2010–2019
Ginagabayan ng Banal na Espiritu
Abril 2011


2:3

Ginagabayan ng Banal na Espiritu

Bawat isa sa atin ay magagabayan ng diwa ng paghahayag at ng kaloob na Espiritu Santo.

Apat na raang taon na ang nakalilipas mula nang ilathala ang King James Bible, at malaking bahagi nito ang isinalin ni William Tyndale, isang magiting na bayani para sa akin.

Ayaw ipasalin ng mga ministro ang Biblia sa wikang Ingles. Tinugis nila si Tyndale sa lahat ng dako. Sinabi niya sa kanila, “Kung ililigtas ng Diyos ang buhay ko, bago lumipas ang maraming taon titiyakin ko na mas marami pang alam ang isang batang magsasaka sa Banal na Kasulatan kaysa sa inyo.”1

Si Tyndale ay ipinagkanulo at ikinulong sa isang madilim at malamig na piitan sa Brussels sa loob ng mahigit isang taon. Sira-sira na ang kanyang damit. Nakiusap siya sa mga nagbabantay sa kanya na ibigay ang kanyang balabal at sumbrero at isang kandila, na sinasabing, “Nakakabagot talagang maupong mag-isa sa dilim.”2 Ipinagkait ang mga ito sa kanya. Kalaunan, inilabas siya sa piitan at sa harap ng maraming tao ay ibinigti at sinunog habang nakagapos sa tulos. Ngunit ang gawain at kamatayan ng martir na si William Tyndale ay hindi nawalan ng kabuluhan.

Yamang tinuruan ang mga batang Banal sa mga Huling Araw mula noong bata pa sila na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, kahit paano natupad sa kanila ang propesiyang sinambit ni Wiliam Tyndale apat na raang taon na ang nakararaan.

Ang ating mga banal na kasulatan ngayon ay binubuo ng Biblia, Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, Mahalagang Perlas, at Doktrina at mga Tipan.

Dahil sa Aklat ni Mormon, madalas tayong tawaging Simbahan ni Mormon, isang katawagang hindi natin inaayawan, ngunit sadyang hindi tumpak.

Sa Aklat ni Mormon, muling dinalaw ng Panginoon ang mga Nephita dahil nanalangin sila sa Ama sa Kanyang pangalan. At sinabi ng Panginoon:

“Ano ang nais ninyong ibigay ko sa inyo?

“At kanilang sinabi sa kanya: Panginoon, nais naming sabihin ninyo sa amin ang pangalan kung paano namin tatawagin ang simbahang ito; sapagkat may mga pagtatalo sa mga tao hinggil sa bagay na ito.

“At sinabi ng Panginoon …, bakit kinakailangang bumulung-bulong ang mga tao at magtalo dahil sa bagay na ito?

“Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing inyong taglayin ang pangalan ni Cristo … ? Sapagkat sa pangalang ito kayo tatawagin sa huling araw. …

“Kaya nga, anuman ang inyong gagawin, gawin ninyo ito sa aking pangalan; kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan; at kayo ay mananawagan sa Ama sa aking pangalan upang kanyang pagpalain ang simbahan alang-alang sa akin.

“At paano ito magiging simbahan ko maliban kung ito ay tinatawag sa aking pangalan? Sapagkat kung ang isang simbahan ay tinatawag sa pangalan ni Moises, kung gayon iyon ay simbahan ni Moises; o kung iyon ay tatawagin sa pangalan ng isang tao kung gayon iyon ay simbahan ng isang tao; ngunit kung ito ay tinatawag sa aking pangalan kung gayon ito ay aking simbahan, kung mangyayari na ang mga ito ay nakatayo sa aking ebanghelyo.”3

Dahil masunurin tayo sa paghahayag, tinatawag natin ang ating sarili na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw. Maaaring tawagin ng iba ang Simbahan bilang Simbahan ni Mormon o tawagin tayo na mga Mormon; ibang usapan na kapag tayo mismo ang gagawa niyon.

Sinabi ng Unang Panguluhan:

“Ang paggamit ng inihayag na pangalan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (D at 115:4), ay lalong mahalaga sa responsibilidad nating ipahayag ang pangalan ng Tagapagligtas sa buong mundo. Dahil dito, hinihiling namin na kapag tinukoy natin ang Simbahan gamitin natin ang buong pangalan nito hangga’t maaari. …

“Kapag tinutukoy ang mga miyembro ng Simbahan, iminumungkahi namin ang ‘mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga huling Araw.’ Kung paiikliin, mas angkop ang tawag na “mga Banal sa mga Huling Araw.”4

“Nangungusap [ang mga Banal sa mga Huling Araw] tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”5

Itatawag sa atin ng mundo ang anumang gusto nitong itawag sa atin, ngunit sa ating pananalita, laging tandaan na kabilang tayo sa Simbahan ni Jesucristo.

May nagsasabi na hindi tayo mga Kristiyano. Hindi nila tayo kilala o kaya’y mali ang pagkaunawa nila.

Sa Simbahan, bawat ordenansa ay ginagawa sa awtoridad at sa pangalan ni Jesucristo.6 Mayroon tayong organisasyon na katulad ng sinaunang Simbahan, na may mga apostol at propeta.7

Noong unang panahon tumawag at nag-orden ng Labindalawang Apostol ang Panginoon. Siya ay ipinagkanulo at ipinako sa krus. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, tinuruan ng Tagapagligtas ang kanyang mga disipulo sa loob ng 40 araw at pagkatapos ay umakyat na sa langit.8

Ngunit may kulang. Pagkatapos ng ilang araw nagtipon ang Labindalawa sa isang bahay, at “biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay. … Mga dilang kawangis ng apoy … [ang] dumapo sa bawa’t isa sa kanila. At sila … ay nangapuspos ng Espiritu Santo.”9 Nabigyan na ngayon ng kapangyarihan ang Kanyang mga Apostol. Naunawaan nila na ang awtoridad na bigay ng Tagapagligtas at ang kaloob na Espiritu Santo ay mahalaga at kailangan para maitatag ang Kanyang Simbahan. Inutusan silang magbinyag at igawad ang kaloob na Espiritu Santo.10

Dumating ang panahon na naglaho ang mga Apostol at ang priesthood na kanilang taglay. Ang awtoridad at kapangyarihang mangasiwa ay kinailangang maibalik. Sa maraming siglo umasam ang mga tao sa pagbabalik ng awtoridad at pagtatatag ng Simbahan ng Panginoon.

Noong 1829 ipinanumbalik ang priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ni Juan Bautista at ng mga Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan. Ngayon ang karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan ay inoorden sa priesthood. Ang awtoridad na ito at ang kaakibat na kaloob na Espiritu Santo, na iginagawad sa lahat ng miyembro ng Simbahan matapos ang binyag, ang dahilan ng kaibhan natin sa iba pang mga simbahan.

Isang sinaunang paghahayag ang nag-utos na “makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”11 Ang gawain sa Simbahan ngayon ay ginagampanan ng mga karaniwang lalaki at babae na tinawag at sinang-ayunan upang mangulo, magturo, at mangasiwa. Sa kapangyarihan ng paghahayag at sa kaloob na Espiritu Santo ginagabayan ang mga tinawag na yaon upang malaman ang kalooban ng Panginoon. Maaaring hindi tanggapin ng iba ang mga bagay na tulad ng propesiya, paghahayag, at kaloob na Espiritu Santo, ngunit kung uunawain lang nila tayo, dapat nilang maunawaan na tinatanggap natin ang mga bagay na iyon.

Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang isang batas ng kalusugan, ang Word of Wisdom, bago pa nalaman ng mundo ang mga panganib nito. Lahat ay tinuruang umiwas sa tsaa, kape, alak, sigarilyo, at pati na sa iba’t ibang droga at nakalululong na bagay, na laging nasa harapan ng ating mga kabataan. Ang mga sumusunod sa paghahayag na ito ay pinangakuang “tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto;

“At makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan;

“At tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.”12

Sa isa pang paghahayag, iniutos ng pamantayan ng Panginoon sa moralidad na ang mga sagradong kapangyarihang lumikha ng buhay ay dapat lamang gawin ng lalaki at babaeng mag-asawa.13 Ang maling paggamit sa kapangyarihang ito ay napakabigat kaya’t pumapangalawa ito sa kasalanan ng pagpapadanak ng dugo ng walang malay at pagtatakwil sa Espiritu Santo.14 Kung ang isang tao ay lumabag sa batas, itinuturo ng doktrina ng pagsisisi kung paano mawawala ang epekto ng paglabag na ito.

Lahat ay susubukin. Maaring isipin ng isang tao na hindi makatarungang siya lang ang sumailalim sa isang tukso, ngunit ito ang layunin ng buhay sa mundo—ang masubukan. At ganyan din ang sagot para sa lahat: dapat, at kaya, nating labanan ang anumang uri ng tukso.

“Ang dakilang plano ng kaligayahan”15 ay nakasentro sa pamilya. Ang lalaki ang ulo ng tahanan at ang babae ang puso ng tahanan. At ang pagsasama ng mag-asawa ay pantay na pagsasamahan. Ang lalaking Banal sa mga Huling Araw ay isang lalaking responsable sa pamilya, tapat sa ebanghelyo. Siya ay isang mapagmahal at debotong asawa at ama. Iginagalang niya ang pagkababae. Sinusuportahan ng babae ang kanyang asawa. Pinangangalagaan ng kapwa magulang ang espirituwal na pag-unlad ng kanilang mga anak.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tinuturuang mahalin at tapat na patawarin ang isa’t isa.

Binago ng isang mabait na patriarch ang buhay ko. Pinakasalan niya ang kanyang kasintahan. Mahal na mahal nila ang isa’t isa, at hindi naglaon ay ipinagbuntis ng babae ang una nilang anak.

Nang gabing isilang ang sanggol, nagkaroon ng mga kumplikasyon. Ang tanging doktor ay nasa ibang lugar ng bayan at may ginagamot. Pagkaraan ng maraming oras ng pagdaramdam ng babae sa pagsisilang ng sanggol, pinanghinaan na ng loob ang magiging ina. Sa wakas ay nakita rin ang doktor. Sa emerhensiya, mabilis siyang kumilos at hindi nagtagal ay naisilang ang sanggol at tila nalampasan na ang panganib. Ngunit makalipas ang ilang araw, ikinamatay ng bata pang ina ang mismong impeksyong ginagamot ng doktor sa ibang pasyente nang gabing iyon.

Nawasak ang mundo ng bata pang ama. Sa paglipas ng mga linggo, lalong tumindi ang kanyang pagdadalamhati. Wala nang ibang laman ang kanyang isipan, at sa kanyang hinanakit ay gusto niyang manakit. Kung ngayon nangyari iyon, walang dudang idedemanda niya ang doktor, na para bang may magagawa ang pera.

Isang gabi may kumatok sa kanyang pintuan. Isang batang babae ang nagsabing, “Pinapapunta po kayo ni Itay. Gusto raw po niya kayong makausap.”

Ang “Tatay” na ito ang stake president. Ang payo lang ng matalinong lider na ito ay, “John, hayaan mo na. Anuman ang gawin mo hindi na siya babalik. Anuman ang gawin mo ay magpapalala lang sa sitwasyon. John, hayaan mo na.”

Ito ang naging pagsubok ng aking kaibigan. Paano niya ito hahayaan? Napakalaking pagkakamali ang nagawa. Pinilit niyang pigilin ang kanyang sarili at sa huli ay nagpasiya siya na dapat niyang sundin ang payo ng matalinong stake president na iyon. Hahayaan na lang niya ito.

Sabi niya, “Matanda na ako bago ko naunawaan at sa huli ay nakita ang sitwasyon ng isang kawawang doktor sa bayan—sobrang dami ng kanyang trabaho, kulang ang suweldo, pagod na sa paglilipat-lipat sa mga pasyente, kakaunti ang gamot, walang ospital, iilan ang gamit, nagsisikap magligtas ng buhay, at madalas ay nagpapagaling. Dumating siya sa sandali ng kagipitan, nang dalawang buhay ang nalagay sa panganib, at agad siyang kumilos. Naunawaan ko rin sa wakas!” Sabi niya, “Muntik ko nang masira ang buhay ko at ng iba.”

Maraming beses siyang lumuhod at nagpasalamat sa Panginoon para sa matalinong lider na iyon ng priesthood na nagpayo lang na, “John, hayaan mo na.”

Sa ating paligid nakikita natin ang mga miyembro ng Simbahan na nasaktan ang kalooban. Ang ilan ay naghihinakit sa mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan o sa mga pinuno nito at buong buhay na nagdurusa, hindi malimutan ang mga pagkakamali ng iba. Ayaw nilang hayaan ito. Hindi na sila aktibo sa Simbahan.

Ang ganyang ugali ay maitutulad sa isang lalaking binambo. Dahil sa galit, binambo niya nang binambo ang ulo niya habang siya’y nabubuhay. Malaking kahangalan! Napakalungkot! Sa gayong paghihiganti ay sinasaktan niya ang kanyang sarili. Kung nasaktan man kayo, magpatawad, kalimutan ito, at hayaan na lang.

Ibinigay ng Aklat ni Mormon ang babalang ito: “At ngayon, kung may mga pagkakamali ang mga yaon ay kamalian ng mga tao; dahil dito huwag ninyong hatulan ang mga bagay ng Diyos, nang kayo ay matagpuang walang bahid-dungis sa hukumang-luklukan ni Cristo.”16

Ang Banal sa mga Huling Araw ay isang ordinaryong nilalang. Matatagpuan na tayo ngayon sa lahat ng dako ng mundo, tayong 14 na milyon. Simula pa lang ito. Tinuturuan tayong mabuhay sa mundo ngunit huwag maging makamundo.17 Samakatwid, ordinaryo ang ating buhay sa mga ordinaryong pamilyang nakahalo sa ibang mga tao.

Tinuturuan tayong huwag magsinungaling o mandaya.18 Hindi tayo nagsasalita ng masama o kalapastanganan. Maganda ang ating pananaw at tayo ay masaya at hindi takot mabuhay.

Tayo ay “nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”19

Kung ang hanap ng isang tao ay ang simbahang kakaunti lang ang ipinagagawa, hindi ito iyon. Hindi madaling maging Banal sa mga Huling Araw, ngunit sa bandang huli ito lang ang tanging tamang landas.

Anuman ang pagsalungat o “mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan, at lindol sa iba’t ibang dako,”20 walang kapangyarihan o impluwensyang makapipigil sa gawaing ito. Bawat isa sa atin ay magagabayan ng diwa ng paghahayag at ng kaloob na Espiritu Santo. “Gayun din maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa kanyang nakatalagang daan, o ibaling ang daloy nitong paitaas, upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”21

Kung may mabigat kayong pasanin, kalimutan ito, hayaan ito. Magpatawad nang marami at magsisi nang kaunti, at dadalawin kayo ng Diwa ng Espiritu Santo at pagtitibayin ng patotoo na hindi ninyo akalaing naroon. Babantayan kayo at pagpapalain—kayo at ang mga mahal ninyo sa buhay. Ito’y isang paanyaya na lumapit sa Kanya. Ang simbahang ito—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo,”22 sa sarili Niyang pagpapahayag—ang lugar kung saan natin matatagpuan ang “dakilang plano ng kaligayahan.”23 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.