2010–2019
Matutulungan Tayo ng Sakramento na Maging Banal
Oktubre 2016


9:55

Matutulungan Tayo ng Sakramento na Maging Banal

Isaisip ang limang paraan para madagdagan ang epekto at bisa ng ating regular na pagdalo sa sagradong ordenansa ng sakramento.

Isa sa mga pinakaunang alaala ko ay ukol sa mga sacrament meeting na ginanap sa aming tahanan sa Warrnambool, Australia. Mga 10 hanggang 15 tao ang dumadalo sa aming branch noon, at ang tatay ko, na isa sa tatlong mayhawak ng priesthood, ang regular na nagbabasbas ng sakramento. Naaalala ko ang damdamin ko noon habang mapagpakumbaba at maingat niyang binabasa ang mga salita ng panalangin ng sakramento. Kadalasang garalgal ang kanyang tinig kapag dama niya ang Espiritu. Kung minsan ay kailangan siyang tumigil sandali para pigilan ang kanyang damdamin bago matapos ang panalangin.

Dahil limang taong gulang lang ako noon, hindi ko maunawaan ang buong kahulugan ng sinasabi o ginagawa; gayunman, alam kong may espesyal na nagaganap. Dama ko ang banayad at nakapapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo habang ninanamnam ng tatay ko ang pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas.

Itinuro ng Tagapagligtas: “At ito ay lagi ninyong gagawin sa mga yaong nagsisisi at nabinyagan sa aking pangalan; at gagawin ninyo ito sa pag-alaala sa aking dugo, na aking pinabuhos para sa inyo, upang kayo ay sumaksi sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala. At kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo” (3 Nephi 18:11).

Inaanyayahan ko tayong lahat na isaisip ang limang paraan upang madagdagan ang epekto at bisa ng ating regular na partisipasyon sa sagradong ordenansa ng sakramento, isang ordenansa na makatutulong sa atin na maging banal.

1. Maghanda nang Maaga

Masisimulan natin ang ating paghahanda para sa sakramento bago pa man mag-umpisa ang sacrament meeting. Ang Sabado ay mabuting panahon para pakaisipin ang ating espirituwal na pag-unlad at paghahanda.

Paghahanda para sa Linggo

Ang mortalidad ay mahalagang kaloob sa ating paglalakbay upang makatulad ng ating Ama sa Langit. Dahil sa pangangailangan, kasama rito ang mga pagsubok at hamon na nagbibigay ng pagkakataon para tayo ay magbago at umunlad. Itinuro ni Haring Benjamin na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos … at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” (Mosias 3:19). Ang pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento ay nagbibigay ng pagkakataon upang lubusang pasakop ang ating puso at kaluluwa sa Diyos.

Sa ating paghahanda, nagiging bagbag ang ating puso sa pagpapakita ng pasasalamat sa Pagbabayad-sala ni Cristo, pagsisisi sa ating mga kamalian at pagkukulang, at paghingi ng tulong sa Ama sa ating patuloy na paglalakbay upang lalong matulad sa Kanya. Sa gayo’y aasamin natin ang pagkakataong laan ng sakramento upang alalahanin ang Kanyang sakripisyo at sariwain ang ating mga tapat na pangako sa lahat ng ginawa nating mga tipan.

2. Dumating nang Maaga

Ang ating pagdalo sa sakramento ay maaaring mapabuti pa kapag maaga tayong dumarating bago ang oras nito at magnilay habang tinutugtog ang prelude music.

Dumating nang maaga para sa sacrament meeting

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang prelude music, na mapitagang tinutugtog, ay nagbibigay ng espirituwal na lakas. Nag-aanyaya ito ng inspirasyon.”1 “Hindi ito oras,” paliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson, “para sa usapan o paghahatid ng mga mensahe kundi panahon ng mapanalanging pagninilay habang ang mga lider at miyembro ay espirituwal na naghahanda para sa sakramento.”2

3. Umawit at Matuto sa mga Titik ng Sacrament Hymn

Ang sacrament hymn ay mahalagang bahagi ng ating pagdalo sa sakramento. Iniaangat ng musika ang ating isipan at damdamin. Ang sacrament hymn ay may mas malaking impluwensya kapag nakatuon tayo sa mga titik at makapangyarihang doktrinang itinuro. Marami tayong natututuhan mula sa mga salitang “Naghirap sa burol,”3 “Ating isipi’t tiyakin, puso’t kamay, dalisay rin,”4 at “Pag-ibig, awa, at katarungan ay nagtutugma nang lubos!”5

Kumanta at matuto mula sa mga himno
Magtuon sa mga salita ng mga himno

Sa pagkanta natin ng himno bilang paghahanda sa pakikibahagi sa mga sagisag, ang mga salita ay nagiging bahagi ng ating katapatan sa tipan. Halimbawa, isaisip ang, “Kayo’y mahal naming tunay At laging susundin.”6

4. Espirituwal na Makibahagi sa mga Panalangin sa Sakramento (Tingnan sa Moroni 4–5)

Sa halip na isahimig ang pamilyar na mga titik ng mga panalangin sa sakramento, mas marami pa tayong matututuhan at higit pa ang madarama natin sa espirituwal na pakikibahagi sa pamamagitan ng pagsasaisip sa matatapat na pangako at kaugnay na mga biyayang kasama sa mga sagradong panalanging ito.

Pagbabasbas sa tinapay

Ang tinapay at tubig ay binabasbasan at pinababanal para sa ating mga kaluluwa. Ipinaaalala nito sa atin ang sakripisyo ng Tagapagligtas at na matutulungan Niya tayong maging banal.

Ipinaliliwanag ng mga panalangin na nakikibahagi tayo sa tinapay bilang pag-alaala sa katawan ng Anak, na ibinigay Niya bilang pantubos upang maging marapat ang lahat sa pagkabuhay na mag-uli, at iniinom natin ang tubig bilang pag-alaala sa dugo ng Anak, na malaya Niyang ibinuhos upang matubos tayo kung tayo ay magsisisi.

Pinasisimulan ng mga panalangin ang mga tipan sa katagang “na siya ay pumapayag.” (Moroni 4:3). Ang pariralang ito ay may malaking bisa para sa atin. Handa ba tayong maglingkod at makibahagi? Handa ba tayong magbago? Handa ba tayong lunasan ang ating mga kahinaan? Handa ba tayong tulungan at pagpalain ang iba? Handa ba tayong magtiwala sa Tagapagligtas?

Sa pagbanggit sa mga pangako at sa ating pakikibahagi, pinagtitibay natin sa ating puso na handa tayong:

  • Taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo.

  • Sikaping sundin ang lahat ng Kanyang mga kautusan.

  • Lagi Siyang aalalahanin.

Ang panalangin ay nagtatapos sa paanyaya at pangako: “Nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (Moroni 4:3).

Isinulat ni Pablo, “Ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil” (Mga Taga Galacia 5:22–23). Magagandang pagpapala at kaloob ang mapapasaatin sa pagtupad natin ng ating mga tipan.

5. Magnilay at Alalahanin Siya Habang Ipinapasa ang mga Sagisag ng Sakramento

Ang mapitagang sandali habang ipinapasa ng mga mayhawak ng priesthood ang sakramento ay maaaring maging sagrado sa atin.

Pagpapasa ng tinapay

Habang ipinapasa ang tinapay, maaari nating pakaisipin na sa sukdulang pagpapakita ng pagmamahal sa atin, dinala ng Tagapagligtas “sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao” (Alma 7:12).

Magugunita natin ang maluwalhating pagpapala ng Pagkabuhay na Mag-uli na “darating sa lahat, … kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, kapwa masama at mabuti; at maging doon ay hindi mawawala kahit isang buhok sa kanilang mga ulo, kundi bawat bagay ay manunumbalik sa kanyang ganap na kabuuan” (Alma 11:44).

Pagpapasa ng tubig

Habang ipinapasa ang tubig, magugunita natin ang pagsamo ng Tagapagligtas:

“Masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; …

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit” (D at T 19:16, 18).

Maaalala natin na dinala “niya ang [ating] mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa [ating] mga kahinaan” (Alma 7:12).

Habang pinag-iisipan ang ating karanasan sa sakramento, maaari nating itanong sa ating sarili:

  • Ano ang gagawin ko sa linggong ito upang maging mas handa para sa sakramento?

  • May maiaambag pa ba ako sa pagpipitagan at paghahayag na maaaring kasama sa pagsisimula ng sacrament meeting?

  • Anong doktrina ang itinuro sa sacrament hymn?

  • Ano ang narinig at nadama ko habang pinakikinggan ko ang mga panalangin sa sakramento?

  • Ano ang nasa isip ko habang ipinapasa ang sakramento?

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang ordenansa ng sakramento ay isang banal at paulit-ulit na paanyayang magsisi nang taos at espirituwal na mapanibago. Ang pakikibahagi ng sakramento, kung tutuusin, ay hindi tumutubos ng mga kasalanan. Ngunit kapag naghanda tayo nang seryoso at nakibahagi sa banal na ordenansang ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ang pangako ay mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon. At sa palagiang patnubay ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapapanatili natin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”7

Pinatototohanan ko ang napakaraming pagpapalang mapapasaatin kapag dinagdagan natin ang paghahanda at espirituwal na partisipasyon sa ordenansa ng sakramento. Nagpapatotoo rin ako na ang mga pagpapalang ito ay napapasaatin dahil sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit at sa walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, Amen.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, “Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 61.

  2. Russell M. Nelson, “Pagsamba sa Sakrament Miting,” Liahona, Ago. 2004, 13.

  3. “Jesus ng Nazaret, Aming Hari,” Mga Himno, blg. 107.

  4. “Habang Ating Tinatanggap,” Mga Himno, blg. 103.

  5. “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

  6. “Habang Aming Tinatanggap,” Mga Himno, blg. 99.

  7. David A. Bednar, “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 61–62.