2010–2019
Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod
Abril 2011


2:3

Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod

Nawa’y ipakita natin ang ating pagmamahal at pagpapahalaga sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating simple at mahabaging paglilingkod.

Mga kapatid, sana’y samantalahin ninyong mga bumibisita sa Salt Lake ang pagkakataong masiyahan sa makukulay at mababango at magagandang bulaklak ng tagsibol sa Temple Square.

Ang tagsibol ay nagpapanibago ng liwanag at buhay—na nagpapaalala sa atin, sa pag-ikot ng iba’t ibang panahon, ng buhay, sakripisyo, at Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon at Manunubos na si Jesucristo; sapagkat “lahat ng bagay ay nagpapatotoo sa [Kanya]” (Moises 6:63).

Sa likod ng magandang tanawing ito ng tagsibol at simbolo ng pag-asa, may isang mundo ng kawalang-katiyakan, kaguluhan, at kalituhan. Ang mga pangangailangan ng pang-araw-araw na buhay—pag-aaral, trabaho, pagpapalaki ng mga anak, pamamahala sa Simbahan at mga tungkulin, mga gawain sa mundo, at maging ang pait at lungkot ng di-inaasahang karamdaman at trahedya—ay maaaring magpahina sa atin. Paano tayo makakaalpas sa mga hamon ng buhay at kawalang-katiyakan upang magkaroon ng kapayapaan ng isipan at kaligayahan?

Kadalasan katulad tayo ng bata pang mangangalakal mula sa Boston, na noong 1849, ayon sa kuwento, ay nakibahagi sa kainitan ng California gold rush. Ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian upang hanapin ang kanyang kapalaran sa mga ilog ng California, na sinabi sa kanya na puno ng tipak-tipak na gintong napakalalaki para buhatin ng isang tao.

Sa pagdaan ng mga araw, isinasalok ng binatang ito ang kanyang sisidlan sa ilog at wala namang nakukuha. Ang tanging nakuha niya ay santambak na malalaking bato. Dahil nawawalan na ng pag-asa at wala na ring pera, handa na siyang sumuko hanggang sa isang araw sinabi sa kanya ng isang matandang tagasuri na bihasa sa mamahaling bato, “Santambak na ang nakuha mong malalaking bato, iho.”

Sagot ng binata, “Wala hong ginto dito. Uuwi na lang po ako.”

Nilapitan ng matandang tagasuri ang tambak ng mga bato, at sinabing, “Aba, may ginto nga. Dapat mo lang alamin kung saan ito makikita.” Dumampot siya ng dalawang bato at pinagsalpok ang mga ito. Isa sa mga bato ang nabiyak, at nalantad ang ilang butil ng ginto na kumikinang sa sikat ng araw.

Nang mapansin ang maumbok na supot na nakatali sa baywang ng tagasuri, sabi ng binata, “Naghahanap ako ng mga tipak na gaya ng nasa supot ninyo, hindi lang maliliit na butil.”

Iniabot ng matandang tagasuri ang kanyang supot sa binata, na tumingin sa nilalaman nito, umaasang makakita ng ilang malalaking tipak ng ginto. Nagulat siyang makita na puno ng libu-libong butil ng ginto ang supot.

Sabi ng matandang tagasuri, “Iho, tila abalang-abala kang maghanap ng malalaking tipak kaya hindi mo mapuno ng mahahalagang butil ng ginto ang supot mo. Ang matiyagang pagtitipon ng maliliit na butil na ito ang nagpayaman sa akin nang husto.”

Inilalarawan ng kuwentong ito ang espirituwal na katotohanang itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Helaman:

“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay. …

“… At sa pamamagitan ng napakaliit na pamamaraan ay … isinasakatuparan [ng Panginoon] ang kaligtasan ng maraming tao” (Alma 37:6–7).

Mga kapatid, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay simple, gaano man natin tangkaing gawin itong kumplikado. Dapat nating sikaping panatilihing simple ang ating buhay, walang impluwensya mula sa labas, nakatuon sa mga bagay na pinakamahalaga.

Ano ang mahahalaga at mga simpleng bagay ng ebanghelyo na nagbibigay ng linaw at layunin sa ating buhay? Ano ang mga butil ng gintong ebanghelyo na sa matiyagang pagtitipon habang tayo ay nabubuhay ay gagantimpalaan tayo ng huling kayamanan—ang mahalagang kaloob na buhay na walang-hanggan?

Naniniwala ako na may isang simple ngunit makabuluhan—at dalisay—na alituntuning sumasakop sa kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kung buong puso nating tatanggapin at pagtutuunan sa buhay ang alituntuning ito, padadalisayin at pababanalin tayo nito upang makabalik tayong muli sa piling ng Diyos.

Binanggit ng Tagapagligtas ang alituntuning ito nang sagutin Niya ang isang Fariseo na nagtanong, “Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?

“At sinabi [ni Jesus] sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:36–40).

Kapag minahal natin ang Diyos at si Cristo nang ating buong puso, kaluluwa, at isipan, saka lamang natin maibabahagi ang pagmamahal na ito sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod—ang paraan ng pagmamahal at paglilingkod ng Tagapagligtas sa ating lahat kung kasama natin Siya ngayon.

Kapag itong dalisay na pag-ibig ni Cristo—o pag-ibig sa kapwa—ang lumukob sa atin, nag-iisip, nakadarama, at kumikilos tayo nang mas katulad ng Ama sa Langit at ni Jesus. Ang ating motibo at taos na hangarin ay katulad ng sa Tagapagligtas. Ibinahagi Niya ang hangaring ito sa Kanyang mga Apostol isang araw bago Siya Ipinako sa Krus. Sabi niya:

“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo. …

“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:34–35).

Ang pag-ibig na inilarawan ng Tagapagligtas ay pagmamahal na ipinapakita. Hindi ito nakikita sa malalaki at magigiting na gawa kundi sa mga simpleng pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod.

Napakaraming paraan at sitwasyon na maaari nating paglingkuran at mahalin ang iba. Ilan lang ang aking imumungkahi.

Una, ang pag-ibig sa kapwa ay nagsisimula sa tahanan. Ang kaisa-isang pinakamahalagang alituntuning dapat mamayani sa bawat tahanan ay ang sundin ang Ginintuang Aral—ang payo ng Panginoon na “lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila” (Mateo 7:12). Sandaling isipin ang mararamdaman ninyo kung kayo ang tatanggap ng walang-pakundangang salita o gawa. Sa ating halimbawa, turuan natin ang ating mga kapamilya na magmahalan.

Ang isa pang lugar kung saan marami tayong pagkakataon na maglingkod ay sa Simbahan. Ang ating mga ward at branch ay dapat maging mga lugar kung saan laging ginagabayan ng Ginintuang Aral ang ating pananalita at ginagawa sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng mabait na pakikitungo sa bawat isa, pagbibitaw ng mga salita ng pagsuporta at panghihikayat, at pagiging sensitibo sa mga pangangailangan ng bawat isa, magkakaroon ng pagmamahalan at pagkakaisa sa mga miyembro ng ward. Kapag naroon ang pag-ibig sa kapwa, walang puwang para sa tsismis o masasakit na salita.

Ang mga miyembro ng ward, kapwa matatanda at mga kabataan, ay maaaring magkaisa sa makabuluhang paglilingkod upang mapagpala ang buhay ng iba. Dalawang linggo pa lamang ang nakararaan, iniulat ng pangulo ng South America Northwest Area, si Elder Marcus B. Nash ng Pitumpu, na sa pag-aatas sa “matitibay ang espiritu sa yaong mahihina,” sinasagip nila ang daan-daang di-gaanong aktibong matanda at kabataan. Sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod, “isa-isa” silang nagbabalik. Ang mga kabaitang ito ay lumilikha ng matibay at nagtatagal na bigkis sa pagitan ng lahat ng kasangkot—kapwa ang mga tumutulong at ang mga tinutulungan. Napakaraming mahahalagang alaalang nakatuon sa gayong paglilingkod.

Kapag ginugunita ko ang maraming taon ng pamamahala ko sa Simbahan, ilan sa pinakamakabuluhan kong mga alaala ay ang mga panahon na sumama ako sa mga miyembro ng ward para tulungan ang isang tao.

Halimbawa, naaalala ko noong bishop ako na nakatulong ko ang ilang aktibong miyembro ng aking ward sa paglilinis ng balon ng pagkain ng mga alagang hayop sa stake welfare farm. Hindi kasiya-siyang gawain iyan! Isang di-gaanong aktibong lalaki na maraming taon nang hindi nakasimba ang pinasama sa amin. Dahil sa pagmamahal at pakikisamang nadama niya sa amin habang nagtatrabaho at nag-uusap kami sa mabahong balon na iyon, nagbalik siya sa simbahan at kalaunan ay nabuklod sa templo sa kanyang asawa at mga anak. Ang pakikisama namin sa pamamagitan ng paglilingkod ay nagpala sa kanyang mga anak, apo, at ngayon ay sa mga apo-sa-tuhod. Marami sa kanila ang nakapagmisyon, ikinasal sa templo, at bumubuo ng walang-hanggang pamilya—isang dakilang gawaing dulot ng simpleng pagkilos, isang maliit na butil ng ginto.

Ang ikatlong lugar kung saan makapaglilingkod tayo ay sa ating komunidad. Bilang dalisay na pagpapakita ng ating pagmamahal at malasakit, matutulungan natin ang mga nangangailangan ng ating tulong. Marami sa inyo ang nakapagsuot na ng mga vest na “helping hands” at walang pagod na nagtrabaho upang bigyang-ginhawa ang mga nagdurusa at pagandahin ang inyong komunidad. Kamakailan ay nagbigay ng mahalagang paglilingkod ang mga young single adult sa Sendai Japan Stake sa paghahanap sa mga miyembro pagkatapos ng mapangwasak na lindol at tsunami. Napakaraming paraan para makapaglingkod.

Sa ating taos-pusong kabaitan at paglilingkod, maaari nating kaibiganin ang mga pinaglilingkuran natin. Sa mga pagkakaibigang ito ay nagkakaroon ng mas mabuting pang-unawa sa ating katapatan sa ebanghelyo at nagkakaroon ng hangaring alamin pa ang tungkol sa atin.

Binanggit ng mabuti kong kaibigan na si Elder Joseph B. Wirthlin ang kapangyarihan ng alituntuning ito nang sabihin niyang, “Ang kabaitan ang pinakadiwa ng kadakilaan. … [Ito ang] susi na nagbubukas ng pintuan at lumilikha ng mga kaibigan. Nagpapalambot ito ng puso at humuhubog ng panghabambuhay na mga samahan” (“Ang Kahalagahan ng Kabaitan,” Liahona, Mayo 2005, 26).

Ang isa pang paraan na mapaglilingkuran natin ang mga anak ng Ama sa Langit ay sa paglilingkod sa misyon—hindi lamang bilang mga full-time missionary kundi bilang mga kaibigan at kapitbahay rin. Ang paglago ng Simbahan sa hinaharap ay hindi mangyayari sa pagkatok lamang sa pintuan ng mga estranghero. Mangyayari ito kapag ang mga miyembro, kasama ang ating mga misyonero, na puno ng pag-ibig sa Diyos at kay Cristo ay nahihiwatigan ang mga pangangailangan at tumutugon sa mga pangangailangang iyon sa diwa ng pagkakawanggawa.

Kapag ginawa natin ito, mga kapatid, madarama ng may pusong tapat ang ating katapatan at pagmamahal. Maraming magnanais na higit tayong makilala. Sa oras na iyon lamang lalawak at pupunuin ng Simbahan ang daigdig. Hindi ito maisasagawa ng mga misyonero lamang kundi kailangan nito ang interes at paglilingkod ng bawat miyembro.

Sa lahat ng ating paglilingkod, kailangan nating maging sensitibo sa mga paramdam ng Espiritu Santo. Ipapaalam sa atin ng marahan at banayad na tinig kung sino ang nangangailangan ng ating tulong at paano natin sila matutulungan.

Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Lubhang mahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa sa kaharian. … Napakadalas na ang ating paglilingkod ay mga karaniwang panghihikayat o pagbibigay ng … tulong sa mga karaniwang gawain, ngunit anong mga maluwalhating bunga ang nagmumula sa … maliliit ngunit mga kusang gawa!” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 100).

At ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ang mga pangangailangan ng iba ay laging nariyan, at may magagawa ang bawat isa sa atin para tulungan ang isang tao.

“… Maliban kung kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba, maliit ang layunin ng ating sariling buhay” (“Ano ang Nagawa Ko para sa Isang Tao Ngayon?” Liahona, Nob. 2009, 85).

Mga kapatid, muli kong binibigyang-diin na ang pinakamahalagang katangian ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na dapat nating naisin at hangaring taglayin sa ating buhay ay ang kaloob na pag-ibig sa kapwa, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Mula sa kaloob na ito ay sumisibol ang kakayahan nating magmahal at maglingkod sa iba na tulad ng Tagapagligtas.

Itinuro sa atin ng propetang si Mormon ang napakalaking kahalagahan ng kaloob na ito at sinabi sa atin kung paano ito matatanggap: “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagsunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:48).

Naisasagawa ang mga dakilang bagay sa pamamagitan ng maliliit at mga simpleng bagay. Gaya ng maliliit na butil ng ginto na natitipon sa paglipas ng panahon para maging malaking kayamanan, ang ating maliliit at mga simpleng kabaitan at paglilingkod ay matitipon upang maging isang buhay na puspos ng pagmamahal sa Ama sa Langit, katapatan sa gawain ng Panginoong Jesucristo, at diwa ng kapayapaan at kagalakan tuwing nagtutulungan tayo.

Habang papalapit ang Paskua, nawa’y ipakita natin ang ating pagmamahal at pagpapahalaga sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating simple at mahabaging paglilingkod sa ating mga kapatid sa tahanan, sa simbahan, at sa ating komunidad. Ito ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.