2010–2019
Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus
Oktubre 2016


15:34

Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus

Hindi natin maaaring hayaang lituhin at guluhin ng mga batong katitisuran o mga sagabal ang ating patotoo sa Ama at sa Anak.

Ang buhay na walang hanggan ang pinakadakilang kaloob ng Diyos at ipinagkakaloob ito sa mga tao na “[susundin ang] mga kautusan [ng Diyos] at magtitiis hanggang wakas.”1 Sa kabilang dako, ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit ay ipinagkakait sa mga “hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.”2 May mga sagabal sa ating katapangan na maaaring makahadlang sa pagtatamo natin ng buhay na walang hanggan.3 Ang mga sagabal ay maaaring kumplikado; ipapaliwanag ko.

Maraming taon na ang nakararaan, nagtayo ng isang dampa ang tatay ko sa isang bahagi ng rantso nila kung saan siya lumaki. Ang mga tanawin sa kaparangan ay napakagaganda. Nang malagyan na ng mga dingding ang dampa, bumisita ako. Nagulat ako na ang bintana na may magandang tanawin ay nahaharangan ng isang poste ng kuryente na di-kalayuan sa bahay. Para sa akin, malaking sagabal ito sa napakagandang tanawin.

Poste ng kuryente na tanaw mula sa bintana

Sabi ko, “Itay, bakit hinayaan ninyong ilagay nila ang poste ng kuryente sa tapat mismo ng bintana ninyo?”

Bulalas ng tatay ko, na isang napaka-praktikal at mahinahong tao, “Quentin, ang poste ng kuryenteng iyan ang pinakamagandang bagay para sa akin sa buong rantso!” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: “Kapag tinitingnan ko ang posteng iyan, natatanto ko na, di-tulad noong lumaki ako rito, hindi ko na kailangan pang magsalok ng tubig mula sa bukal papunta sa bahay para magluto, maghugas ng mga kamay, o maligo. Hindi ko na kailangang magsindi ng mga kandila o lampara sa gabi para makabasa. Gusto kong makita ang poste ng kuryenteng iyan sa tapat ng bintana.”

Iba ang pananaw ng tatay ko sa posteng iyon kaysa sa akin. Para sa kanya ang posteng iyon ay sagisag ng maunlad na buhay, ngunit para sa akin ay sagabal iyon sa isang napakagandang tanawin. Mas pinahalagahan ni Itay ang kuryente, liwanag, at kalinisan kaysa sa magandang tanawin. Agad kong naunawaan na bagama’t ang poste ay isang sagabal para sa akin, may praktikal at simbolikong kahulugan ito para sa tatay ko.

Ang isang sagabal ay “isang balakid sa paniniwala o pag-unawa” o “isang hadlang sa pag-unlad.”4 Ang ibig sabihin ng matisod sa espirituwal ay “magkasala o maligaw ng landas.”5 Ang isang batong katitisuran o sagabal ay anumang bagay na gumagambala sa atin sa pagtatamo ng mabubuting mithiin.

Hindi natin maaaring hayaang lituhin at guluhin ng mga batong katitisuran o mga sagabal ang ating patotoo sa Ama at sa Anak. Huwag nating hayaang mangyari sa atin iyan. Kailangang manatiling dalisay at simple ang ating patotoo tungkol sa Kanila tulad ng simpleng pagtatanggol ng tatay ko sa poste ng kuryente sa rantsong kinalakhan niya.

Ano ang ilan sa mga sagabal na lumilito at gumugulo sa ating dalisay at simpleng patotoo tungkol sa Ama at sa Anak at humahadlang sa pagiging matatag natin sa patotoong iyan?

Ang Isang Sagabal ay ang mga Pilosopiya ng Tao

Pinahahalagahan natin ang lahat ng uri ng kaalaman at naniniwala tayo na “ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan.”6 Ngunit alam din natin na ang istratehiyang mas gusto ng kaaway ay ilayo ang mga tao sa Diyos at itulak silang magkasala sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mga pilosopiya ng tao kaysa sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo.

Si Apostol Pablo ay isang matibay na saksi ni Jesucristo dahil sa isang mahimalang karanasan sa Tagapagligtas na nagpabago ng kanyang buhay.7 Ang kakaibang nangyari kay Pablo ay naghanda sa kanya na makipag-ugnayan sa mga tao na iba’t iba ang kultura. Gustung-gusto niya ang “simpleng kaprangkahan” ng mga taga-Tesalonica at ang “magiliw na malasakit” ng mga taga-Filipos.8 Sa simula ay mas nahirapan siyang makipag-ugnayan sa matatalino at marurunong na Griyego. Sa Athens sa Mars’ Hill, tinangka niyang gumamit ng pilosopiya at hindi siya tinanggap. Sa mga taga-Corinto, ipinasiya niyang ituro na lang “ang doktrina ni Cristo na ipinako sa krus.”9 Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

“At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan:

“Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios.”10

Ang ilan sa pinakamagagandang tala sa banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon ay nakapahayag sa I Mga Taga Corinto. Ang isang kabanata—15—ay napansin ng buong mundo sa mga pagtatanghal ng Messiah ni George Frideric Handel.11 May malalim na doktrina roon tungkol sa Tagapagligtas. Sa ikatlong bahagi ng Messiah, na sumunod kaagad sa “Hallelujah Chorus,” karamihan sa ginamit na mga talata sa banal na kasulatan ay nagmula sa I Mga Taga Corinto 15. Sa ilan sa mga talatang ito, maganda ang paglalarawan ni Pablo sa ilan sa mga nagawa ng Tagapagligtas:

“[Sapagka’t] si Cristo nga’y muling binuhay sa mga patay, … [ang] pangunahing bunga ng nangatutulog.

“… Yamang sa pamamagitan ng tao’y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao’y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

“Sapagka’t kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. …

“Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? …

“Datapuwa’t salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.”12

Alam natin na nagkaroon ng Apostasiya dahil na rin sa mas pinahalagahan ang mga pilosopiya ng tao kaysa sa pangunahin at mahalagang doktrina ni Cristo. Sa halip na ituro ang simpleng mensahe ng Tagapagligtas, maraming malinaw at mahalagang katotohanan ang binago o nawala. Katunayan, hiniram ng Kristiyanismo ang ilang pilosopikal na tradisyon ng mga Griyego upang itulad ang mga paniniwala ng mga tao sa kultura sa kanilang paligid. Isinulat ng mananalaysay na si Will Durant: “Hindi sinira ng Kristiyanismo ang paganismo; [hiniram nito ito]. Ang isipang Griego, na namamatay na, ay nagkaroon ng panibagong buhay.”13 Ayon sa kasaysayan, at sa sarili nating panahon, ayaw tanggapin ng ilang tao ang ebanghelyo ni Jesucristo dahil, sa pananaw nila, kulang ito sa intelektuwal na karunungan.

Nang magsimula ang Pagpapanumbalik, marami ang nagpahayag na sinusunod nila ang mga turo ng Tagapagligtas. Itinuring ng maraming bansa ang kanilang sarili na Kristiyano sila. Ngunit maging sa panahong iyon may propesiya na magiging mas mahirap ang panahon natin ngayon.

Si Heber C. Kimball ang isa sa orihinal na Labindalawang Apostol ng dispensasyong ito at Unang Tagapayo kay Pangulong Brigham Young. Nagbabala siya: “Darating ang panahon na … mahihirapan tayong makilala kung sino ang Banal at sino ang kaaway ng mga tao ng Diyos. Sa gayon … mag-ingat sa matinding pagbistay, sapagkat magkakaroon ng matinding pagbibistay, at maraming babagsak.” Sinabi niya sa huli na may “PAGSUBOK na darating.”14

Sa ating panahon, humina nang husto ang impluwensya ng Kristiyanismo sa maraming bansa, pati na sa Estados Unidos. Kapag walang paniniwala sa relihiyon, walang madaramang pananagutan sa Diyos. Kaya nga, mahirap magtatag ng mga pamantayan sa pamumuhay na tanggap ng lahat. Ang mga pilosopiya na labis na pinahahalagahan ay kadalasang magkakasalungat.

Ang malungkot, nangyayari din ito sa ilang miyembro ng Simbahan na naligaw ng landas at naimpluwensyahan ng opinyon ng nakararami—na karamihan ay malinaw na masama.

Kaugnay ng propesiya ni Heber C. Kimball, sinabi ni Elder Neal A. Maxwell noong 1982: “Matinding pagbistay ang mangyayari dahil sa masasamang ugaling hindi pinagsisihan. Ang ilan ay susuko sa halip na magtiis hanggang wakas. Ang ilan ay malilinlang ng mga nag-apostasiya. Gayundin, ang iba ay magdaramdam, dahil may sapat na mga sagabal sa bawat dispensasyon!”15

Ang Isa pang Sagabal ay Pagtangging Ituring na Kasalanan ang Kasalanan

Ang isa sa kakaiba at nakababalisang aspeto ng ating panahon ay na maraming taong nagkakasala ngunit ayaw ituring itong pagkakasala. Ayaw nilang magsisi o ayaw nilang aminin na masama ang kanilang ginawa. Kahit ang ilan na nagsasabing nananalig sila sa Ama at sa Anak ay nagkakamali sa paniniwalang hindi dapat magpataw ng parusa ang isang mapagmahal na Ama sa Langit sa gawaing sumusuway sa Kanyang mga kautusan.

Malinaw na ito ang paniniwala ni Corianton, ang anak ni Nakababatang Alma sa Aklat ni Mormon. Nakagawa siya ng mabigat na kasalanang seksuwal at pinayuhan siya ni Alma. Mapalad tayo na itinala ng dakilang propetang si Alma, na naranasan mismo ang “pinakamadilim na kailaliman [at] kagila-gilalas na liwanag ng Diyos,”16 ang tagubiling ibinigay niya. Sa ika-39 na kabanata ng Alma, mababasa natin kung paano niya pinayuhan ang anak niyang ito na magsisi at pagkatapos ay ipinaliwanag kung paano paparito si Cristo upang alisin ang kasalanan. Nilinaw niya kay Corianton na kailangang magsisi dahil “walang maruming bagay ang maaaring magmana ng kaharian ng Diyos.”17

Ang Alma 42 ay naglalaman ng ilan sa napakagandang doktrina tungkol sa Pagbabayad-sala sa buong banal na kasulatan. Ipinaunawa ni Alma kay Corianton na hindi “kawalang-katarungan na ang makasalanan ay matalaga sa isang kalagayan ng kalungkutan.”18 At itinuro niya na simula kay Adan, isang maawaing Diyos ang naglaan ng “puwang sa pagsisisi” dahil kung walang pagsisisi, “ang dakilang plano ng kaligtasan ay mabibigo.”19 Ipinahayag din ni Alma na ang plano ng Diyos ay isang “plano ng kaligayahan.”20

Napakalinaw ng mga turo ni Alma: “Sapagkat masdan, isinasagawa ng katarungan ang lahat ng kanyang hinihingi, at inaangkin din ng awa ang lahat ng kanya; at sa gayon walang maliligtas kundi ang tunay na nagsisisi.”21 Sa pagkaunawa kung ano talaga ito, ang maluwalhating mga pagpapala ng pagsisisi at pagsunod sa mga turo ng Tagapagligtas ay napakahalaga. Makatwiran ang maging malinaw, tulad ni Alma kay Corianton, tungkol sa mga bunga ng masasamang pasiya at hindi pagsisisi. Madalas ipahayag, “Sa malao’t madali ay aanihin ng lahat ang mga bunga ng kanilang mga pasiya.”22

Ang napakaganda at selestiyal na pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay na sa pagsisisi, mabubura ang mga kasalanan. Pagkatapos magsisi ni Corianton, sinabi ni Alma, “Ang mga bagay na ito ay huwag nang gumulo pa sa iyo, at hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pangbabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi.”23

Ang Pagtingin nang Lampas sa Tanda ay Isang Sagabal

Tinukoy ng propetang si Jacob ang mga sinaunang Judio bilang “mga taong matitigas ang leeg [na] hinamak ang … kalinawan, at pinatay ang mga propeta, at naghangad ng mga bagay na hindi nila maunawaan. Samakatwid, dahil sa kanilang pagkabulag, kung aling pagkabulag na ito ay dumating sa pamamagitan ng pagtingin nang lampas sa tanda, talagang kinakailangan silang bumagsak.”24

Bagama’t maraming halimbawa ng pagtingin nang lampas sa tanda,25 ang isang kapansin-pansin sa ating panahon ay ang pagkapanatiko. Ang ibig sabihin ng pagkapanatiko sa ebanghelyo ay kapag mas pinahalagahan ng isang tao ang anumang alituntunin ng ebanghelyo kaysa iba pang mahahalaga ring alituntunin na sobra o salungat sa mga turo ng mga pinuno ng Simbahan. Ang isang halimbawa ay kapag nagtaguyod ang isang tao ng mga karagdagan, pagbabago, o pagtutuon sa isang bahagi lamang ng Word of Wisdom. Ang isa pa ay ang sobrang paghahanda para sa katapusan ng mundo. Sa dalawang halimbawang ito, nahihikayat ang iba na tumanggap ng personal na mga interpretasyon tungkol dito. “Kapag gagawin natin ang isang batas ng kalusugan o anupamang alituntunin na maging isang uri ng panatismo sa relihiyon, tumitingin tayo nang lampas sa tanda.”26

Tungkol sa mahalagang doktrina, ipinahayag ng Panginoon, “Sinuman ang magpapahayag ng higit o kulang kaysa rito, siya rin ay hindi sa akin.”27 Kapag mas pinahalagahan natin ang anumang alituntunin sa paraang nagpapabawas sa katapatan natin sa iba pang mahahalaga ring alituntunin o sumalungat o sumobra tayo sa mga turo ng mga pinuno ng Simbahan, tumitingin tayo nang lampas sa tanda.

Bukod pa rito, mas pinahahalagahan ng ilang miyembro ang mga layunin, na karamihan ay mabubuti, kaysa sa pangunahing doktrina ng ebanghelyo. Mas inuuna nilang isakatuparan ang kanilang layunin at pumapangalawa lamang dito ang katapatan nila sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo. Kung mas inuuna natin ang anumang bagay kaysa sa katapatan natin sa Tagapagligtas, kung sa mga kilos natin ay kinikilala lamang natin Siya bilang isa pang guro at hindi bilang banal na Anak ng Diyos, sa gayo’y tumitingin tayo nang lampas sa tanda. Si Jesucristo ang tanda!

Nilinaw sa ika-76 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan na ang pagiging “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus”28 ang simple at mahalagang pagsubok sa pagitan ng mga magmamana ng mga pagpapala ng kahariang selestiyal at ng mga mapupunta sa kahariang terestriyal. Upang maging matatag, kailangan nating magtuon sa kapangyarihan ni Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo upang mapagtagumpayan ang kamatayan at, sa pamamagitan ng pagsisisi, malinis tayo mula sa kasalanan, at kailangan nating sundin ang doktrina ni Cristo.29 Kailangan din natin ang liwanag at kaalaman tungkol sa buhay at mga turo ng Tagapagligtas na gagabay sa atin sa pagtupad ng tipan, pati na sa mga sagradong ordenansa sa templo. Dapat tayong maging matatag kay Cristo, magpakabusog sa Kanyang salita, at magtiis hanggang wakas.30

Katapusan

Kung nais nating maging matatag sa ating pagpapatotoo kay Jesus, kailangan nating iwasan ang mga sagabal na pumipigil at humahadlang sa pagsulong ng maraming mararangal na kalalakihan at kababaihan. Pagpasiyahan nating maglingkod sa Kanya palagi. Habang naghahangad ng kaalaman, kailangan nating iwasan ang mga pilosopiya ng tao na nagpapahina sa ating katapatan sa Tagapagligtas. Kailangan nating ituring na kasalanan ang kasalanan at tanggapin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisisi. Kailangan nating iwasang tumingin nang lampas sa tanda at pagtuunan si Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos, at sundin ang Kanyang doktrina.

Itinuring ng tatay ko na isang paraan ang poste para magkaroon ng kuryente, liwanag, at masaganang tubig para sa pagluluto at paglilinis. Isang tuntungan iyon sa pag-unlad ng kanyang buhay.

Sinabi ng isang manunulat na ang mga sagabal ay maaaring gawing “mga tuntungan tungo sa marangal na pagkatao at patungo sa Langit.”31

Para sa atin, ang pagiging matatag sa pagpapatotoo natin kay Jesus ay isang tuntungan sa pagiging karapat-dapat sa biyaya ng Tagapagligtas at sa kahariang selestiyal. Jesucristo ang tanging pangalan sa silong ng langit na makapagliligtas sa atin.32 Lubos kong pinatototohanan ang Kanyang kabanalan at banal na tungkulin sa plano ng Ama. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Notes

  1. Doktrina at mga Tipan 14:7; tingnan din sa Juan 17:3.

  2. Doktrina at mga Tipan 76:79.

  3. Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 16–18.

  4. Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “stumbling block.”

  5. Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, “stumble.”

  6. Doktrina at mga Tipan 93:36.

  7. Tingnan sa Mga Gawa 9:1–9; 26:13–18.

  8. Tingnan sa Frederic W. Farrar, The Life and Work of St. Paul (1898), 319.

  9. Tingnan sa Farrar, Life and Work of St. Paul, 319–20.

  10. I Mga Taga Corinto 2:4–5.

  11. Tingnan sa George Frideric Handel, Messiah, ed. T. Tertius Noble (1912).

  12. I Mga Taga Corinto 15:20–22, 55, 57.

  13. Will Durant, The Story of Civilization, vol. 3, Caesar and Christ (1944), 595.

  14. Heber C. Kimball, sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball (1945), 446.

  15. Neal A. Maxwell, “Be of Good Cheer,” Ensign, Nob. 1982, 68.

  16. Mosias 27:29.

  17. Alma 40:26.

  18. Alma 42:1. Sa doktrina ng mga Banal sa mga Huling Araw, binibigyan ng pagkakataon ang buong sangkatauhan, pati na ang mga taong hindi nakakarinig tungkol kay Cristo sa buhay na ito, mga batang namamatay bago sumapit sa edad ng pananagutan, at mga taong walang pang-unawa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:46–50; 137:7–10).

  19. Alma 42:5.

  20. Alma 42:8.

  21. Alma 42:24. Bigyang pansin na gumamit ang bersyong Inggles ng panlalaking panghalip na pantao para sa katarungan at pambabaeng panghalip na pantao para sa awa.

  22. Robert Louis Stevenson, in Carla Carlisle, “A Banquet of Consequences,” Country Life, Hulyo 6, 2016, 48. Naniniwala si Mrs. Carlisle na kay Robert Louis Stevenson nanggaling ang sipi. Naniniwala ang ilan na iba ang nagsabi nito.

  23. Alma 42:29.

  24. Jacob 4:14.

  25. Sa isang artikulong isinulat ko para sa mga magasin ng Simbahan noong 2003, binigyang-diin ko ang apat na aspeto na maaaring maging sanhi ng espirituwal na pagkabulag at ang sagabal na inilarawan ni Jacob: mga pilosopiya ng tao kapalit ng mga katotohanan ng ebanghelyo, panatismo sa ebanghelyo, mga kabayanihan kapalit ng pang-araw-araw na lubos na paglalaan, at higit na pagpapahalaga sa mga patakaran kaysa sa doktrina (tingnan sa “Pagtingin nang Lampas sa Tanda,” Liahona, Mar. 2003, 21–24).

  26. Quentin L. Cook, “Pagtingin nang Lampas sa Tanda,” Liahona, Mar. 2003, 22.

  27. Doktrina at mga Tipan 10:68.

  28. Doktrina at mga Tipan 76:79.

  29. Tingnan sa 2 Nephi 31:17–21.

  30. Tingnan sa 2 Nephi 31:20–21.

  31. Henry Ward Beecher, sa Tryon Edwards, A Dictionary of Thoughts (1891), 586.

  32. Tingnan sa 2 Nephi 31:21; Mosias 3:17.