Tinuruan Tayo ng Panginoong Jesucristo na Manalangin
Kapag kayo ay nananalangin, kayo ba ay talagang nananalangin o nagsasabi lang ng panalangin?
Noong 1977, naglingkod ako bilang full-time missionary sa Cusco, Peru. Kami ng aking companion ay pinahintulutang dalhin ang lahat ng missionary ng Cusco zone sa napakagandang guho ng Machu Picchu.
Nang papatapos na kami sa paglilibot sa mga guho, gusto ng ilan sa mga missionary na pumunta sa Inca Bridge, sa may bulaos ng bundok. Naramdaman ko kaagad na pinipigilan ako ng Espiritu na pumunta roon. Ang bulaos o daraanan ay nasa gilid ng isang bundok na 2,000-talampakan (610 m) ang lalim. Maraming bahagi ng bulaos ang napakakitid at isa-isang tao lang ang makakaraan. Sinabi namin sa kanila ng companion ko na hindi kami dapat pumunta sa Inca Bridge.
Ngunit iginiit ng mga missionary na pumunta kami. Patindi nang patindi ang pamimilit nila, at sa kabila ng pahiwatig sa akin ng Espiritu, nagpadala ako sa pamimilit nila at sinabing pupuntahan namin ang tulay basta mag-iingat lamang kami nang husto.
Tinahak namin ang bulaos na papunta sa Inca Bridge habang nasa likuran ako ng grupo. Noong una ay maingat na nagsilakad ang lahat, tulad ng napagkasunduan. Maya-maya biglang bumilis ang lakad ng mga missionary at nagsitakbuhan pa. Hindi nila pinansin ang pakiusap ko na magdahan-dahan. Napilitan akong habulin sila para sabihin na dapat na kaming bumalik. Malayo na sila sa akin, kaya kinailangan kong tumakbo para abutan sila.
Nang papalapit na ako sa may palikong bahagi, na napakakipot para sa dalawang tao, nakita ko ang isang missionary na nakatayo at nakasandal sa bato. Tinanong ko kung bakit siya nakatayo roon. Sinabi niya na nakaramdam siya ng pahiwatig na tumigil sandali sa lugar na iyon at dapat na mauna na ako.
Nadama ko na kailangan kong abutan ang mga nauna sa amin, kaya pinaraan niya ako, at nagawa kong makarating pababa ng bulaos. Napansin ko na puno ng mga halaman ang lupa. Itinapak ko ang aking kanang paa sa lupa, at nang bumagsak ako noon ko lang natuklasan na wala palang lupa sa ilalim ng mga halaman. Kaagad akong humawak sa mga sangang nasa ilalim ng bulaos. Nang sandaling iyon, nakita ko sa lalim na 2,000 talampakan mula sa kinalalagyan ko ang Urubamba River, na dumadaloy patawid sa Sacred Valley ng mga Inca. Pakiramdam ko ay nasaid na ang aking lakas, at ilang sandali na lang at makakabitaw na ako. Sa sandaling iyon, nagdasal ako nang matindi. Napakaikli ng panalanging iyon. Ibinuka ko ang aking bibig at sinabing, “Ama, tulungan po Ninyo ako!”
Hindi makakaya ng mga sanga ang bigat ng katawan ko. Alam kong malapit na ang aking katapusan. Sa mismong sandali na pabagsak na ako, naramdaman ko ang isang kamay na mahigpit na humila sa akin pataas. Sa tulong na iyon, nagawa kong makaakyat pabalik sa bulaos. Ang missionary na nagpauna sa akin ang siyang nagligtas sa akin.
Ngunit ang totoo ay ang ating Ama sa Langit ang nagligtas sa akin. Pinakinggan Niya ang tinig ko. Tatlong beses kong narinig ang tinig ng Espiritu bago pa iyon, na nagsasabi sa akin na huwag pumunta sa Inca Bridge, ngunit hindi ko sinunod ang tinig na iyon. Tulala ako, namumutla, at hindi ko alam ang sasabihin. Pagkatapos ay naalala ko ang iba pang mga missionary na nauna sa amin, kaya hinanap namin sila at nang matagpuan namin ay ikinuwento ko sa kanila ang nangyari sa akin.
Bumalik kami sa Machu Picchu nang maingat na maingat at walang imik. Habang bumibiyahe pauwi, wala pa rin akong imik, at napag-isip-isip ko na nakinig Siya sa tinig ko ngunit hindi ako nakinig sa tinig Niya. Napakabigat sa loob ko na hindi ko sinunod ang Kanyang tinig at kasabay niyon ay nakadama rin ako ng lubos na pasasalamat sa awang ibinigay Niya sa akin. Hindi Niya iginawad ang Kanyang katarungan sa akin, ngunit dahil sa Kanyang dakilang awa, iniligtas Niya ang buhay ko (tingnan sa Alma 26:20).
Matapos ang maghapon at oras na para sa aking personal na panalangin, taos-puso akong nanalangin sa “Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan” (II Mga Taga Corinto 1:3). Nanalangin ako “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo” (Moroni 10:4).
Noong umaga ng araw na iyon, nagsabi lang ako ng panalangin, at nang muntik na akong mamatay, nanalangin ako nang buong puso sa Kanya. Pinagnilayan ko ang aking buhay batay sa pangyayaring iyon. Natuklasan ko na sa maraming pagkakataon, ang Ama sa Langit ay naging napakamaawain sa akin. Maraming aral ang itinuro Niya sa akin sa araw na iyon sa Machu Picchu at sa Cusco, Peru. Isa sa mga pinakamagandang aral ay dapat palagi akong magdasal “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo.”
May isang pangyayari na “nananalangin sa isang dako,” ang Panginoong Jesucristo at “nang siya’y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin” (Lucas 11:1). Pagkatapos ay tinuruan Niya ang Kanyang mga disipulo na manalangin. At ngayon ay tinuturuan Niya tayo na manalangin gaya ng nakikita natin kapag iniisip natin Siya na nananalangin sa Getsemani at nagsasabing “Gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Kapag nananalangin ba kayo, talaga bang gusto ninyo na, “huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo”?
Inilarawan ni Pablo kung paano nanalangin si Jesus “sa mga araw ng kaniyang laman,” lalo na noong nasa Getsemani Siya: “Naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuluha doon sa may kapangyarihang makapagligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya’y dininig dahil sa kaniyang banal na takot” (Sa Mga Hebreo 5:7). Kapag kayo ay nananalangin, kayo ba ay talagang nananalangin o nagsasabi lang ng panalangin? Mababaw lamang ba ang inyong panalangin?
Si Jesus ay taimtim na nanalangin at nakipag-usap sa Kanyang Ama. “Nangyari nga, … na si Jesus ay binautismuhan naman, at nang nananalangin, ay nabuksan ang langit” (Lucas 3:21). Kapag kayo ay nananalangin, nararamdaman ba ninyo na tila nabuksan ang langit? Kailan ang huling pagkakataon na nadama ninyong kaylapit ninyo sa langit?
Inihanda ni Jesus ang sarili bago gumawa ng mahalagang desisyon nang manalangin Siya sa Kanyang Ama.
“Siya’y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.
“At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya’y humirang ng labingdalawa sa kanila” (Lucas 6:12–13).
Inihahanda ba ninyo ang inyong sarili bago gumawa ng mahahalagang desisyon sa pamamagitan ng pananalangin sa inyong Ama sa Langit? Inihahanda ba ninyo ang inyong sarili bago magdasal?
Nang pumunta si Jesus sa lupain ng Amerika, tinuruan Niya ang mga tao na manalangin. “At sinabi ni Jesus sa kanila: Magpatuloy na manalangin; gayunpaman, hindi sila tumigil sa pananalangin” (3 Nephi 19:26).
Inaanyayahan tayo ni Jesus na “manalangin tuwina” (D at T 10:5). Alam ni Jesus na pinapakinggan tayo ng ating Ama sa Langit at ibinibigay ang pinakamainam para sa atin. Bakit ayaw natin kung minsan na tanggapin ang ibinibigay ng Ama sa Langit? Bakit?
Sa sandaling sabihin natin ang, “Ama sa Langit,” pakikinggan Niya ang mga panalangin natin at inuunawa ang ating mga pangangailangan. At ang Kanyang mga mata at tainga ay nakatuon na sa inyo. Binabasa niya ang ating isipan, at dinarama ang ating puso. Wala kayong maitatagong anumang bagay sa Kanya. Ngayon, ang napakaganda sa bagay na iyan ay makikita Niya kayo nang may pagmamahal at awa—pagmamahal at awa na hindi natin lubos na maunawaan. Ngunit ang pagmamahal at awa ay nasa Kanya na sa mismong sandaling sinabi ninyo ang, “Ama sa Langit.”
Kaya ang pagdarasal ay isang napakasagradong sandali. Hindi Siya magsasabi ng, “Hindi, hindi kita pakikingggan ngayon, dahil pumupunta ka lang sa akin kapag may problema ka.” Mga tao lang ang nagsasabi niyan. Hindi Siya magsasabing, “Naku, napakarami ko pang ibang dapat gawin.” Mga tao lang ang nagsasabi niyan.
Nawa’y manalangin tayo sa paraang itinuro ni Jesus ang aking inaasam at dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.