Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito
Ang misyon ninyo ay isang banal na pagkakataong maakay ang iba patungo kay Cristo at tumulong sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Magsasalita ako ngayong gabi sa mga 12 hanggang 25 taong gulang na mayhawak ng priesthood ng Diyos. Iniisip namin kayo palagi at ipinagdarasal namin kayo. Minsan ibinahagi ko ang kuwento tungkol sa aming apat-na-taong-gulang na apo na itinulak nang malakas ang kanyang nakababatang kapatid. Matapos mapatahan ang umiiyak na bata, bumaling ang asawa kong si Kathy sa apat na taong gulang at mahinahong nagtanong, “Bakit mo itinulak ang kapatid mo?” Tiningnan niya ang kanyang lola at sumagot, “Lola, sori po. Nawala po ang singsing kong CTR, at hindi ko po mapili ang tama.” Alam namin na sinisikap ninyong mabuti na palaging piliin ang tama. Mahal na mahal namin kayo.
Naisip na ba ninyo kung bakit kayo ipinadala sa mundo sa panahong ito? Hindi kayo nabuhay noong panahon nina Eva at Adan o noong mga faraon ang namumuno sa Egipto o noong panahon ng Ming dynasty. Isinilang kayo sa panahong ito, 20 siglo pagkatapos ng unang pagparito ni Cristo. Ang priesthood ng Diyos ay ipinanumbalik sa lupa, at sinimulan nang ihanda ng kamay ng Panginoon ang mundo para sa Kanyang maluwalhating pagbabalik. Panahon ito ng magagandang oportunidad at mahahalagang responsibilidad. Ang panahong ito ay sa inyo.
Sa inyong binyag, ipinakita ninyo ang inyong pananampalataya kay Jesucristo. Nang inorden kayo sa priesthood, ang mga talento at espirituwal na kakayahan ninyo ay naragdagan. Isa sa inyong mahahalagang responsibilidad ang tulungan ang mundong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Nagtalaga ang Panginoon ng propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, upang pamahalaan ang gawain ng Kanyang priesthood. Sa inyo ay sinabi ni Pangulong Monson: “Kailangan ng Panginoon ng mga misyonero.”1 “Bawat karapat-dapat at may kakayahang binata ay dapat maghandang magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin [ninyo] na nabiyayaan ng lubos.”2
Ang gawaing misyonero ay nangangailangan ng sakripisyo. Laging may bagay kayong iiwanan kapag tumugon kayo sa panawagan ng propeta na maglingkod.
Alam ng mga nanonood ng larong rugby na ang New Zealand All Blacks, tawag sa grupo dahil sa kulay ng kanilang uniporme, ay ang pinakasikat na rugby team.3 Ang mapili kang maglaro sa All Blacks sa New Zealand ay kapareho ng paglalaro ng football sa Super Bowl team o sa World Cup soccer team.
Noong 1961, sa edad na 18 at mayhawak ng Aaronic Priesthood, si Sidney Going ay nagsimulang sumikat sa New Zealand rugby. Dahil sa pambihira niyang abilidad, marami ang nag-akalang mapipili siya sa susunod na taon para sa national All Blacks rugby team.
Sa edad na 19, sa kritikal na panahong ito ng pag-angat niya sa rugby, sinabi ni Sid na iiwan niya ang rugby para magmisyon. Tinawag siya ng ilan na baliw. Ang sabi naman ng iba siya ay hangal.4 Tutol sila dahil baka ang pagkakataon niya sa rugby ay hindi na muling dumating.
Para kay Sid, hindi ang iiwanan niya ang baka hindi na dumating muli—kundi ang oportunidad at responsibilidad na darating. May tungkulin siya bilang mayhawak ng priesthood na ialay ang dalawang taon ng kanyang buhay upang ipahayag na totoo ang Panginoong Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Wala—kahit ang pagkakataong maglaro sa national team, kasama ang mga parangal na ibibigay nito—ang makapipigil sa kanya sa tungkuling iyon.5
Tinawag siya ng propeta ng Diyos na maglingkod sa Western Canada Mission. Apatnapu’t walong taon na ang nakararaan sa buwang ito, ang 19 na taong gulang na si Elder Sid Going ay umalis sa New Zealand upang maging misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw.
Ikinuwento sa akin ni Sid ang isang karanasan niya sa misyon. Gabi na noon, at siya at ang kanyang kompanyon ay pabalik na sa kanilang apartment. Nagdesisyon silang bisitahin ang isa pang pamilya. Pinapasok sila ng ama ng tahanan. Nagpatotoo si Elder Going at ang kanyang kompanyon tungkol sa Tagapagligtas. Tinanggap ng pamilya ang Aklat ni Mormon. Magdamag na nagbasa ang ama. Nang sumunod na isa’t kalahating linggo nabasa na niya ang buong Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas. Makaraan ang ilang linggo ang pamilya ay nabinyagan.6
Pagmimisyon sa halip na mapabilang sa New Zealand All Blacks team? Sagot ni Sid, “Ang pagpapalang [maakay ang iba] sa ebanghelyo ay mas mahalaga kaysa anumang isasakripisyo [mo].”7
Siguro iniisip ninyo kung ano na ang nangyari kay Sid Going matapos ang kanyang misyon. Ang pinakamahalaga: ang walang hanggang kasal sa kanyang minamahal na si Colleen; limang mabubuting anak; at isang henerasyon ng mga apo. Namuhay siyang nagtitiwala sa kanyang Ama sa Langit, sumusunod sa mga kautusan, at naglilingkod sa iba.
At ‘yung rugby? Pagkatapos ng kanyang misyon si Sid Going ay naging isa sa pinakamagaling na halfbacks sa kasaysayan ng All Blacks, at naglaro sa 11 season at maraming taon na naging captain ng team.8
Gaano kagaling si Sid Going? Napakagaling niya kung kaya’t ang pagsasanay at mga iskedyul ng laro ay binago dahil ayaw niyang maglaro sa araw ng Linggo.9 Napakagaling niya kaya kinilala ng Queen of England ang kontribusyon niya sa rugby.10 Napakagaling niya kaya’t ginawan siya ng libro na pinamagatang Super Sid.
Ano kaya kung ang mga iyon ay hindi dumating kay Sid pagkatapos ng kanyang misyon? Isa sa mga himala ng pagmimisyon sa Simbahang ito ay na si Sid Going at ang libu-libo pang katulad niya ay hindi nagtanong ng, “Ano ang mapapala ko sa pagmimisyon?” kundi sa halip ay, “Ano ang maibibigay ko?”
Ang pagmimisyon ninyo ay isang banal na pagkakataon upang maakay ang iba patungo kay Cristo at tumulong sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Napakatagal nang sinabi ng Panginoon ang tungkol sa mahahalagang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Kay Enoc, sinabi Niyang, “Kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, … at kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya nang isang baha, upang tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo.”11 Ang propetang si Daniel ay nagpropesiya na sa mga huling araw ang ebanghelyo ay lalaganap sa buong mundo gaya ng “bato [na] tinibag [sa] bundok, hindi ng mga kamay.”12 Sinabi ni Nephi na ang Simbahan sa mga huling araw ay kakaunti lang ngunit lalaganap sa buong mundo.13 Ipinahayag ng Panginoon sa dispensasyong ito, “Kayo ay tinawag upang isakatuparan ang pagtitipon ng aking mga hinirang.”14 Mga bata kong kapatid, ang inyong misyon ay dakilang oportunitad at responsibilidad, na mahalaga sa ipinangakong pagtitipon na ito at may kaugnayan sa inyong walang hanggang tadhana.
Mula sa mga unang araw ng Panunumbalik, naging napakaseryoso ng mga Kapatid tungkol sa utos sa kanilang ipahayag ang ebanghelyo. Noong 1837, pitong taon pa lang matapos maorganisa ang Simbahan, sa panahon ng kahirapan at pag-uusig, nagpadala ng mga misyonero para ituro ang ebanghelyo sa England. Nang sumunod na mga taon, ang mga misynero ay nangangaral na sa iba’t ibang lugar gaya ng Austria, French Polynesia, India, Barbados, Chile, at China.15
Pinagpala ng Panginoon ang gawaing ito, at ang Simbahan ay itinatatag na sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang pulong na ito ay isinasalin sa 92 wika. Nagpapasalamat kami sa 52,225 full-time missionary na nagsisilbi sa mahigit 150 bansa.16 Laging nakasikat ang araw sa mabubuting misyonero na nagpapatotoo sa Tagapagligtas. Isipin ninyo ang espirituwal na kapangyarihan ng 52,000 misyonero, na pinagkalooban ng Espiritu ng Panginoon, at matapang na ipinapahayag na “walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa sa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo.”17 Nagpapasalamat kami sa libu-libong returned missionary na nagbigay at patuloy na ibinibigay ang lahat ng makakaya nila. Ang mundo ay lubos na inihahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas dahil sa gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga misyonero.
Ang paglilingkod sa misyon ay espirituwal na gawain. Ang pagiging marapat at paghahanda ay napakahalaga. Sabi ni Pangulong Monson: “Mga kabataan, hinihikayat ko kayong maghandang maglingkod bilang misyonero. Manaliting malinis at walang bahid-dungis at karapat-dapat na kumatawan sa Panginoon.”18 Sa mga taon bago kayo magmisyon, alalahanin sana ang banal na tungkuling ito. Ang mga kilos ninyo bago magmisyon ay lubhang makakaapekto sa kapangyarihan ng priesthood na dadalhin ninyo sa misyon. Maghanda kayong mabuti.
Tinukoy ni Pangulong Monson ang “bawat karapat-dapat, may kakayahang binata [na naghahandang] maglingkod sa misyon.”19 Minsan, dahil sa kalusugan o iba pang kadahilanan, ang isang tao ay maaaring hindi makapaglingkod. Malalaman ninyo kung kaya ninyo sa pakikipag-usap ninyo sa inyong mga magulang at bishop. Sakaling ganito ang inyong kalagayan, huwag isipin na hindi kayo mahalaga sa gawaing haharapin ninyo. Ang Panginoon ay labis na mapagbigay sa mga nagmamahal sa Kanya, at gagawa Siya ng paraan para sa inyo.
Ang iba ay nag-iisip na matanda na sila para magsilbi. Natagpuan ng isang kaibigan ko mula China ang Simbahan sa Cambodia nang siya ay nasa kalagitnaan ng kanyang 20s. Inisip niya kung maaari pa siyang magmisyon. Matapos magdasal at makipag-usap sa kanyang bishop, tinawag siyang maglingkod sa New York City. Kung ang problema ninyo ay edad, manalangin at makipag-usap sa inyong bishop. Gagabayan niya kayo.
Limampung porsiyento ng lahat ng misyonero ay naglilingkod sa sariling bayan. Tama lang iyon. Nangako ang Panginoon na “bawat tao ay maririnig ang kabuuan ng ebanghelyo sa kanyang sariling wika, at sa kanyang sariling salita.”20 Kayo ay tatawagin sa pamamagitan ng propesiya at maglilingkod kung saan kayo higit na kailangan.
Gustung-gusto kong makakita ng mga misyonero sa iba’t ibang dako ng mundo. Kamakailan habang nasa Australia Sydney Mission ako, alam n’yo ba kung sino ang nakita ko? Si Elder Sidney Going—ang New Zealand rugby legend. Siya ay 67 na ngayon, misyonero muli, pero ngayon ang kompanyon niya ay ang taong pinili niya: si Sister Colleen Going. Ikinuwento niya sa akin ang pamilyang kanilang naturuan. Ang mga magulang ay miyembro ngunit naging di-gaanong aktibo sa Simbahan sa loob ng maraming taon. Tinulungan nina Elder at Sister Going ang pamilya na bumalik muli sa pananampalataya. Sinabi ni Elder Going na may nadama siyang kapangyarihan habang nakatayo sa baptismal font katabi ang ama ng pamilya, habang ang kanyang panganay na anak na lalaki, na mayhawak na ng priesthood, ay binibinyagan ang kanyang kapatid na lalaki at babae. Napakasaya daw niya na makita ang pamilyang nagkakaisa sa pagsisikap na matamo ang buhay na walang hanggan nang sama-sama.21
Sa pagsasalita sa inyo, sinabi ng Unang Panguluhan:
“Kayo’y piling [espiritu] na isinilang sa panahong ito kung kailan ang mga responsibilidad at oportunidad, maging ang mga tukso, ay napakatindi. …
“Ipinagdarasal namin ang bawat isa sa inyo … [na] magawa ninyo ang dakilang gawain para sa inyong kinabukasan … na maging marapat [at handa] upang ipagpatuloy ang mga responsibilidad sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos at sa paghahanda sa daigdig para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.”22
Gusto ko ang ipininta ni Harry Anderson na Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ipinapaalala nito sa akin na darating Siya na may kadakilaan at kapangyarihan. Kamangha-manghang kaganapan ang mangyayari sa langit at sa lupa.23
Ang mga naghihintay sa pagdating ng Tagapagligtas ay “hahanapin [Siya].” At ipinangako Niya, “Ako ay paparito!” Makikita Siya ng mabubuti “sa mga alapaap ng langit [kasama ang lahat ng banal na anghel], nadaramitan ng kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”24 “Isang anghel ang iihip ng kanyang pakakak, at ang mga banal … mula sa apat na sulok ng mundo”25ay “aangat upang salubungin siya.”26 Ang mga “nakatulog,” ibig sabihin ang matwid na mga Banal na nangamatay, “ay magsisibangon [din] upang salubungin [Siya].”27
Mababasa sa mga banal na kasulatan, “Iyayapak ng Panginoon ang Kanyang paa sa bundok,” 28 at “[Siya] ay mangungusap sa kanyang tinig, at ang mga dulo ng mundo ay makaririnig nito.”29
Mga bata kong kapatid sa priesthood, pinatototohanan ko ang kadakilaan, ngunit higit sa lahat, ang katiyakan ng dakilang kaganapang ito. Ang Tagapagligtas ay buhay. Paparito Siyang muli sa mundo. At kung dito man sa mundo o sa kabila, tayo ay magsasaya sa Kanyang pagbabalik at magpasalamat sa Panginoon na pinapunta tayo sa lupa sa panahong ito upang gampanan ang ating banal na tungkuling ihanda ang mundo para sa Kanyang pagbabalik. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.