2010–2019
“Halika, Sumunod Ka sa Akin” at Magmahal at Maglingkod Bilang Kristiyano
Oktubre 2016


13:29

“Halika, Sumunod Ka sa Akin” at Magmahal at Maglingkod Bilang Kristiyano

Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas sa mga huling araw, lumalapit tayo sa Kanya kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang mga anak ng Diyos.

Ang Nobel prize winner na si Elie Wiesel ay nagpapagaling noon sa ospital matapos maoperhan sa puso nang bisitahin siya ng kanyang limang-taong gulang na apong lalaki. Nang tingnan ng bata ang mga mata ng kanyang lolo, nakita niya ang sakit na nararamdaman nito. “Lolo,” tanong niya, “kung mas mamahalin ba kita, mababawasan po ba ang sakit na nararamdaman mo?”1 Itatanong ko rin iyan ngayon; “Kung mas mamahalin ba natin ang Tagapagligtas, mababawasan ba ang pagdurusa natin?”

Noong sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na sumunod sila sa Kanya, kasalukuyan pa nilang sinusunod ang batas ni Moises, kabilang na ang “mata sa mata, at ngipin sa ngipin,”2 ngunit dumating ang Tagapagligtas upang ganapin ang batas na iyan sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nagturo siya ng bagong doktrina: “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo.”3

Tinuruan ang mga disipulo na talikuran ang mga kaugalian ng likas na tao at maging mapagmahal at mapagkalingang gaya ng Tagapagligtas, at palitan ng pagpapatawad, kabaitan, at pagkahabag ang pagtatalo. Ang “bagong utos” na “mangagibigan sa isa’t isa”4 ay hindi laging madaling sundin. Nang mabahala ang mga disipulo tungkol sa pakikihalubilo sa mga makasalanan at ilang uri ng mga tao, matiyagang itinuro ng Tagapagligtas, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”5 O, tulad ng ipinaliwanag ng propeta sa Aklat ni Mormon, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”6

Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas sa mga huling araw, lumalapit tayo sa Kanya kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang mga anak ng Diyos. Sa paggawa natin nito, maaaring hindi natin maiwasang dumanas ng pagsubok, paghihirap, at pagdurusa sa laman, ngunit mababawasan ang ating espirituwal na pagdurusa. Kahit dumaranas tayo ng mga pagsubok makadarama tayo ng galak at kapayapaan.

Ang ating pagmamahal at paglilingkod bilang Kristiyano ay likas na nagsisimula sa tahanan. Mga magulang, kayo ay tinawag na maging mapagmahal na mga guro at missionary sa inyong mga anak at mga kabataan. Sila ang mga investigator ninyo. Responsibilidad ninyo silang tulungan na magbalik-loob. Sa katunayan, lahat tayo ay naghahangad na magbalik-loob—na ang ibig sabihin ay mapuspos ng pagmamahal ng Tagapagligtas.

Sa pagsunod natin kay Jesucristo, ang Kanyang pagmamahal ang naghihikayat sa atin na magtulungan sa buhay na ito. Hindi natin ito magagawa nang mag-isa.7 Narinig na ninyong ibinahagi ko ang kawikaang ito mula sa Quaker: Buhatin mo ako at bubuhatin kita, at magkasama tayong aangat.8 Bilang mga disipulo, sinisimulan nating gawin ito kapag nabinyagan tayo, ipinapakita na handa tayong “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan.”9

“[Ang pagtuturo] sa isa’t isa ng doktrina ng kaharian”10 ay isang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal at paglilingkod sa isa’t isa. Mga magulang at mga lolo’t lola, nanlulumo tayo sa mga nangyayari sa mundo—na hindi itinuturo sa mga paaralan ang kagandahang-asal. Ngunit marami tayong magagawa. Maaari nating samantalahin ang mga pagkakataong maturuan natin ang sarili nating pamilya—ngayon. Huwag palampasin ang mga pagkakataong ito. Kapag may pagkakataon para maibahagi ninyo ang mga naiisip ninyo tungkol sa ebanghelyo at sa mga aral ng buhay, itigil na muna ang lahat ng ginagawa ninyo, maupo, at kausapin ang inyong mga anak at apo.

Hindi tayo dapat mag-alala na hindi tayo mga dalubhasa sa pagtuturo ng ebanghelyo. Walang training class o manwal ang higit na makatutulong kaysa sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, pagninilay, at pagnanais na magabayan ng Banal na Espiritu. Gagabayan kayo ng Espiritu. Ipinapangako ko: kasama sa tungkulin ng magulang ang kakayahang makapagturo sa mga paraang angkop sa inyo at sa inyong mga anak. Tandaan, ang kapangyarihan ng Diyos na impluwensyahan tayo nang tama ay ang Kanyang pagmamahal. “Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin.”11

Mga kabataan, kayo ang ilan sa ating pinakamahuhusay na guro ng ebanghelyo. Pumupunta kayo sa simbahan para matuto upang pag-uwi ninyo ay maturuan at mapaglingkuran ninyo ang inyong pamilya, mga kapitbahay, at mga kaibigan. Huwag kayong matakot. Manalig na mapatototohanan ninyo ang alam ninyong totoo. Isipin ninyo kung paano lumalakas ang espirituwalidad ng mga full-time missionary dahil sa tapat nilang pamumuhay—inuukol ang kanilang panahon at mga talento at nagpapatotoo upang mapaglingkuran at mapagpala ang iba. Sa pagbabahagi ninyo ng patotoo tungkol sa ebanghelyo, lalakas ang inyong pananampalataya at madaragdagan ang inyong tiwala!

Ilan sa matitinding paglilingkod natin bilang Kristiyano ay nagagawa kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, panalangin ng pamilya, at mga family council meeting. Sa loob ng mahigit isandaang taon, hinihikayat tayo ng mga lider ng Simbahan na maglaan ng oras bawat linggo nang walang gumagambala. Ngunit marami pa rin sa atin ang napapalampas ang mga pagpapala nito. Ang family home evening ay hindi oras para magsermon sina Inay at Itay. Ito ang oras para makapagbahagi ang pamilya ng mga simpleng konsepto at karanasan, upang matulungan ang ating mga anak na matutong magmalasakit, magbigayan, magkasiyahan, magbahagi ng patotoo, at tumatag at umunlad nang magkakasama. Sa pagdaraos ng family home evening bawat linggo, madaragdagan ang pagmamahal natin sa isa’t isa at mababawasan ang ating pagdurusa.

Alalahanin natin, na ang pinakamahalagang magagawa natin sa ating mga pamilya ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa tuwing pagalit tayong magtataas ng boses, iniiwan ng Espiritu ang mag-asawa at mga pamilya. Kapag nag-uusap tayo nang may pagmamahal, maaaring mapasaatin ang Espiritu. Alalahanin din natin na sinusukat ng ating mga anak at mga apo ang ating pagmamahal batay sa oras na inuukol natin sa kanila. Higit sa lahat, huwag mawalan ng pasensya at huwag sumuko!

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na noong hindi sinunod ng ilan sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit ang Kanyang plano, ang kalangitan ay tumangis.12 May mga magulang na nagmahal at nagturo sa kanilang mga anak ang tumangis din nang magpasiya ang kanilang mga anak na malalaki na na huwag sumunod sa plano ng Panginoon. Ano ang magagawa ng mga magulang? Hindi natin maipagdarasal na mawalan ng karapatang pumili ang isang tao. Alalahanin ang ama ng alibughang anak, na matiyagang naghintay sa kanyang anak na “makapag-isip,” at hinintay at tinanaw siya. At “samantalang nasa malayo pa siya,” tumakbo ang ama palapit sa anak niya.13 Maaari nating ipagdasal na gabayan tayo kung kailan magsasalita, ano ang sasabihin, at oo, sa ilang pagkakataon, kailan tatahimik. Alalahanin natin, ang ating mga anak at mga kapamilya ay nagpasiya na na sundin ang Tagapagligtas bago pa man sila isinilang sa mundo. Kung minsan napupukaw lang muli ang mga sagradong damdaming iyon ng mga karanasan nila sa buhay. Sa huli, ang pasiya na mahalin at sundin ang Panginoon ay sa kanila pa rin magmumula.

May isa pang natatanging paraan na maipapakita ng mga disipulo ang kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas. Ngayon ay nais kong parangalan ang lahat ng naglilingkod sa Panginoon bilang mga tagapag-alaga. Mahal kayo ng Panginoon! Sa inyong tahimik, at di-napapansing paglilingkod, sinusunod ninyo Siya na nangakong, “Ang inyong Ama na nakakikita nang lihim, siya na rin ang maggagantimpala sa inyo nang hayagan.”14

Naiisip ko ang aking kapitbahay na ang asawa ay may sakit na Alzheimer. Bawat Linggo tinutulungan niya ito na magbihis para makapagsimba, sinusuklayan, nilalagyan ng makeup, at sinusuutan pa ng hikaw. Sa pagsisilbing ito, naging magandang halimbawa siya sa bawat lalaki at babae sa ward namin—sa katunayan, sa buong mundo. Isang araw sinabi ng asawa niya sa kanya, “Gusto ko lang makitang muli ang asawa ko at makasama siya.”

Sumagot siya, “Ako ang asawa mo.”

At malambing siyang sumagot, “Ay, salamat!”

Sa pagsasalita kong ito tungkol sa pag-aalaga hindi ko puwedeng kalimutang banggitin ang espesyal na tagapag-alaga ko sa aking buhay—ang espesyal na disipulo na ibinigay sa akin ng Tagapagligtas—ang aking walang hanggang kabiyak, si Mary. Ginagawa niya ang lahat para mapagsilbihan ako nang buong pagmamalasakit at pagmamahal. Ang kanyang mga kamay ay nagpapaalala sa akin sa magiliw at mapagpalang kamay ng Tagapagligtas. Wala ako rito ngayon kung hindi dahil sa kanya. At dahil kasama ko siya, makapagtitiis ako hanggang wakas at makakapiling siya sa buhay na walang-hanggan.

Kung matindi ang inyong pagdurusa, mag-isa man kayo o kasama ang iba, hinihimok ko kayo na hayaan ninyong ang Tagapagligtas ang maging tagapag-alaga ninyo. Magtiwala sa Kanyang saganang pagmamahal.15 Tanggapin ang Kanyang pagtiyak. “Hindi ko kayo iiwang magisa: ako’y paririto sa inyo,” pangako Niya.16

Mga kapatid, kung hindi pa natin ganap na nagagawa, tayo nawa’y maging higit na mapagpatawad, mabait, at mapagmahal. Kalimutan na natin ang mga di-magagandang saloobin na likas sa tao at ipadama ang pagmamalasakit, pagmamahal, at kapayapaan ni Cristo.17

Kung kayo ay “dumating sa kaalaman ng kaluwalhatian [at kabutihan] ng Diyos”18 gayundin ang “pagbabayad-salang inihanda mula sa pagkakatatag ng daigdig,”19 “hindi kayo maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa. … At hindi ninyo pahihintulutan ang inyong mga anak na … sila ay lumabag sa mga batas ng Diyos, at makipaglaban at makipag-away sa isa’t isa. … Kundi tuturuan ninyo silang … mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa.”20

Bago ang Pagkakapako sa Krus ng Tagapagligtas, itinuro Niya sa Kanyang mga Apostol: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa; kung paanong iniibig ko kayo”21 at “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”22

Pinatototohanan ko na ang tunay na damdamin sa atin ng Tagapagligtas ay nailarawan sa estatwang nililok ni Thorvaldsen na Christus. Patuloy niyang inuunat ang Kanyang mga kamay,23 na nagsasabing, “Halika, sumunod ka sa akin.” Tinutularan natin Siya kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang isa’t isa at sumusunod sa Kanyang mga utos.

Nagpapatotoo ako na Siya ay buhay at nagmamahal sa atin nang ganap. Ito ang Kanyang Simbahan. Si Thomas S. Monson ang Kanyang propeta ngayon sa mundo. Nawa’y mahalin pa nating lalo ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak, at mabawasan ang ating pagdurusa, ang siyang dalangin ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.