2010–2019
O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!
Oktubre 2016


18:34

O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!

Napalilibutan tayo ng napakaraming kaalaman at katotohanan at dahil diyan iniisip ko kung talaga bang pinasasalamatan natin ang mga bagay na mayroon tayo.

Napakapalad natin na magtipong muli sa pandaigdigang kumperensyang ito sa ilalim ng pamamahala at pamumuno ng ating mahal na propeta at Pangulo, si Thomas S. Monson. President, mahal namin kayo at sinasang-ayunan nang buong puso namin!

Sa propesyon ko noon bilang piloto, mahalaga sa akin ang ibinibigay na kasaktuhan at kahusayan ng computer pero bihira ko lang gamitin ang sarili kong computer. Sa trabaho ko sa opisina bilang executive, may mababait na assistant at secretary ako na tumutulong sa akin sa trabaho.

Nagbago ang lahat ng ito noong 1994, nang tawagin ako bilang General Authority. Ang aking tungkulin ay nagbigay sa akin ng maraming magagandang oportunidad na maglingkod at itayo ang kaharian ng Diyos, ngunit kasama rin dito ang maraming gawain sa opisina—na higit sa inaakala ko.

Laking gulat ko dahil kailangan ko palang gumamit ng computer para mas mabilis at organisado ang gawain ko.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, kinailangan kong umakma sa kakaiba at kumplikadong buhay na ito.

Sa simula, talagang hindi kami magkasundo ng computer.

Tinuruan ako ng mga taong pamilyar sa computer kung paano ito gamitin. Literal silang nakatayo sa likuran ko, dumudukwang pa para mag-type nang napakabilis sa keyboard.

“O, hayan nakita mo?” may pagmamalaki nilang sinasabi. “Ganyan ang gagawin mo.”

Hindi ko naman nakita kung ano ang ginawa nila. Nahirapan talaga ako noong una.

Hindi naging madali sa akin ang matutong gumamit ng computer.

Kinailangan ang matagal na panahon, pag-uulit, pagtitiyaga; di masusukat na pag-asa at pananampalataya; maraming pampalakas ng loob at tiwala mula sa aking asawa, at maraming litro ng diet soda na hindi ko na papangalanan.

Ngayon, 22 taon na mula noon, napalilibutan na ako ng teknolohiya. Mayroon akong email address, Twitter account, at Facebook page. Mayroon akong sariling smartphone, tablet, laptop, at digital camera. At, kahit hindi ko mapapantayan ang husay sa teknolohiya ng isang tipikal na pitong-taong-gulang na bata, para sa isang lampas na sa sitenta ang edad, medyo mahusay na ako.

Ngunit may napansin akong kakatwa. Sa pagiging mas pamilyar ko sa teknolohiya, mas lalo ko itong ipinagwawalang-bahala.

Sa mahabang panahon sa kasaysayan ng tao, naihahatid ang mensahe depende sa bilis ng takbo ng kabayo. Ang pagpapadala ng mensahe at pagtanggap ng sagot ay bumibilang ng araw o maging mga buwan. Ngayon, ang ating mensahe ay naglalakbay nang libu-libong milya sa kalangitan o libu-libong metro sa ilalim ng karagatan upang maiparating ito sa isang tao sa kabilang panig ng mundo, at kapag naantala lang nang ilang segundo, nagrereklamo na kaagad tayo.

Parang likas na ito sa tao: kapag naging pamilyar na tayo sa isang bagay, kahit mahimala at kagila-gilalas pa ito, hindi na tayo namamangha at itinuturing na karaniwan na lamang ito.

Binabalewala Ba Natin ang mga Espirituwal na Katotohanan?

Ang pagbabalewala natin sa mga makabagong teknolohiya at pamamaraan ay hindi naman gaanong mahalaga. Ngunit, ang nakalulungkot, ganoon na rin kung minsan ang turing natin sa doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo na pang-walang hanggan at nagpapabuti ng kaluluwa. Sa Simbahan ni Jesucristo, napakarami nang naibigay sa atin. Napalilibutan tayo ng napakaraming kaalaman at katotohanan at dahil diyan iniisip ko kung talaga bang pinasasalamatan natin ang mga bagay na mayroon tayo.

Isipin ninyo ang mga disipulo na nakasama at nakausap ng Tagapagligtas noong Kanyang ministeryo sa lupa. Isipin ninyo ang pasasalamat at pagpipitagan na tiyak na nag-umapaw sa kanilang mga puso at pumuspos sa kanilang mga isipan nang makita nilang bumangon Siya mula sa libingan, nang mahipo nila ang mga sugat sa Kanyang mga kamay. Nabago ang buhay nila magpakailanman!

Isipin ang naunang mga Banal ng dispensasyong ito na personal na nakakilala kay Propetang Joseph at narinig siyang nangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Isipin kung ano ang nadama nila nang malaman nilang muling nakipag-ugnayan ang Diyos sa tao, at ibinuhos na sa mundo ang kaalaman at katotohanan mula sa ating tahanan sa langit.

Higit sa lahat, isipin ang nadama ninyo sa unang pagkakataon na pinaniwalaan at naunawaan ninyo na kayo ay tunay na anak ng Diyos; na si Jesucristo ay kusang-loob na nagdusa para sa inyong mga kasalanan upang maging malinis kayong muli; na tunay ang kapangyarihan ng priesthood at maibubuklod kayo nito sa inyong mga mahal sa buhay sa panahon at sa buong kawalang-hanggan; na may buhay na propeta sa mundo ngayon. Hindi ba’t napakaganda at kagila-gilalas iyan?

Sa lahat ng ito, paano mangyayari na sa lahat ng tao tayo pa ang hindi masasabik nang lubos sa pagpunta sa Simbahan para sumamba? O magsasawa sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan? Palagay ko mangyayari lang ito kung ang ating mga puso ay manhid at hindi makaramdam ng pasasalamat at pagkamangha sa mga sagrado at dakilang bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ang mga katotohanang nagpapabago ng buhay ay napakadali na nating malaman, ngunit kung minsan hindi natin ito lubos na naipamumuhay bilang mga disipulo. Kadalasan ay mas pinapansin natin ang mga kamalian ng ibang kasama natin sa Simbahan sa halip na tularan ang halimbawa ng ating Panginoon. Lumalakad tayo sa daan na puno ng dyamante, ngunit hindi natin makita ang pagkakaiba nito sa mga ordinaryong bato.

Isang Pamilyar na Mensahe

Noong ako ay bata pa, tinatanong ako ng mga kaibigan ko tungkol sa relihiyon. Kadalasan ay ipinapaliwanag ko ang ipinagkaiba natin, tulad ng Word of Wisdom. Kung minsan naman binibigyang-diin ko ang mga pagkakatulad natin sa iba pang mga relihiyong Kristiyano. Hindi sila gaanong interesado sa mga ito. Pero kapag nagsalita ako tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit para sa atin bilang Kanyang mga anak, nakukuha ko ang atensyon nila.

Naaalala ko na idinrowing ko pa ang plano ng kaligtasan sa pisara sa isang silid ng kapilya namin sa Frankfurt, Germany. Nagdrowing ako ng mga bilog para ilarawan ang premortal na buhay, mortalidad, at ang pagbalik sa ating mga Magulang sa Langit matapos ang buhay na ito.

Noong tinedyer ako, gustung-gusto kong ibahagi ang nakatutuwang mensaheng ito. Kapag ipinaliliwanag ko mismo ang mga alituntuning ito sa simple kong mga salita, ang puso ko ay nag-uumapaw sa pasasalamat sa Diyos na nagmamahal sa Kanyang mga anak, at sa Tagapagligtas na tumubos sa atin mula sa kamatayan at impiyerno. Ipinagmamalaki ko nang lubos ang mensaheng ito ng pagmamahal, kagalakan, at pag-asa.

Sinasabi ng ilan sa mga kaibigan ko na pamilyar sila sa mensaheng ito, kahit hindi ito itinuro kailanman sa relihiyon nila. Parang alam na nila noon pa na totoo ang mga bagay na ito, na para bang ipinapaalala ko lang sa kanila ang mga bagay na matagal na nilang alam at nakatimo sa kanilang mga puso.

Nasa Atin ang mga Kasagutan!

Naniniwala ako na bawat tao ay may ilang mahahalagang tanong sa kanyang puso tungkol sa buhay mismo. Saan ako nanggaling? Bakit ako narito? Ano ang mangyayari sa akin kapag namatay na ako?

Ang mga tanong na ito ay itinatanong na noon pa ng mga tao. Ginugol ng mga dalubhasa, matatalino, at mga edukadong tao ang kanilang buhay at kayamanan sa paghahanap ng mga kasagutan.

Nagpapasalamat ako na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay may mga kasagutan sa mga pinakamasalimuot na tanong sa buhay. Ang mga kasagutang ito ay itinuturo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga ito ay totoo, simple, tapat, at madaling unawain. Napakaganda nito, at itinuturo natin ang mga ito sa tatlong-taong-gulang na mga bata sa Sunbeam class.

Mga kapatid, tayo ay mga walang-hanggang nilalang, walang simula at walang katapusan. Nabuhay na tayo noon pa man.1 Tayo ay literal na mga anak ng banal, imortal, at makapangyarihang mga Magulang sa Langit!

Nagmula tayo sa langit na kinaroroonan ng ating Panginoong Diyos. Kabilang tayo sa maharlikang sambahayan ni Elohim, ang Kataas-taasang Diyos. Nabuhay tayong kasama Niya sa ating premortal na buhay. Narinig natin Siyang nagsalita, namalas ang Kanyang kaluwalhatian, nalaman ang Kanyang mga pamamaraan.

Kayo at ako ay nakibahagi sa isang Malaking Kapulungan kung saan inilahad ng ating pinakamamahal na Ama sa Langit ang Kanyang plano para sa atin—na paparito tayo sa lupa, magkakaroon ng katawang lupa, matututong pumili sa pagitan ng mabuti at masama, at uunlad sa mga paraang hindi magiging posible kung hindi tayo isisilang sa mundo.

Nang dumaan tayo sa tabing at naparito sa mundo, alam nating hindi na natin maaalala ang buhay natin bago tayo isinilang. Magkakaroon ng mga pagsalungat at pagsubok at tukso. Ngunit alam din natin na ang pagkakaroon natin ng katawan ay napakahalaga para sa atin. Umasa tayo na sana ay matutuhan natin kaagad na piliin ang tama, malabanan ang mga tukso ni Satanas, at sa huli ay makabalik sa ating minamahal na mga Magulang sa Langit.

Alam nating magkakasala tayo at magkakamali—marahil ang ilan ay mabibigat na pagkakamali. Ngunit alam din natin na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nangakong paparito sa lupa, mamumuhay nang walang kasalanan, at kusang-loob na iaalay ang Kanyang buhay sa isang walang hanggang sakripisyo. Alam natin na kung ipauubaya natin sa Kanya ang saloobin ng ating puso, magtitiwala sa Kanya, at magsisikap nang buong lakas ng ating kaluluwa na lumakad sa landas ng pagkadisipulo, tayo ay maaaring maging malinis at muling makapapasok sa kinaroroonan ng ating pinakamamahal na Ama sa Langit.

Kaya, taglay ang pananampalataya sa sakripisyo ni Jesucristo, tinanggap natin nang malayang kalooban ang plano ng Ama sa Langit.

Iyan ang dahilan kung bakit tayo narito sa magandang planetang ito—dahil binigyan tayo ng Diyos ng pagkakataon, at pinili nating tanggapin ito. Ang ating buhay sa mundo, gayunman, ay pansamantala lang at magwawakas kapag namatay na ang ating katawan. Ngunit ang ating tunay na kahalagahan ay hindi maglalaho. Patuloy na mabubuhay ang ating mga espiritu at hihintayin ang Pagkabuhay na Mag-uli—ang libreng kaloob sa ating lahat ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.2 Sa Pagkabuhay na Mag-uli, ang ating mga espiritu at katawan ay muling magsasama, at wala nang anumang karamdaman at kapintasan.

Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli, magkakaroon ng Araw ng Paghuhukom. Bagama’t sa huli ang lahat ay maliligtas at magmamana ng kaharian ng kaluwalhatian, ang mga nagtitiwala sa Diyos at naghahangad na sundin ang Kanyang mga batas at ordenansa ay magmamana ng buhay sa kawalang-hanggan na di-mailarawan ang kaluwalhatian at nag-uumapaw sa kamaharlikahan.

Ang Araw ng Paghuhukom na iyan ay magiging araw ng awa at pagmamahal—isang araw na mapagagaling ang mga bagbag na puso, mapapalitan ng luha ng pasasalamat ang mga luha ng pagdadalamhati, at maitatama ang lahat.3

Oo, magkakaroon ng matinding pagdadalamhati dahil sa kasalanan. Oo, magkakaroon ng panghihinayang at maging paghihinagpis dahil sa ating mga pagkakamali, kahangalan, at pagmamatigas na naging dahilan para mawala sa atin ang mga oportunidad para sa mas magandang bukas.

Ngunit tiwala ako na hindi lamang tayo masisiyahan sa kahatulan ng Diyos; tayo ay manggigilalas at mapupuspos din dahil sa Kanyang walang-katapusang biyaya, awa, kabaitan, at pagmamahal sa atin, na Kanyang mga anak. Kung ang ating hangarin at mga gawa ay mabubuti, kung may pananampalataya tayo sa Diyos na buhay, makaaasa tayo kung gayon sa tinawag ni Moroni na “nakalulugod na hukuman ng dakilang Jehova, ang walang Hanggang Hukom.”4

Pro Tanto Quid Retribuamus

Minamahal kong mga kapatid, minamahal kong mga kaibigan, hindi ba napupuno ang inyong mga puso’t isipan ng pagkamangha at pagpipitagan sa dakilang plano ng kaligayahan na inihanda para sa atin ng ating pinakamamahal na Ama sa Langit? Hindi ba kayo napupuspos ng di-masambit na kagalakan na malaman ang maluwalhating hinaharap na inihanda para sa lahat ng naghihintay sa Panginoon?

Kung hindi pa ninyo nadarama ang gayong pagkamangha at kagalakan, inaanyayahan ko kayong hangarin, pag-aralan, at pagnilayan ang simple ngunit malalim na mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. “Hayaang ang mga kataimtiman ng kawalang-hanggan ay manatili sa inyong mga isipan.”5 Hayaang patotohanan nito sa inyo ang dakilang plano ng kaligtasan.

Kung nadama na ninyo ang mga bagay na ito noon, itatanong ko sa inyo ngayon, “Nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”6

Kamakailan, nagkaroon ako ng pagkakataong magpunta sa Belfast, Northern Ireland. Habang naroon, napansin ko ang Belfast Coat of Arms, na may nakalagay na motto na “Pro tanto quid retribuamus,” o “Ano ang isusukli natin sa napakaraming ibinigay sa atin?”7

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na pag-isipan ang tanong na ito. Ano ang isusukli natin sa kaalaman at katotohanang ibinuhos ng Diyos sa atin?

Ang hiling lamang sa atin ng ating pinakamamahal na Ama ay mamuhay tayo ayon sa katotohanang natanggap natin at sundan natin ang landas na Kanyang inilaan. Samakatwid, magpakatapang tayo at magtiwala sa paggabay ng Espiritu. Ibahagi natin sa ating kapwa sa salita at gawa ang kamangha-mangha at napakagandang mensahe ng plano ng kaligayahan ng Diyos. Nawa ay gawin natin ito dahil mahal natin ang Diyos at ang Kanyang mga anak, dahil sila ay ating mga kapatid. Ito ang simula ng magagawa natin bilang kapalit ng napakaraming ibinigay sa atin.

Balang-araw “bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat” na ang mga pamamaraan ng Diyos ay makatarungan at ang Kanyang plano ay perpekto.8 Para sa atin, gawin na natin ngayon ang araw na iyon. Ipahayag natin, tulad ni Jacob ng sinauna, “O kaydakila ng plano ng ating Diyos!”9

Ito ang aking patotoo nang may matinding pasasalamat sa ating Ama sa Langit, at iniiwan ko sa inyo ang aking basbas, sa pangalan ni Jesucristo, amen.