2010–2019
Ikaapat na Palapag, Pinakadulong Pinto
Oktubre 2016


21:33

Ikaapat na Palapag, Pinakadulong Pinto

“Ginagantimpalaan [ng Diyos] yaong mga masigasig na naghahanap sa kanya,” kaya kailangan nating magpatuloy sa pagkatok. Mga kapatid, huwag kayong sumuko. Buong puso ninyong hanapin ang Diyos.

Mahal kong mga kapatid, mahal na mga kaibigan, napakapalad nating magtipong muli sa pandaigdigang kumperensyang ito sa pamamahala at pamumuno ng ating mahal na propeta at Pangulong si Thomas S. Monson. Pangulong Monson, mahal namin kayo at sinusuportahan namin kayo! Alam namin na mahal ninyo ang kababaihan ng Simbahan.

Gustung-gusto kong dumadalo sa napakagandang sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya na nakalaan sa kababaihan ng Simbahan.

Mga kapatid, kapag nakikita ko kayo, hindi ko maiwasang isipin ang mga babae na naging malaking impluwensya sa buhay ko: ang lola ko at nanay ko, na naunang tumanggap sa paanyayang sumama at tingnan kung ano ang itinuturo ng Simbahan.1 Nariyan ang pinakamamahal kong asawang si Harriet, na inibig ko nang una ko pa lang siyang makita. Nariyan ang ina ni Harriet, na sumapi sa Simbahan matapos mamatay sa kanser ang kanyang asawa. At nariyan ang aking kapatid na babae, anak na babae, apong babae, at apo-sa-tuhod na babae—na pawang malalaking impluwensya sa akin. Tunay na pinasasaya nila ang buhay ko. Hinihikayat nila akong maging mas mabuting tao at mas maunawaing pinuno ng Simbahan. Maiiba nang lubos ang buhay ko kung wala sila!

Marahil ang lubos na nakapagpapakumbaba sa akin ay ang malaman na ang kanilang impluwensya ay milyong beses na nadodoble sa buong Simbahan sa pamamagitan ng mga kakayahan, talento, talino, at patotoo ng kababaihang may pananampalataya na katulad ninyo.

Ngayon, maaaring pakiramdam ng ilan sa inyo ay hindi kayo karapat-dapat sa gayong papuri. Maaari ninyong isipin na wala kayong halaga para magkaroon ng makabuluhang impluwensya sa iba. Marahil ni hindi ninyo iniisip na kayo ay isang “babaeng may pananampalataya” dahil kung minsa’y nag-aalinlangan o natatakot kayo.

Ngayon, nais kong magsalita sa sinumang nakadama na nito—at malamang ay ganyan tayong lahat paminsan-minsan. Nais kong magsalita tungkol sa pananampalataya—ano ito, ano ang kaya at hindi kayang gawin nito, at ano ang kailangan nating gawin para magkaroon ng pananampalataya sa ating buhay.

Ano ang Pananampalataya

Ang pananampalataya ay matibay na pananalig sa isang bagay na pinaniniwalaan natin—isang pananalig na napakalakas na nagtutulak sa atin na gawin ang mga bagay na maaaring hindi natin gagawin kung wala ito. “Ang pananampalataya ay pagiging tiyak sa ating inaasam at sigurado sa hindi natin nakikita.”2

Bagama’t may katuturan ito sa mga taong nananalig, kadalasa’y nakalilito ito sa mga walang pananalig. Umiiling sila at nagtatanong, “Paano makasisiguro ang sinuman sa hindi nila nakikita?” Para sa kanila, ito ay katibayan na hindi makatwiran ang relihiyon.

Ang hindi nila maunawaan ay marami pang paraan para makakita nang hindi ginagamit ang ating mga mata, makadama nang hindi ginagamit ang ating mga kamay, makarinig nang hindi ginagamit ang ating mga tainga.

Katulad ito ng karanasan ng batang babae na naglalakad na kasama ng lola niya. Ang awit ng mga ibon ay kasiya-siya para sa batang babae, at sinasabi niya ang bawat huning naririnig niya sa kanyang lola.

“Naririnig po ba n’yo ’yon?” paulit-ulit na tanong ng bata. Pero mahina ang pandinig ng lola niya at hindi nito marinig ang mga huni ng ibon.

Sa huli, lumuhod ang lola at nagsabing, “Sori, mahal. Hindi gaanong makarinig si Lola.”

Nalungkot ang bata at hinawakan nito ang mukha ng lola niya, tinitigan ito sa mata, at sinabing, “Lola, makinig po kayong maigi!”

May mga aral sa kuwentong ito kapwa para sa walang pananalig at sa nananalig. Hindi dahil sa hindi tayo makarinig ay wala tayong dapat pakinggan. Maaaring makinig ang dalawang tao sa iisang mensahe o magbasa ng iisang talata sa banal na kasulatan, at maaaring madama ng isa ang pagpapatotoo ng Espiritu samantalang ang isa naman ay hindi.

Sa kabilang banda, sa pagsisikap nating tulungan ang ating mga mahal sa buhay na marinig ang tinig ng Espiritu at ang malawak, walang hanggan, at napakagandang ebanghelyo ni Jesucristo, ang pagsasabi sa kanila ng “makinig nang maigi” ay maaaring hindi makatulong.

Marahil ang mas mabuting payo—para sa sinumang gustong mapalakas ang kanyang pananampalataya—ay makinig sa ibang paraan. Hinihikayat tayo ni Apostol Pablo na hangarin ang tinig na nangungusap sa ating espiritu, hindi lamang sa ating mga tainga. Itinuro niya, “Ang tao kung wala ang Espiritu ay hindi tinatanggap ang mga bagay na nagmumula sa Espiritu ng Diyos kundi itinuturing itong kahangalan, at hindi ito nauunawaan dahil nahihiwatigan ito sa pamamagitan lamang ng Espiritu.”3 O marahil ay dapat nating isaalang-alang ang mga salita sa Little Prince ni Saint-Exupéry, na nagsabi: “Malinaw na nakakakita ang isang tao kapag puso ang ginamit niya. Anumang bagay na mahalaga ay hindi nakikita ng mga mata.”4

Ang Kapangyarihan at mga Limitasyon ng Pananampalataya

Kung minsan hindi madaling magkaroon ng pananampalataya sa mga espirituwal na bagay habang nabubuhay sa isang pisikal na mundo. Ngunit sulit ang pagsisikap dahil ang kapangyarihan ng pananampalataya sa ating buhay ay maaaring napakalaki. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga daigdig ay nalikha, ang tubig ay nahati, ang patay ay naibangon, at ang mga ilog at bundok ay natinag.5

Subalit maitatanong ng ilan, “Kung napaka-makapangyarihan ng pananampalataya, bakit hindi ako makatanggap ng sagot sa taimtim kong panalangin? Hindi ko kailangang mahati ang dagat o matinag ang bundok. Kailangan lang mawala ang sakit ko o mapatawad ng mga magulang ko ang isa’t isa o dumating ang magiging asawa ko na makakasama ko sa kawalang-hanggan na may dalang bulaklak at engagement ring. Bakit hindi iyan magawa ng pananampalataya ko?”

Ang pananampalataya ay makapangyarihan, at kadalasa’y humahantong ito sa mga himala. Ngunit gaano man kalaki ang ating pananampalataya, may dalawang bagay na hindi magagawa ang pananampalataya. Una, hindi nito mapanghihimasukan ang kalayaan ng ibang tao.

Isang babae ang ilang taon nang nagdarasal na magbalik ang kanyang suwail na anak na babae sa Simbahan ni Cristo at dismayado siya na tila hindi nasasagot ang kanyang mga dalangin. Lalo pa siyang nasaktan nang marinig niya ang mga kuwento ng ibang suwail na mga anak na nagsisi sa kanilang mga ginawa.

Ang problema ay hindi ang kakulangan sa panalangin o sa pananampalataya. Kinailangan lang niyang maunawaan, masakit man ito para sa ating Ama sa Langit, na hindi Niya pipilitin ang sinuman na piliin ang landas ng kabutihan. Hindi pinilit ng Diyos ang sarili Niyang mga anak na sumunod sa Kanya sa premortal na daigdig. Tiyak na hindi rin Niya tayo pipilitin ngayon na sumunod sa Kanya sa buhay na ito.

Ang Diyos ay mag-aanyaya, maghihikayat. Walang-pagod na tutulong ang Diyos nang may pagmamahal at inspirasyon at panghihikayat. Pero hindi mamimilit ang Diyos kailanman—mababalewala niyan ang Kanyang dakilang plano para sa ating walang-hanggang pag-unlad.

Ang pangalawang bagay na hindi magagawa ng pananampalataya ay ang ipilit ang ating kagustuhan sa Diyos. Hindi natin mapipilit ang Diyos na sumunod sa ating mga kagustuhan—gaano man katama ang ating palagay o kataimtim ang ating dasal. Isipin ang karanasan ni Pablo, na nagsumamo sa Panginoon nang maraming beses para maibsan ang bigat ng kanyang pagsubok—na tinawag niyang “isang tinik sa laman.” Ngunit hindi iyon ang kalooban ng Diyos. Kalaunan, natanto ni Pablo na ang kanyang pagsubok ay isang pagpapala, at pinasalamatan niya ang Diyos sa hindi pagsagot sa kanyang mga dalangin sa paraang inasahan niya.6

Tiwala at Pananampalataya

Ang layunin ng pananampalataya ay hindi para baguhin ang kalooban ng Diyos kundi para bigyang-kakayahan tayong kumilos ayon sa kalooban ng Diyos. Ang pananampalataya ay pagtitiwala—pagtitiwala na nakikita ng Diyos ang hindi natin nakikita at na alam Niya ang hindi natin alam.7 Kung minsan, hindi sapat na magtiwala sa sarili nating pananaw at pagpapasiya.

Natutuhan ko ito noong piloto ako ng eroplano sa mga panahon na kinailangan kong lumipad sa makapal na hamog o ulap at ilang talampakan lamang ang nakikita ko. Kinailangan kong umasa sa mga instrumentong nagsasabi sa akin kung saan ako naroon at saan ako patungo. Kinailangan kong makinig sa boses ng air traffic control. Kinailangan kong sundin ang patnubay ng isang tao na may mas tumpak na impormasyon kaysa sa akin. Isang tao na hindi ko nakikita pero natutuhan kong pagtiwalaan. Isang tao na nakikita ang hindi ko nakikita. Kinailangan kong magtiwala at kumilos nang angkop para makarating nang ligtas sa aking destinasyon.

Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay magtiwala tayo hindi lamang sa karunungan ng Diyos kundi maging sa Kanyang pagmamahal. Ibig sabihin ay magtiwala tayo na lubos tayong mahal ng Diyos, na lahat ng ginagawa Niya—bawat pagpapalang ibinibigay Niya at bawat pagpapalang pansamantala Niyang hindi ibinibigay—ay para sa ating walang-hanggang kaligayahan.8

Kapag ganito ang ating pananampalataya, hindi man natin maunawaan kung bakit nangyayari ang ilang bagay o bakit hindi nasasagot ang ilang dalangin, malalaman natin sa huli na lahat ay magkakaroon ng kabuluhan. “Lahat ng mga bagay ay [m]agkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.”9

Lahat ay itatama. Lahat ay magiging maayos.

Makatitiyak tayo na darating ang mga sagot, at magtitiwala tayo na hindi lamang tayo makukuntento sa mga sagot kundi mapupuno rin tayo ng biyaya, awa, kabaitan, at pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa atin, na Kanyang mga anak.

Magpatuloy Lang sa Pagkatok

Kapag nangyari iyon, mamumuhay tayo ayon sa pananampalatayang mayroon tayo,10 na palaging naghahangad na mapalakas ang ating pananampalataya. Kung minsa’y hindi ito madaling gawin. Ang mga walang tiyaga, hindi tapat, o walang-ingat ay maaaring mahirapang sumampalataya. Ang mga madaling manghina o magambala ay maaaring hindi ito maranasan. Ang pananampalataya ay dumarating sa mga mapagpakumbaba, masigasig, at mapagtiis.

Dumarating ito sa mga taong nagsisikap na manatiling tapat.

Ang katotohanang ito ay makikita sa karanasan ng dalawang binatang missionary na naglingkod sa Europe, sa isang lugar na kakaunti ang nabinyagan. Palagay ko maiintindihan ko kung isipin nila na ang ginawa nila ay di-gaanong makagagawa ng kaibhan.

Ngunit may pananampalataya ang dalawang missionary na ito, at masigasig sila. Inisip nila na kung wala mang nakinig sa kanilang mensahe, hindi iyon dahil sa hindi nila ibinigay ang lahat ng makakaya nila.

Isang araw naisip nilang puntahan ang mga residente ng isang magandang apartment na may apat na palapag. Nagsimula sila sa unang palapag at kumatok sa bawat pinto, at inilahad ang nakapagliligtas na mensahe nila tungkol kay Jesucristo at sa Panunumbalik ng Kanyang Simbahan.

Gusali ng apartment ni Sister Uchtdorf noong kabataan niya

Walang gustong makinig sa kanila sa unang palapag.

Napakadali sanang sabihing, “Sinubukan na natin. Tama na. Subukan naman natin sa ibang gusali.”

Ngunit may pananampalataya ang dalawang missionary na ito at handa silang magtrabaho, kaya kumatok sila sa bawat pinto sa ikalawang palapag.

Muli, walang gustong makinig.

Gayon din sa ikatlong palapag. At gayon din sa ikaapat—hanggang sa kumatok sila sa pinakadulong pinto ng ikaapat na palapag.

Nang bumukas ang pintong iyon, isang batang babae ang ngumiti sa kanila at pinaghintay sila habang kausap nito ang kanyang ina.

Ang kanyang ina ay 36 anyos lamang, kamamatay lang ng asawa, at walang ganang makipag-usap sa mga Mormon missionary. Kaya sinabihan nito ang anak na paalisin sila.

Ngunit nagsumamo ang anak sa kanya. Mababait ang mga binatang ito, sabi niya. At ilang minuto lang naman.

Kaya atubiling pumayag ang ina. Itinuro ng mga missionary ang kanilang mensahe at binigyan ng isang aklat ang ina para basahin—ang Aklat ni Mormon.

Nang makaalis na sila, nagpasiya ang ina na babasahin niya ang kahit ilang pahina lang nito.

Tinapos niya ang buong aklat sa loob ng ilang araw.

Pamilya ni Sister Uchtdorf kasama ang mga missionary

Hindi nagtagal, ang mabait na pamilyang ito na iisa ang magulang ay nabinyagan.

Nang dumalo ang maliit na pamilya sa kanilang branch sa Frankfurt, Germany, napansin ng isang binatilyong deacon ang kagandahan ng isa sa mga anak at naisip nito sa sarili, “Mahusay ang mga missionary na ito!”

Ang pangalan ng binatilyong deacon na ito ay Dieter Uchtdorf. At ang magandang pangalan ng kaakit-akit na dalaga—na nagsumamo sa kanyang ina na makinig sa mga missionary—ay Harriet. Minamahal siya ng lahat ng nakikilala niya kapag sinasamahan niya ako sa aking mga paglalakbay. Napagpala niya ang buhay ng maraming tao dahil sa kanyang pagmamahal sa ebanghelyo at masayahing personalidad. Siya talaga ang liwanag ng buhay ko.

Si Sister Uchtdorf habang nagsasalita sa Norway

Madalas akong magpasalamat para sa dalawang missionary na hindi tumigil sa unang palapag! Madalas akong magpasalamat para sa kanilang pananampalataya at pagsisikap. Madalas akong magpasalamat na nagpatuloy sila—maging hanggang sa ikaapat na palapag, sa pinakadulong pinto.

Kayo’y Bubuksan

Sa paghahanap natin ng matatag na pananampalataya, sa hangarin nating makipag-ugnayan sa Diyos at sa Kanyang mga layunin, tandaan natin ang pangako ng Panginoon: “Magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.”11

Susuko ba tayo matapos kumatok sa isa o dalawang pinto? Isa o dalawang palapag?

O patuloy tayong maghahanap hanggang sa makarating tayo sa ikaapat na palapag, sa pinakadulong pinto?

“Ginagantimpalaan [ng Diyos] yaong mga masigasig na naghahanap sa kanya,”12 ngunit karaniwa’y wala sa unang pinto ang gantimpalang iyon. Kaya kailangan nating magpatuloy sa pagkatok. Mga kapatid, huwag kayong sumuko. Buong puso ninyong hanapin ang Diyos. Sumampalataya. Mamuhay sa kabanalan.

Ipinapangako ko na kung gagawin ninyo ito—maging hanggang sa ikaapat na palapag, sa pinakadulong pinto—matatanggap ninyo ang mga sagot na hinahanap ninyo. Magkakaroon kayo ng pananampalataya. At balang-araw ay mapupuspos kayo ng liwanag na “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”13

Mahal kong mga kapatid kay Cristo, totoong may Diyos.

Siya ay buhay.

Mahal Niya kayo.

Kilala Niya kayo.

Nauunawaan Niya kayo.

Batid Niya ang inyong taimtim na mga dalangin.

Hindi Niya kayo tinalikuran.

Hindi Niya kayo pababayaan.

Pinatototohanan ko at binabasbasan ko kayong lahat bilang apostol na madarama ninyo sa inyong puso’t isipan ang mga dakilang katotohanang ito para sa inyong sarili. Manampalataya, mahal na mga kaibigan, mahal na mga kapatid, at “[palalaguin] kayo ng [ating] Panginoon nang libong beses at pagpapalain kayo tulad ng pangako niya sa inyo!”14

Iniiwan ko sa inyo ang aking pananampalataya, paniniwala, at matibay at matatag na patotoo na ito ang gawain ng Diyos. Sa sagradong pangalan ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.