2010–2019
“Kung Ako’y Nangakilala Ninyo”
Oktubre 2016


15:42

“Kung Ako’y Nangakilala Ninyo”

May nalalaman lang ba tayo tungkol sa Tagapagligtas, o patuloy pa natin Siyang kinikilala? Paano natin makikilala ang Panginoon?

Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok ng Tagapagligtas, binigyang-diin Niya ang walang hanggang katotohanan na “sa pamamagitan lamang ng paggawa ng kalooban ng Ama matatamo ang nakapagliligtas na biyaya ng Anak.”1

Sinabi niya:

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

“Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

“At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”2

Mas mauunawaan natin ang pahayag na ito kapag pinag-isipan natin ang inspiradong rebisyon sa tekstong ito. Mapapansin na ang sinabi ng Panginoon na nakatala sa King James Version ng Biblia na, “Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala,” ay pinalitan ng “Kailanma’y hindi ninyo ako nakilala” sa Joseph Smith Translation.3

Pag-isipan din ang talinghaga ng sampung dalaga. Alalahanin na ang limang mangmang at hindi nakahandang mga dalaga ay umalis para bumili ng langis para sa kanilang mga ilawan matapos marinig na sasalubungin na ang kasintahang lalaki.

“At samantalang sila’y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.

“Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga [mangmang na] dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.

“Datapuwa’t sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.”4

Ang kahulugan ng talinghagang ito sa bawat isa sa atin ay mas naipaunawa ng isa pang inspiradong rebisyon. Mahalaga na ang pariralang “Hindi ko kayo nangakilala,” na nakatala sa King James Version ng Biblia, ay nilinaw sa Joseph Smith Translation at pinalitan ng “Hindi ninyo ako kilala.”5

Ang pariralang “Kailanma’y hindi ninyo ako nakilala” at “Hindi ninyo ako kilala” ay dapat maging dahilan ng matinding pagsusuri natin sa ating sarili. May nalalaman lang ba tayo tungkol sa Tagapagligtas, o patuloy pa natin Siyang kinikilala? Paano natin makikilala ang Panginoon? Ang mga katanungang ito ng kaluluwa ang pagtutuunan ng aking mensahe. Taimtim kong inaanyayahan ang tulong ng Espiritu Santo habang magkakasama nating isinasaalang-alang ang napakahalagang paksang ito.

Makilala ang Tagapagligtas

Sinabi ni Jesus:

“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.

“Kung ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama.”6

Makikilala natin ang Ama kapag nakikilala natin ang Kanyang Anak.

Ang isang dakilang layunin ng buhay sa mundo ay hindi lamang ang matutuhan ang tungkol sa Bugtong na Anak ng Ama, kundi pagsikapang makilala Siya. Ang apat na mahahalagang hakbang na makatutulong sa atin para makilala ang Panginoon ay pagsampalataya sa Kanya, pagsunod sa Kanya, paglilingkod sa Kanya, at paniniwala sa Kanya.

Pagsampalataya sa Kanya

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay kinapapalooban ng pag-asa sa Kanyang kabutihan, awa, at biyaya.7 Nakikilala natin ang Tagapagligtas kapag sinimulan nating gamitin ang ating mga espirituwal na kakayahan at subukan o sundin ang Kanyang mga turo, maging hanggang mabigyang-puwang natin sa ating mga kaluluwa ang Kanyang mga salita.8 Kapag nadaragdagan ang ating pananampalataya sa Panginoon, magtitiwala tayo sa Kanya at sa Kanyang kapangyarihang tubusin, pagalingin, at palakasin tayo.

Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoon at laging humahantong sa mabuting paggawa. “Ang pananampalataya ang unang alituntunin sa naihayag na relihiyon, … ang batayan ng lahat ng pagkamakatwiran, … at ang alituntunin ng paggawa sa lahat ng marurunong na nilalang.”9 Dahil ang pagkilos nang naaayon sa mga tamang alituntuning inihayag ng Manunubos ay mahalaga sa pagkakaroon at pagpapakita ng tunay na pananampalataya, “ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog [o walang saysay].”10 Kailangan nating “maging tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang.”11

Magkaugnay ang pakikinig sa salita ng Diyos at pagtanggap ng espirituwal na kaloob na pananampalataya sa Tagapagligtas, yamang “ang [pananampalataya’y] nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.”12 Nakikilala natin Siya at ang Kanyang tinig kapag nag-aaral at nagpapakabusog tayo sa Kanyang salita sa mga banal na kasulatan,13 nananalangin sa Ama sa Kanyang pangalan nang may tunay na layunin,14 at hinihingi ang palagiang paggabay ng Espiritu Santo.15 Ang pag-aaral at pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo ay kinakailangan para matanggap ang kaloob na pananampalataya sa Kanya.16

Ang pagsampalataya sa Panginoon ay kinakailangang paghahanda para masunod Siya.

Pagsunod sa Kanya

“At sa paglalakad [ni Jesus] sa tabi ng dagat ng Galilea; ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka’t sila’y mga mamamalakaya.

“At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

“At pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.”17

Sina Pedro at Andres ay magagandang halimbawa ng pakikinig at pagsunod sa Panginoon.

Iniutos din sa atin ng Tagapagligtas: “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.”18 Ang pagpasan sa sariling krus ay pagtanggi sa sarili ng lahat ng masama at makamundong pagnanasa at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.19

Itinuro ng Tagapagligtas na tularan natin Siya.20 Kaya, kabilang sa pagsunod sa Panginoon ang pagtulad sa Kanyang halimbawa. Patuloy nating nakikilala ang Panginoon kapag sinisikap nating maging Katulad Niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Sa Kanyang mortal na ministeryo, ipinakita ni Jesus ang daan na dapat tahakin, namuno, at nagpakita ng perpektong halimbawa. “Ang tamang kaalaman tungkol sa Kanyang pagkatao, pagiging perpekto, at mga katangian”21 ay nagbibigay ng matibay na layunin at malinaw na direksyon habang sinusunod natin Siya sa landas ng pagiging matapat na disipulo.

Ang pagsunod sa Tagapagligtas ay pagtanggap din ng “totoong kaalaman na ang landas na [ating] tinatahak”22 ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Ang kaalamang iyan ay hindi isang hiwagang hindi matutuklasan at hindi ito nakatuon sa mga temporal na gawain o sa mga karaniwang bagay sa buhay na ito. Sa halip, ang matatag at tuluy-tuloy na pag-unlad sa paggawa at pagtupad ng tipan ang uri ng pamumuhay na kalugud-lugod sa Diyos.

Tinukoy sa panaginip ni Lehi sa Aklat ni Mormon ang landas na dapat nating tahakin, ang mga pagsubok na kakaharapin natin, at ang espirituwal na resources na makatutulong sa atin sa pagsunod at paglapit sa Tagapagligtas. Nais Niyang magpatuloy tayo sa makipot at makitid na landas. Ang matikman ang bunga ng puno at maging lubos na “nagbalik-loob sa Panginoon”23 ang mga pagpapalang nais Niyang matanggap natin. Kaya nga, inaanyayahan Niya tayo, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”24

Ang pagsampalataya at pagsunod kay Jesucristo ay parehong mahalagang paghahanda para mapaglingkuran Siya.

Paglilingkod sa Kanya

“Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?”25

Mas lubos nating nakikilala ang Panginoon kapag pinaglilingkuran natin Siya at gumagawa sa Kanyang kaharian. Sa paggawa natin nito, lubos Niya tayong pinagkakalooban ng tulong, mga espirituwal na kaloob, at karagdagang kakayahan. Hindi tayo kailanman mag-iisa sa paggawa sa Kanyang ubasan.

Ipinahayag Niya, “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”26

Nakikilala natin ang Tagapagligtas kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para pumunta kung saan Niya nais tayong pumunta, kapag nagsisikap tayong sabihin ang nais Niyang sabihin natin, at kapag tayo ay nagiging tulad ng nais Niyang kahinatnan natin.27 Kapag mapagpakumbaba nating kinikilala na lubos tayong umaasa sa Kanya, dinaragdagan Niya ang ating kakayahan na makapaglingkod nang mas mahusay. Unti-unti, ang ating mga hangarin ay nagiging mas katulad ng Kanyang mga hangarin, at ang mga layunin Niya ay nagiging mga layunin natin, at “hindi [tayo] hihiling nang salungat sa [Kanyang] kalooban.”28

Ang paglilingkod sa Kanya ay nangangailangan ng ating buong puso, kakayahan, isip, at lakas.29 Dahil dito, napapawi ang karamutan at kasakiman ng likas na tao sa lubos at tapat na paglilingkod sa iba. Natututuhan nating mahalin ang ating mga pinaglilingkuran. At dahil ang paglilingkod sa kapwa ay paglilingkod rin sa Diyos, mas tumitindi ang pagmamahal natin sa Kanya at sa ating mga kapatid. Ang ganitong pagmamahal ay nagpapakita ng espirituwal na kaloob na pag-ibig sa kapwa, na siyang dalisay na pag-ibig ni Cristo.30

“Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay.”31

Nakikilala natin ang Panginoon kapag napupuspos tayo ng Kanyang pagmamahal.

Paniniwala sa Kanya

Posible ba na manampalataya sa Kanya, sumunod sa Kanya, maglingkod sa Kanya, ngunit hindi maniwala sa Kanya?

May kilala akong mga miyembro ng Simbahan na tinatanggap na totoo ang doktrina at mga alituntuning nasa banal na kasulatan at sa mga mensaheng inihayag sa pulpitong ito. Ngunit nahihirapan silang maniwala na ang mga katotohanang iyon ng ebanghelyo ay naaangkop sa kanilang buhay at kalagayan. Tila may pananampalataya sila sa Tagapagligtas, ngunit hindi sila naniniwala na ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala ay matatanggap nila o makatutulong sa kanilang buhay. May nakikilala rin akong mga kapatid na matapat na tumutupad sa kanilang mga tungkulin ngunit hindi lubusang ipinamumuhay ang ipinanumbalik na ebanghelyo at hindi pa nagbabago ang kanilang buhay. Nakikilala natin ang Panginoon kapag hindi lang tayo naniniwala sa Kanya kundi naniniwala rin sa Kanyang mga pangako.

Sa Bagong Tipan, hiniling ng isang ama sa Tagapagligtas na pagalingin ang kanyang anak. Sumagot si Jesus:

“Kung kaya mo! Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.

“Pagdaka’y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi, nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.”32

Pinag-isipan ko nang maraming beses ang kahilingan ng amang ito: “Tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.” Iniisip ko kung ang layunin ng pagsusumamo ng lalaking ito ay hindi lamang para matulungan siyang maniwala kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihang magpagaling. Maaaring kinilala na niya si Cristo bilang Anak ng Diyos. Ngunit marahil ay kailangan niya ng tulong para maniwala na ang kapangyarihang magpagaling ng Panginoon ay talagang para sa bawat indibiduwal at personal na mapagpapala nito ang kanyang sariling pinakamamahal na anak. Maaaring naniwala na siya kay Cristo ayon sa sinasabi ng iba ngunit hindi partikular at personal na naniniwala kay Cristo.

Madalas nating patotohanan ang mga bagay na alam nating totoo, ngunit marahil, ang mas mahalagang tanong ay kung naniniwala tayo sa nalalaman natin.

Ang mga banal na ordenansa na isinasagawa sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood ay kinakailangan para maniwala sa Tagapagligtas, para makilala Siya, at, sa huli, para maniwala sa nalalaman natin.

“At [ang pagkasaserdoteng Melquisedec] ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.

“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”33

Naniniwala tayo sa Panginoon at nakikilala natin Siya kapag ang mga susi ng kaalaman ng Diyos na pinangangasiwaan sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood ay nagbukas ng pinto at ginawang posible para sa bawat isa sa atin na matanggap ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay. Naniniwala tayo sa Tagapagligtas at nakikilala natin Siya kapag sinusunod natin Siya sa pamamagitan ng pagtanggap at pagiging tapat sa mga banal na ordenansa at kapag lalo pang nakikita ang Kanyang larawan sa ating mukha.34 Naniniwala tayo kay Cristo at nakikilala natin Siya kapag nararanasan natin sa ating sarili ang nagpapabago, nagpapagaling, nagpapalakas, at nagpapabanal na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Naniniwala tayo sa Panginoon at nakikilala natin Siya kapag ang “kapangyarihan ng salita [ay tumitimo sa] atin,”35 at nasusulat sa ating puso at isipan,36 at kapag “[tinatalikuran natin] ang lahat ng [ating] kasalanan upang makilala [Siya].”37

Ang maniwala sa Kanya ay pagtitiwala na matatamo at magagamit natin ang Kanyang saganang pagpapala sa ating kani-kanyang buhay at pamilya. Ang maniwala sa Kanya nang buong kaluluwa38 ay nangyayari kapag nagpapatuloy tayo sa paggawa at pagtupad ng mga tipan, isinusuko ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, at nagpapasakop sa Kanyang mga prayoridad at takdang panahon para sa atin. Ang maniwala sa Kanya—ang tanggapin ang Kanyang kapangyarihan at mga pangako—ay nagbibigay ng malinaw na pananaw, kapayapaan, at kagalakan sa ating buhay.

Pangako at Patotoo

Sa hinaharap, “ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanyang harapan”39 na si Jesus ang Cristo. Sa pinagpalang araw na iyon, malalaman natin na kilala Niya ang pangalan ng bawat isa sa atin. At nagpapatotoo at nangangako ako na hindi lang natin malalaman ang tungkol sa Panginoon kundi makikilala rin natin Siya kapag nanampalataya tayo, sumunod, naglingkod, at naniwala sa Kanya. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.