Higit Pa sa mga Mapagtagumpay sa Pamamagitan Niyaong sa Atin ay Umiibig
Ang mga pagsubok ay hindi lamang ibinigay para subukan tayo. Napakahalaga nito sa proseso ng pagtataglay ng kabanalang mula sa Diyos.
Kasama sa buhay sa mundo ang mga pagsubok at dusa, at ilan sa mga pagsubok natin sa buhay ay napakasakit. Ito man ay karamdaman, pagtataksil, mga tukso, pagpanaw ng mahal sa buhay, kalamidad, o iba pang pagsubok, ang dalamhati ay bahagi ng ating buhay sa mundo. Maraming nagtataka kung bakit kailangan nating dumanas ng mahihirap na hamon. Alam natin na ang isang dahilan ay para masubok ang ating pananampalataya at tingnan kung gagawin natin ang lahat ng utos ng Panginoon.1 Sa kabutihang-palad ang buhay sa lupa ang pinakatamang lugar para harapin—at malagpasan—ang mga pagsubok na ito.2
Ngunit ang mga pagsubok na ito ay hindi lamang para subukan tayo. Napakahalaga nito sa proseso ng pagtataglay ng kabanalang mula sa Diyos.3 Kung matatag nating haharapin ang mga dalamhating ito, makakabuti ang mga ito para sa atin.4
Sabi ni Elder Orson F. Whitney, “Walang sakit at pagsubok na ating pinagdaraanan ang nasasayang. … Lahat ng ating pagdurusa at pagtitiis, lalo na’t tinitiis ito nang may pagtitiyaga, ay humuhubog sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating puso, nagpapabuti sa ating kalooban, at ginagawa tayong mas mabait at matulungin. … Sa kalungkutan at pagdurusa, sa pagpapakasakit at hirap, natatamo natin ang pagkatutong layon natin sa mundo.”5
Kamakailan isang siyam-na-taong gulang na batang lalaki ang nasuring may pambihirang kanser sa buto. Ipinaliwanag ng doktor ang nasuring sakit at ang panggagamot, kabilang na ang ilang buwang chemotherapy at maselang operasyon. Sinabi niya na magiging napakahirap nito sa bata at sa pamilya ngunit idinagdag na, “Tinatanong ako ng mga tao, ‘Ganito pa rin ba ako pagkatapos ng lahat ng ito?’ Ang isinasagot ko, ‘Hindi ka na katulad ng dati. Magiging mas malakas ka. Magiging kamangha-mangha ka!’”
Kung minsan tila kung saan pang aspeto ng buhay natin tayo mahina at hirap tayong kayanin, doon pa tayo sinusubok. Yamang layon ng mga hamong ito na paunlarin tayo, hindi tayo dapat magtaka kung napakapersonal ng mga pagsubok—halos sadya nitong puntiryahin ang ating mga pangangailangan o kahinaan. At lahat ay kasama, lalo na ang mga Banal na nagsisikap gawin ang tama. Maaaring itanong ng ilang masunuring Banal, “Bakit ako? Sinisikap ko namang magpakabuti! Bakit hinahayaan ng Panginoon na mangyari ito?” Ang hurno ng pagdadalamhati ay pinadadalisay maging ang pinakamabubuting banal dahil inaalis nito ang dumi sa kanilang buhay at iniiwan silang parang lantay na ginto.6 Kahit ang mamahaling bato ay kailangan ding padalisayin. Hindi sapat ang mabuti lang. Nais nating maging katulad ng Tagapagligtas, na natuto nang Siya ay magdusa ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.”7
Ang Crimson Trail sa Logan Canyon ay isa sa mga paborito kong akyatin. Ang pinakasentro ng bulaos ay gumagapang pataas ng matatarik na talampas at tanaw roon ang magagandang tanawin ng lambak sa ibaba. Gayunman, hindi madaling akyatin ang tuktok ng talampas. Pataas nang pataas ang daanan papunta roon, at bago marating ang ituktok, dadaanan ng nagsisiakyat ang pinakamatarik na bahagi ng bulaos, at tanawin ng talampas ay nakatago na sa mga bangin. Sulit naman ang pag-akyat sa kahuli-hulihang sandali dahil makikita sa tuktok ang makapigil-hiningang tanawin. Ang tanging paraan para makita ang mga tanawin ay umakyat.
Makikita sa mga tala sa banal na kasulatan at sa buhay na kadalasan ang pinakamadilim at pinakamapanganib na pagsubok ay kaagad sinusundan ng kakaibang mga kaganapan at malaking pag-unlad. “Pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala.”8 Nasukol ang mga anak ni Israel sa Dagat na Pula bago ito hinawi.9 Si Nephi ay naharap sa panganib, sa galit ng kanyang mga kapatid, at sa maraming kabiguan bago niya nakuha ang mga laminang tanso.10 Si Joseph Smith ay dinaig ng puwersa ng kasamaan na napakalakas kaya tila nakatakda siyang masawi. Noong halos mawalan na siya ng pag-asa, inubos niya ang kanyang lakas sa pagtawag sa Diyos, at sa mismong sandaling iyon ay nagpakita sa kanya ang Ama at ang Anak.11 Ang mga investigator kadalasan ay nahaharap sa oposisyon at hirap kapag malapit na silang binyagan. Alam ng mga ina na kasunod ng masakit na paghilab ang himala ng panganganak. Paminsan-minsan nakikita natin ang kamangha-manghang pagpapala kasunod ng matitinding pagsubok.
Noong mga 19 taong gulang ang lola ko, nagkasakit siya nang malubha. Kalaunan ay sinabi niya, “Hindi ako makalakad. Tuluyang naiba ang korte ng kaliwa kong paa dahil sa maraming buwang pagkakahiga. Ang mga buto ay singlambot ng espongha, at nang itapak ko sa sahig ang paa ko, para akong nakuryente.”12 Habang nakaratay siya sa kama at labis na naghihirap, kinuha niya at pinag-aralan ang mga polyetong nagmula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naniwala siya at nabinyagan kalaunan. Maraming beses tayong naihahanda ng isang partikular na pagsubok para sa isang bagay na napakahalaga.
Sa gitna ng mga problema, halos imposibleng makita na ang paparating na biyaya ay mas higit sa pasakit, paghamak, o pasakit na maaaring nadarama natin sa oras na iyon. “Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma’y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.”13 Itinuro ni Apostol Pablo, “Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.”14 Mapapansing ginamit ni Pablo ang salitang “magaang kapighatian.” Ito ay mula sa isang taong binugbog, binato, nasira ang barkong sinasakyan, ibinilanggo, at dumanas ng maraming iba pang pagsubok.15 Palagay ko marami sa atin ang hindi ituturing na magaang ang ating mga kapighatian. Subalit kumpara sa mga pagpapala at pag-unlad na tatanggapin natin sa bandang huli, kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, tunay ngang magaang ang ating mga kapighatian.
Hindi natin hinahanap ang mga pagsubok at hirap. Ang ating paglalakbay sa buhay ay magbibigay ng pagsubok na sasapat sa ating mga pangangailangan. Maraming pagsubok ang bahagi na talaga ng ating buhay, ngunit napakahalaga ng kanilang papel sa ating pag-unlad.
Nang matapos na ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa, dinanas Niya ang pinakamatinding pagsubok sa lahat—ang di-maarok na pagdurusa sa Getsemani at sa Golgota. Sinundan ito ng maluwalhating Pagkabuhay na mag-uli at ng pangako na lahat ng ating pagdurusa ay papawiin balang araw. Kailangan Niyang magdusa para magbangon sa umaga ng Paskua at para sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan sa hinaharap.
Kung minsan gusto nating lumago nang walang mga pagsubok at lumakas nang walang kahirap-hirap. Ngunit hindi tayo lalago sa madaling paraan. Alam na alam natin na ang isang atletang ayaw magsanay nang lubos ay hindi kailanman huhusay. Ingatan nating huwag magdamdam sa mismong mga bagay na tutulong sa atin na maging banal.
Walang isa man sa mga pagsubok natin ang lampas sa ating kakayahan, dahil makahihingi tayo ng tulong sa Panginoon. Lahat ng bagay ay magagawa natin sa pamamagitan ni Cristo, na nagpapalakas sa atin.16
Matapos gumaling sa isang malalang karamdaman, ibinahagi ni Elder Robert D. Hales ang sumusunod sa pangkalahatang kumperensya: “Sa ilang pagkakataon, sinabi ko sa Panginoon na matututuhan ko ang mga araling itinuturo at hindi na kinakailangan pang magdanas ako ng karagdagan pang paghihirap. Tila hindi nakatulong ang mga pagsusumamong iyon dahil nilinaw sa akin na ang nagpapadalisay na prosesong ito ng pagsubok ay dapat tiisin sa panahon ng Panginoon at sa pamamaraan ng Panginoon. … Natutuhan ko … na hindi ako iiwang nag-iisa sa pagharap sa mga pagsubok at paghihirap na ito, kundi may mga anghel na magbabantay at tutulong sa akin. May ilan na halos mistulang mga anghel sa katauhan ng mga doktor, nars, at higit sa lahat ng aking magiliw na asawang si Mary. At minsan-minsan, kapag ninais ng Panginoon, ako ay inaaliw ng mga pagdalaw ng mga hukbo ng langit na nagbigay ng ginhawa at walang hanggang pag-alo sa oras ng aking pangangailangan.”17
Mahal tayo ng ating Ama sa Langit, at “nalalaman [natin] na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”18 Balang-araw kapag nasa kabilang buhay na tayo, hindi natin gustong sabihin lang sa atin, “Tapos ka na.” Sa halip, gusto nating sabihin ng Panginoon na, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin.”19
Gustung-gusto ko ang mga salitang ito ni Pablo:
“Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutuman, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? …
“Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig.”20
Alam ko na ang Diyos at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay. Alam ko rin na sa tulong Nila tayo ay magiging “higit pa sa mga mapagtagumpay” sa mga hirap natin sa buhay na ito. Maaari tayong maging katulad Nila. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.