Para sa Ating Espirituwal na Pag-unlad at Pagkatuto
Ang mga hiwaga ng Diyos ay mailalahad lamang sa atin ayon sa Kanyang kalooban at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Noong bata pa ako, may regalong natanggap ang mga magulang ko na nagustuhan namin ng nakababata kong kapatid na si David. Ang regalo ay isang miniature model ng mga laminang ginto na natanggap ni Propetang Joseph Smith mula sa anghel na si Moroni. Naaalala ko na ang model plates ay may 10 o mahigit na pahinang metal na may mga salitang nakasulat dito. Gayunman, hindi ang mga pahinang iyon ang napagtuunan namin ng pansin.
Nakalakhan na namin ang pakikinig sa mga kuwento tungkol sa Panunumbalik. Alam namin at kinakanta namin sa Primary ang tungkol sa mga laminang ginto na nakabaon nang malalim sa isang burol at ibinigay ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith.1 Bilang mga batang mausisa, may isang bagay na talagang gusto naming makita: ano ang nakasulat sa maliit na bahagi ng model plates na mahigpit na nasasarhan ng dalawang maliliit na metal band?
Ang model plates ay nakapatong sa isang maliit na mesa nang ilang araw at ang pagkamausisa namin ang nagtulak sa amin na gawin ang isang bagay. Bagama’t malinaw na nauunawaan namin na ang mga ito ay hindi ang totoong mga lamina na ibinigay ni Moroni, gusto naming makita ang bahaging mahigpit na nakasara. Kaya sa ilang pagkakataon, sinubukan naming magkapatid gamit ang mga butter knife, lumang kutsara at ano mang bagay para mabuksan nang bahagya ang laminang nakasara at makita ang nakasulat dito—pero hindi ang buo nito para hindi masira ang maliliit na metal band. Hindi rin kami nag-iwan ng anumang bakas na pilit naming binubuksan iyon. Nadismaya at nalungkot kami dahil hindi namin kailanman “nabuksan ang mga lamina.
Hindi ko pa rin alam—kung may anumang—nakatago sa bahaging iyon na mahigpit na nakasara. Ngunit ang nakakahiyang bahagi ng aming kuwento ay hanggang sa araw na ito, wala akong ideya kung ano ang nakasulat sa bahaging iyon ng mga metal na pahina na dapat talagang mabasa. Ang naiisip ko lang ay naglalaman ang mga pahinang ito ng mga salaysay tungkol sa Panunumbalik at mga patotoo ni Joseph Smith at ng Tatlo at Walong Saksi, na nakakita sa totoong mga lamina na ibinigay ni Moroni.
Simula sa Paglikha ng mundong ito, pinatnubayan, pinamunuan, at tinagubilinan na ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta. Ang Kanyang mga salita ay itinala ng mga propetang ito at iningatan bilang banal na kasulatan para sa ating pag-unlad at ikatututo. Ganito ang sinabi ni Nephi:
“Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon, at isinulat ang mga yaon para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak.
“Masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon; at ang aking puso ay patuloy na nagbubulay sa mga bagay na aking nakita at narinig.”2
Bukod pa rito, sa mga nakaraang dispensasyon at sa huling dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon, napagpala ang mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ng Panginoon ng palagiang paggabay ng Espiritu Santo, na tumutulong sa ating espirituwal na pag-unlad at pagkatuto.
Dahil kilala kong masigasig ang aking nakababatang kapatid, naisip ko na malamang na nabasa niya ang lahat ng mga salitang nakasulat sa model plates sa tahanan ng aming mga magulang. Ako, gayunman, ay hindi pinansin ang malilinaw at mahahalagang katotohanan at sa halip ay sinikap na hanapin ang mga bagay na iyon na hindi pa naipahahayag.
Nakalulungkot na ang ating pag-unlad at pagkatuto ay napapabagal o napapahinto kung minsan ng ating hindi tamang hangarin na pwersahing “buksan ang mga lamina.” Ang paggawa nito ay maaaring humantong sa paghahanap natin ng mga bagay na hindi naman kailangang maunawaan sa panahong ito, gayong buong panahong binabalewala ang magagandang katotohanan na sadyang para sa atin at sa kalagayan natin—mga katotohanan na sinabi ni Nephi na isinulat para sa ating ikatututo at kapakinabangan.
Itinuro ng kapatid ni Nephi na si Jacob: “Masdan, dakila at kagila-gilalas ang mga gawain ng Panginoon. O kayhirap tarukin ang kalaliman ng kanyang mga hiwaga; at hindi maaaring malaman ng tao ang lahat ng kanyang pamamaraan.”3
Itinuro sa atin ng mga salita ni Jacob na hindi natin mapupwersang “buksan ang mga lamina” o mapipilit na ipahayag sa atin ang mga hiwaga ng Diyos. Sa halip, ang mga hiwaga ng Diyos ay mailalahad lamang sa atin ayon sa Kanyang kalooban at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.4
Sinabi pa ni Jacob:
“At walang sino man ang nakaaalam ng kanyang mga pamamaraan maliban kung ipahahayag ito sa kanya; kaya nga, mga kapatid, huwag hamakin ang mga paghahayag ng Diyos.
“Sapagkat masdan, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita ay nalikha ang tao sa ibabaw ng mundo. … O ngayon, bakit hindi magagawang utusan ang mundo, o ang likha ng kanyang mga kamay sa ibabaw nito, alinsunod sa kanyang kalooban at kasiyahan?
“Kaya nga, mga kapatid, huwag hangaring pagpayuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay.”5
Upang maunawaan ang mga hiwaga ng Diyos, o ang mga bagay na iyon na mauunawaan lamang sa pamamagitan ng paghahayag, dapat nating tularan ang halimbawa ni Nephi, na nagsabing, “[Ako] na lubhang bata pa, gayunman ay may malaking pangangatawan, at sapagkat mayroon ding matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon; at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama.”6 Sinabi mismo ng Panginoon na si Nephi ay nanampalataya, naghanap nang buong pagsisikap at nang may kapakumbabaan ng puso, at sumunod sa Kanyang mga kautusan.7
Kasama sa halimbawa ni Nephi ng paghahanap ng kaalaman ang (1) tapat na hangarin, (2) pagpapakumbaba, (3) panalangin, (4) pagtitiwala sa mga propeta, at (5) pananampalataya, (6) pagsusumigasig, at (7) pagsunod. Ang paraang ito ng paghahanap ay may malaking kaibhan sa pagpipilit kong “buksan ang mga lamina” o pagpipilit na maunawaan ang mga bagay na nilayong ipahayag ayon sa takdang panahon ng Panginoon at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Sa makabagong panahong ito, inaasahan natin na maaari at dapat matamo agad ang kaalaman; kapag ang impormasyon ay hindi madaling matuklasan o makuha, madalas itong balewalain o pag-alinlanganan. Dahil sa dami ng impormasyon, may mga taong mas nagtitiwala sa mga madaling makuhang sources o materyal na hindi alam ang tunay na pinagmulan nito sa halip na umasa sa ibinigay na paraan ng Panginoon sa pagtanggap ng personal na paghahayag. Tila inilalarawan ni Jacob ang ating panahon nang sabihin niya: “Subalit masdan, [sila] ay mga taong matitigas ang leeg; at hinamak nila ang mga salita ng kalinawan … at naghangad ng mga bagay na hindi nila maunawaan. Samakatwid, dahil sa kanilang pagkabulag, kung aling pagkabulag na ito ay dumating sa pamamagitan ng pagtingin nang lampas sa tanda, talagang kinakailangan silang bumagsak; sapagkat inalis ng Diyos ang kanyang kalinawan mula sa kanila, at ibinigay sa kanila ang maraming bagay na hindi nila maunawaan, sapagkat ito ang ninais nila.”8
Kabaligtaran ito nang ipinayo ni Pangulong Dieter F.Uchtdorf. Nagsalita siya tungkol sa mga missionary, ngunit angkop din ang mga sinabi niya sa lahat ng naghahanap ng espirituwal na katotohanan. “Kapag … may pananampalataya ang mga missionary kay Jesucristo,” sinabi niya, “lubos silang magtitiwala sa Panginoon kaya susundin nila ang Kanyang mga kautusan—kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito. Ang kanilang pananampalataya ay makikita sa kanilang sigasig at paggawa.”9
Nitong nakaraang pangkalahatang kumperensya ng Abril, ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks: “Ang Simbahan ay lubos na nagsisikap na maipaalam sa inyo ang mga rekord na nasa atin, ngunit matapos ang lahat ng paglalathala, ang mga miyembro natin kung minsan ay naiiwang nagtatanong tungkol sa mga bagay na hindi malulutas sa pag-aaral. … May mga bagay na matututuhan lamang sa pamamagitan ng pananampalataya.”10
Itinuro ng mga sinaunang propeta ang ganito ring alituntunin, ipinapakita na sa paglipas ng panahon ang ugali ng tao ay hindi nagbago at ang paraan ng Panginoon para matuto ay angkop sa lahat ng panahon. Isipin ang kawikaang ito sa Lumang Tipan: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.”11
Ipinaliwanag ni Isaias, na nagsasalita para sa Panginoon, “Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip.”12
Isa pang patotoo ang idinagdag ni Nephi nang sabihin niya, “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman.”13
Hinihingi sa atin ng pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon na kilalanin natin na ang Kanyang karunungan ay lalong nakahihigit sa ating karunungan. Dapat din nating kilalanin na ang Kanyang plano ay nagbibigay ng pinakamalaking potensyal para sa espirituwal na pag-unlad at pagkatuto.
Tayo ay hindi inaasahang “[magkaroon] ng ganap na kaalaman sa mga bagay” sa buhay na ito. Sa halip, tayo ay inaasahang “umasa sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo.”14
Bagama’t may malaking pananampalataya si Nephi, kinilala niya ang kanyang limitadong pag-unawa nang tumugon siya sa anghel na nagtanong sa kanya, “Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?” Sumagot si Nephi, “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.”15
Tulad niyon, sinabi ni Alma sa kanyang anak na si Helaman, “Ngayon, ang mga hiwagang ito ay hindi pa ganap na ipinaalam sa akin; kaya nga, ako ay magpipigil.”16
Pinatototohanan ko na mahal ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, gayon pa man, tulad nina Nephi at Alma, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay. At hindi ko rin kailangang malaman ang lahat ng bagay. Ako rin ay magpipigil at matiyagang maghihintay sa Panginoon, nalalaman na “taglay ko ang lahat ng bagay bilang patotoo na ang mga bagay na ito ay totoo; at taglay mo rin ang lahat ng bagay bilang patotoo sa iyo na ang mga ito ay totoo. …
“… Ang mga banal na kasulatan ay nakalahad sa iyong harapan, oo, at ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha.”17
Yamang kinikilala natin na tayo ay nilikha ng isang matalino at mapagmahal na Ama sa Langit, “O ngayon,” bakit hindi natin Siya hayaang gabayan ang ating espirituwal na pag-unlad at pagkatuto “alinsunod sa kanyang kalooban at kasiyahan” sa halip na ayon sa sarili nating kasiyahan?18
Siya ay buhay. Si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak at ang Manunubos ng sangkatauhan. Dahil sa walang hanggang Pagbabayad-sala ni Cristo, Siya ay nagtataglay ng karunungan at kaalaman sa mga mangyayari sa hinaharap na gagabay sa atin sa mga huling araw na ito. Si Joseph Smith ay Kanyang propeta, na pinili upang ipanumbalik ang kabuuan ng Kanyang kaharian sa lupa. Si Thomas S. Monson ang Kanyang buhay na propeta at tagapagsalita sa panahong ito. Taos-puso ko itong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.