“Magsipanahan sa Aking Pag-ibig”
Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman, ngunit ang kahulugan nito para sa bawat isa sa atin ay depende sa kung paano tayo tumutugon sa Kanyang pag-ibig.
Sinasabi sa atin sa Biblia na “ang Dios ay pag-ibig.”1 Siya ang sakdal na huwaran ng pag-ibig, at lubos tayong umaasa sa katapatan ng pag-ibig na iyan para sa lahat ng tao. Sabi nga ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi.”2
Maraming paraan ng paglalarawan at pagtalakay sa banal na pag-ibig. Ang isa sa mga katagang madalas nating marinig ngayon ay “walang kundisyon” ang pag-ibig ng Diyos. Bagama’t sa isang banda ay totoo iyan, ang katagang walang kundisyon ay hindi makikita sa banal na kasulatan. Bagkus, ang Kanyang pag-ibig ay inilarawan sa banal na kasulatan bilang “dakila at kahanga-hangang pag-ibig,”3 “ganap na pag-ibig,”4 “mapagtubos na pag-ibig,”5 at “walang hanggang pag-ibig.”6 Mas mabubuting kataga ang mga ito dahil ang salitang walang kundisyon ay maaaring maghatid ng mga maling ideya tungkol sa banal na pag-ibig, tulad ng, pinalalampas at binibigyang-katwiran ng Diyos ang anumang ginagawa natin dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o hindi tayo pagagawin ng Diyos ng anuman dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o lahat ay maliligtas sa kaharian ng Diyos sa langit dahil ang pag-ibig ng Diyos ay walang kundisyon. Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman, ngunit ang kahulugan nito para sa bawat isa sa atin ay depende sa kung paano tayo tumutugon sa Kanyang pag-ibig.
Sabi ni Jesus:
“Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo: magsipanatili kayo sa aking pagibig.
“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig.”7
Ang ibig sabihin ng “magsipanatili” o “magsipanahan sa” pag-ibig ng Tagapagligtas ay tanggapin ang Kanyang biyaya at maging ganap sa pamamagitan nito.8 Upang matanggap ang Kanyang biyaya, kailangan tayong manampalataya kay Jesucristo at sumunod sa Kanyang mga utos, kabilang na ang pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagpapabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, pagtanggap sa Espiritu Santo, at pagpapatuloy sa pagsunod.9
Lagi tayong iibigin ng Diyos, ngunit hindi Niya tayo maililigtas sa ating mga kasalanan.10 Alalahanin ang sinabi ni Amulek kay Zisrom na hindi ililigtas ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tao sa kanilang mga kasalanan kundi mula sa kanilang mga kasalanan,11 dahil marumi tayo sa kasalanan at “walang maruming bagay ang magmamana ng kaharian ng langit”12 o mananahan sa piling ng Diyos. “At may kapangyarihan [si Cristo] na ibinigay sa kanya ng Ama upang tubusin [ang Kanyang mga tao] mula sa kanilang mga kasalanan dahil sa pagsisisi; kaya nga, isinugo niya ang kanyang mga anghel upang ihayag ang masayang balita na mga itinakda ng pagsisisi, na nagbibigay-daan sa kapangyarihan ng Manunubos, tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa.”13
Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin na ang layon ng pagdurusa ni Cristo—ang pinakasukdulang pagpapakita ng Kanyang pag-ibig—ay “madala ang mga sisidlan ng awa, na nangingibabaw sa katarungan, at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi.
“At sa gayon mabibigyang-kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan, at yayakapin sila ng mga bisig ng kaligtasan, samantalang siya na hindi magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi ay nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan; anupa’t siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos.”14
Ang pagsisisi, kung gayon, ay kaloob Niya sa atin, na binayaran nang napakamahal.
Sasabihin ng ilan na pinagpapala ng Diyos ang lahat ng tao nang walang pagtatangi—na binabanggit, halimbawa, ang sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Pinasisikat [ng Diyos ang] kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.”15 Tama, ibinubuhos nga ng Diyos sa lahat ng Kanyang anak ang lahat ng pagpapalang maibibigay Niya—lahat ng pagpapalang tutulutan ng pag-ibig at batas at katarungan at awa. At iniutos Niya sa atin na maging bukas-palad din tayo:
“Sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa, gawan ng mabuti ang napopoot sa inyo,] at [ipagdasal] ninyo ang sa inyo’y [nanlalait at] nagsisiusig;
“Upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit.”16
Gayon pa man, ang mas dakilang mga pagpapala ng Diyos ay nakabatay sa pagsunod. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang napakagandang handog na pag-ibig ng Diyos—kasama na ang buhay na walang hanggan—ay kinabibilangan ng mga pagpapala na kinakailangang maging karapat-dapat tayo, at hindi mga karapatang aasahan nating basta na lamang matanggap. Hindi maaaring baluktutin ng mga makasalanan ang Kanyang kalooban upang umayon sa kanila at atasan Siyang pagpalain sila sa kanilang kasalanan [tingnan sa Alma 11:37]. Kung ninanais nila na makibahagi sa bawat biyaya sa Kanyang magandang handog, dapat silang magsisi.”17
Bukod pa sa napapawalang-sala at nagiging walang bahid-dungis ang taong nagsisisi sa pangakong siya ay “dadakilain sa huling araw,”18 may pangalawang mahalagang aspeto ng pagtahan sa pag-ibig ng Diyos. Sa pagtahan sa Kanyang pag-ibig, makakamtan natin ang ating buong potensyal, na maging katulad Niya.19 Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Ang biyaya ng Diyos ay hindi basta-basta ipanunumbalik sa atin ang ating dating kawalang-malay. … Ang Kanyang layunin ay mas matayog pa riyan: Nais Niyang maging katulad Niya ang Kanyang mga anak.”20
Ang ibig sabihin ng manahan sa pag-ibig ng Diyos sa aspetong ito ay lubos na pagsunod sa Kanyang kalooban. Ibig sabihin nito ay tanggapin ang Kanyang pagwawasto kapag kailangan, “sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig.”21 Ibig sabihin nito ay ibigin at paglingkuran ang isa’t isa tulad ng pag-ibig at paglilingkod sa atin ni Jesus.22 Ibig sabihin nito ay matutong “[sumunod] sa batas ng isang kahariang selestiyal” upang tayo ay “[makatahan] sa isang kaluwalhatiang selestiyal.”23 Para matulungan Niya tayong maabot ang ating potensyal, sumasamo sa atin ang ating Ama sa Langit na bigyang-daan “ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”24
Sabi ni Elder Dallin H. Oaks: “Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ginawa natin. [Ito ay] isang pagkilala sa huling epekto ng mga pag-iisip at gawa natin—kung ano ang kinahinatnan natin.”25
Ang kuwento tungkol kay Helen Keller ay parang isang talinghaga na naglalarawan kung paano mababago ng banal na pag-ibig ang isang taong handang magbago. Si Helen ay isinilang sa estado ng Alabama sa Estados Unidos noong 1880. Noong siya ay 19 na buwan pa lang, isang sakit na di-maipaliwanag ang dumapo sa kanya na naging dahilan ng kanyang pagkabingi at pagkabulag. Napakatalino niya pero naging bugnutin sa pagsisikap niyang maunawaan at makita ang nasa paligid niya. Nang maramdaman ni Helen ang gumagalaw na mga labi ng mga miyembro ng kanyang pamilya at malaman niya na ginagamit nila ang kanilang bibig para makapagsalita, “nagwala siya [dahil] hindi siya makasali sa usapan.”26 Noong anim na taon si Helen, tumindi nang husto ang pangangailangan niyang makapagsalita at ang kanyang pagkabugnot kaya’t “araw-araw, at kung minsa’y oras-oras siyang nagwawala.”27
Kumuha ng guro ang mga magulang ni Helen para sa kanilang anak, isang babaeng nagngangalang Anne Sullivan. Tulad ni Jesucristo na nakauunawa sa ating mga kahinaan,28 nilabanan ni Anne Sullivan ang sarili niyang matitinding paghihirap at inunawa ang mga kahinaan ni Helen. Sa edad na lima, dinapuan ng sakit si Anne na nagsanhi ng matinding pinsala sa kanyang cornea at halos ikabulag niya ito. Nang walong taon na si Anne, pumanaw ang kanyang ina; sila ng kanyang nakababatang kapatid na si Jimmie ay iniwan ng kanilang ama; at ipinadala sila sa isang “bahay para sa mga maralita,” kung saan napakahirap ng kalagayan kaya namatay si Jimmie makalipas lang ang tatlong buwan. Sa sariling masidhing pagsisikap, nakapasok si Anne sa Perkins School for the Blind na para rin sa mga may kapansanan sa mata, kung saan nagtapos siya nang may karangalan. Luminaw ang kanyang paningin matapos maoperahan sa mata kaya nakabasa na siya ng nakalimbag na materyal. Nang kontakin ng ama ni Helen Keller ang Perkins School para maghanap ng isang taong magiging guro ng kanyang anak, si Anne Sullivan ang napili.29
Hindi iyon magandang karanasan sa simula. “Hinampas, kinurot, at sinipa [ni Helen] ang kanyang guro at binungi ang isang ngipin nito. Sa huli ay nadisiplina [ni Anne si Helen] nang lumipat sila sa isang maliit na kubo sa lupain ng mga Keller. Sa pagtitiyaga at pagiging matatag, nakuha rin niya sa wakas ang pagmamahal at tiwala ng bata.”30 Gayundin, kapag nagtiwala tayo sa halip na sumuway sa ating banal na Guro, matuturuan at matutulungan Niya tayong magbago.31
Para matulungan si Helen na matuto ng mga salita, binabaybay ni Anne ang pangalan ng mga pamilyar na bagay gamit ang kanyang daliri sa palad ni Helen. “Gustung-gusto [ni Helen] itong ‘laro sa daliri,’ ngunit hindi niya ito naunawaan hanggang sa sumapit ang sandali na binaybay [ni Anne] ang salitang ‘t-u-b-i-g’ habang binobombahan niya ng tubig ang kamay [ni Helen]. Isinulat [ni Helen] kalaunan:
“‘Bigla akong nagkaroon ng kamalayan sa isang bagay na tila nalimutan ko na … at nahayag sa akin ang kaalaman tungkol sa wika. Sa gayo’y naunawaan ko na ang “t-u-b-i-g” ay isang bagay na malamig na umaagos sa kamay ko. Ang makabuluhang salitang iyon ay gumising sa aking kaluluwa, binigyan ito ng liwanag, pag-asa, kagalakan, at pinalaya ito! … Lahat ay may pangalan, at bawat pangalan ay naging bagong ideya sa aking isipan. Pagbalik namin sa bahay[,] lahat ng bagay … na hinipo ko ay tila puno ng buhay.’”32
Nang dalaga na si Helen Keller, nakilala siya sa kanyang pagmamahal sa wika, kahusayan bilang manunulat, at galing sa pagsasalita sa publiko.
Sa isang pelikulang naglalarawan sa buhay ni Helen Keller, ipinakita na natuwa ang kanyang mga magulang sa ginawa ni Anne Sullivan nang bumait ang bugnutin nilang anak kaya magalang nang nauupo si Helen sa hapag-kainan, kumakain nang maayos, at itinutupi ang kanyang napkin pagkatapos kumain. Ngunit alam ni Anne na napakarami pang kayang gawin si Helen at mayroon siyang mahalagang maiaambag.33 Magkagayunman, maaaring medyo kuntento na tayo sa nagawa natin sa ating buhay at iniisip na ganito talaga tayo, samantalang nauunawaan ng ating Tagapagligtas ang isang dakilang potensyal na nakikita lamang natin nang “malabo … sa isang salamin.”34 Bawat isa sa atin ay maaaring makadama ng matinding kagalakan sa banal na potensyal na nasa ating kalooban, tulad ng galak na nadama ni Helen Keller nang magkaroon ng kahulugan ang mga salita, na nagbigay ng liwanag sa kanyang kaluluwa at nagpalaya rito. Bawat isa sa atin ay maaaring umibig at maglingkod sa Diyos at mabigyan ng lakas na tulungan ang ating kapwa. “Gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”35
Isipin natin ang dinanas ng Diyos dahil sa pag-ibig Niya sa atin. Inihayag ni Jesus na para mabayaran ang ating mga kasalanan at matubos tayo mula sa kamatayan, kapwa sa pisikal at sa espirituwal, ang Kanyang pagdurusa ay naging dahilan upang ang Kanyang sarili, “maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit.”36 Ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa krus ay mas matindi kaysa makakaya ng sinumang mortal.37 Gayunpaman, dahil sa pag-ibig Niya sa Kanyang Ama at sa atin, nagtiis Siya, at dahil dito, mabibigyan Niya tayo kapwa ng imortalidad at ng buhay na walang hanggan.
Lubhang makahulugan na ang “dugo [ay lumabas] sa bawat pinakamaliit na butas ng balat”38 nang magdusa ang Tagapagligtas sa Getsemani, ang lugar ng pisaan ng mga olibo. Para magkaroon ng langis ng olibo sa panahon ng Tagapagligtas, pinagugulungan muna ng malaking bato ang mga olibo para mapisa. Ang “napisang” olibo ay inilalagay sa malalambot na hinabing basket, na pinagpatung-patong. Ang bigat nito ang nagpipiga ng unang katas ng pinakapurong langis. Pagkatapos ay dinadaganan pa ng malaking kahoy o troso ang patung-patong na basket para magpiga ng mas maraming langis. Sa huli, para mapiga ang pinakahuling katas, pinapatungan ng mga bato ang isang dulo ng kahoy para lalo pa itong makapagpiga.39 At tama, kasing-pula ng dugo ang unang langis na napiga.
Naiisip ko ang salaysay ni Mateo tungkol sa pagpasok ng Tagapagligtas sa Getsemani noong mahalagang gabing iyon—na Siya ay “nagsimulang [m]amanglaw at [m]anglumong totoo. …
“At lumakad siya sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”40
Pagkatapos, naisip ko na nang tumindi pa ang pagdurusa, nagsumamo Siya sa ikalawang pagkakataon na lumampas ito at, sa huli, marahil ay sa pinakasukdulan ng Kanyang pagdurusa, sa ikatlong pagkakataon. Tiniis Niya ang pagdurusa hanggang sa lubos na matugunan ang hinihingi ng katarungan.41 Ginawa Niya ito upang matubos tayo.
Katangi-tanging kaloob ang banal na pag-ibig! Puspos ng pag-ibig na iyon, nagtanong si Jesus, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”42 Magiliw Niyang tiniyak, “Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko; at pinagpala ang mga yaong lumalapit sa akin.”43
Hindi ba ninyo Siya iibigin na unang umibig sa inyo?44 Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos.45 Kakaibiganin ba ninyo Siya na nagbuwis ng Kanyang buhay para sa Kanyang mga kaibigan?46 Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos.47 Mananahan ba kayo sa Kanyang pag-ibig at tatanggapin ang lahat ng ibinibigay Niya sa inyo? Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos.48 Dalangin ko na madama natin ang Kanyang pag-ibig at lubos tayong magsipanahan dito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.