2010–2019
Isang Saksi ng Diyos
Oktubre 2016


15:42

Isang Saksi ng Diyos

Ang payo ko ay huwag na kayong gaanong makonsensiya kung sa palagay ninyo ay hindi ninyo nagawang lubos ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa halip ay manalangin na “tumayo bilang [isang] saksi ng Diyos.” Mas matinding motibasyon ito kaysa sa makonsensiya.

Karamihan sa mahalagang gawain ng Diyos ay hindi napapansin ng karamihan sa mundo. Anim na siglo bago isilang si Cristo ay nariyan na ang mga tinitingala at bantog na sina Confucius sa China at si Buddha sa Silangang India, ngunit ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ay na kay Daniel, ang propetang bihag noong panahon ng pamumuno ng hari ng Babilonia na si Nabucodonosor.

Dahil nabagabag ng kanyang panaginip noong gabi, iniutos ni Haring Nabucodonosor sa kanyang mga mahiko at mga enkantador na sabihin sa kanya ang kanyang panaginip at ang kahulugan nito. Siyempre pa, hindi nila masabi sa hari ang panaginip, at nangatwiran sila. “Walang tao sa ibabaw ng lupa na [magagawa iyan, ni walang hari na magtatanong] ng ganyang bagay.”1 Nagalit si Haring Nabucodonosor dahil dito at galit na iniutos na patayin ang lahat ng kanyang tagapayo.

Si Daniel, na isa sa matatalinong tao ng hari, ay nanalangin para sa “kaawaan [ng] Dios … tungkol sa lihim na ito.”2

Nangyari ang isang himala. Ang lihim ng panaginip ng hari ay naihayag kay Daniel.

Si Daniel ay dinala sa harapan ng hari. “Maipaaaninaw mo baga sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon?”

Sumagot si Daniel:

“[Ang] mga pantas na tao, mga enkantador, mga mahiko [ay hindi masasabi sa iyo ang napanaginipan mo]. …

“Nguni’t may isang Dios sa langit na [kayang maghayag ng mga bagay na ito at Siya ang] [m]agpapaaninaw sa haring Nabucodonosor ng mga mangyayari sa mga huling araw. …

“Ang Dios sa langit,” sabi ni Daniel, “[ay maglalagay] ng isang kaharian, [isang bato na tinibag hindi ng mga kamay, na magiging isang malaking bundok na pupuno sa buong mundo,] na hindi magigiba kailan man … [kundi] lalagi magpakailan man.

“… Ang panaginip,” sabi ni Daniel, “ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao’y tapat.”3

Nang maipaliwanag na ang kanyang panaginip at naibigay na ang kahulugan nito, mariing sinabi ng hari, “Ang inyong Dios ay Dios ng mga dios, at Panginoon ng mga hari.”4

Mula sa mahimalang pagtulong ng Diyos kay Daniel ay naipakita ang ipinropesiya na panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo, isang kaharian na pupuno sa buong mundo, “na hindi magigiba kailan man … [kundi] lalagi magpakailan man.”

Ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa mga huling araw ay kaunti lamang, gaya ng ipinropesiya ni Nephi, ngunit hindi magtatagal ay makikita sila sa lahat ng dako ng mundo, at ang kapangyarihan at mga ordenansa ng priesthood ay tatanggapin ng lahat ng magnanais sa mga ito, at pupunuin ang mundo tulad nang ibinadya ni Daniel.5

Noong 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na ito: “Ang mga susi ng kaharian ng Diyos [at ang pagtitipon ng Israel mula sa apat na sulok ng mundo] ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.”6

Responsibilidad Nating Lahat

Ang pagtitipon ng Israel ay isang himala. Ito ay isang parang malaking puzzle na ang mga piraso ay mabubuo bago ang maluwalhating kaganapan ng Ikalawang Pagparito. Tulad ng nakakalito para sa atin ang pagbubuo ng malaking puzzle, maaaring inisip din ng mga Banal noon na parang imposibleng magawa ang utos na ipalaganap ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong mundo. Ngunit nagsimula sila, nang paisa-isa, gaya ng paisa-isang paglalagay ng piraso ng puzzle, hinahanap ang mga tuwid na mga gilid, sinisikap na mabuo nang tama ang banal na gawaing ito. Unti-unti, ang batong tinibag hindi ng mga kamay ay lumaki, mula sa daan-daan hanggang naging libu-libo, at ngayon ay milyun-milyong mga pinagtipanang Banal sa mga Huling Araw sa bawat bansa ang idinurugtong ang mga piraso ng puzzle ng kagilala-gilalas at kamangha-manghang gawaing ito.

Isang napakalaking puzzle

Bawat isa sa atin ay isang piraso ng puzzle, at bawat isa sa atin ay tumutulong na mailagay ang iba pang mahahalagang piraso. Mahalaga kayo sa dakilang layuning ito. Malinaw na ang ating tinatanaw. Nakikita natin ang pagpapatuloy ng himala at ang paggabay ng Panginoon habang pinupunan natin ang mga natitirang puwang. Pagkatapos, “ang dakilang Jehova ay magsasabing ang gawain ay naganap na,”7 at Siya ay magbabalik sa karingalan at kaluwalhatian.

Bawat isa sa atin ay bahagi ng puzzle

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa … upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. … Tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain.”8

Ang responsibilidad na itinakda ng Diyos na dating nakaatang lamang sa mga full-time missionary ay nakaatang na sa ating lahat. Gusto nating lahat na ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at nagpapasalamat na libu-libo ang nabibinyagan bawat linggo. Ngunit sa kabila ng napakagandang pagpapalang ito, ang malasakit natin sa ating mga kapatid at hangaring mapasaya ang Diyos ay matinding naghihikayat sa atin na ibahagi at patatagin ang kaharian ng Diyos sa buong mundo.

Ang Hangganan ng Pagkabagabag ng Konsensiya

Bagama’t matindi ang pagnanais ninyo na ibahagi ang ebanghelyo, maaaring hindi kayo gaanong masaya sa resulta ng pagsisikap ninyo noon. Maaaring katulad ka ng isang kaibigan na nagsabing, “Nakausap ko na ang pamilya ko at mga kaibigan tungkol sa Simbahan, pero kaunti lang ang nagpakita ng interes, at sa tuwing tatanggi sila, lalo akong nag-aalangan. Alam ko na kailangang may gawin pa ako, pero hindi ko ginawa, kaya nakokonsensiya talaga ako.”

Tingnan ko kung paano ako makakatulong.

Mahalagang makonsensiya tayo dahil ipinapaalala sa atin nito na may dapat tayong baguhin, pero hindi laging nakakatulong ang makonsensiya.

Ang nababagabag na konsensiya ay parang baterya sa kotseng pinapaandar ng gasolina. Maiilawan nito ang sasakyan, mapapaandar ang makina, at mapapailaw ang mga headlight, pero hindi ito ang gasolinang magpapaandar sa sasakyan para sa mahabang paglalakbay. Ang baterya, kung walang kasama, ay hindi sapat. Gayundin ang konsensiya.

Ang payo ko ay huwag na kayong gaanong makonsensiya kung sa palagay ninyo ay hindi ninyo nagawang lubos ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa halip, ipagdasal na mabigyan kayo ng mga oportunidad, tulad ng itinuro ni Alma, na “tumayo bilang [isang] saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar … nang [ang iba] ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, [at] magkaroon ng buhay na walang hanggan.”9 Mas matinding motibasyon ito kaysa sa makonsensiya.

Ang maging saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar ay nagpapakita ng klase ng pamumuhay at pananalita natin.

Hayagang ipahayag ang pananampalataya ninyo kay Cristo. Kapag may pagkakataon, magsalita tungkol sa Kanyang buhay, mga turo, at ang walang kapantay na handog Niya para sa lahat ng tao. Ibahagi ang Kanyang nakaaantig na mga katotohanan mula sa Aklat ni Mormon. Ibinigay Niya sa atin ang pangakong ito: “Ang bawa’t kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko … sa harap ng aking Ama … sa langit.”10 Ipinapangako ko sa inyo na kapag madalas at taimtim ninyong ipinagdarasal na bigyan kayo ng mga pagkakataong “maging saksi ng Diyos,” darating ang mga pagkakataong iyon, at ang mga naghahanap ng karagdagang liwanag at kaalaman ay ilalapit sa inyo. Kapag sinunod ninyo ang mga espirituwal na pahiwatig, dadalhin ng Espiritu Santo ang inyong mga salita sa puso ng ibang tao, at balang araw kikilalanin kayo ng Tagapagligtas sa harap ng Kanyang Ama.

Gawaing Pinagtutulungan

Ang espirituwal na gawaing tulungan ang isang tao na lumapit sa kaharian ng Diyos ay gawaing pinagtutulungan. Hingin kaagad ang tulong ng mga missionary hangga’t maaari, at humingi ng tulong sa Diyos. Ngunit alalahanin, ang tamang oras para mapabalik-loob ang isang tao ay hindi lubusang nakasalalay sa inyo.11

Si Kamla Persand ay mula sa isla ng Mauritius at nag-aaral ng medisina sa isang paaralan sa Bordeaux, France, nang makilala namin siya noong Pebrero, 1991. Ipinagdasal namin ng pamilya ko na makapagbahagi kami ng ebanghelyo sa isang taong naghahanap ng katotohanan, at tinuruan namin siya sa aming tahanan. Ako ang nabigyan ng pribilehiyong magbinyag sa kanya, pero hindi kami ang nakaimpluwensya nang malaki sa pagsapi ni Kamla sa Simbahan. Ang mga kaibigan, missionary, at pati mga miyembro ng pamilya ay naging “mga saksi ng Diyos” sa kanyang bansa, at isang araw sa France, nang dumating na ang tamang panahon para kay Kamla, nagdesisyon siyang magpabinyag. Ngayon, pagkatapos ng 25 taon, ang mga pagpapalang idinulot ng desisyong iyon ay nakapalibot sa kanya, at ang kanyang anak ay isa nang missionary sa Madagascar.

Si Kamla Persand at ang kanyang pamilya

Nawa’y huwag ninyong isipin na ang pagbabahagi ninyo sa iba ng pagmamahal ng Tagapagligtas ay parang grado sa paaralan na maaari kayong pumasa o bumagsak, depende sa magiging tugon ng mga kaibigan ninyo sa nararamdaman o sa paanyaya ninyo na ipakilala sa kanila ang mga missionary.12 Sa ating pananaw bilang tao, hindi natin masusukat ang ating mga pagsisikap, hindi rin natin maitatakda ang tamang panahon. Kapag ibinahagi ninyo sa iba ang pagmamahal ng Tagapagligtas, ang grado ninyo ay palaging A+.

May mga pamahalaan na nagbabawal sa gawaing misyonero, na naghikayat sa ating mga miyembro na mas magpakita ng tapang na “maging mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.”

Si Nadezhda na taga-Moscow ay madalas na nagbibigay sa iba ng Aklat ni Mormon na nakalagay sa kahong panregalo na sinasamahan niya ng maraming kendi. “Sinasabi ko sa kanila,” sabi niya, “iyan ang pinakamatamis na regalong maibibigay ko sa kanila.”

Hindi nagtagal matapos mabinyagan sa Ukraine, naisip ni Svetlana na ibahagi ang ebanghelyo sa isang tao na madalas niyang nakikita sa bus. Nang bumaba na sa bus ang lalaki, itinanong niya, “Gusto mo bang malaman pa ang tungkol sa Diyos?” Sumagot ang lalaki ng, “Oo.” Tinuruan ng mga missionary si Viktor, at siya ay nabinyagan. Sila ni Svetlana ay ibinuklod kalaunan sa Freiberg Germany Temple.

Maging maingat; ang inyong mga pagpapala ay maaaring dumating sa mga hindi inaasahang paraan.

Pitong taon na ang nakalipas, nakilala namin ni Kathy si Diego Gomez at ang kanyang magandang pamilya sa Salt Lake City. Kasama namin silang dumalo sa isang temple open house ngunit magalang na tinanggihan ang paanyaya naming alamin pa ang tungkol sa Simbahan. Nitong nakaraang Mayo, nakatanggap ako ng di-inaasahang tawag sa telepono mula kay Diego. May mga pangyayari sa buhay niya na nagtulak sa kanya na lumuhod at magdasal. Hinanap niyang mag-isa ang mga missionary, nagpaturo sa kanila, at handa nang magpabinyag. Noong Hunyo 11, bininyagan ko ang aking kaibigan at kapwa disipulo na si Diego Gomez. Ang kanyang pagbabalik-loob ay nangyari sa takdang panahon sa tulong at suporta na rin ng maraming tao na nagmalasakit sa kanya bilang “mga saksi ng Diyos.”

Si Diego Gomez kasama ang ilan

Isang Paanyaya sa mga Kabataan

Sa ating mga kahanga-hangang kabataan at mga young adult sa buong mundo, magbibigay ako ng natatanging paanyaya at hamon na kayo ay maging “mga saksi ng Diyos.” Ang mga nakapaligid sa inyo ay handang maturuan ng mga espirituwal na bagay. Natatandaan pa ba ninyo ang puzzle? Hindi ninyo sisimulan ang gawain nang walang kasangkapan, may magagamit kayo na teknolohiya at social media. Kailangan namin kayo; nais ng Panginoon na lalo pa kayong makibahagi sa dakilang layuning ito.

Puzzle sa mobile phone

Sinabi ng Tagapagligtas, “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”13

Hindi nagkataon lang na nakatira kayo sa Africa; Asia; Europe; Hilaga, Gitna, o Timog America; sa Pacific; o iba pang lugar sa daigdig ng Diyos, dahil ang ebanghelyo ay dapat maiparating sa “bawat bansa, lahi, wika, at tao.”14

“Maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, [isang bato na tinibag hindi ng mga kamay, na magiging isang malaking bundok na pupuno sa buong mundo,] na hindi magigiba kailan man … [kundi] lalagi magpakailan man.

“… Ang panaginip ay tunay, at ang pagkapaaninaw niyao’y tapat.”15

Magtatapos ako sa mga salita mula sa Doktrina at mga Tipan: “Manawagan sa Panginoon, upang ang kanyang kaharian ay lumaganap sa mundo, upang ang mga naninirahan dito ay matanggap ito, at maging handa para sa mga araw na darating, na kung kailan ang Anak ng Tao ay bababa mula sa langit, nadaramitan ng liwanag ng kanyang kaluwalhatian, upang salubungin ang kaharian ng Diyos … sa mundo.”16 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Daniel 2:10.

  2. Daniel 2:18.

  3. Daniel 2:26–28, 44–45; tingnan din sa mga talata 34–35.

  4. Daniel 2:47.

  5. Tingnan sa 1 Nephi 14:12–14.

  6. Doktrina at Mga Tipan 65:2; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110:11.

  7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 520; tingnan din sa Boyd K. Packer, “Ang Pamantayan ng Katotohanan ay Naitayo Na,” Liahona, Nob. 2003, 27.

  8. Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya, Liahona, Nob. 2013, 4.

  9. Mosias 18:9.

  10. Mateo 10:32.

  11. Nitong nakaraang buwan nagpunta ako sa Santa Maria, Brazil. Ikinuwento sa akin ni Brother João Grahl, na noong binatilyo pa siya, nagsimba siya sa loob ng dalawang taon at gusto na niyang magpabinyag, pero ayaw pumayag ng kanyang ama. Isang araw, sinabi niya sa kanyang kapatid na babae, na gusto ring magpabinyag, na kailangang lumuhod sila at hilingin na palambutin ng Diyos ang puso ng kanilang ama. Lumuhod sila para manalangin at pumasok na sa eskwela.

    Pag-uwi nila nang araw na iyon, nagulat sila nang datnan sa bahay ang kanilang tiyo, kapatid ng kanilang ama, na galing sa malayong lungsod. Kausap nito ang kanilang ama. Habang nasa sala pa ang kanilang tiyo, itinanong muli ng mga bata sa kanilang ama kung maaari ba silang magpabinyag. Lumapit ang kanilang tiyo at inakbayan ang kanyang nakababatang kapatid at sinabi, “Reinaldo, totoo ito. Payagan mo na silang magpabinyag.” Hindi nila alam na nabinyagan na pala ang tiyo nila ilang buwan na ang nakalipas.

    Bigla lang naisip ng kanilang tiyo na dumalaw sa bahay ng kanyang kapatid, at dahil siya ay “naging saksi ng Diyos” sa araw na iyon, ang kanyang mga pamangkin ay pinahintulutang magpabinyag. Ilang linggo kalaunan, nabinyagan na rin si Reinaldo at ang kanyang asawa. Sinagot ng Diyos ang panalangin ng mga batang iyon sa mahimalang paraan sa pamamagitan ng isang taong handang maging “saksi ng Diyos.”

  12. “Nagtatagumpay ka kapag nag-aanyaya ka, anuman ang maging resulta nito” (Clayton M. Christensen, The Power of Everyday Missionaries [2012], 23; tingnan din sa everydaymissionaries.org).

  13. Mateo 28:19.

  14. Mosias 15:28.

  15. Daniel 2:44–45; tingnan din sa mga talata 34–35.

  16. Doktrina at mga Tipan 65:5.