2010–2019
Naniniwala Ako sa Pagiging Matapat at Tunay
Abril 2011


2:3

Naniniwala Ako sa Pagiging Matapat at Tunay

Ang pagiging tunay o matapat sa ating paniniwala—hindi man ito tanggap ng iba, hindi madali, o masaya—ay ligtas na aakay sa atin sa buhay na walang-hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.

Mahal kong mga kabataang babae, malaking pribilehiyo at pagkakataon para sa akin ang tumayo sa inyong harapan sa gabing ito. Napakaganda at napakasaya ninyong masdan.

Ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ang tema sa Mutual ngayong 2011. Sa pagdalo ko sa mga pagtitipon ng kabataan at mga miting ng sakrament sa taong ito, narinig kong ibinahagi ng mga kabataan ang ibig sabihin sa kanila ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya at paano ito naaakma sa buhay nila. Marami ang nakaaalam na ito ang huling saligan ng pananampalataya, ang pinakamahaba, pinakamahirap isaulo, at ang saligan ng pananampalataya na umaasa silang hindi ipabibigkas sa kanila ng bishop. Gayunman, marami sa inyo ang nakauunawa rin na ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ay higit pa riyan.

Ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ay gabay sa matwid na pamumuhay bilang Kristiyano. Isipin ninyo kung ano ang mangyayari sa mundo kung pipiliin ng lahat na mamuhay ayon sa mga turong matatagpuan sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao; sa katotohanan, maaari naming sabihing sinusunod namin ang payo ni Pablo—Naniniwala kami sa lahat ng bagay, umaasa kami sa lahat ng bagay, nakapagtiis kami ng maraming bagay, at umaasang makapagtitiis sa lahat ng bagay. Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito.”

Sa unang mensaheng ibinigay ni Pangulong Thomas S. Monson sa umaga ng Linggo ng pangkalahatang kumprensya bilang propeta, binanggit niya ang payo ni Pablo na makikita sa Mga Taga Filipos 4:8, na pinagbatayan ng marami sa mga alituntunin na nasa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya. Inamin ni Pangulong Monson na maraming pagsubok sa ating panahon at pinalakas niya ang ating loob. Sabi niya, “Dito sa kung minsan ay mapanganib na paglalakbay sa mortalidad, maaari … nating sundin ang payo mula kay Apostol Pablo na makatutulong upang manatili tayong ligtas at nasa tamang landas.”1

Sa gabing ito gusto kong pagtuunan ang dalawang magkaugnay na alituntunin sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya na talagang tutulong upang “manatili tayong ligtas at nasa tamang landas.” Matatag ang aking patotoo at katapatan sa mahahalagang alituntunin ng pagiging matapat at totoo.

Una, “Naniniwala [ako] sa pagiging matapat.” Ano ang ibig sabihin ng maging matapat? Itinuturo ng buklet na Tapat sa Pananampalataya na, “Ang ibig sabihin ng maging matapat ay maging taos, makatotohanan, at walang panlilinlang sa lahat ng oras.”2 Kautusan mula sa Diyos ang maging matapat,3 at “ang lubos na katapatan ay kailangan sa ating kaligtasan.”4

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter na dapat ay handa tayong maging tunay na matapat. Sabi niya:

“Ilang taon na ang nakararaan may mga poster sa mga pasukan ng mga chapel natin na may pamagat na, ‘Maging Matapat sa Sarili.’’ Karamihan sa mga ito ay tungkol sa maliliit at simpleng bagay sa buhay. Dito nalilinang ang alituntunin ng katapatan.

“May ilang nagsasabi na masama ang hindi tapat sa malalaking bagay pero naniniwala na palalampasin ito kung hindi naman gaanong mahalaga ang bagay na iyon. May kaibhan ba kung hindi ka tapat kapag isang libong dolyar na ang pinag-uusapan sa hindi ka tapat kung ang pinag-uusapan ay sampung sentimo lang? … Talaga bang nasusukat ang antas ng katapatan batay sa laki o liit ng bagay na pinag-uusapan?”

Pagpapatuloy ni Pangulong Hunter: “Kung nais nating makasama ang Panginoon at ang Espiritu Santo, dapat tayong maging tapat sa ating sarili, sa Diyos, at sa ating kapwa. Magbubunga ito ng tunay na galak.”5

Kapag tayo ay tapat sa lahat ng bagay, malaki man o maliit, napapanatag ang isip natin at budhi. Bumubuti ang ating pagsasamahan dahil naroon ang pagtitiwala. At ang pinakamalaking pagpapalang nagmumula sa pagiging tapat ay ang makasama natin ang Espiritu Santo.

Magbabahagi ako ng isang simpleng kuwento na nagpatibay sa aking pangako na maging tapat sa lahat ng bagay:

“Isang gabi isang lalaki ang nagpunta sa bukid para magnakaw ng mais. Isinama niya ang kanyang maliit na anak, pinaupo at pinagbantay sa bakod para sabihan siya kung may darating man. Tumalon ang lalaki sa bakod na may dalang malaking supot, at bago niya simulan ang pagkuha ng mais, lumingun-lingon siya sa paligid, at nang walang makitang sinuman, humanda na siya para punuin ang kanyang supot. … [Noon sumigaw ang bata]:

“‘Itay, may isa pa kayong hindi natitingnan! … Nakalimutan ninyong tumingala.’”6

Kapag natutukso tayong maging hindi tapat, at dumarating ang tuksong ito sa ating lahat, inaakala natin na walang makaaalam. Ipinaaalala sa atin ng kuwentong ito na alam ng Ama sa Langit ang lahat, at mananagot tayo sa Kanya sa bandang huli. Ang kaalamang ito ang tumulong sa akin na laging magsikap na tuparin ang pangakong ito: “Naniniwala [ako] sa pagiging matapat.”

Ang pangalawang alituntuning itinuturo sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ay, “Naniniwala [ako] sa pagiging tunay.” Ang kahulugan ng salitang tunay sa diksyonaryo ay pagiging “matatag,” “tapat,” “tumpak,” o “walang paglihis.”7

Isa sa mga paborito kong aklat ay ang klasiko sa Britain na Jane Eyre, na isinulat ni Charlotte Bronte at inilathala noong 1847. Ang bida o pangunahing tauhan, si Jane Eyre, ay dukha, ulilang tinedyer na nagpapakita ng kahulugan ng pagiging totoo o tunay. Sa kathang-isip na kuwentong ito, isang lalaki, si Mr. Rochester, ang nagmamahal kay Miss Eyre pero hindi niya ito maaaring pakasalan. Sa halip, isinamo niya kay Miss Eyre na magsama sila kahit hindi sila kasal. Mahal din ni Miss Eyre si Mr. Rochester, at sandali rin siyang natukso, at tinanong ang sarili, “Sino ba naman ang nagmamalasakit sa iyo? o sino ba ang masasaktan sa gagawin mo?”

Mabilis na sumagot ang konsyensya ni Jane: “Ako ang nagmamalasakit sa sarili ko. Kung mas madalas akong nag-iisa, mas kaunti ang kaibigan, mas kaunti ang tumutustos, lalo kong igagalang ang sarili ko. Susundin ko ang batas na ibinigay ng Diyos. … Ang mga batas at prinsipyo ay hindi sa mga pagkakataong walang tukso: ang mga ito ay para sa mga pagkakataong tulad nito. … Kung dahil lang sa sarili kong kaginhawaan ay lalabagin ko ang mga ito, ano ang magiging kabuluhan nito? May kabuluhan ang mga ito—kaya noon pa man ay pinaniniwalaan ko na ito. … Ang aking paniniwala, at napagpasiyahan noon pa man, ang tanging nasa akin sa sandaling ito: na siyang paninindigan ko.”8

Sa matinding sandali ng tukso, tunay na tapat si Jane Eyre sa kanyang pinaniniwalaan, nagtiwala siya sa batas na ibinigay ng Diyos, at nanindigan siyang lalabanan ang tukso.

Ang pagiging tunay o matapat sa ating paniniwala—hindi man ito tanggap ng iba, hindi madali o masaya—ang ligtas na aakay sa atin sa buhay na walang-hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. Gustung-gusto ko ang idinrowing na ito ng isang dalagita para maalala niya na gusto niyang madama ang galak na makasama ang Ama sa Langit magpakailanman.

Sa pagiging tapat ay nagbibigay din tayo ng mabuting impluwensya sa buhay ng ibang tao. Kamakailan narinig ko ang magandang kuwento tungkol sa isang dalagita na, dahil tapat siya sa kanyang paniniwala ay naimpluwensiyahan niyang mabuti ang isang dalagita.

Maraming taon na ang nakararaan sina Kristi at Jenn ay magkasamang nag-aaral sa high school choir sa Hurst, Texas. Kahit hindi sila gaanong magkakilala, narinig minsan ni Jenn si Kristi na kausap ang kanyang mga kaibigan tungkol sa relihiyon, mga paniniwala nila, mga paboritong kuwento sa Biblia. Nang makausap muli ni Jenn si Kristi kamakailan, ito ang sinabi niya:

“Nalungkot ako na wala akong alam sa pinag-uusapan ninyo ng mga kaibigan mo, kaya ang hiningi kong pamasko sa mga magulang ko ay Biblia. Natanggap ko ang Biblia at sinimulang basahin ito. Dito nagsimula ang interes ko sa relihiyon at paghahanap sa totoong Simbahan. … Lumipas ang labindalawang taon. Noong panahong iyon nagpunta ako sa iba’t ibang simbahan at regular na nagsimba ngunit dama kong may kulang pa rin. Isang gabi lumuhod ako at nagsumamong ipaalam sa akin ang gagawin. Nang gabing iyon, napanaginipan kita, Kristi. Hindi na kita nakita mula noong nagtapos tayo ng high school.Inisip kong kakatwa ang panaginip ko, pero hindi ko iyon binigyan ng kahulugan. Napanaginipan kitang muli sa tatlong sunud-sunod na gabi. Pinag-isipan ko na kung ano ang kahulugan ng mga panaginip ko. Naaalala ko na isa kang Mormon. Tiningnan ko ang Mormon website. Ang una kong nakita ay tungkol sa Word of Wisdom. Namatay ang nanay ko sa kanser sa baga dalawang taon bago iyon. Naninigarilyo siya noong buhay pa kaya tumimo sa akin nang mabasa ko ang tungkol sa Word of Wisdom. Kalaunan bumisita ako sa bahay ng aking tatay.Habang nakaupo sa sala, sinimulan kong magdasal. Tinanong ko kung saan ako pupunta at ano ang gagawin ko. Nang sandaling iyon ipinakita sa telebisyon ang isang patalastas ng Simbahan. Isinulat ko ang numero at tumawag ako nang gabi ring iyon. Tinawagan ako ng mga misyonero pagkaraan ng tatlong araw, at itinanong kung puwede silang magdala ng Aklat ni Mormon sa aking tahanan. Ang sabi ko’y ‘Oo.’ Nabinyagan ako pagkaraan ng tatlo’t kalahating buwan. Pagkalipas ng dalawang taon nakilala ko sa simbahan ang napangasawa ko. Ikinasal kami sa Dallas Temple. Ngayon mayroon na kaming dalawang magagandang anak.

“Gusto kitang pasalamatan, Kristi. Nagpakita ka ng mabuting halimbawa noong high school. Mabait ka at marangal. Tinuruan ako ng mga misyonero at inanyayahang magpabinyag, pero ikaw ang pangatlo kong misyonero. Nagtanim ka ng binhi sa pamamagitan ng mga kilos mo, at totoong pinabuti mo ang buhay ko. Walang-hanggan na ang pamilya ko. Magsisilaki ang mga anak ko na nalalaman ang kabuuan ng ebanghelyo. Ito ang pinakamalaking biyaya na maibibigay sa sinuman sa atin. Tinulungan mo akong makamit iyon.”

Nang makausap ko si Kristi, sabi niya: “Kung minsan iniisip ko na naririnig natin ang mga katangiang nasa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, at parang hindi natin kayang taglayin. Pero alam ko na kapag ipinamumuhay natin ang mga pamantayang ito at sinikap na tularan ang halimbawa ni Cristo, makagagawa tayo ng kaibhan. … Para akong si Ammon sa Alma 26:3 nang sabihin niyang, ‘At ito ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin, na tayo ay gawing mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.’”

Dalangin ko na hindi lamang natin sasabihin ang “Naniniwala ako sa pagiging matapat at tunay” kundi matapat ding tutuparin ang pangakong iyan araw-araw. Dalangin ko na sa paggawa ninyo nito, tutulungan kayo ng lakas, pagmamahal, at pagpapala ng Ama sa Langit sa gawaing nais Niyang ipagawa sa inyo. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Thomas S. Monson, “Paglingon at Pagsulong,” Liahona, Mayo 2008, 90.

  2. Tapat sa Pananampalataya (2006), 71.

  3. Tingnan sa Exodo 20:15–16.

  4. Mga Alituntunin ng Ebanghelyo(2009), Kabanata 22.

  5. Howard W. Hunter, “Basic Concepts of Honesty,” New Era, Peb. 1978, 4, 5.

  6. William J. Scott, “Forgot to Look Up,” Scott’s Monthly Magazine, Dis. 1867, 953.

  7. Tingnan sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “true.”

  8. Charlotte Brontë, Jane Eyre (2003), 356.