May Kapangyarihan sa Aklat
Ang pinakadakilang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon ay ang impluwensya nito na mas ilapit tayo kay Jesucristo.
Noong Hunyo 14, 1989, dahil sa ilang maling impormasyon tungkol sa Simbahan, ipinagbawal ng gobyerno ng Ghana ang lahat ng aktibidad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa loob ng bansang ito sa Africa. Inangkin ng gobyerno ang lahat ng pag-aari ng Simbahan, at nahinto ang lahat ng gawaing misyonero. Ang mga miyembro ng Simbahan, na tinawag ang panahong ito na “ang pagpapatigil,” ay ginawa ang lahat ng kanilang makakaya para ipamuhay ang ebanghelyo nang walang mga branch meeting o suporta ng mga missionary. Maraming nakaaantig na kuwento tungkol sa kung paano napanatili ng mga miyembro ang liwanag ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga tahanan at pangangalaga sa isa’t isa bilang mga home at visiting teacher.
Naayos kalaunan ang hindi pagkakaunawaan, at noong Nobyembre 30, 1990, natapos ang pagpapatigil sa gawain ng Simbahan at naibalik ang mga normal na aktibidad ng Simbahan.1 Simula noon, nagkaroon na ng magandang ugnayan ang Simbahan at ang gobyerno ng Ghana.
Natutukoy kaagad ng mga miyembrong namuhay noong panahong ipatigil ang gawain ng Simbahan ang mga pagpapalang dulot ng di-karaniwang panahong iyon. Lumakas ang pananampalataya ng marami sa kabila ng hirap na dinanas nila. At isang pagpapala ng pagpapatigil sa Simbahan ang dumating sa di-karaniwang paraan.
Si Nicholas Ofosu-Hene ay bata pang pulis na itinalagang magbantay sa isang LDS meetinghouse noong panahong ipatigil ang Simbahan. Ang tungkulin niya ay bantayan ang gusali sa gabi. Noong unang dumating si Nicholas sa meetinghouse, nakita niya na nagkalat ang mga bagay sa paligid, mga papel, mga aklat, at magulo ang mga kagamitan. Sa gitna ng magulong paligid na ito, nakita niya ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Sinubukan niyang hindi pansinin ang aklat dahil may nagsabi sa kanyang masama ito. Subalit kakaiba ang nadama niya rito. Sa huli, hindi na kayang balewalain ni Nicholas ang aklat. Dinampot niya ito. Nadama niyang kailangan niyang simulang basahin ito. Binasa niya ito nang buong gabi, napapaluha habang siya’y nagbabasa.
Nang damputin niya ito sa unang pagkakataon, nabasa niya ang buong 1 Nephi. Sa pangalawang pagkakataon, nabasa niya ang buong 2 Nephi. Nang makarating siya sa 2 Nephi kabanata 25, nabasa niya ang sumusunod: “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”2
Sa puntong ito, nadama ni Nicholas ang Espiritu nang napakalakas kaya’t napaiyak siya. Natanto niya na habang nagbabasa siya ay nakatanggap siya ng maraming espirituwal na pahiwatig na ang aklat na ito ay banal na kasulatan, pinakatumpak sa lahat ng nabasa niya. Natanto niya na ang mga Banal sa mga Huling Araw, taliwas sa naririnig niya, ay lubos na naniniwala kay Jesucristo. Pagkatapos ipatigil ang Simbahan at nang bumalik na ang mga missionary sa Ghana, si Nicholas, ang kanyang asawa, at mga anak ay sumapi sa Simbahan. Nang makita ko siya noong nakalipas na taon, siya ay isang police commander at naglilingkod bilang pangulo ng Tamale Ghana District ng Simbahan. Sinabi niya: “Binago ng Simbahan ang buhay ko. … Nagpapasalamat ako sa Dakilang Diyos na umakay sa akin sa ebanghelyong ito.”3
Si Alibert Davies, isa pang taga-Ghana, ay sinamahan ang isang kaibigan sa isa sa ating mga meetinghouse, kung saan may presidency meeting ang kaibigan niya. Habang hinihintay niya ang kanyang kaibigan, binasa ni Alibert ang isang aklat na nakita niya malapit sa kanya. Nang matapos ang miting, gusto ni Alibert na iuwi ang aklat. Pinayagan siyang iuwi hindi lamang ang aklat na iyon kundi pati na rin ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Pagkauwi niya, sinimulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon. Hindi na niya ito maibaba. Nagbasa siya sa liwanag ng kandila hanggang alas-3:00 n.u. Ginawa niya iyon nang ilang gabi, na sobrang naantig sa nabasa at nadama niya. Miyembro na ngayon ng Simbahan si Alibert.
Nagsimula si Angelo Scarpulla sa pag-aaral ng teolohiya sa kanyang bansang-sinilangang Italya noong 10 taong gulang siya. Kalaunan ay naging pari siya at matapat na naglingkod sa kanyang simbahan. May panahon sa kanyang buhay na nagsimula siyang mag-alinlangan sa kanyang paniniwala, at hinangad na makapag-aral pa at nabigyan ng mga pagkakataon para magawa ito. Gayunman, habang lalo siyang nag-aaral, mas nabalisa siya. Nakumbinsi siya sa nabasa at nadama niya na nagkaroon ng malawakang apostasiya mula sa tunay na doktrinang itinuro ni Jesus at ng mga naunang Apostol. Hinanap ni Angelo ang tunay na relihiyon ng Diyos sa iba-ibang simbahan ngunit hindi siya nasiyahan sa loob ng maraming taon.
Isang araw ay may nakilala siyang dalawang miyembro ng Simbahan na tumutulong sa mga missionary sa paghahanap ng mas marami pang tuturuan. Nagustuhan niya sila at masayang nakinig sa kanilang mensahe. Buong-pusong tinanggap ni Angelo ang isang kopya ng Aklat ni Mormon.
Nang gabing iyon ay sinimulan niyang basahin ang aklat. Napuspos siya ng kagalakan. Sa pamamagitan ng Espiritu, binigyan ng Diyos si Angelo ng katiyakan na makikita niya sa Aklat ni Mormon ang katotohanang maraming taon na niyang hinahanap. Nakadama siya nang lubos na kasiyahan. Pinagtibay ng nabasa at ng natutuhan niya mula sa mga missionary ang kanyang konklusyon na nagkaroon ng malawakang apostasiya, at nalaman din niya na ipinanumbalik na sa mundo ang tunay na Simbahan ng Diyos. Di-nagtagal, nabinyagan si Angelo sa Simbahan.4 Noong una ko siyang nakilala, siya ang pangulo ng Rimini Branch ng ating Simbahan sa Italy.
Ang naranasan nina Nicholas, Alibert, at Angelo sa Aklat ni Mormon ay nagpaalala sa karanasan ni Parley P. Pratt:
“Binuksan ko [ang aklat] nang nananabik. … Buong araw akong nagbasa; [abala para sa akin] ang pagkain, hindi ko gustong kumain; [hindi ko magawang matulog nang] sumapit ang gabi, sapagkat mas gusto kong magbasa kaysa matulog.
“Habang nagbabasa ako, napasaakin ang espiritu ng Panginoon, at nalaman at naunawaan ko na totoo ang aklat, kasing-simple at kasing-tiyak ng pagkaalam at pagkaunawa ng isang tao na buhay siya. Lubos na ngayon ang aking kagalakan, tulad din noon, at nagalak ako [at napawi ang] lahat ng pasakit, sakripisyo, at paghihirap ng aking buhay.”5
May mga taong lubos na naaantig ng Aklat ni Mormon sa unang pagbuklat nila nito, ngunit sa iba ang patotoo sa katotohanan ay dumarating nang paunti-unti habang binabasa at ipinagdarasal nila ito. Ganyan ang nangyari sa akin. Una kong nabasa ang Aklat ni Mormon noong tinedyer ako at estudyante sa seminary. Ito ang kopya ng Aklat ni Mormon na binasa ko. Hindi ko masasabi sa inyo ang tiyak na oras o lugar kung kailan ito nangyari, ngunit sa isang bahagi ng pagbabasa kong iyon, may nadama akong kakaiba. May nadarama akong sigla at saya sa tuwing bubuklatin ko ang aklat. Lalo ko pang nadarama ito habang patuloy ako sa pagbasa. Ganito pa rin ang nadarama ko hanggang sa araw na ito. Sa tuwing binubuklat ko ang Aklat ni Mormon, tila may switch na binubuksan—pinupuspos ng Espiritu ang aking puso’t kaluluwa.
Ngunit sa iba, mas dahan-dahan ang pagdating ng patotoo sa Aklat ni Mormon, matapos ang maraming pag-aaral at pagdarasal. May kaibigan akong nagbasa ng Aklat ni Mormon upang malaman kung totoo ito. Sinunod niya ang paanyaya ni Moroni na magtanong sa Diyos nang may matapat na puso at tunay na layunin at nang may pananampalataya kay Cristo, kung totoo ang Aklat ni Mormon.6 Ngunit hindi niya kaagad natanggap ang ipinangakong espirituwal na sagot. Gayunpaman, isang araw, habang nagninilay-nilay siya, habang nagmamaneho, nagpatotoo sa kanya ang Espiritu tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Tuwang-tuwa at napakasayang ibinaba niya ang bintana ng kotse at sumigaw, hindi sa kanino pa mang tao kundi sa buong mundo, “Totoo nga!”
Nagkaroon man tayo ng patotoo sa Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon na buklatin natin ito o sa paglipas pa ng mga araw, maiimpluwensyahan tayo nito sa buong buhay natin kung patuloy nating babasahin ito at ipamumuhay ang mga turo nito. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas.”7
Hinihikayat ko ang lahat na nakakarinig sa mensaheng ito, kabilang ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na narito ngayong gabi sa miting na ito, na tuklasin ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Tulad ng paanyaya sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson: “Basahin ang Aklat ni Mormon. Pag-isipang mabuti ang mga turo nito. Tanungin ang Ama sa Langit kung ito ay totoo.”8 Sa paraang ito, madarama ninyo ang Espiritu ng Diyos sa inyong buhay. Ang Espiritung iyan ay magiging bahagi ng inyong patotoo na totoo ang Aklat ni Mormon, na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay na Simbahan ng Diyos sa lupa ngayon. Tutulungan kayo ng patotoong iyan na mapaglabanan ang tukso.9 Ihahanda kayo nito para sa “dakilang panawagan na … magsumigasig na gumawa sa mga ubasan ng Panginoon.”10 Ito ay magsisilbing matibay na angkla kapag may nagpaparatang o naninira sa inyo para subukin ang inyong pananampalataya, at magsisilbi itong matatag at di-natitinag na pundasyon kapag may nagtanong na hindi ninyo kaagad masagot. Mahihiwatigan ninyo ang tama at mali, at madarama ninyo na muling pinagtitibay ng Espiritu Santo ang inyong patotoo nang paulit-ulit habang patuloy ninyong binabasa ang Aklat ni Mormon sa buong buhay ninyo.
Hinihikayat ko rin ang lahat ng mga magulang na nakakarinig o nakakabasa sa mensaheng ito na gawing mahalagang bahagi ng inyong mga tahanan ang Aklat ni Mormon. Habang lumalaki ang aming mga anak, binabasa namin ang Aklat ni Mormon habang nag-aalmusal kami. Ito ang bookmark na ginamit namin. Nasa harapan ang isang pahayag mula kay Pangulong Benson na nangangako na ibubuhos ng Diyos ang isang pagpapala sa amin kapag binasa namin ang Aklat ni Mormon.11 Nasa likuran ang isang pangako mula kay Pangulong Marion G. Romney, na dating tagapayo sa Unang Panguluhan: “Natitiyak ko na kung mapanalangin at regular na babasahin ng mga magulang, sa ating mga tahanan, ang Aklat ni Mormon kapwa nang sarilinan at nang kasama ang kanilang mga anak, mapapasaating mga tahanan at sa lahat ng nakatira doon ang diwa ng aklat na iyon. … Lilisan ang espiritu ng pagtatalo. Magpapayo ang mga magulang sa kanilang mga anak nang may mas dakilang pagmamahal at karunungan. Ang mga anak ay higit na makatutugon at makasusunod sa payo ng kanilang mga magulang. Mag-iibayo ang kabutihan. Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ay mag-iibayo sa ating mga tahanan at buhay, magdudulot ito ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan.”12
Ngayon, pagkalipas ng maraming taon matapos lisanin ng mga anak namin ang aming tahanan at magsimula ng kanilang sariling pamilya, malinaw naming nakita ang katuparan ng pangako ni Pangulong Romney. Malayo pa sa pagiging perpekto ang aming pamilya, ngunit mapatototohanan namin ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon at ang mga pagpapalang dumating at patuloy na dumarating sa buhay ng aming buong pamilya dahil sa pagbabasa nito.
Ang pinakadakilang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon ay ang impluwensya nito na mas ilapit tayo kay Jesucristo. Ito ay isang matibay na patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang nakatutubos na misyon.13 Sa pamamagitan nito ay naunawaan natin ang kadakilaan at kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.14 Malinaw nitong itinuturo ang Kanyang doktrina.15 At dahil sa napakagagandang kabanata na naglalarawan ng pagbisita ng nabuhay na muling Cristo sa mga Nephita, nakita at nadama natin Siyang magmahal, magbasbas, at magturo sa mga taong ito at naunawaan na gagawin din Niya ang gayon sa atin kung lalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Kanyang ebanghelyo.16
Mga kapatid, pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Binabasa ko man ito sa English, Italian, o French, naka-print man o sa electronic device, nadarama ko pa rin sa aking buhay ang napakagandang impluwensya na nagmumula sa mga kabanata at mga talata nito. Pinatototohanan ko ang kapangyarihan nito na mas naglalapit sa atin kay Cristo. Dalangin ko na lubos na makinabang ang bawat isa sa atin sa kapangyarihang taglay ng napakagandang aklat na ito ng banal na kasulatan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.