Kapangyarihan ng Priesthood
Nawa’y maging marapat tayong tumanggap ng banal na kapangyarihan ng priesthood na ating taglay. Nawa’y pagpalain nito ang ating buhay at nawa’y gamitin natin ito upang pagpalain ang buhay ng iba.
Matagal kong ipinagdasal at pinag-aralan ang sasabihin ko sa gabing ito. Hindi ko ibig saktan ang damdamin ng sinuman. Naisip ko, “Ano ba ang mga hamon na kinakaharap natin? Ano ba ang nakakaharap ko sa bawat araw na dahilan para umiyak ako kung minsan sa hatinggabi?” Naisip kong sisikapin kong banggitin ang tungkol sa ilan sa mga hamong ito ngayong gabi. Ang ilan ay aakma sa mga kabataang lalaki. Ang iba ay aakma sa mga nasa katanghalian ang edad. Ang iba naman ay aakma sa mga medyo matanda na. Hindi natin pag-uusapan ang tungkol sa matatanda na.
Kaya’t gusto kong simulan sa pagsasabing, napakainam na magkakasama tayo sa gabing ito. Narinig natin ang magaganda at napapanahong mensahe tungkol sa priesthood ng Diyos. Ako, kasama ninyo, ay napasigla at nabigyang-inspirasyon.
Sa gabing ito nais kong talakayin ang mga bagay na nasa isip ko nitong mga nakaraang araw at nahikayat akong ibahagi ito sa inyo. Sa anumang paraan, may kaugnayan itong lahat sa pagkamarapat ng sarili na kailangan para matanggap at magamit ang sagradong kapangyarihan ng priesthood na ating taglay.
Magsisimula ako sa pagbasa sa inyo mula sa bahagi 121 ng Doktrina at mga Tipan:
“Ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at … ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.
“Na ito ay maaaring igawad sa atin, ito ay totoo; subalit kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon.”1
Mga kapatid, iyan ang makapangyarihang salita ng Panginoon tungkol sa Kanyang banal na awtoridad. Hindi natin mapagdududahan ang obligasyong ibinigay nito sa bawat isa sa atin na maytaglay ng priesthood ng Diyos.
Naparito tayo sa mundo sa panahong puno ng kaguluhan. Ang mga pamantayan ng moralidad ng masa ay unti-unting nagiging “halos kahit ano na lang.”
Sapat na ang haba ng buhay ko para masaksihan ang maraming pagbabago sa moralidad ng lipunan. Noon halos lahat ng pamantayan ng Simbahan at ng lipunan ay magkatugma, ngayo’y may malawak na puwang sa ating pagitan, at lumalawak pa ito.
Maraming pelikula at palabas sa telebisyon ang nagpapakita ng pag-uugaling tuwirang sumasalungat sa mga batas ng Diyos. Huwag magpailalim sa pahiwatig at malinaw na kalaswaang napakadalas matagpuan doon. Ang mga titik ng karamihan sa tugtugin ngayon ay nasa gayong kategorya rin. Ang kahalayang laganap sa ating paligid ngayon ay hinding-hindi palalagpasin noon. Nakalulungkot na ang pangalan ng Panginoon ay paulit-ulit na ginagamit sa walang kabuluhan. Gunitain natin ang utos—isa sa sampu—na inihayag ng Panginoon kay Moises sa Bundok ng Sinai: “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.”2 Nalulungkot ako na mayroon sa atin na lantad sa mahahalay na pananalita, at nakikiusap ako na huwag ninyo itong gamitin. Isinasamo ko na huwag kayong magsalita o gumawa ng anumang ikahihiya ninyo.
Tuluyan nang lumayo sa pornograpiya. Huwag na ninyo itong tingnan, kahit kailan. Napatunayang ito ay isang adiksyon na mas mahirap daigin. Iwasan ang alak at tabako o anumang droga, gayundin ang mga adiksyon na mahihirapan kayong itigil.
Ano ang poprotekta sa inyo mula sa kasalanan at kasamaan sa inyong paligid? Naniniwala ako na ang matibay na patotoo sa ating Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ang magliligtas sa inyo. Kung hindi pa ninyo nababasa ang Aklat ni Mormon, basahin ito. Hindi ko na hihilinging magtaas kayo ng kamay. Kung gagawin ninyo ito nang may panalangin at tapat na hangaring malaman ang katotohanan, ipakikita ng Espiritu Santo ang katotohanan nito sa inyo. Kung ito ay totoo—at totoo nga—ibig sabihin si Joseph Smith ay isang propetang nakita ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang Simbahan ay totoo. Kung wala pa kayong patotoo sa mga bagay na ito, gawin ninyo ang kailangan para matamo ito. Mahalagang magkaroon kayo ng sariling patotoo, dahil hindi kayo lubos na masusuportahan ng patotoo ng ibang tao. Kapag nagkaroon na kayo ng patotoo, kailangan itong manatiling masigla at buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at regular na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Magsimba. Kayong mga kabataang lalaki, dumalo sa seminary o institute kung mayroon nito sa inyong lugar.
Kung may mali sa inyong buhay, may paraan para maitama ninyo ito. Itigil ang anumang kasamaan. Kausapin ang inyong bishop. Anuman ang problema, malulutas ito sa pamamagitan ng wastong pagsisisi. Maaari kayong maging malinis muli. Sabi ng Panginoon, tungkol sa mga nagsisisi, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe,”3 “at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”4
Inilarawan ng Tagapagligtas ng sangkatauhan ang Kanyang sarili bilang nasa mundo ngunit hindi makamundo.5 Tayo man ay magiging gayon kung tatanggihan natin ang mga maling konsepto at turo at mananatili tayong tapat sa ipinag-uutos ng Diyos.
Ngayon, nitong mga nakalipas na araw ay naiisip ko kayong mga binatang nasa edad na para mag-asawa pero hindi pa naiisip na mag-asawa. Nakikita ko ang magagandang dalaga na gustong mag-asawa at magkaroon ng pamilya, pero limitado ang pagkakataong gawin iyon dahil napakaraming binatang ayaw pang mag-asawa.
Hindi na bago ang sitwasyong ito. Marami nang nasabi ang mga nakaraang Pangulo ng Simbahan tungkol dito. Ibabahagi ko sa inyo ang isa o dalawang halimbawa ng kanilang pangaral.
Sabi ni Pangulong Harold B. Lee, “Hindi natin ginagawa ang ating tungkulin bilang maytaglay ng priesthood kapag lumagpas tayo sa edad ng pag-aasawa at ipinagkait sa ating sarili ang marangal na pagpapakasal sa magagandang dalagang ito.”6
Ganito ang sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Naaawa ako sa … ating mga dalaga, na nasasabik makapag-asawa at tila wala namang makita. … Wala akong gaanong simpatiya sa mga binata, na ayon sa kaugalian ng ating lipunan ay siyang may tanging karapatang manguna sa mga bagay na ito ngunit sa maraming pagkakataon ay ayaw kumilos.”7
Alam ko na maraming dahilan kaya kayo atubiling gumawa ng hakbang para makapag-asawa. Kung inaalala ninyo ang paglalaan ng kabuhayan sa isang asawa at pamilya, tinitiyak ko sa inyo na hindi nakakahiyang magtipid at mag-ipon ang isang mag-asawa. Karaniwan ay sa mga panahong ito ng pagsubok kayo higit na nagkakalapit habang natututo kayong magsakripisyo at gumawa ng mahihirap na desisyon. Marahil ay natatakot kayong magkamali sa pagpili. Ang masasabi ko rito ay kailangan ninyong sumampalataya. Humanap ng isang taong makakasundo ninyo. Dapat ninyong malaman na hindi ninyo malalaman ang bawat hamon na darating, ngunit tinitiyak ko na halos lahat ay malulutas kung masigasig kayong humahanap ng kalutasan at nais ninyong magtagumpay ang inyong pagsasama bilang mag-asawa.
Marahil ay masyado kayong nasisiyahan sa pagiging binata, nagbabakasyon-grande, bumibili ng mamahaling kotse at laruan, at natutuwa lang sa masayang buhay kasama ang inyong mga kaibigan. Nakakita na ako ng mga grupo ninyo na magkakasama kahit saan, at inaamin ko na nagtaka ako kung bakit hindi mga dalaga ang kasama ninyo.
Mga kapatid, may panahon para pag-isipang mabuti ang pag-aasawa at humanap ng isang katuwang na nais ninyong makapiling magpasawalang-hanggan. Kung matalino ang inyong pagpili at desididong magtagumpay sa inyong pagsasama, wala nang ibang higit na magpapaligaya sa inyo sa buhay na ito.
Kapag magpapakasal na kayo, mga kapatid, nanaisin ninyong makasal sa bahay ng Panginoon. Para sa inyo na maytaglay ng priesthood, dapat ay wala nang ibang pagpipilian. Mag-ingat dahil baka masira ang pagiging karapat-dapat ninyong makasal sa gayong paraan. Mapananatili ninyo sa angkop na hangganan ang inyong pagliligawan habang masaya pa rin kayong magkasama.
Ngayon, mga kapatid, tatalakayin ko ang isa pang paksa na nadama kong sabihin sa inyo. Sa loob ng tatlong taon mula nang sang-ayunan ako bilang Pangulo ng Simbahan, naniniwala ako na ang pinakamalungkot at nakapanlulumong responsibilidad ko sa bawat linggo ay ang pagkansela ng mga kasal na ibinuklod sa templo. Bawat isa ay nagsimula sa masayang kasal sa bahay ng Panginoon, kung saan ang nag-iibigan ay nagsimula ng bagong buhay na magkasama at umasam na makasama ang bawat isa magpakailanman. At pagkatapos sa paglipas ng mga buwan at taon, at sa kung anong dahilan, naglaho ang pag-ibig. Maaaring bunga iyon ng mga problema sa pera, kakulangan ng komunikasyon, hindi mapigil na galit, pakikialam ng mga biyenan, pagkakasala. Maraming posibleng dahilan. Sa maraming pagkakataon hindi kailangang humantong iyon sa diborsyo.
Karamihan sa mga kahilingan ng pagkansela ng kasal sa templo ay mula sa mga babaeng lubhang nagsikap upang magtagumpay ang pagsasama ngunit, sa bandang huli, hindi nakayanan ang mga problema.
Piliing mabuti at nang may panalangin ang inyong mapapangasawa; at kapag kasal na kayo, maging lubos na tapat sa isa’t isa. Napakahalaga ng payo na nakita ko minsan sa isang maliit na plakeng nakakuwadro sa bahay ng tiyo at tiya ko. Sabi roon, “Piliin ang iyong iibigin; ibigin ang iyong pinili.” Napakatalinong payo mula sa ilang salitang iyon. Ang katapatan sa asawa ay lubhang mahalaga.
Ang inyong maybahay ay kapantay ninyo. Sa mag-asawa walang sinumang mas mataas o mas mababa kaysa sa isa. Lumalakad kayong magkatabi bilang mga anak ng Diyos. Hindi siya dapat hamakin o insultuhin kundi dapat siyang respetuhin at mahalin. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Sinumang lalaki sa Simbahang ito na … di-matwid ang pakikitungo sa [kanyang asawa] ay hindi karapat-dapat na magtaglay ng priesthood. Bagama’t maaaring naordenan siya, ang kalangitan ay lalayo, ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati, at wakas na ito ng kapangyarihan ng [priesthood] ng taong iyon.”8
Ganito ang sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter tungkol sa pag-aasawa: “Ang maligaya at matagumpay na pag-aasawa ay karaniwang hindi tungkol sa pagpapakasal sa tamang tao kundi ikaw dapat ang tamang tao.” Gusto ko iyan. “Ang kusang pagsisikap na gampanang mabuti ang inyong bahagi ang makatutulong nang malaki sa pagtatagumpay.”9
Maraming taon na ang nakalilipas sa ward na pinamunuan ko bilang bishop, may isang mag-asawa na madalas magkaroon ng napakatindi at mainitang pag-aaway. Mga totohanang pag-aaway. Iginigiit ng bawat isa sa kanila ang kani-kanyang katwiran. Walang gustong magpatalo. Kapag hindi sila nagtatalo, naroon pa rin sa kanila ang tinatawag kong nakababalisang katahimikan.
Minsan, alas-2 n.u ay tumawag sa akin ang mag-asawa. Gusto nila akong kausapin, at gusto nilang noon din mismo. Pinilit kong bumangon, nagbihis, at nagpunta ako sa kanilang tahanan. Nakaupo sila sa magkabilang panig ng silid nang hindi nagkikibuan sa isa’t isa. Sa akin sinasabi ng babae ang gusto niyang sabihin sa lalaki. Sa akin naman sinasabi ng lalaki ang sagot niya sa babae. Naisip ko, “Paano kaya namin mapagkakasundo ang mag-asawang ito?”
Nagdasal ako para sa inspirasyon, at naisip kong tanungin sila. Sabi ko, “Gaano katagal na ba kayo huling nagpunta sa templo at nakasaksi ng kasal sa templo?” Inamin nila na napakatagal na. Karapat-dapat naman silang mga tao na mayhawak na temple recommend at nagpupunta noon sa templo at nagsasagawa ng ordenansa para sa iba.
Sabi ko sa kanila, “Maaari ba kayong sumama sa akin sa templo sa Miyerkules ng alas-8:00 ng umaga? Sasaksihan natin ang isang pagbubuklod doon.”
Sabay silang nagtanong, “Kanino ho iyon?”
Sagot ko, “Hindi ko alam. Para iyon sa sinumang ikakasal sa umagang iyon.”
Pagsapit ng Miyerkules sa takdang oras nagkita-kita kami sa Salt Lake Temple. Pumasok kaming tatlo sa isa sa magagandang silid-bukluran, na walang kilala ni isang tao sa silid maliban kay Elder ElRay L. Christiansen, na noon ay Assistant sa Korum ng Labindalawa, isang katungkulan ng General Authority noon. Si Elder Christiansen ang nakatakdang magsagawa ng pagbubuklod para sa isang magkasintahan sa silid na iyon sa umagang iyon. Tiyak kong naisip ng babae at ng kanyang pamilya, “Mga kaibigan siguro ito ng lalaki” at naisip naman ng pamilya ng lalaki, “Mga kaibigan siguro ito ng babae.” Ang mag-asawang kasama ko ay nakaupo sa maliit na bangko na mga dalawang talampakan (0.6 m) ang pagitan nila.
Nagsimulang magpayo si Elder Christiansen sa magkasintahang ikinakasal, at maganda ang sinabi niya. Binanggit niya kung paano dapat mahalin ng lalaki ang kanyang asawa, paano niya ito dapat tratuhin nang may respeto at paggalang, na iginagalang siya bilang puso ng tahanan. Pagkatapos ay kinausap niya ang babae kung paano niya dapat igalang ang kanyang asawa bilang ulo ng tahanan at suportahan ito sa lahat ng paraan.
Napuna ko na nang kausapin ni Elder Christiansen ang magkasintahan, medyo naglapit ang mag-asawang kasama ko. Hindi naglaon magkatabi na sila sa upuan. Ang ikinatuwa ko ay halos magkasabay silang umusog. Pagkatapos ng seremonya, magkatabi na ang mag-asawang kasama ko na para bang sila ang mga bagong kasal. Nakangiti sila pareho.
Nilisan namin ang templo noong araw na iyon, at walang nakaalam kung sino kami o bakit kami naroon, ngunit magkahawak-kamay ang mga kaibigan ko paglabas nila sa pintuan ng templo sa harapan. Naisantabi na ang hindi nila pagkakaunawaan. Hindi ko na kinailangang magsalita. Nakita ninyo, naalala nila ang araw ng kasal nila at ang mga tipang ginawa nila sa bahay ng Diyos. Nangako silang magsimulang muli at higit na magsikap sa pagkakataong ito.
Kung may sinuman sa inyo na nahihirapan sa inyong pagsasama, hinihikayat ko kayong gawin ang lahat para maisaayos ang kailangang isaayos, nang kayo ay lumigayang katulad noong bagong kasal kayo. Tayo na ikinasal sa bahay ng Panginoon ay ginagawa ito para sa buhay na ito at para sa buong kawalang-hanggan, at pagkatapos ay dapat nating sikaping mangyari ito. Alam ko na may mga sitwasyong hindi na maisasalba ang pagsasama, ngunit malakas ang pakiramdam ko na kadalasan ay maaari pa at dapat itong isalba. Huwag hayaang umabot ang pagsasama ninyo sa puntong manganib na ito.
Itinuro ni Pangulong Hinckley na nakasalalay sa bawat isa sa atin na may priesthood ng Diyos ang pagdidisiplina sa ating sarili para makapamuhay tayo ayon sa mga pamantayang mas mataas kaysa sa mundo. Mahalagang maging kagalang-galang at disente tayo. Hindi dapat mapintasan ang ating mga kilos.
Ang ating mga sinasabi, pagtrato sa iba, at paraan ng pamumuhay ay may epektong lahat sa impluwensya natin bilang mga lalaking mayhawak ng priesthood.
Ang kaloob na priesthood ay walang katumbas. Taglay nito ang awtoridad na kumilos bilang mga lingkod ng Diyos, mangasiwa sa maysakit, magbasbas sa ating pamilya, at pagpalain din ang iba. Ang awtoridad nito ay hanggang sa kabilang buhay, hanggang sa mga kawalang-hanggan. Wala itong katulad sa buong mundo. Ingatan ito, pangalagaan ito, maging marapat para dito.10
Mahal kong mga kapatid, nawa’y gabayan tayo ng kabutihan sa bawat hakbang sa paglalakbay natin sa buhay. Ngayon at tuwina, nawa’y maging marapat tayong tumanggap ng banal na kapangyarihan ng priesthood na taglay natin. Nawa’y basbasan nito ang ating buhay at nawa’y magamit natin ito upang basbasan ang buhay ng iba, tulad ng ginawa Niya na nabuhay at namatay para sa atin—maging si Jesucristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas. Ito ang dalangin ko sa Kanyang sagrado, Kanyang banal na pangalan, amen.