Ang Doktrina ni Cristo
Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ang nagtutulot sa atin na magkaroon ng espirituwal na lakas na magtataas sa atin mula sa kasalukuyan nating espirituwal na kalagayan sa isang kalagayang maaari tayong maging perpektong tulad ng Tagapagligtas.
Ang pagbisita ni Jesus sa mga Nephita matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay ipinlanong mabuti para turuan tayo ng pinakamahahalagang bagay. Nagsimula ito sa pagpapatotoo ng Ama sa mga tao na si Jesus ang Kanyang “Pinakamamahal na Anak, na [labis Niyang] kinalulugdan.”1 Pagkatapos ay bumaba si Jesus at nagpatotoo hinggil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo,2 inaanyayahan ang mga tao na “malaman nang may katiyakan” na Siya ang Cristo sa pamamagitan ng paglapit at paghipo sa marka ng sugat sa Kanyang tagiliran at sa mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa.3 Ang mga patotoong ito ang nagpatibay nang walang pag-aalinlangan na ang Pagbabayad-sala ni Jesus ay naisakatuparan at natupad ng Ama ang Kanyang tipan na magkaloob ng isang Tagapagligtas. Pagkatapos ay tinuruan ni Jesus ang mga Nephita kung paano matamo ang lahat ng mga pagpapala ng plano ng kaligayahan ng Ama, na maaari nating matanggap dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng doktrina ni Cristo.4
Ang mensahe ko ngayon ay nakatuon sa doktrina ni Cristo. Ayon sa mga banal na kasulatan ang kahulugan ng doktrina ni Cristo ay pagsampalataya kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.5
Tinutulutan Tayo ng Doktrina ni Cristo na Matanggap ang mga Pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Cristo
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, makakaasa tayo sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas,”6 “maging ganap [kay Cristo],”7 matamo ang bawat mabuting bagay,8 at makamit ang buhay na walang hanggan.9
Sa kabilang banda, ang doktrina ni Cristo ang paraan—ang tanging paraan—para matanggap natin ang lahat ng mga pagpapalang maaari nating matamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesus. Ang doktrina ni Cristo ang nagtutulot sa atin na magkaroon ng espirituwal na lakas na magtataas sa atin mula sa kasalukuyan nating espirituwal na kalagayan sa isang kalagayang maaari tayong maging perpektong tulad ng Tagapagligtas.10 Tungkol sa prosesong ito ng pagsilang na muli, itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang pagsilang muli, di tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pinakamahalagang] layunin ng mortalidad.”11
Talakayin natin ang bawat elementong bumubuo sa doktrina ni Cristo.
Una, pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Itinuro ng mga propeta na ang pananampalataya ay nagsisimula sa pakikinig sa salita ni Cristo.12 Ang mga salita ni Cristo ay nagpapatotoo sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at nagsasabi sa atin kung paano natin matatanggap ang kapatawaran, mga pagpapala, at kadakilaan.13
Pagkatapos marinig ang mga salita ni Cristo, sumasampalataya tayo sa pamamagitan ng pagpili na sumunod sa mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas.14 Para magawa ito, itinuro ni Nephi na kailangan nating umasa “nang lubos sa mga awa [ni Cristo] na makapangyarihang magligtas.”15 Dahil si Jesus ay isang Diyos sa buhay bago ang buhay sa mundo,16 nabuhay nang walang sala,17 at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay tinugon ang mga hinihingi ng katarungan para sa atin,18 Siya ay may kapangyarihan at mga susi para maisakatuparan ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng tao,19 at ginawa Niyang posible na madaig ng awa ang hinihingi ng katarungan kung tayo ay magsisisi.20 Kapag naunawaan natin na makatatanggap tayo ng awa sa pamamagitan ng kabutihan ni Cristo, nagkakaroon tayo ng “pananampalataya tungo sa pagsisisi.”21 Kung gayon ang lubos na pag-asa sa awa ni Cristo ay pagtitiwala na ginawa Niya ang kinakailangan para maligtas tayo at pagkatapos ay kumilos ayon sa ating paniniwala.22
Dahil sa pananampalataya, hindi na tayo masyadong mag-aalala sa iisipin ng iba at mas aalalahanin natin ang iisipin ng Diyos sa atin.
Pangalawa, pagsisisi. Itinuro ni Samuel, ang Lamanita, “kung kayo ay naniniwala sa [pangalan ni Cristo,] kayo ay magsisisi sa lahat ng inyong kasalanan.”23 Ang pagsisisi ay isang mahalagang kaloob mula sa ating Ama sa Langit na naging posible sa pamamagitan ng sakripisyo ng Kanyang Bugtong na Anak. Ito ang paraang ipinagkaloob ng Ama kung saan binabago, o ibinabaling natin ang ating mga iniisip, ginagawa, at ang ating pagkatao para maging mas katulad tayo ng Tagapagligtas.24 Hindi lamang ito para sa malalaking kasalanan kundi ito ay pang-araw-araw na pagsuri sa sarili at pag-unlad25 na tumutulong sa atin na madaig ang ating mga kasalanan, pagkakamali, kahinaan, at mga pagkukulang.26 Sa pamamagitan ng pagsisisi, tayo ay nagiging “tunay na tagasunod” ni Cristo, na nagpupuspos sa atin ng pag-ibig27 at nag-aalis sa ating mga takot.28 Ang pagsisisi ay hindi isang alternatibong plano kung sakaling mabigo ang ating planong mamuhay nang perpekto.29 Ang tuluy-tuloy na pagsisisi ang tanging paraan na magdadala sa atin ng habambuhay na kagalakan at magbibigay sa atin ng pagkakataon na makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit.
Sa pamamagitan ng pagsisisi, nagiging mapagpakumbaba tayo at masunurin sa kalooban ng Diyos. Ngayon, hindi lang ito ang gagawin. Ang pagkilala sa kabutihan ng Diyos at sa ating pagiging kawalang-kabuluhan,30 lakip ang pagsusumigasig natin na iayon ang ating mga ginagawa sa kalooban ng Diyos,31 ang magdadala ng biyaya sa ating buhay.32 Ang biyaya “ay dakilang tulong o lakas mula sa Diyos, na ibinibigay sa pamamagitan ng saganang awa at pag-ibig ni Jesucristo … para magawa natin ang mabubuting bagay na hindi natin patuloy na magagawa sa sarili nating kakayahan.”33 Dahil ang pagsisisi ay talagang tungkol sa pagiging katulad ng Tagapagligtas, na imposible nating magawa sa sarili nating kakayahan, kailangang-kailangan natin ang biyaya ng Tagapagligtas para magawa ang mga kinakailangang pagbabago sa ating buhay.
Kapag nagsisisi tayo, binabago natin ang mga dati at di-mabubuting pag-uugali, kahinaan, kamalian, at takot at ipinapalit dito ang mabubuti at bagong pag-uugali at mga paniniwala na maglalapit sa atin sa Tagapagligtas at tutulong sa atin na maging katulad Niya.
Pangatlo, binyag at ang sakramento. Itinuro ng propetang si Mormon na “ang unang bunga ng pagsisisi ay binyag.”34 Para makumpleto, ang pagsisisi ay dapat samahan ng ordenansa ng binyag na isinasagawa ng isang taong mayhawak ng awtoridad ng priesthood ng Diyos. Para sa mga miyembro ng Simbahan, ang mga tipang ginawa sa binyag at sa iba pa ay pinaninibago natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento.35
Sa mga ordenansa ng binyag at sakramento, nakikipagtipan tayo na susundin natin ang mga kautusan ng Ama at ng Anak, palaging aalalahanin si Cristo, at magiging handang taglayin ang pangalan ni Cristo (o gawin ang Kanyang gawain at taglayin ang Kanyang mga katangian36) sa ating mga sarili.37 Ang Tagapagligtas ay nakikipagtipan din sa atin na magpapatawad, o aalisin, ang ating mga kasalanan38 at “ibu[bu]hos nang higit na masagana [sa atin] ang Kanyang Espiritu.”39 Ipinangako rin ni Cristo na ihahanda Niya tayo para sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na maging katulad Niya.40
Isinulat ni Douglas D. Holmes, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency: “Kapwa isinisimbolo ng mga ordenansa ng binyag at sakramento ang kahihinatnan at proseso ng pagsilang muli. Sa binyag, tinatalikuran natin ang dating mga gawi at nagsisimula ng panibagong buhay.41 Sa sakramento, nalaman natin na ang pagbabagong ito ay dahan-dahan, [kung saan nagiging katulad tayo ni Cristo nang] paunti-unti, at linggu-linggo kapag tayo ay nagsisisi, nakikipagtipan, at sa pamamagitan ng mga karagdagang tulong ng Espiritu.”42
Ang mga ordenansa at tipan ay kinakailangan sa doktrina ni Cristo. Kapag karapat-dapat nating tinanggap ang mga ordenansa ng priesthood at tinupad ang kalakip na mga tipan nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita sa ating buhay.43 Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson na ang “‘kapangyarihan ng kabanalan’ na ito ay dumarating sa tao at sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo.”44
Pang-apat, ang kaloob na Espiritu Santo. Pagkatapos ng binyag, tayo ay binibigyan ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon.45 Ang kaloob na ito, kung matatanggap natin, ay pinahihintulutan tayong makasama palagi ang isang Diyos46 at maaaring patuloy na makatanggap ng biyaya na dala ng Kanyang impluwensya.
Dahil palagi nating kasama, binibigyan tayo ng Espiritu Santo ng dagdag na kapangyarihan o lakas para matupad natin ang ating mga tipan.47 Pinababanal din Niya tayo,48 na ibig sabihin ay pagiging “malaya mula sa kasalanan, pagiging dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo.”49 Ang proseso ng pagpapabanal ay hindi lang tayo nililinis, kundi binibigyan din tayo ng mga kailangang espirituwal na kaloob o banal na katangian ng Tagapagligtas50 at binabago ang likas nating pagkatao,51 upang tayo ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama.”52 Tuwing tinatanggap natin ang Espiritu Santo sa ating buhay sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, mga ordenansa, paglilingkod na tulad ng kay Cristo, at iba pang mabubuting gawain, nagbabago tayo at unti-unting nagiging katulad ni Cristo.53
Panglima, pagtitiis hanggang wakas. Itinuro ng propetang si Nephi na pagkatapos matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, kailangan nating “magtiis hanggang wakas, sa pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay.”54 Inilarawan ni Elder Dale G. Renlund ang proseso ng pagtitiis hanggang wakas sa ganitong paraan: “Maaari tayong maging sakdal kung paulit-ulit at palagi tayong … nananampalataya [kay Cristo], nagsisisi, nakikibahagi ng sakramento para panibaguhin ang ating mga tipan at pagpapala ng binyag, at tumatanggap ng Espiritu Santo upang makasama natin nang mas palagian. Kapag ginawa natin ito, higit tayong nagiging katulad ni Cristo at nakakatiis hanggang wakas.”55
Sa madaling salita, ang pagtanggap ng Espiritu Santo at ang pagbabagong naidudulot sa atin ng pagtanggap na iyon ay mas nagpapatatag ng ating pananampalataya. Ang mas malakas na pananampalataya ay humahantong sa dagdag na pagsisisi. Sa masimbolong pag-aalay ng ating mga puso at mga kasalanan sa dambana ng sakramento, lalo tayong makatatanggap ng patnubay ng Espiritu Santo. Kapag lalo nating natanggap ang patnubay ng Espiritu Santo mahihikayat tayong sumulong pa sa landas ng pagsilang muli. Kapag nagpatuloy tayo sa prosesong ito at natamo ang lahat ng nakapagliligtas na mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo, tatanggap tayo ng “biyaya sa biyaya” hanggang sa matanggap natin ang kabuuan o kaganapan.56
Kailangan Nating Ipamuhay ang Doktrina ni Cristo
Mga kapatid, kapag ipinamuhay natin ang doktrina ni Cristo, tayo ay temporal at espirituwal na pinagpapala, maging sa mga panahong sinusubukan tayo. Sa huli ay magagawa nating “[manangan] sa bawat mabuting bagay.”57 Pinatototohanan ko na ang prosesong ito ay nangyari at patuloy at unti-unting nangyayari sa aking buhay.
At ang mas mahalaga, kailangan nating ipamuhay ang doktrina ni Cristo dahil itinuturo nito ang tanging daan pabalik sa ating Ama sa Langit. Ito lamang ang tanging daan para tanggapin ang Tagapagligtas at maging Kanyang mga anak.58 Katunayan, ang tanging paraan para matubos mula sa kasalanan at espirituwal na umunlad ay ipamuhay ang doktrina ni Cristo.59 Sa kabilang dako, itinuro ni Apostol Juan na “sinumang … hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios.”60 At si Jesus mismo ang nagsabi sa Labindalawang Nephita na kung hindi tayo mananampalataya kay Cristo, magsisisi, magpapabinyag, at magtitiis hanggang wakas, tayo ay “[puputulin] at ihahagis sa apoy, kung saan [tayo] ay hindi na makababalik pa.”61
Kaya paano natin mas lubos na maipamumuhay ang doktrina ni Cristo? Ang isang paraan ay maghanda bawat linggo para sa sakramento sa pamamagitan ng paglalaan ng oras para mapanalanging mapag-isipan kung anong bagay ang pinakakailangan nating mas pagbutihin. Pagkatapos ay maihahain natin sa dambana ng sakramento ang kahit isang bagay na humahadlang sa atin na maging katulad ni Jesucristo, nagsusumamo nang may pananampalataya na tulungan tayo, humihingi ng kailangang mga espirituwal na kaloob, at nakikipagtipang magiging mas mabuti sa darating na linggo.62 Kapag ginawa natin ito, lalo tayong papatnubayan ng Espiritu Santo sa ating buhay, at magkakaroon tayo ng dagdag na lakas para mapagtagumpayan ang ating mga kahinaan.
Nagpapatotoo ako na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo at tanging ang Kanyang pangalan lamang ang makapagliligtas sa atin.63 Ang lahat ng mabubuting bagay ay matatamo lamang natin sa pamamagitan Niya.64 At upang tiyak na “[manangan] sa bawat mabuting bagay,”65 pati na sa buhay na walang hanggan, kailangan nating patuloy na ipamuhay ang doktrina ni Cristo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.