2010–2019
Pagkatuto sa Priesthood
Abril 2011


2:3

Pagkatuto sa Priesthood

Kung kayo ay magiging masigasig at masunurin sa priesthood, mga kayamanan ng espirituwal na kaalaman ang ibubuhos sa inyo.

Nagpapasalamat ako na makasama kayo sa pulong na ito ng priesthood ng Diyos. Tayo’y nasa iba’t ibang lugar ngayong gabi at nasa maraming yugto ng ating paglilingkod bilang mayhawak ng priesthood. Subalit, sa lahat ng pagkakaiba-iba ng ating kalagayan may iisa tayong pangangailangan. Iyon ay ang matutuhan ang ating mga tungkulin sa priesthood at pag-ibayuhin ang ating kakayahan upang maisagawa ang mga ito.

Noong deacon ako damang-dama ko ang pangangailangang iyan. Nakatira ako sa lugar na sakop ng isang maliit na branch ng Simbahan sa New Jersey, sa silangang baybayin ng Estados Unidos. Ako lang ang deacon sa branch—hindi dahil sa ako lang ang dumadalo kundi dahil sa ako lang talaga ang mag-isa na nasa rekord. Ang kuya kong si Ted, ang nag-iisang teacher. Narito siya ngayong gabi.

Deacon pa ako nang lumipat ang pamilya namin sa Utah. Doon ay natagpuan ko ang tatlong magagandang bagay na magpapabilis sa pag-unlad ko sa priesthood. Ang una ay ang pangulo na alam kung paano mamuno sa kapulungan kasama ang mga miyembro ng kanyang korum. Ang pangalawa ay ang malaking pananampalataya kay Jesucristo na nagdulot ng malaking pagmamahal na narinig na natin—ang pagmamahal sa isa’t isa. At ang pangatlo ay ang iisang katiyakan na ang pinakamalawak na layunin ng priesthood ay gumawa para sa kaligtasan ng tao.

Hindi ang organisadong ward ang nakagagawa ng kaibhan. Ang naroon sa ward na iyon ay maaaring nasa ibang lugar din, sa anumang yunit ng Simbahan na inyong kinabibilangan.

Ang tatlong bagay na ito ay maaaring naranasan na ninyo sa inyong priesthood quorum kaya’t hindi na ninyo ito napapansin. Para sa iba maaaring hindi ninyo damang kailangan pa ng pag-unlad, kaya’t ang mga tulong na ito ay tila hindi ninyo kailangan. Alinman dito, dalangin kong tulungan ako ng Espiritu na malinaw na maipaliwanag ang mga ito at mahikayat kayo.

Ang layunin ko sa pagsasalita tungkol sa tatlong tulong na ito sa pagkatuto sa priesthood ay hikayatin kayo na pahalagahan at gamitin ang mga ito. Kung gagawin ninyo ito, ang inyong paglilingkod ay mas mapapahusay. At kung tinutupad ninyo ito, ang inyong paglilingkod bilang mayhawak ng priesthood ay tutulong sa mga anak ng Ama sa Langit nang higit pa sa inaakala ninyo ngayon.

Natuklasan ko ang una noong ako ay malugod na tanggapin sa priests quorum kasama ang bishop bilang aming pangulo. Maaaring sa tingin ninyo ay maliit na bagay lang ito ngunit ipinadama nito sa akin ang kapangyarihan sa priesthood na nagpabago sa aking paglilingkod sa priesthood mula noon. Nagsimula ito ayon sa paraan ng pamumuno niya sa amin.

Sa tingin ko, itinuring niya ang mga opinyon naming mga kabataang priest na parang kami ang pinakamatalinong tao sa mundo. Hinintay niyang makapagsalita ang lahat ng gustong magsalita. Nakinig siya. At kapag nagdesisyon siya ng dapat gawin, para sa akin ay tila pinagtibay ng Espiritu ang mga desisyon sa amin at sa kanya.

Naunawaan ko na ngayon ang ibig sabihin ng mga banal na kasulatan nang sabihin nitong ang pangulo ay mauupo sa kapulungan kasama ang mga miyembro ng kanyang korum.1 At makaraan ang maraming taon noong ako ay bishop kasama ang aking priests quorum, kami ay naturuan ng natutuhan ko noong ako ay bata pang priest.

Makaraan ang dalawampung taon bilang bishop, nagkaroon ako ng pagkakataong makita ang epekto ng council, hindi lamang sa meetinghouse, kundi maging sa kabundukan. Sa isang aktibidad sa araw ng Sabado, isang miyembro ng korum ang magdamag na naligaw sa kagubatan. Sa nalalaman namin, siya ay mag-isa at walang pangginaw, pagkain, o masisilungan. Hinanap namin siya ngunit hindi namin siya nakita.

Natatandaan ko na sama-sama kaming nagdasal, ang priests quorum at ako, at pagkatapos ay hiniling kong magsalita ang bawat isa. Nakinig akong mabuti, at sa tingin ko ay ganoon din ang ginawa nila. Pagkatapos ng ilang sandali, nakadama kami ng kapanatagan. Nadama ko na ang nawawalang miyembro ng korum ay ligtas sa isang lugar.

Naging malinaw sa akin kung ano ang dapat gawin at di-dapat gawin ng korum. Nang ilarawan ng mga taong nakakita sa kanya ang lugar na kinaroroonan niya sa kakahuyan dama kong alam ko ang lugar na iyon. Ang himala para sa akin ay ang makita na nagdulot ng paghahayag sa taong mayhawak ng mga susi ng priesthood ang pananampalataya kay Jesucristo ng nagkakaisang priesthood council. Nadagdagan ang kaalaman naming lahat sa araw na iyon tungkol sa kapangyarihan ng priesthood.

Ang pangalawang susi upang madagdagan ang kaalaman ay mahalin ang isa’t isa na nagmumula sa malaking pananampalataya. Hindi ko tiyak kung alin ang nauuna, ngunit ang dalawang ito ay kapwa naroon kapag may malaki at mabilis na pagkatuto sa priesthood. Itinuro iyan ni Joseph Smith sa atin sa pamamagitan ng halimbawa.

Noong nagsisimula pa lang ang Simbahan sa dispensasyong ito, siya ay tumanggap ng utos mula sa Diyos na palakasin ang priesthood. Inutusang siyang magtatag ng mga paaralan para sa mga mayhawak ng priesthood. Iniutos ng Panginoon na dapat may pagmamahal sa bawat isa ang mga nagtuturo at tinuturuan. Narito ang mga salita ng Panginoon tungkol sa paglikha ng lugar sa pagkatuto ng priesthood at ano ang katangian nito para sa mga taong mag-aaral dito:

“Isaayos ang inyong sarili; … magtayo ng isang bahay … ng pagkakatuto, … isang bahay ng kaayusan. …

“Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo.”2

Inilalarawan ng Panginoon ang nakita na natin na lakas ng priesthood council o ng isang klase na maghatid ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Paghahayag ang tanging paraan na malalaman natin na si Jesus ang Cristo. Ang pananampalatayang iyan ang unang hakbang na ginagawa natin upang matutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Sa bahagi 88 ng Doktrina at mga Tipan, sa mga talata 123 at 124, binigyang-diin ng Panginoon na mahalin ang isa’t isa at tumigil sa paghahanap ng mali ng bawat isa. Bawat isa ay tinanggap sa paaralan ng priesthood na itinatag ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng tipan na ipinakita sa pagtataas ng kamay na maging “kaibigan at kapatid … sa mga bigkis ng pagmamahal.”3

Ngayon, hindi na natin sinusunod ang paggawa ng tipan kasabay ng pagtataas ng kamay, ngunit kapag nakakakita ako ng kahanga-hangang pagkatuto sa priesthood, naroon ang mga bigkis ng pagmamahal. Muli, nakita ko ang pagmamahal na ito bilang dahilan at epekto ng pag-aaral ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang pagmamahal ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo upang pagtibayin ang katotohanan. At ang kagalakan sa pag-aaral ng mga banal na katotohanan ay lumilikha ng pagmamahal sa puso ng tao na nagbabahagi ng natututuhan.

Ang kabaligtaran nito ay totoo rin. Ang pagtatalu-talo o inggit ay nakahahadlang sa kakayahan ng Espiritu Santo na turuan tayo at matanggap ang liwanag at katotohanan. At ang kasunod na pagkabigo ay bunga ng mas malaking pagtatalo at paghahanap ng mali sa mga umaasang matututo na hindi naman nangyari.

Ang mga mayhawak ng priesthood na sama-samang natututong mabuti ay mga tagapamayapa sa tuwina. Nakikita ninyo ito sa mga klase sa priesthood at sa mga council. Ito ay kaloob na tumutulong sa tao na makita ang pagkakatulad nila kapag nakikita nila ang pagkakaiba-iba nila. Ito ay kaloob na tumutulong sa tao na makita na ang sinabi ng isang tao ay makatutulong sa halip na isiping sila ay iniwawasto.

Kapag sapat ang dalisay na pag-ibig ni Cristo at hangaring maging mga tagapamayapa, makakamtan ang pagkakaisa sa council at sa mga klase. Kailangan ng pasensya at kababaang-loob, ngunit nakita kong nangyayari ito kahit may mabibigat na isyung pinag-uusapan at magkakaiba ang pinagmulan ng mga tao sa mga council o klase.

Maisasagawa ang mataas na pamantayan na itinakda ng Panginoon para sa mga mayhawak ng priesthood sa paggawa ng mga desisyon sa mga korum. Mangyayari ito kung may malaking pananampalataya at pagmamahal at walang pagtatalu-talo. Narito ang hinihingi ng Panginoon para masang-ayunan Niya ang ating mga desisyon: “At bawat pagpapasiyang gagawin ng alinman sa mga korum na ito ay kinakailangang sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng naturan; na, bawat kasapi sa bawat korum ay kinakailangang sumang-ayon sa mga pasiya nito, upang magawa ang kanilang pagpapasiya sa gayon ding kapangyarihan o bisa sa isa’t isa.”4

Ang pangatlong tulong sa pagkatuto sa priesthood ay dumarating sa iisang katiyakan tungkol sa dahilan kung bakit tayo pinagpapala ng Panginoon at pinagkakatiwalaan na magtaglay at gamitin ang Kanyag priesthood. Iyon ay ang gumawa para sa kaligtasan ng mga tao. Ang iisang katiyakang ito ay nagdudulot ng pagkakaisa sa mga korum. Masisimulan nating malaman ang tungkol dito mula sa banal na kasulatan kung paano tayong mga espiritung anak na lalaki ay inihanda bago isinilang para sa pambihirang karangalang magtaglay ng priesthood.

Sa pagsasalita tungkol sa mga pinagkatiwalaan ng priesthood sa buhay na ito, sinabi ng Panginoon, “Maging bago pa man sila isilang, sila, kasama ng marami pang iba, ay tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao.”5

Sa priesthood kabahagi tayo sa sagradong tungkulin na gumawa para sa mga kaluluwa ng tao. Pagbutihin pa natin ang paggawa hindi lamang matutuhang ito ang ating tungkulin. Dapat itong madama sa kaibuturan ng ating puso na kahit na ang maraming gawain sa ating kabataan o pagdating ng mga pagsubok ay hindi makahahadlang sa atin sa layuning iyan.

Hindi pa natatagalan binisita ko ang isang high priest sa kanyang tahanan. Hindi na siya nakadadalo sa mga pulong namin sa korum. Namumuhay siyang mag-isa. Pumanaw na ang kanyang magandang asawa at nakatira malayo sa kanya ang kanyang mga anak. Ang katandaan at karamdaman ay naglimita sa kanyang kakayahang maglingkod. Patuloy pa rin siyang nag-eehersisyo upang mapanatili kahit paano ang lakas na taglay niya noon.

Nang pumasok ako sa kanyang tahanan, tumayo siya gamit ang kanyang walker upang batiin ako. Pinaupo niya ako sa silyang malapit sa kanya. Pinag-usapan namin ang masasayang samahan namin sa priesthood.

Pagkatapos mariin niyang sinabi sa akin, “Bakit buhay pa ako? Bakit narito pa ako? Wala akong anumang nagagawa.”

Sinabi ko sa kanya na may nagagawa siya para sa akin. Pinasisigla niya ako sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya at pagmamahal. Kahit sa maikli naming pag-uusap, nadama kong nais ko pang magpakabuti ako. Ang ipinakita niyang determinasyon na gawin ang isang bagay na mahalaga ay nagbigay ng inspirasyon sa akin na mas magsikap pa na paglingkuran ang iba at ang Panginoon.

Ngunit sa malungkot niyang tinig at tingin, nahiwatigan ko na hindi ko nasagot ang kanyang mga tanong. Iniisip pa rin niya kung bakit hinayaan siyang mabuhay ng Diyos sa gayong kalagayan na humahadlang sa kanyang kakayahang maglingkod.

Magiliw niya akong pinasalamatan sa pagdalaw sa kanya. Nang tumayo ako upang umalis na, pumasok na ang nars na nagpupunta sa kanyang bahay at nananatili ng ilang oras araw-araw roon. Sa aming sarilinang pag-uusap, may kaunti siyang ikinuwento tungkol sa nars. Sinabi niyang kahanga-hanga ang nars. Siya ay namumuhay kasama ng mga Banal sa mga Huling Araw nang halos buong buhay niya pero hindi pa rin siya miyembro.

Sinamahan niya ako palabas ng pinto. Itinuro niya ang nars at nakangiting sinabi, “Kita mo na, wala talaga akong nagagawa. Sinikap kong mapabinyagan siya sa Simbahan ngunit walang nangyari.” Ngumiti ang nars sa amin. Lumabas na ako at pauwi na sa aking tahanan.

Natanto ko na ang mga sagot sa kanyang mga tanong ay matagal nang nakatanim sa kanyang puso. Sinisikap ng magiting na high priest na iyon na gawin ang kanyang tungkulin, na itinuro sa kanya sa marami niyang taon sa priesthood.

Alam niya na ang tanging paraan upang matamo ng nars na iyon ng pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay sa paggawa ng tipan at pagpapabinyag. Siya ay tinuruan ayon sa mga tipan ng bawat pangulo ng bawat korum mula deacon hanggang sa high priest.

Naalala niya at nadama ang kanyang sariling sumpa at tipan sa priesthood. Tinutupad pa rin niya ito hanggang ngayon.

Siya ay saksi at misyonero para sa Tagapagligtas sa lahat ng sitwasyon. Nasa puso na niya ito. Ang hangarin ng kanyang puso ay mapagbago ang puso ng nars sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagtupad sa mga tipan.

Ang kanyang panahon sa paaralan ng priesthood sa buhay na ito ay maikli kumpara sa kawalang-hanggan. Ngunit kahit sa maikling panahong iyon ay naging eksperto siya sa mga walang hanggang aralin. Dadalhin niya, saanman siya tawagin ng Panginoon, ang mga aralin sa priesthood na walang hanggan ang kahalagahan.

Hindi lamang dapat sabik kayong matutuhan ang inyong mga aralin sa priesthood sa buhay na ito, kundi dapat ding maganda ang pananaw ninyo sa mga bagay na posible. Ilan sa atin ang maaaring limitahan ang ating isipan sa mga posibilidad na matutuhan ang mga ibinigay sa atin ng Panginoon sa paglilingkod sa Kanya.

Isang kabataang lalaki ang umalis sa kanyang nayon sa Welsh, nakinig sa mga Apostol ng Diyos, at sumapi sa kaharian ng Diyos sa lupa. Naglayag siyang kasama ng mga Banal patungong Amerika at sumakay sa bagon patawid sa kapatagan patungong kanluran. Kasama siya ng kasunod na grupo matapos makarating si Brigham Young sa lambak na ito. Kabilang sa kanyang paglilingkod bilang priesthood ang paghahanda at pag-aararo ng lupa.

Ipinagbili niya ang bukid sa murang halaga para magpunta sa misyon para sa Panginoon sa disyerto na tinatawag ngayong Nevada para alagaan ang mga tupa. Tinawag siya mula roon sa isang misyon sa kabilang ibayo sa mismong nayong nilisan niya sa kanyang kahirapan upang sumunod sa Panginoon.

Sa lahat ng ito, nakahanap siya ng paraan na matuto kasama ang mga kapatid sa priesthood. Dahil siya ay isang matapang na misyonero, lumakad siya sa kalsada ng Wales patungo sa malaking pag-aari ng isang lalaking apat na beses naging punong ministro ng Inglatera upang ituro sa kanya ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Pinatuloy siya ng mayamang lalaki sa mansiyon nito. Siya ay nagtapos sa Eton College at sa Oxford University. Tinalakay ng misyonero ang pinagmulan ng tao, ang mahalagang ginagampanan ni Jesucristo sa kasaysayan ng mundo, at maging ang kahihinatnan ng mga bansa.

Sa katapusan ng kanilang pag-uusap, tumanggi ang lalaki na magpabinyag. Ngunit sa paghihiwalay nila, ang lider ng isa sa makapangyarihang mga imperyo ng mundo ay nagtanong sa abang misyonero, “Saan ka nag-aral?” Ang sagot niya: “Sa priesthood ng Diyos.”

Minsan marahil ay iniisip ninyo na mas gaganda sana ang buhay ninyo kung nakapag-aral kayo sa isang mahusay na paaralan. Dalangin ko na makita ninyo ang kadakilaan ng pagmamahal ng Diyos para sa inyo at sa pagkakataong Kanyang ibinigay sa inyo na makapasok sa Kanyang paaralan ng priesthood.

Kung kayo ay magiging masigasig at masunurin sa priesthood, mga kayamanan ng espirituwal na kaalaman ang ibubuhos sa inyo. Lalakas ang kakayahan ninyong daigin ang masama at maipahahayag ang katotohanan na umaakay patungo sa kaligtasan. Matatagpuan ninyo ang kagalakan sa kaligayahan ng mga taong naakay ninyo patungo sa kadakilaan. Ang inyong tahanan ay magiging lugar ng pagkatuto.

Pinatototohanan ko na ang mga susi ng priesthood ay naipanumbalik na. Si Pangulong Thomas S. Monson ang mayhawak at gumagamit ng mga susing iyon. Buhay ang Diyos at kilalang-kilala kayo. Si Jesucristo ay buhay. Kayo ay pinili para sa karangalang taglayin ang sagradong priesthood. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.