2010–2019
Baka Iyong Malimutan
Oktubre 2016


15:52

Baka Iyong Malimutan

Hinihikayat ko kayong gunitain, lalo na sa panahon ng krisis, kung kailan ninyo nadama ang Espiritu at malakas ang inyong patotoo; alalahanin ang mga espirituwal na pundasyong naitatag ninyo.

Magandang hapon mahal kong mga kapatid. Lubos tayong pinagpala sa kumperensyang ito. Ang unang taon ko sa Korum ng Labindalawang Apostol ay labis na nakapagpapakumbaba. Ito ay isang taon ng personal na pagsisikap, pag-unlad, at patuloy at taos-pusong mga panalangin sa aking Ama sa Langit. Nadama ko ang nakapagpapalakas na panalangin ng aking pamilya, mga kaibigan, at mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Salamat sa inyong pag-alaala at mga panalangin.

Nagkaroon din ako ng pribilehiyong makita ang minamahal kong mga kaibigan, ang ilan ay matagal ko nang kaibigan at marami ang bago ko pa lamang nakilala. Ang sasabihin ko ngayon ay dahil sa impresyon na nadama ko matapos kong makita ang isang espesyal na kaibigan na nakilala at minahal ko nang maraming taon.

Nang magkita kami, ipinagtapat ng kaibigan ko na nahihirapan siya. Sinabi niyang nakararanas siya, gamit ang kanyang mga salita, ng isang “krisis sa pananampalataya” at gusto niyang payuhan ko siya. Nagpasalamat ako na ibinahagi niya ang kanyang mga nadarama at alalahanin sa akin.

Sinabi niya na gusto niyang madamang muli ang espirituwalidad na nadama niya noon na sa tingin niya ay nawawala na sa kanya ngayon. Habang nagsasalita siya, nakinig akong mabuti at tapat na nanalangin na ipaalam sa akin ang nais ng Panginoon na sabihin ko.

Ang kaibigan ko, katulad marahil ng ilan sa inyo, ay nagtanong ng isang bagay na masidhing ipinahayag sa isang awit sa Primary, “Ama sa Langit, kayo ba’y nariyan?”1 Sa inyo na may gayon ding katanungan, gusto kong ibahagi sa inyo ang ipapayo ko sa aking kaibigan at sana’y mapalakas ang pananampalataya ng bawat isa sa inyo at mapanibago ang inyong pagpapasiya na maging tapat na disipulo ni Jesucristo.

Magsisimula ako sa pagpapaalala sa inyo na kayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at ang Kanyang pag-ibig ay hindi nagbabago. Alam kong mahirap gunitain ang nakapapanatag na damdaming iyon ng pagmamahal kapag dumaranas na kayo ng mga paghihirap o pagsubok, kabiguan, o bigong mga pangarap.

Nalalaman ni Jesucristo ang tungkol sa matitinding paghihirap at pagsubok. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Ang mga huling sandali ng Kanyang buhay ay puno ng kalupitan, higit pa sa kaya nating maunawaan, ngunit ang Kanyang sakrispisyo para sa bawat isa sa atin ang pinakadakilang pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal.

Walang pagkakamali, kasalanan, o pagpili ang makapagpapabago sa pagmamahal ng Diyos para sa atin. Hindi ito nangangahulugan na pinalalampas ang makasalanang pag-uugali, ni hindi nito inaalis sa atin ang obligasyong magsisi kapag tayo ay nagkasala. Ngunit huwag kalimutan, kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa inyo, at lagi Siyang handang tulungan kayo.

Nang pagbulayan ko ang sitwasyon ng kaibigan ko, napako ang isipan ko sa malaking karunungang matatagpuan sa Aklat ni Mormon: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”2

Pinatototohanan ko na walang taong gugustuhing pumunta sa “look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian.” At pakiramdam ng kaibigan ko ay nasa bingit na siya ng kapighatian.

Kapag pinapayuhan ko ang mga taong tulad ng kaibigan ko, inaalam ko ang mga desisyong ginawa nila sa nakalipas na mga taon na naging dahilan para malimutan nila ang mga sagradong karanasan, manghina sila, at magduda. Hinikayat ko sila, gaya ng paghikayat ko sa inyo ngayon, na gunitain, lalo na sa panahon ng krisis, kung kailan ninyo nadama ang Espiritu at malakas ang inyong patotoo; alalahanin ang mga espirituwal na pundasyong naitatag ninyo. Ipinapangako ko na kung gagawin ninyo ito, at iiwasan ang mga bagay na hindi nagpapatatag at nagpapalakas ng inyong patotoo o kumukutya sa inyong mga paniniwala, maaalala ninyo ang mahahalagang panahon na lumakas ang inyong patotoo sa pamamagitan ng mapagpakumbabang panalangin at pag-aayuno. Tinitiyak ko sa inyo na muli ninyong madarama ang kaligtasan at kasiglahan na dulot ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Kailangang palakasin muna ng bawat isa sa atin ang ating espirituwalidad at pagkatapos ay palakasin ang mga nakapaligid sa atin. Palaging pagnilayan ang mga banal na kasulatan, at alalahanin ang mga naisip at nadama ninyo habang nagbabasa. Hanapin rin ang iba pang mga mapagkukunan ng katotohanan, ngunit sundin ang babalang ito mula sa banal na kasulatan: “Subalit ang maging marunong ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos.”3 Dumalo sa mga miting sa Simbahan, lalo na sa sacrament meeting, at tumanggap ng sakramento at magpanibago ng mga tipan, pati na ang pangako na laging alalahanin ang Tagapagligtas, nang makasama ninyo palagi ang Kanyang Espiritu.

Anumang pagkakamali ang ating nagawa o kahit hindi tayo perpekto sa tingin natin, maaari pa rin nating tulungan at palakasin ang iba. Ang paglingkuran sila nang tulad ng paglilingkod ni Cristo ay makatutulong sa atin na lubos na madama ang pagmamahal ng Diyos sa ating mga puso.

Mahalagang alalahanin ang napakagandang payo na matatagpuan sa Deuteronomio: “Ingatan mo ang iyong kaluluwa, baka iyong makalimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak.”4

Naaapektuhan ng ating mga pagpapasiya ang ating mga salinlahi. Ibahagi ang inyong patotoo sa inyong pamilya; hikayatin silang alalahanin kung ano ang nadama nila nang makilala nila ang impluwensya ng Espiritu sa kanilang buhay at ipasulat sa kanilang journal ang mga naramdaman nila at ang kanilang mga personal na kasaysayan. Ito ay upang ang kanilang sariling mga salita ang makapagpabalik ng kanilang alaala, kapag kinakailangan, kung gaano kabuti ang Panginoon sa kanila.

Maaalala ninyo, nagbalik sina Nephi at kanyang mga kapatid sa Jerusalem upang makuha ang mga laminang tanso na naglalaman ng kasaysayan ng kanilang lahi, at nang hindi nila malimutan ang kanilang nakaraan.

Gayundin, sa Aklat ni Mormon, pinangalanan ni Helaman ang kanyang mga anak na lalaki ng tulad sa kanilang “mga naunang mga magulang” upang hindi nila malimutan ang kabutihan ng Panginoon:

“Masdan, mga anak na lalaki, hinihiling kong pakatandaan ninyong sundin ang mga kautusan ng Diyos. … Masdan, ibinigay ko sa inyo ang mga pangalan ng ating mga naunang magulang na lumisan sa lupain ng Jerusalem; at ginawa ko ito nang sa gayon kapag naalaala ninyo ang inyong mga pangalan ay maalaala ninyo sila; at kapag naalaala ninyo sila ay maalaala ninyo ang kanilang mga gawa; at kapag naalaala ninyo ang kanilang mga gawa ay malaman ninyo kung paanong nasabi, at nasulat din, na sila’y mabubuti.

“Samakatwid, mga anak ko, nais kong gawin ninyo ang yaong mabuti, upang masabi sa inyo, at masulat din, maging tulad ng nasabi at nasulat tungkol sa kanila.”5

Marami sa panahon natin ngayon ang nakaugalian nang ipangalan ang kanilang mga anak sa mga bayani sa mga banal na kasulatan o sa matatapat na mga ninuno para mahikayat silang huwag kalimutan ang kanilang mga pamana.

Noong ipinanganak ako, pinangalanan akong Ronald A. Rasband. Ang apelyido ko ay nagbibigay-galang sa mga ninuno ng aking ama. Ang A ay ibinigay sa akin para paalalahanan ako na igalang ang mga ninunong Danish ng aking ina na may apelyidong Anderson.

Ang kalolololohan kong si Jens Anderson ay mula sa Denmark. Noong 1861, ginabayan ng Panginoon ang dalawang missionary sa tahanan nila Jens at Ane Cathrine Anderson, kung saan ipinakilala sa kanila at sa 16 na taong gulang nilang anak na si Andrew ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Dito nagsimula ang pamana ng pananampalataya na pinakinabangan ko at ng aking pamilya. Binasa ng mga Anderson ang Aklat ni Mormon at pagkaraan ng maikling panahon ay nabinyagan sila. Nang sumunod na taon, sinunod ng mga Anderson ang panawagan ng propeta na tawirin ang Atlantiko para makasama ang mga Banal sa Hilagang Amerika.

Nakalulungkot na namatay si Jens habang naglalayag sa dagat, ngunit nagpatuloy ang kanyang asawa at anak na pumunta sa Salt Lake Valley, at dumating sila noong Setyembre 3, 1862. Sa kabila ng mga paghihirap at kalungkutan, hindi natinag ang kanilang pananampalataya, at gayundin ang pananampalataya ng marami sa kanilang mga inapo.

Painting sa opisina ni Elder Rasband

Nakasabit sa opisina ko ang isang painting6 na naipinta nang napakaganda ang simbolo ng alaala ng unang pagkikita ng aking mga ninuno at ng matatapat na misyonerong iyon. Determinado ako na huwag kalimutan ang aking pamana, at dahil sa aking pangalan walang hanggan kong aalalahanin ang kanilang pamana ng pananampalataya at sakripisyo.

Huwag kalimutan, pag-alinlanganan, o balewalain ang mga personal at sagradong espirituwal na karanasan. Plano ng kaaway na ilihis tayo mula sa mga espirituwal na patotoo, samantalang ang nais ng Panginoon ay bigyan tayo ng liwanag at makibahagi tayo sa Kanyang gawain.

Hayaan ninyong magbahagi ako ng isang personal na halimbawa ng katotohanang ito. Malinaw pa sa aking alaala nang makatanggap ako ng pahiwatig mula sa Espiritu bilang tugon sa isang matinding panalangin. Malinaw at matindi kong nadama ang sagot. Gayunman, hindi ko sinunod kaagad ang pahiwatig ng Espiritu, at pagkaraan ng kaunting panahon ay inisip ko kung totoo ang nadama ko noon. Maaaring ang ilan sa inyo ay nahulog din sa panlilinlang na iyon ng kaaway.

Pagkatapos ng ilang araw, nagising ako na nasa isip ang makapangyarihang talatang ito:

“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso. …

“Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?”7

Para bang sinasabi ng Panginoon na, “Ngayon, Ronald, nasabi ko na sa iyo ang kailangan mong gawin. Ngayon, gawin mo na ito!” Lubos akong nagpapasalamat sa mapagmahal na pagtatama at paggabay na iyon! Kaagad akong napanatag ng pahiwatig na ito at nagawa kong magpatuloy na nalalaman sa aking puso na nasagot ang aking panalangin.

Ibinahagi ko ang karanasang ito, mga minamahal kong kapatid, para ipakita kung gaano kabilis tayong makalimot at kung paano tayo ginagabayan ng mga espirituwal na karanasan. Natutuhan kong pahalagahan ang mga sandaling iyon, dahil “baka aking malimutan.”

Sa kaibigan ko, at sa lahat ng nagnanais na palakasin pa ang kanilang pananampalataya, ipinapangako ko sa inyo: kapag tapat ninyong ipinamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at sinunod ang mga turo nito, mapoprotektahan at lalago ang inyong patotoo. Tuparin ang mga tipan na inyong ginawa, anuman ang ginagawa ng mga tao sa paligid ninyo. Maging masigasig na mga magulang, kapatid, lolo at lola, tiya, tiyo, at kaibigan na nagpapalakas ng mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng personal na patotoo at pagbabahagi ng mga espirituwal na karanasan. Manatiling matapat at matatag, kahit nililigalig ng pag-aalinlangan ang inyong buhay dahil sa mga ginagawa ng iba. Hangarin ang mga bagay na magpapatatag at magpapalakas ng inyong espirituwalidad. Iwasan ang mga inaalok na huwad na “katotohanan” na mabilis kumalat, at alalahaning itala ang iyong mga nararamdamang “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil.”8

Habang nararanasan ang pinakamahihirap na pagsubok ng buhay, huwag kalimutan ang iyong banal na pinagmulan bilang anak ng Diyos o ang iyong walang hanggang tadhana upang makabalik sa piling Niya balang-araw, na higit pa sa anumang maibibigay ng mundo. Alalahanin ang mapagmahal at magiliw na mga salita ni Alma: “Masdan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid, kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”9

Sa lahat ng nakadarama na kailangang palakasin ang kanilang pananampalataya, sumasamo ako sa inyo: Huwag kayong makalimot! Nakikiusap ako, huwag kayong makalimot.

Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Alam kong nakita at nakausap niya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na tulad ng kanyang itinala na sinabi niya. Lubos ang aking pasasalamat na hindi niya nalimutan na isulat ang kanyang karanasang iyon, upang malaman natin ang kanyang patotoo.

Nagpapatotoo ako tungkol sa Panginoong Jesucristo. Siya ay buhay; alam kong Siya ay buhay at namumuno sa Simbahang ito. Ang mga bagay na ito ay alam ko mismo, at hindi nakasalalay sa tinig o patotoo ng iba, at dalangin ko na ako at kayo ay hindi makakalimot sa mga sagrado at walang hanggang katotohanan—una sa lahat, na tayo ay mga anak ng buhay at mapagmahal na Mga Magulang sa Langit, na ang tanging hangarin ay ang ating walang hanggang kaligayahan. Ang mga katotohanang ito ay aking pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.