na paghatol, gaya ng ginawa nina Santiago at Juan noon. Ang tapat na hukom ay tutugon sa mga pag-amin nang may habag at pag-unawa. Ang kabataang nagkamali, halimbawa, ay dapat umalis sa opisina ng bishop na nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng bishop at puspos ng kagalakan at nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala—hindi hinihiya o hinahamak. Kung hindi, maaaring maitaboy ng bishop ang nawawalang tupa papunta sa ilang (tingnan sa Lucas 15:4).

Disiplina

Gayunman, ang pagkahabag ay hindi nag-aalis sa pangangailangan ng disiplina. Ang salitang disiplina ay mula sa salitang Latin na discere, “upang matuto,” o discipulus, “mag-aaral,” kung kaya ang isang disipulo ay isang estudyante at tagasunod.1 Ang pagdisiplina sa paraan ng Panginoon ay ang pagtuturo nang may buong pagmamahal at pagtitiyaga. Sa mga banal na kasulatan madalas gamitin ng Panginoon ang salitang parusahan o pahirapan kapag nagsasalita tungkol sa disiplina (tingnan halimbawa sa Mosias 23:21; D at T 95:1). Ang salitang chasten o pahirapan ay mula sa salitang Latin na castus, na ibig sabihin ay “malinis o dalisay,” at ang chasen o pahirapan ay nangangahulugang “dalisayin.”2

Sa mundo, isang makalupang hukom ang humahatol sa isang tao at nagpapakulong sa kanya sa bilangguan. Sa kabaligtaran, itinuturo naman sa atin ng Aklat ni Mormon na kapag sinasadya nating magkasala, tayo’y nagiging ating “sariling mga hukom” (Alma 41:7) at itinatalaga ang ating sarili sa espirituwal na bilangguan. Sa kabalintunaan, ang pangkalahatang hukom sa pagkakataong ito ang may hawak ng susi na nagbubukas ng mga pinto ng bilangguan; “sapagkat kasama sa pagpaparusa ay aking inihahanda ang daan para sa kanilang ikaliligtas sa lahat ng bagay mula sa tukso” (D at T 95:1; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang mga hakbang ng isang tapat na hukom ay mahabagin, mapagmahal, at mapantubos, hindi nagkukundena.

Dinisiplina ang batang Joseph Smith nang apat na taong pagsubok bago niya makuha ang mga lamina, “dahil hindi mo nasunod ang mga utos ng Panginoon.”3 Kalaunan, nang mawala ni Joseph ang 116 na pahina ng manuskrito, muli siyang dinisiplina. Bagama’t talagang nagsisi siya, binawi pa rin ng Panginoon ang kanyang mga pribilehiyo sa maikling panahon dahil “ang aking minamahal ay akin ding pinarurusahan upang ang kanilang mga kasalanan ay mapatawad” (D at T 95:1).

Sinabi ni Joseph, “Nagalak ang anghel nang ibalik niya sa akin ang Urim at Tummim at sinabi na nasisiyahan ang Diyos sa aking katapatan at pagpapakumbaba, at minahal ako dahil sa aking pagsisisi at kasigasigan sa pagdarasal.”4 Dahil gusto ng Panginoon na turuan si Joseph ng aral na nagpapabago ng puso, hiniling Niya ang mapait na sakripisyo—dahil ang sakripisyo ay mahalagang bahagi ng disiplina.

Sakripisyo

“Noong sinaunang panahon, ang sakripisyo’y nangangahulugan ng pagpapabanal ng isang bagay o isang tao,”5 at iniuugnay ito, sa paraang nakabatay ito sa isa’t isa, sa pakahulugan ng salitang chasten o pagsabihan— na ibig sabihin ay “upang dalisayin.” Gayundin naman, sa sinaunang Israel, ang kapatawaran ay dumarating sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan o paglabag, o hain.6 Ang hain ay hindi lamang “nakatuon sa yaong dakila at huling hain” (Alma 34:14) kundi tumulong upang lumikha ng mas malalim na diwa ng pasasalamat sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang pagtangging magsakripisyo bilang bahagi ng ating pagsisisi ay lumalait o minamaliit ang Kanyang mas malaking sakripisyo para sa kasalanan ding iyon at winawalang-halaga ang Kanyang pagdurusa—tanda ng kawalan ng pasasalamat.

Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng matamis na kabalintunaan ng pagsasakripisyo, tayo, sa katunayan, ay nagkakamit ng mga bagay na may walang hanggang halaga—ang Kanyang awa at pagpapatawad at kalaunan ay ang “lahat ng mayroon ang Ama” (D at T 84:38). Bilang bahagi ng proseso ng pagsisisi, ang sakripisyo ay nagsisilbi ring balsamo na nakapagpapagaling upang mapalitan ang “paggigiyagis ng budhi” (Alma 42:18) ng “katahimikan ng budhi” (Mosias 4:3). Kung walang sakripisyo, maaaring mahirapan ang isang tao na patawarin ang kanyang sarili, dahil alam nilang mayroon silang itinatago.7

Ang Magulang bilang Isang Tapat na Hukom

Bagaman ang ilan lamang sa atin ang tatawaging maging mga pangkalahatang hukom, ang mga alituntunin ng matwid na paghatol ay angkop sa ating lahat, lalo na sa mga magulang na may pagkakataon araw-araw na gamitin ang mga alituntuning ito sa kanilang mga anak. Ang epektibong pagtuturo sa bata ang pinakadiwa ng mabuting pagdisiplina ng magulang, at ang mapagmahal na disiplina ang pinakadiwa ng pagiging matapat na hukom.

Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith, “Kung ang mga bata ay matigas ang ulo at mahirap supilin, pagpasensiyahan ninyo sila hanggang sa masupil ninyo sila sa pamamagitan ng pagmamahal, … at sa gayon ay mahuhubog ninyo ang kanilang pag-uugali sa paraang nais ninyo.”8

Napakaganda na sa pagtuturo kung paano magdisiplina, tila palaging tinutukoy ng mga propeta ang mga katangian ni Cristo. Ibinigay sa atin ng Doktrina at mga Tipan ang bantog na payong ito ukol sa disiplina:

“Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;

“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya—

“Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal” (D at T 121:41–43).

Itinuturo sa talatang ito na pagsabihan natin ang tao “kapag pinakikilos [tayo] ng Espiritu Santo,” hindi kapag pinakikilos tayo ng galit. Ang Espiritu Santo at ang galit ay hindi magkatugma, sapagkat “siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit” (3 Nephi 11:29). Itinuro ni Pangulong George Albert Smith na “ang masasakit na salita ay hindi karaniwang sinasabi nang may inspirasyon ng Panginoon. Ang Espiritu ng Panginoon ay diwa ng kabutihan; ito ay diwa ng pagtitiyaga; ito ay diwa ng pag-ibig sa kapwa at pagmamahal at pagpaparaya at mahabang pagtitiis. …

“… Ngunit kung mahilig tayong maghanap ng mali … sa mapanirang paraan, hindi iyan kailanman bunga ng patnubay ng Espiritu ng ating Ama sa Langit, at lagi itong nakakasira.

“… Kabaitan ang kapangyarihang bigay sa atin ng Diyos upang palambutin ang mga puso at pasunurin ang matitigas ang ulo.”9

Ang Tunay na Pagkatao ng Ating mga Anak

Nang bumisita ang Tagapagligtas sa mga Nephita, may ginawa Siyang pambihira sa mga bata:

Ang Tagapagligtas kasama ang mga batang Nephita

“At ito ay nangyari na, na siya ay nagturo at naglingkod sa mga anak ng maraming tao … , at kanyang kinalagan ang kanilang mga dila, at sila’y nangusap sa kanilang mga ama ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay. …

“… Kapwa nila nakita at narinig ang mga batang ito; oo, maging ang mga sanggol ay nagbukas ng kanilang mga bibig at nangusap ng mga kagila-gilalas na bagay” (3 Nephi 26:14, 16).

Marahil higit pa sa pagbukas ng mga bibig ng mga sanggol, iminumulat ng Panginoon ang mga mata at mga tainga ng kanilang mga magulang na nanggigilalas. Ang mga magulang na iyon ay pinagkalooban ng pambihirang kaloob na malaman ang tunay na mahalaga at hindi kumukupas, at makita ang tunay na pagkatao at premortal na katayuan ng kanilang mga anak. Hindi ba tuluyang babaguhin niyan ang paraan ng pagkakita at pakikitungo ng mga magulang sa kanilang mga anak? Gusto ko ang siping ito ni Goethe: “Ang paraan ng pagkakita mo sa [isang bata] ay ang paraan ng pakikitungo mo sa kanila, at ang paraan ng pakikitungo mo sa kanila ang kahihinatnan nila.”10 Ang maalala ang tunay na pagkatao ng isang bata ay isang kaloob na pananaw na nagbibigay-inspirasyon sa pananaw ng isang tapat na hukom.

Katapusan

Itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na, “Huwag hayaang ang problemang lulutasin ay maging mas mahalaga kaysa sa taong dapat mahalin.”11 Napakahalaga ng alituntuning iyon sa pagiging tapat na hukom, lalo na sa sarili nating mga anak.

Isa lamang ang paraan para humatol nang matwid na paghatol, gaya ng ginagawa ni Cristo, at iyan ay ang maging katulad Niya. Samakatwid, “maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “disciple,” etymonline.com.

  2. Tingnan sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “chasten.”

  3. Karen Lynn Davidson at iba pa, eds., Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, tomo 1 ng Histories series of The Joseph Smith Papers (2012), 83.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 83; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hain,” scriptures.lds.org.

  6. Tingnan sa Bible Dictionary, “Sacrifices” sa Ingles na edisyon ng LDS Bible.

  7. Ang hain na inaalay natin sa altar sa mesa ng sakramento bawat linggo ay ang isang bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 2 Nephi 2:7; 3 Nephi 9:20; Doktrina at mga Tipan 59:8). Ang isang bagbag na puso ay isang nagsisising puso; ang nagsisising espiritu ay isang masunuring espiritu (tingnan sa D. Todd Christofferson, “Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Liahona, Mayo 2004, 12).

  8. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 358.

  9. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith (2011), 249–250, 251; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  10. Ipinapalagay na nagmula kay Johann Wolfgang von Goethe, brainyquote.com.

  11. Thomas S. Monson, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Liahona, Nob. 2008, 86.